Sigaw nang sigaw si Purol habang nahuhulog siya pabagsak sa lupa. Iyon lang din naman kasi ang kaya niyang gawin sa ngayon... Hindi niya naman kayang pigilan ang pagbulusok niya pababa sa lupa. At sa mga sandaling ito ay wala na siyang ibang nais kung 'di ang matapos na lang sana ang kanyang buhay sa ganitong paraan--- sapagkat mukhang buo na ang pasya ng Mahal na Dian na siya ay talikuran na nito nang tuluyan. Masakit man para kay Purol, ngunit kailangan niyang tanggapin ang naging pasya ni Arowana. Naisip niya na lamang na ito na ang kanyang nararapat na katapusan kung hindi na siya nais makasama ni Arowana, kaya nagmuni-muni na lamang siya habang nakapikit at maghihintay na lamang siya sa sandaling siya ay mawawala na.
Ngunit habang pabagsak siya sa lupa, may kakaiba siyang naramdaman. Isang himig ng isang awitin ang kanyang naririnig mula sa 'di-kalayuan, at hindi niya batid kung ito ba ay likha lamang ng kanyang malawak na isipan o may totoo talagang musika siyang naririnig sa himpapawid. At bago pa man siya makapag-isip ay doon na niya naramdaman na may kung anong bagay ang tumama sa kanyang katawan.
Mabilis ang sunod na mga pangyayari kay Purol. Ang bagay na tumama sa kanya ay tila isang buhay na nilalang, dahil nararamdaman niya itong gumagalaw, at sa kung ano mang dahilan ay tila nahila siya nito pababa nang mas mabilis pa. Bumagsak siya sa isang malambot na bagay, ngunit dahil nagmula pa rin siya sa mataas na pook kung saan siya nahulog ay masakit pa rin para sa kanya ang kanyang naging pagbagsak.
"Nagtagumpay tayo! May nahuli tayo!"
"Sa wakas! Makakakain na rin tayo masarap na huli! Matagal na mula nang huli tayong nakahuli ng malaking ibon!"
"oo nga! Tara at lapitan na natin! Ano kayang uri ng ibo iyon? Agila? Lawin?"
Napapdaing na lang si Purol sa sakit ng kanyang buong katawan habang papalapit nang papalapit sa kanya ang mga tinig ng nag-uusap na tila mula sa dalawang bata. At dahil pakiramdam niya ay mga paslit nga ang may gawa nito sa kanya, bahagyang napayapa ang kanyang kalooban. Kanina kasi ay abot-langit na ang kanyang takot nang tumama sa kanya ang kakaibang bagay na animo'y buhay na nilalang, kaya akala niya ay nadagit na siya ng kung anong halimaw na lumilipad. Ngunit nang siya ay magmulat ng kanyang mga mata, nakita niya ang bagay na tumama sa kanya habang nasa ere siya.
Nakapulupot pa rin kasi ito sa kanyang beywang kung saan siya tinamaan nito kanina. Hindi matiyak ni Purol nang una niyang masilayan kung ano ito, sapagkat hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita ngayon. Ang buhay na bagay kasi na nakapulupot sa kanyang beywang ay isang dambuhalang uod--- o linta. Hindi niya talaga batid kung ano nga ba ito, ang alam lang niya ay nakakatakot itong tingnan lalo na ang pabilog nitong bibig na kasing laki na ng ulo niya. Gumagalaw din ito at naramdaman niyang mas lalo itong humihigpit sa pagpulupot sa kanya habang kumikilos siya.
Doon na siya napahiyaw. Ang buhay na bagay na nakapulupot sa kanya ay wari isang halimaw, kaya naman napatayo na si Purol sa takot. Naisip niya kasi agad na kung isa ngang dambuhalang linta ang bagay na ito, ay mauubos laagad ang dugo niya sa lalong madaling panahon kapag hindi niya ito agad natanggal mula sa kanya!
"Argh! Ano ang bagay na ito?" sigaw niya sa takot, at pilit niya itong inaalis mula sa kanya kahit na ayaw niya sana itong hawakan. Nakakadiri rin kasi ang wangis nito, lalo na't ngayon lamang nakakita si Purol nang uod o linta na ganito kalaki!
"Pong, tingnan mo, hindi pala ibon ang ating nahuli kung 'di isang tao!" sigaw ng isang bata na dumating na sa kung nasaan si Purol. Doon lamang napatingin si Purol sa kanyang paligid. Nakita niyang siya ay nasa talahiban sa isang bundok. Nasabi niyang bundok ang kinaroroonan niya sapagkat sa harap niya ay isang bangin... at nang tumingin siya sa ilalim nito ay may kagubatan doon na kapag mahulog siya doon ay tiyak hindi na siya mabubuhay pa.
"Oo nga! Ngunit paano nangyari iyon? Paanong may nahuling tao ang pa-in natin sa himpapawid?"
"Aba, anong malay ko?" sagot ng isa sa dalawang batang lalaki na sa tantiya ni Purol ay nasa walo hanggang sampung taong gulang. Pinagmasdan niya pa nang maigi ang dalawa, kaya napansin niya rin kaagad na tila magkamukhang-magkamukha ang dalawa. Mula ulo hanggang paa, tila walang pinagkaiba ang wangis nilang dalawa, at kahit ang kanilang kasuotan ay parang pinagbiyak na bunga.
"S-Sino kayong mga bata kayo?" tanong ni Purol sa kanila nang mahimasmasan siya mula sa kanyang pagkakabigla sa mga nangyari. Mula sa pagkahulog niya mula sa sasakyang panghimpapawid ni Handiwa mula sa dambuhalang halimaw na uod na nasa kanyang beywang ngayon hanggang sa pagsulpot ng dalawang batang ito na tila mga mangangaso, ay hindi pa siya nakakabawi. Ngunit kailangan niyang malaman kung sino ang mga batang ito kaya nilakasan na niya ang loob niya kahit na ang totoo ay natatakot na rin siya.
Bigla niya kasing naalala ang isang pook rito sa Daang Bathala na kilala bilang mga mababangis na mga Tagalipol. Ang mga Tagalipol ay isang lahi ng mga taong namumuhay sa kakahuyan at bihasa sila sa lahat ng uri ng pakikipaglaban. Kinatatakutan sila ng ibang mga tao sapagkat sila ay mahilig mamugot ng ulo ng kanilang mga nagagaping kalaban. Sa katunayan nga, ang kanila raw bayan sa gitna ng kagubatan ay napapalibutan ng mga bungo ng tao na ginagawa nilang palamuti. At naalala ni Purol ang mga Tagalipol na iyon dahil napansin niyang may suot na kuwintas ang magkamukhang batang ito na sa kanyang palagay ay buto ng tao.
"Kami ang dapat magtanong niyan sa 'yo, ginoo," ani ng isa sa mga bata. Ang isang ito ay may sandatang hawak na yari sa bakal. Ang sandatang ito ay isang tanikala na may kalawit sa dulo. Habang ang isa naman sa mga bata ay may palaso na nakatutok din ngayon kay Purol. "Sino ka at bakit ka nasa langit?"
"Nahulog ako mula sa isang sasakyang panghimpapawid," matapat na sagot ni Purol sa mga bata. "Oo, tama ang narinig niyo mula sa akin. Alam kong hindi kayo maniniwala ngunit iyon ang katotohanan. Ngunit teka lang, bago tayo magkuwentuhan, maari niypo bang alisin muna sa akin ang dambuhalang uod na ito sa akin? Ano ba ito? Dambuhalang linta?"
Natawa ang isa sa magkamukhang bata. "Hindi mo alam ang hayop na yan? Iyan ay uod ng dambuhalang gagamba na nakatira sa bundok na ito. Ginagawa namin 'yang pa-in sa mga ibon na hinuhuli namin."
"G-Ganoon ba? Kung ganoon ay hindi nito sisipsipin ang dugo ko?"
Umiling silang dalawa. "Hindi mapanakit ang uod na yan. Ngunit dumidikit nga siya sa kahit anong bagay na napapalapit sa kanya, at kaagad niya itong pinupuluputan ng kanyang sapot na hindi nakikita ng ating mga mata. Maganda siyang gawing panghuli ng ibon."
"At tao na rin," dagdag ng isa at nagtawanan na ang dalawa.
"Kung ganoon, alisin niyo na ito sa akin upang makalaya na ako. Hindi ko namalayan kanina ngunit tama kayo, kaya pala ako hindi makagalaw nang maayos ngayon ay dahil may sapot na nakabalot sa akin mula sa uod na ito..."
"Tama ka... Hindi mo nakikita ang sapot niya, 'no? Maganda ngang gawing sandata ang sapot ng hayop na iyan," pagmamalaki pa nila kay Purol.
"O siya, alisin niyo na yan sa akin."
Nagkatinginan muna ang dalawa bago sila muling magsalita at sa pagkakataong ito ay masama na ang kutob ni Purol. "Ginoo, nagkakamali ka yata ng akala. Sino ba ang nagsabi sa iyo na pakakawalan ka namin?"
"Ano? Hindi niyo ako pakakawalan?"
"Tumpak. Bakit ka naman namin pakakawalan kung kusa ka namang nagtungo rito kung saan kami nangangaso? Hindi ka naman tagarito sa amin kaya ikaw ay nanghimasok sa aming lupain. At ang kaparusahan sa ganoong kabigat na kasalanan ay kamatayan. Kaya humanda ka ginoo, sapagkat gagawin ka na naming pananghalian ni Ayu mamaya."
Nahintakutan na si Purol sapagkat mukhang tama nga siya ng hinala kanina! Ang mga bata ngang ito ay mula sa lahi ng mga Tagalipol, at mukhang dito sa kanilang lupain siya bumagsak! Kung minamalas nga naman siya, at baka mapugutan pa siya rito ng kanyang ulo!
***
"Ano'ng ginawa mo kay Purol?" pasigaw na tanong ni Abiya kay Arowana. Nakadaong na sila rito sa bayan ng Kamyas, ngunit dahil natulog siya kanina sa caragoda ay hindi niya alam na itinulak pala ng Bakunawa ang kanyang dating kasintahan upang mahulog ito sa kung saan. "Napakasama mo! Hindi ko mapapalampas ang ginawa mo---!"
"Tama na, Abiya. Huwag ka nang mag-alala kay Purol. Buhay pa siya, dahil kung siya ay matay sa ginawa ng Bakunawa, 'di sin sana ay naglaho na rin nang tuluyan ngayon. Baka nakakalimutan mo na, kapag pinatay niya si Purol ay maglalaho na rin siya nang tuluyan mula dito sa mundong ibabaw."
"Kahit na!" ani Abiya na tila galit na galit pa rin sa kabila ng katotohanang buhay pa rin naman si Purol. "Hindi ko pa rin mapapalampas ang ginawa ng Bathalang ito! Kung alam mo lang kung paanong nagmakaawa si Purol sa akin upang gamutin ka mula sa lason ng palaso na tumarak sa iyo! Muntik na kaming hindi na magkasundo pang muli---"
Natawa si Arowana sa tinuran ni Abiya. "Aba, at para namang napakalaking bagay ng ginawang iyon ni Purol? Sa pagmamakaawa niya sa 'yo na iligtas ako ay inililigtas din niya ang sarili niya! Alam kong dadapuan siya ng isang sumpa sa sandaling ako ay mamatay! Kaya huwag mo akong patawanin, Catalona! Makasarili pa rin ang Mangangayaw na yun at walang utang na loob!"
"Ikaw ang huwag magpatawa riyan," matapang na sagot naman sa kanya ni Abiya. "Hindi natatakot sa kahit anong sumpa si Purol, sapagkat isa akong Catalona. At alam kong batid mo na may kakayahan kaming mga Catalona na magtanggal ng mga sumpa, hindi ba? Kaya ikaw ang nakakatawa sapagkat sinubukan mong patayin ang isang taong walang ginawa kung 'di ang isaalang-alang ang kaligtasan mo. Nagpanggap pa siyang walang alam tungkol sa kakayahan kong magtanggal ng mhga sumpa upang gamutin lamang kita, ngunit ito ang iyonfg ibabalik sa kanya? Tunay nga ang sinabi ng mga naunang Catalona sa akin. Ikaw nga ang Bathalang may pinaka-walang puso."