3

2037 Words
"Wala pa ba si Mang Fermin, Lar?" Nalulukot na ang magandang mukha ni Isabella na paroo't parito sa sala. Siya na nagpapakain ng goldfish sa aquarium ay naliliyo na rin. Padabog itong naupo sa sofa at pinagkrus ang dalawang mahahaba at makikinis na mga hita na exposed sa maiksi nitong pink cocktail dress at pinag-ekis ang dalawang braso sa dibdib. Kahit nakasimangot, ang ganda pa rin talagang tingnan ng amo niya. Mukha itong tinatantrum na prinsesa. "Mamaya, ma-late ako sa party ni Chloe," nakanguso nitong angil. Si Chloe ay isang anak mayaman din na kasalukuyang nag-aaral sa Maynila. Kilalang spoiled brat at mabisyo. Itinuturing niya itong bad influence kay Isabella dahil liberated ito. Sa mga pagkakataong nag-chaperone siya kay Isabella sa mga parties nito ay naiiling na lang siya sa sa kalandian nito. Minsan nga nahuli pa niya itong nakipaglampungan sa isang lalaki. 'Di na talaga nahiya. Kahit paano naman ay mabait si Isabella. May malasakit ito sa kanilang mga katulong. Palibhasa ay nakuha nito ang kabaitan sa ina nitong si Vera. Ang ama naman nitong si Greg Cordova ay ubod ng tahimik at seryoso. Hindi palakibo. Parang naalala pa nga niya sa katauhan nito ang mafia boss ng pelikulang Godfather. Kapag nasa bahay nga ito ay nangingilag silang mga kasambahay. Kaya, mas malapit talaga sila kay Ma’am Vera. "Honey, hindi muna makakabalik si Mang Fermin, nagkasakit daw," si Vera, ang butihing ina ni Isabella, papanaog ng hagdanan habang kausap sa cellphone si Mang Fermin na sa kabilang bayan pa nakatira. "Mom, I can't miss Chloe's birthday." Kung maaari nga lang niya itong pigilan na makipaglapit sa babae pero ano ba ang karapatan niya? Kailangan niyang lagyan ng boundary ang sarili dahil dakilang alalay lang naman siya. Isa pa, ang mga pagtitipong gaya ng kay Clhoe ay sinasabing it sa mundo ng mga ito. "Wait!" May sinabi si Mang Fermin sa kabilang linya. "Si Eman?" ang malinaw na nahagip ng tainga niya. "Lara, pakitawag mo nga si Eman," utos ni Vera matapos ng pag-uusap nito at ng driver. Tumalima naman siya kaagad. Tapos na rin naman siya sa pagpapakain sa nga alagang isda. Pinuntahan si Eman na kasalukuyang nagdidilig ng mga halaman sa hardin. Habang tinititigan ito sa malayo ay 'di niya maiwasang mapangiti sa ayos nito. Nababasa na rin pati damit nito na natitilamsikan ng tubig mula sa hose. Bumabakat tuloy sa puting t-shirt na suot ang masels nito. Partikular na napako ang mga mata niya sa namumutok na tila mga pandesal sa gawing tiyan nito. Kumunot ang noo niya. 'Yon ba yong sinasabing pandesal? Abs? 'Yong madalas ikatili ng mga babaeng kaklase niya kapag lumalabas na si Machete sa TV? Ay ewan. Para kasing naieskandalo siyang nakatitig roon at tila ba nag-iinit ang sulok ng pisngi niya na hindi niya maintindihan. May kasama pa iyong tila paninindig ng mga balahibo. Sa tanang buhay niya ngayon lang siya nakaramdam ng ganito. Bakit kasi biglang mas tumingkad pa ang kagwapuhan ni Eman habang nasisinagan ito ng araw? At bakit parang nag-slow motion ang lahat? At ang dibdib niya ay bigla na lang nagiging iba ang kalabog. “Lara?” Para siyang natuklaw ng ahas na nagising mula sa mahabang paglalakbay nang marinig ang boses ni Eman. Nakatitig na pala ito sa kanya at lahat nang hindi man lang namamalayan. "T-tawag ka ni Ma'am." Ini-off nito ang water hose. "Bakit daw?" nagpapapagpag ito ng basang kamay. Sa ginawa nito ay gumagalaw-galaw pa ang mga masels nito. Parang nakakapasong tingnan na kung tutuusin ay palagi niya namang nakikita iyon sa araw-araw. "Malay," nasabi na lang niya na ibinigay ang towel na nakaluklok sa apron. Iniiwasan niya ang mapatitig muli sa katawan nito o sa mukha nito. Baka kasi makahalata itong nagmumukha na siyang aligaga. Parang nakakapaso na rin kasing titigan si Eman. Nag-iinit ang mga mata niya na 'di mawari. "Ano'ng gagawin ko rito?" Tumirik ang mga mata niya ngunit sa ibang direksyon pa rin nakatitig. "Akala ko ba matalino ka. Eh, 'di ipamunas mo. Andiyan si Isabella sa loob." Binanggit lang niya si Isabella, napapasunod kaagad ang mokong. Nakakatawa si Eman, pagdating kay Isabella ay nag-iiba ang katauhan. Ilang saglit lang ay nasa harapan na ito ng mga amo at parang matikas na sundalo sa harap ng mga ito, ubod ng seryso ang mukha. "Marunong ka raw mag-drive?" Matamang sinuri ni Vera ang kabuuan ni Eman habang prenteng nakaupo katabi si Isabella na ang cellphone ang pinagdidiskitahan. "Opo, Ma'am. Nakapag-TESDA po ako." Hindi man gumagalaw si Eman ngunit ang mga mata nito ay naglilikot at hinihigop papunta kay Isabella. Wow, parang biningwit na gold fish lang, ah. "May lisensya ka na, Eman?" 'Ang swerte ng mokong samantalang may iba naman na pwedeng humalili kay Mang Fermin.' Naroon si Mando, isa sa mga bodyguards ng ama ni Isabella. "Opo, Ma'am. Eighteen naman na po ako. Kinuhanan po ako ni Tata Cedro." Nahinto ng dalawang taon sa eskwela si Eman nang maulila ito kaya nga sa edad na dise otso ay nasa high school pa rin ito. Kung tutuusin ay maaari naman itong kumuha ng placement test pero katwiran nito ayaw nito ng shortcut sa pag-aaral. "Wala si Mang Fermin ngayon. Nasa kanila pa kaya sa iyo ko na muna ipagkakatiwala si Isabella." "P-po?" Halos lumuwa ang mga mata ni Eman sa gulat. Nahihirapan nitong i-absorb at paniwalaan ang aksidenteng grasya. "Lara, ikuha mo ng polo sa storage si Eman. Tsaka, ikaw na rin Lara maghanda ka. You'll accompany Isabella for the night." Sa lahat ng ayaw niya ay ang social circle na kinabibilangan ni Isabella na ubod ng aarte at kaplastikan. Si Isabella lang yata ang mabait sa mga yon. "Ba't nakabusangot ka?" tanong ni Eman nang Magkaagapay na silang naglalakad patungo sa storage na kahanay ng servant's quarters. Patungo roon ay kailangan pa muna nilang dumaan sa kusina. Mula sa backdoor ng kitchen ay ang katabing pintuan ng storage. Doon nakaimbak ang iba-ibang bagay kasama na nga ang mga uniporme ng mga papasok na kasambahay o driver. Provided iyon ni Ma’am Vera. "Bakit ang saya mo?" balik-tanong niya naman. Siguradong lumulundag ang puso ni Eman ngayon. Mapapalapit ba naman kay Isabella. Sa ultimate crush nito. Tingin niya hindi na lang iyon simpleng crush. Mas malalim pa. Pumasok sila sa malaking storage room. May malalaking cabinets sa loob na pinaglalagyan ng kung anong mga bagay na masinop na nakagrupo depende sa klase. Para raw madaling mahanap. Totoo naman. Isang bukasan pa lang ng drawer at nahanap na niya kaagad ang pakay. Kulay asul na polo na masinop na nakatupi. "O, ipampalit mo," binigay niya kay Eman ang nahalungkat na uniporme. "Bilis na." "At sa harapan mo pa talaga ako magpapalit?" Tumirik ang mga mata niya. "Ang arte para namang 'di ka naghuhubad noon kapag naliligo tayo sa batis." Noon, nakakaya pa niya itong titigan pero ngayon mukhang hindi na yata ngayon. Naalala na naman niya ang nangyari sa hardin. "Doon ka nga. Exclusive ang katawan ko, 'no." Kahit papano ay nasaktan siya ha pero itinago niya. "Neknek mo!" Nakaismid niyang iniwan ito at hinintay na lang sa labas ng pintuan. Ilang saglit lang ay lumabas din ito. In fairness, driver's uniform lang pero nagmukhang tao at mabango. Naging mas matikas pa ang tindig nito. "Tayo na." Una na siyang humakbang kasunod ito pabalik ng kusina. "Hindi ka na magpapalit?" "Eman, hindi naman tayo makikipagsosyalan doon," sagot niya na bahagyang nakalingon rito. Sa kotse din lang naman sila o 'di kaya sa isang sulok kasama ang iba pang yaya at chaperone ng ibang mga anak-mayayaman na dadalo. Sa sirkulo ni Isabella, outcast sila. Wala silang karapatang makihalubilo. "Ma'am, handa na po si Eman." "Ihanda mo na ang kotse, Eman." Nauna na nga si Eman sa labas habang siya ay nilapitan si Isabella at binitbit ang payong at purse nito. “Bye, Mom.” “You take care of yourself, okay?” Inihatid pa sila ni Vera sa kotse. Sobrang mahal nga ng amo ang unica hija. “Eman, you take care of my daughter, okay?” “Yes, Ma’am.” Binuksan ni Eman ang pintuan sa backseat at hinintay na makapanhik si Isabella. Ilang sandali pa ay magkatabi na sila ni Eman sa harapan ng kotse habang si Isabella ay prenteng nakaupo sa likuran at patingin-tingin lang sa nadaraanan. Si Eman naman ay ubod seryosong nakatuon sa kalsada ang buong atensyon ngunit di maiiwasang sulyapan ang mahal nito sa rearview mirror. Samantalang siya ay pangiti-ngiti lang na isinandal ang ulo sa bintana ng kotse at tahimik na kinakantiyawan si Eman. Sa tanang buhay niya, ngayon lang natahimik ng ganito si Eman. Kung tutuusin ay nakabibingi angi katahimikang namamayani sa loob. Sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay tila nawalan siya ng ikikwento sa kaibigang gayong hindi maubus-ubos ang kwento niya rito. Kahit ang unang araw na may period siya, alam nito. Nakakaasiwa lang ang katahimikan. Nag-isip siya ng mapagkikwentuhan, to break the ice. "Ma'am, okay lang ho ba'ng driving ability ni Eman?" 'Yon ang naisip niyang topic. Isa pa, na-miss niyang biru-biruin si Eman na tanging kay Isabella lang nagiging speechless samantalang magaling naman itong debater sa eskwelahan nila. "Okay lang naman, it feels kinda safe." Kinindatan niya si Eman. Alam niya, kumakabog na ang dibdib nito. Nag-aalburuto na ang puso. "Ganito talaga si Eman. Pag itong kasama mo, safe ka talaga." Totoo naman ang sinabi niya. Dahil lumaking walang mga magulang at tanging ang nag-ampon na si Mang Cedro lang ang kasama ay responsable ito sa buhay. "Ang dami kayang nagkakagusto nito sa school namin. Gwapo kasi, eh, at mabait." Halong pambibuild-up na 'yon. Sinulyapan naman siya ni Eman, halatang pinatitigil siya. "Classmates kayo?" Hinarap na niya si Isabella. "Hindi ho. Magka-college na ho ito at class valedictorian ng batch nila. 'Di ba ang galing?" "Lara, hayaan mong magsalita si Eman." Bahagyang natawa si Isabella sa inasal niya. Ang childish nga talaga siguro niyang tingnan. Binalingan ni Isabella si Eman pagkatapos. "So, magka-year level pala tayo. Gosh, I didn’t know that." Buong-buong nakuha nila ang atensyon ni Isabella. Tumaas pa ang isang gilid ng bibig nito. "Saang school ka mag-aaral sa pasukan?" kay Eman na ito direktang nagtanong. Curios na nakatingin sa lalaki. "Depende ho kung saan papalaring makapasa. Hindi pa naman ho lumalabas ang results ng mga entrance exams at scholarships." Ubod naman ng galang kung si Isabella ang kausap samantalang balahura pagdating sa kanya. Ginugulu-gulo pa ang buhok niya. "UP at PUP ang pinagpipilian nito, Ma'am," susuog pa niya. Kung may isa mang proud sa mga magagandang katangian ni Eman, siya yon. Matalik niya itong kaibigan. "Ang talino mo naman at ang sipag din. Biruin mo napagsasabay mo ang paghahardinero at school." Papuring nagpapula ng mukha ni Eman. "Talaga. Pwede ho kayong magpa-tutor kay Eman?" "May tutor naman na ako ah." Nahihimigan niya ng panghihinayang ang boses nito. "Naku, walang binatbat yong tutor dito.” Tinapik pa niya ang kanang bisig ni Eman. Gusto niyang matawa dahil tila nag-iinit ang balat ng kaibigan. “Inglesera nga lang." Kapag nahihirapan siya sa mga aralin ay kay Eman siya nagpapasaklolo. Dumaan ang ilang saglit na katahimikan. Tila nahuhulog sa malalim na pag-iisip si Isabella. "Eman?" anito kapagkuwan. Nakikita niya kung paanong tumahip ang dibdib ni Eman nang magkatagpo ang mga mata ng mga ito sa salamin. Pati yata daliri nito ay nanginig din at ilang beses na napalunok. "Sa weekend, pwede mo ba akong tulungan sa assignments ko?" Napalunok na muli si Eman, napasulyap sa kanya. Tila hinihiling ang opinion niya. Tango ang naging tugon niya rito at mukhang yon ang signal na hinihintay ni Eman. "S-sige," anito kapagkuwan. Pati yata boses nito pumiyok din. Sa wakas, makukuha din nito ang tsansang mapapalapit sa babaeng lihim na tinatangi. Masaya siya para sa kaibigan. Pero nang sulyapan ito, at makita ang tuwang nakabalatay sa mukha, may kung anong sumungaw sa kanyang puso na hindi niya tahasang matukoy. Basta, tila may mabigat sa kaloob-looban niya. Mabigat. May kirot. Ipinilig niya ang ulo. Kung anu-anong pumapasok sa isip niya. Ayaw niya sa isiping mga yon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD