"Walanghiyang damuhong 'yon."
Kahit papaano ay tinablan si Lara sa mga hirit ni Eman. Naghihimutok siya. Pinapamukha pa talaga nitong hindi siya kaaya-aya. Wala naman siyang pakialam sa pisikal na anyo, pero kakatwang bumaon sa puso ang pang-aalipusta nito sa hitsura niya ngayon-ngayon lang. Inaamin niya naman, milya-milya ang layo niya sa kagandahang meron si Isabella. Wala siya noon. Kahit kalingkingan.
'Over my dead body raw.'
Hambog!
'Di naiwasang mapatingin siya sa salamin sa China cabinet sa kusina. Ang cabinet na iyon ang naglalaman ng mga mamahaling babasagin sa mansion na tanging sa mga espesyal na okasyon lang nagagamit. Talaga nga namang hindi siya kawili-wili. Sa pinakaunang pagkakataon ay nakaramdam siya ng insecurity sa sarili. Kaya naman itinali niyang mabuti ang buhok na wala nga naman sa ayos. Basta na lang kasi iyon inililipad ng hangin habang sakay siya ng bisekleta pauwi. Inipit niya sa likod ng tenga ang ilang takas na buhok. Nasa ganoon siyang ayos nang bigla na lang lumitaw si Eman sa tabi niya. Nakangiti at halatang nanunudyo na naman.
Parang hindi pa tapos ang kumag.
"Uy, apektado siya sa sinabi ko."
Sinimangutan niya ito. Sa talagang napipikon siya sa kaibigan ha. Binalewala niya si Eman at pinagkasyang sa paghahanda ng meryenda ni Isabella ituon ang buong atensyon. Kasama iyon sa mga responsibilidad niya sa bahay na ito. Naghugas muna siya ng kamay sa gripo at sinabong mabuti ang kamay gamit ang liquid soap at nagsuot ng apron. May iba pang katulong sa kusina pero sa kanya nakatoka ang specific task na ito.
"Hoy!"
Nagulat siya nang biglang kalabitin ni Eman ang tagiliran niya. Muntikan na siyang mapasigaw.
"Ano ba?" Pinandilatan niya ito. Halos mabitawan na niya ang baso na lalagyan niya sana ng guyabano juice mula sa pitsel.
"Bati na tayo. Sige na, oh."
"Sumisipsip ka lang. Takot kang hindi pakainin ng meryenda."
"Magtigil nga kayong dalawa riyan," si Nana Berta na kapapasok lang ng kusina mula sa kung saan. Malamang sa hardin sa likod bahay dahil may bitbit itong bungkos ng tanglad. Ito ang mayordoma sa pamamahay na ito at ang pinakamatagal na naninilbihan sa mansyon. "Yong mga laging nagbabangayan, iyon ang mga nagkakatuluyan sa bandang huli," anito na hinugasan ang mga dahon sa stainless steel sink.
"Sus! Mukha nito, Nana. Hindi ho ako ang type niyan. May iba ho 'yang gusto."
Kumunot ang noo ng matanda. "Sino naman gayong kayo lang ang laging magkakasama at madalas na nag-uungutan?"
Madalas nga silang napagkakamalan sa eskwelahan dahil umaga at hapon silang magkasabay na pumapasok ni Eman sa eskwela at kahit sa pananghalian. Noon yon, nong hindi pa ito nabighani sa ganda ni Isabella. Ngayon ay halos liparin na nito ang pagitan ng eskwelahan kada hapon para lang makapunta rito. Sa umaga na nga lang sila nagkakasabay.
“Sino nga, Lara?”
"Si I-"
Naparam ang sasabihin niya nang takpan ni Eman ang bibig niya. Matangkad ito at matipuno dahil batak sa trabaho ang katawan kaya nahihirapan siyang alisin ang kamay at malabakal na braso nito. Sa tindi ng pagkakasubob nito ng kamay sa bibig niya at sa paghawak ng isa pang braso sa batok niya at napasubsob siya sa katawan nito.
Swear, ang lagkit ni Eman nang dahil sa pawis pero kakatwang hindi masangsang sa ilong ang amoy nito. Parang ang bango pa nga at ang sarap amuyin. Saka ang pintig ng puso nito parang kaysarap pakinggan. Parang dagundong ng musika.
"Lara, 'yong juice ko."
Kapwa sila umayos ni Eman. Dagli siya nitong nabitiwan. Walanghiya talaga at muntikan na siyang mawalan ng panimbang. Inirapan niya ito. Si Isabella lang pala ang makapagpapabait sa damuhog at kesehoda nang may mangyari sa kanya.
Bruho talaga!
"Hi Eman," sa malambing na boses ay bati ni Isabella sa lalaki. Sa lahat ng nasa loob, si Eman lang talaga ang binate nito. Epic 'yon ha, sa isip-isip niya.
Napatingin siya kay Eman. Nakakatawa talaga ang hitsura nito. Tinakasan ng kulay ang mukha. Putlang-putla. Ang magagandang pares ng mga mata ay nababahiran ng pagkataranta. Gusto niyang bumunghalit ng tawa dahil sa tuwina ay napaka-confident nito. Tiklop pala pagdating sa magandang amo. Pagkakataon na sana nito na makausap ang crush pero natameme. Naputulan ng dila ang mokong.
"Iaakyat ko na ito sa kwarto mo, Ma'am."
Bagama't halos magkaedad ay ma'am kung tawagin niya si isabella.
"Do'n na lang sa pool dalhin, Lara."
Mukhang maliligo ang amo. Heto at nakasuot ng itim na one-piece black swimsuit na napapatungan ng tuwalya sa katawan. Lumabas tuloy ang malamodelo nitong pigura at mas tumitikngkad ang pagiging mestiza. Kaya naman pala parang asong ulol na naglalaway itong si Eman habang sinusundan ito ng tingin. Kahit kasi sakong nito ay tila nagrireflect sa kaputian.
Pinakatitigan niya ang kabuuan ni Eman. Sunog ang balat nito dahil laging bilad sa araw at may angking kakisigan dahil batak sa trabaho ang katawan. Maganda naman ang tindig, mala-Aljur Abrenica nga, matangkad at gwapo pa. Matangos ang ilong, malalantik ang mga pilikmata na pumares sa mapupungay na mga matang tila nangungusap at may mapuputi't pantay-pantay na mga ngipin at may mamula-mulang mga labi.
Gwapo naman ang mokong. Sa school nga nila ay maraming nagkakagusto rito at madalas siya ang tinatanong ukol dito dahil magkaibigan sila. Kung tutuusin pwede naman itong matipuhan ni Isabella. Ang tanging kapintasan lang nito ay ang pagiging pobre.
"Ano na naman?"
Nagulantang siya nang magsalita si Eman. Kanina pa pala siya nakatitig rito na tila wala sa sarili. Sa takot na baka mag-isip ito ng masama ay nasabi niya na lang, "umandar ang pagiging manyakis mo."
********
“Himala sa lahat ng himala.”
Nakaingos na natatawang nilampasan lang ni Lara si Eman na nakapamulsa pa habang naghihintay sa kanya sa himipilan ng mga bisekleta nila. Kung makatindig, para itong kung sinong modelo ha.
“Nasaan ang bike mo?” kinakalas na niya ang bisekleta na nakakadena at akmang sasakay na nang pigilan ni Eman.
Trip nito?
“Sabay tayong umuwi.”
“Wow ha! Bago 'yan.”
Wala si Isabella, nasa Maynila at doon magwi-weekend kaya natapunan siya ng pansin. Excited ba siya? Nagtatampo pa kamo. Lagi na lang siyang naiitsapwera. Masisisi ba naman niya ito? Eh, in love, eh.
“Tabi ka na nga diyan.” Sinungitan niya ito. Ano siya, panakip-butas sa boredom nito?
Neknek mo, Eman.
“Ang sungit nito. Pagkakaalam ko hindi ka pa niriregla.”
Tumirik ang mga mata niya. “Nanunuyo ka ba sa akin o nananadya?”
Imbes na suyuin siya nito ay tinutudyo pa.
"'Wag na kasing maraming angil."
Wala na siyang nagawa pa nang kusa na nitong inagaw ang bag niya at isinukbit sa balikat.
Sumampa ito sa bisekleta at sinenyasan siyang umangkas sa likuran nito gamit ang nguso.
“Perwesyo.”
Pero sa totoo lang ay natutuwa siya at nakakasama ito. Na-miss niya rin naman ang kaibigan.
Habang daan ay umaapaw ang kwentuhan nila at pumuno ang halakhakan.
Dinala pa siya nito sa painitan nina Giselle at nilibre siya ng suman at tsokolate. Maaga pa kasi.
Sobrang saya lang ng araw na ito. Hindi niya maunawaan kung bakit basta iisa lang ang alam niya, masayang-masaya siya.
Sana pala laging wala si Isa pero alam niyang masama ang hiling na iyon.
Napatda siya sa iniisip niya. Parang ang sama naman niyon.