Kabanata 1

1086 Words
Noong unang panahon, ayon sa kasaysayan ng sansinukob, ang mga Bathala ay naninirahan kasama ng mga tao. Magkaagapay ang mga ito sa paglinang ng mundo at ng kalikasan. Sinasabing sa kabundukan nagkanlong ang karamihan sa mga Bathala, habang ang mga tao nama'y sinasamba sila at namamanata sa kanila upang gumanda ang kanilang pamumuhay at bumuon ng kanilang pamayanan sa mga kapatagan. Kapag kinalulugdan kasi sila ng mga ito, sila ay pinagkakalooban ng biyaya. Ngunit hindi lahat ng mga Bathala ay nalulugod sa mga tao. Ang ilan sa kanila ay namumuhi sa mga ito. Mayroon ding napopoot at mababa ang tingin sa mga ito. Dito mag-uumpisa ang hindi pagkakaintindihan. Hindi naging batid kung ano ang naging dahilan, ngunit nagkaroon ng hidwaan ang mga Bathala at ang mga tao na nauwi sa isang digmaan. Maraming dugo ang dumanak at halos masira ang buong sansinukob sa naganap, hanggang sa maglaho na ang mga bathala. Paglipas ng panahon ay naging alamat na lamang ang tungkol sa mga ito, hanggang sa sumapit ang Riaga Zul, o ang Kapanahunan ng mga Bathala. Dito magsisimula ang ating kwento, sa karagatan ng Batok sa silangang bahagi ng sansinukob, isang Dian o maharlikang dalaga ang naglalayag sa isang payak na bangka. Tangay lamang ang isang pundina o isang lalagyang gawa sa matitibay na hibla ng abaka at rattan, nagsasagwan siya sa iisang landas. Tanghaling tapat kaya't kasikatan ng araw, ngunit hindi nagpakita ng pagkagahol ang dalaga. Hindi rin ito makikitaan ng pawis man lang. Sadyang pambihira ang naturang dalaga. Ang pangalan ng dalagang ito ay Dian Arowana bayhon Balinsasayaw, ngunit mas kilala siya bilang Arowana lamang. Malakas ang kanyang loob sa kahit ano'ng bagay, palibhasa ay hindi siya pangkaraniwan. Ngunit ngayon, siya ay mag-isang naglalayag patungo sa Daang Bathala, at walang makapipigil sa kanya kahit ano pa ang nakaambang na panganib. At kung panganib lamang ang pag-uusapan, isang malaking panganib ang paparating kay Arowana. Mayroong mga taong-dagat na kung tawagin ay mga Mangangayaw, at sila ay marahas at masasamang-loob. Nilulusob nila ang bawat bangka o karakoa na dumaraan malapit sa kanila saka nanakawin ang kanilang mga kayamanan. At kung minsan ay kinukuha rin nila ang mga natitipuhan nilang mga bata at kababaihan na kanilang ipagbibili sa mga maharlika bilang mga alipin. Nasipat na ng mga Mangangayaw sa bukana ng karagatan ng Batok ang bangka ni Arowana. At nang makita nilang isang magandang dalaga ang sakay nito'y nag-unahan pa ang mga ito sa paghuli rito. "Isang napakagandang dalaga! Marahil ay isa siyang Dian!" naglalaway na saad ng isang Mangangayaw na ang ngalan ay Kuhol. Ito ang kanyang palayaw sapagkat mahilig siya sa magagandang dilag, at kapag nakakakita siya ng mga ito ay para siyang kuhol na naglalabas ng laway mula sa kanyang bibig. "Oo nga!" sabat naman ng kasama nitong si Purol. "Ngunit isa nga ba siyang tao?" nagtatakang tanong nito sa kanyang sarili. May dahilan kung bakit Purol ang kanyang ngalan. Kung si Kuhol kasi ang tatanungin, kasing purol ng batong-luwad ang utak nito. "Anong sinasabi mo diyan, Purol? Bakit, ano ba sa tingin mo ang dilag na yan?" "Sa aking hinuha ay isa siyang Bathala! Masdan niyo ang daang kanyang tinatahak! Aba'y patungo siya sa Daang Bathala!" sagot nito kaya't nagtawanan ang mga kapwa niya Mangangayaw. "Sadyang nakakatawa ang iyong mga nasasambit, Purol," panunudyo pa ni Kuhol dito. "Ngunit alam nating hindi totoo ang mga Bathala! Kwentong-bayan lamang ang mga ito, mga panakot ng mga Katalona upang patuloy natin silang bigyan ng ginto kapalit ng kanilang mga salitang katumbas ng hiraya! Aka Tey Nupa! Bilisan niyo na ang pagsasagwan!" Hindi na sumagot ang kawawang Mangangayaw sapagkat siya ay napahiya. Hindi rin maganda na ikaw ay masisigawan ng mga katagang sinigaw ni Kuhol sa kanya. Ito ay isang uri ng pagmumura, na pagmamalabis kung tutuusin, sapagkat tama naman si Purol sa isang banda. Dahil may kinalaman nga sa mga Bathala ang dalaga. Ang akala ng mga Mangangayaw ay hindi sila napapansin ni Arowana, ngunit kanina niya pa namataan ang mga ito. Kaya binilisan niya ang kaniyang pagsasagwan. Nainis na rin siya sapagkat naabutan na siya ng isa sa mga karakoa ng mga Mangangayaw. Ang karakoa ay isang malaking bangka--- maaari itong maglulan ng hanggang isang daang tao at kadalasan ay ginagamit ito sa pakikipagdigma. At ang karakoa na humarang ngayon sa harapan ni Arowana ay puno ng mga lalaking may hawak na mga pana. Nakatutok na ang mga panang ito sa kanya. "Magandang dilag!" bati agad ni Kuhol na namimilog ang mga mata nang masilayan niya sa malapitan ang natatanging Dian. "Ano ang ginagawa mo sa gitna ng karagatan ng Batok? Mag-isa ka lamang, baka mapano ka!" Umismid sa kanila si Arowana. "Hindi niyo ba nakikitang ako'y naglalakbay?" May pagkayamot sa kanyang tinig ngunit nakakabighani pa rin naman sa pandinig. "Ganoon ba? Aba'y sarinawa! Baka kung ano ang mangyari sa 'yo rito sa laot! Sumakay ka na rito sa amin!" Binitawan na ni Arowana ang kanyang sagwan at saka siya tumayo. Hindi biro ang kanyang ginagawa dahil umaalon at masikip sa kanyang bangka, ngunit madali lang para sa kanya ang pagtayo rito. Wari siya ay isang mabining taga-aliw sa kanyang indayog. Nakadagdag pa sa kanyang halina ang sinag ng araw na mas lalong nagbigay sa kanya nang kaaya-ayang hitsura. "Kay gandang dilag!" saad ng isa sa mga tagasagwan ng mga Mangangayaw. "Sana ay wala pa siyang asawa!" dagdag naman ng isa pa. Hindi na rin nagpahuli si Kuhol. "Halika na, Dian! Ihahatid ka namin sa iyong paroroonan nang matiwasay!" Ngumiti nang pagkatamis-tamis si Arowana sa kanila kaya't nabihag na ng kanyang kagandahan ang buong karakoa ng mga Mangangayaw. "Hindi ako sumasakay sa hindi ko kilala mga ginoo," tila nahihiya namang tugon ni Arowana. "Dahil natatakot ako na baka kayo ay mga Mangangayaw..." Mababakas sa kanyang mukha ang pangamba na mas lalo pang nagpalundag sa mga puso ng mga Mangangayaw. "Naririnig ko ang tungkol sa kanila... Sila raw ay walang habas na nananalakay ng mga sasakyang pandagat at kinukuha nila ang mga dalaga at pinipilit nilang gawing asawa nila... O 'di naman kaya'y dinadakip nila ang mga ito at ipinagbibili sa mga maharlika sa malalayong bayan. Kaya't ayokong magtiwala na lamang basta. Hindi naman kayo mga Mangangayaw hindi ba?" Nagkatinginan sina Kuhol at ang kanyang mga kasama at agad na umiling ang mga ito. "Sarinawa! Hindi, hindi! Kami ay naglalakbay lang din katulad mo! Kaya halika na magandang Dian!" Ngumiti ulit si Aronawa sa kanila at sila'y naghintay sa kanyang isasagot. "Kung ganun ay sasakay na ako!" Pagkasabi niya roon ay nagpalakpakan na ang mga kalalakihan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD