1

750 Words
"Hanep, ah. Lumuluwa na 'yang mga mata mo." Napapitlag si Eman nang marinig ang pangungusap na iyon. Ang makulit na kababata na naman niyang si Lara. Kaagad niyang binawi ang paningin nang makitang nakasunod doon ang titig nito. As usual, kay Isabella na naman nakapako ang mga mata niya. ‘Di man lang niya namalayan na nasa mismong tabi na niya si Lara. Gaya ni Isabella ay kadarating lang nito mula sa eskwela sa pampublikong paaralan sa lugar nila. Ang kaibahan lang, imbes na isang magarang sasakyan, lumang bisekleta ang kinalululanan nito. Kumaway si Isabella sa direksyon ni Lara. Sana man lang kasama siya sa kinawayan nito. Parang may banda sa kanyang dibdib nang bahagyang sumabit sa gawi niya ang paningin nito. Para na siyang naka-jackpot. Hanggang tingin lang kasi siya sa malayo. Prinsesa ito, hamak na substitute gardener naman siya ng Tata Cedro, ang hardinero sa mansion. Parang blessing in disguise na pansamantala siyang humalili sa tiyuhin, kung hindi, hanggang sa mga kwento lang ni Lara niya malalaman na maganda nga si Isabella. Ang crush niya. Simpleng uniporme man ang suot nito, lumilitaw pa rin ang angking kagandahan at alindog sa kabila ng batang edad nito. Matangkad, maputi, sexy, makinis. Diosa ito sa paningin niya. Ang Kendall Jenner ng buhay niya. Ang mamula-mulang balat ay mas lalong tumitingkad nang tamaan ng paghapong araw. Ang ganda niya. Saan mang anggulo, napakaganda nitong tingnan. Lahat kay Isabella ay kahali-halina. Ang saklap lang at tanging sa malayo niya lang ito kayang hangaan at mahalin. Ano nga naman ba ang kayang ipagmalaki ng isang ulila at hamak na hardinero lamang? Para siyang asong kalye na tumatahol sa buwan. Napabuntung-hininga siya. ‘Balang araw, magiging akin ka rin. Pinapangako ko sa sarili ko.’ Suntok sa buwan ang pangarapin ito pero sa puso niya ay sigurado na siya- ito ang babaeng pakakasalan niya. Balang-araw. "Lumiban ka pa talaga sa klase. Ginagawa mong excuse ang pagbubungkal ng lupa," tila nanenermong wika nito habang kasalukuyang bumababa ng bike. “Para lang ano? Para masilip ang crush mo? Iba talaga ang tama mo sa kanya.” Naglakbay na naman ang utak niya at nakalimutang may katabi siyang bubuwit. Magkaibigan at magkababata sila ni Lara at dating magkapitbahay nong hindi pa ito pumisan sa mansion. Nang maulila ito ay ang mag-asawang Cordova na ang umako sa pagpapaaral dito. Tanging si Lara lang ang nakakaalam ng lihim niya. Kahit kasi maglihim siya nababasa nito ang kilos niya. May pagka-Madam Auring yata. "Hindi ako lumiban. Hindi lang talaga dumating ang dalawang teachers ko." "Palusot ka pa riyan." Kung makapagsalita itong si Lara ay para bang napakalaki niyang sinungaling. Minsan ay 'di niya maiwasang mainis rito lalo sa mga pagkakataong ganito. "Magkakagusto ka rin lang sa isang tagalangit pa. Ang hirap kayang umakyat sa langit." Tunay na napikon siya roon ha. "Bakit, kanino ba ako dapat magkagusto? Sa 'yo?" Sinadya niyang buntutan ng tawa ang sinabi. Nakita niya kung paanong nawala ang kulay sa mukha ni Lara pero panandalian lang yon. "Hoy, Eman! Dahan-dahan ka sa pananalita mo ha at baka dumating ang araw na magkakandarapa ka sa akin," nakaingos nitong turan habang nakaekis ang mga braso sa gawing dibdib. Tsk, kung darating nga. Pinasadahan niya ng tingin ang kabuuan ni Lara. May kaitiman ito, dahil kapag wala sa mansion ay nakikitulong ito sa sakahan kahit di naman kailangan. Katwiran nito, nakakahiya sa mga nagpapalamon rito. Di uso rito ang payong. Payatot rin ito at unat na unat ang lagi nang nakapusod na buhok. In short, malayong magugustuhan niya. Mabait ito pero walang finesse ang kilos kasi nga ay magkikinse pa lang ito. "Over my dead body! Mamamatay muna ako bago kita magustuhan." Sa pangalawang pagkakataon ay sumama ang templa ng mukha ng kausap. Tila tinablan ito. Sumobra yata ang parunggit niya. Out of line na siya. "Sinabi mo 'yan ha, walang bawian." Mas hindi na maipinta ang mukha ng napipikong si Lara. Nagmartsa itong nakasimangot at naniningkit ang mga mata. "Maligo ka muna ng mga sampung beses bago kita magustuhan." Huminto ito sa paglalakad at nakapameywang na humarap sa kanya. Kahit umuusok na ang ilong nito ay naku-kyutan pa rin siya rito. "Hoy! Eman delos Reyes, ikaw kaya ang magbabad sa batis at nangangamoy kilikili ka. Ang dugyot mo pa. Ewe!” Umakto itong nababahuan sa kanya. Itinakip sa ilong ang kamay at exaggerated na pinintahan ng pandidiri ang mukha. Umakto pang nasusuka. "Pikon!" "Ambisyoso!" Ambisyoso nga talaga siguro siya. Katwiran niya, paghanga lang naman. Wala namang mawawala sa paghanga lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD