"Bwisit!"
Panay ang himutok niya habang umaakyat sa hagdanan patungo sa ikalawang palapag ng bahay.
"Ang damuhog, wagas kung makpamintas sa akin."
Tiningnan niya ng masama ang tangkay ng orchid. Ang ganda ng bulaklak para kay Isabella samantalang suman ang dala para sa kanya. Talaga bang plato ang tingin nito sa mukha niya? Sobrang takaw na ba talaga niya? Buong akala pa naman niya ay sa kanya ibibigay ni Eman ang cattleya. Kaytagal na niyang humihirit dito na pitasin iyon para sa play nila sa school pero nagpakatanggi-tanggi ito. ‘Yon naman pala, pinitas para kay Isabella.
Nakakahinampo lang. Ayaw man niyang isipin, may bumabangon na namang inggit sa dibdib niya. Nakakaaburido lang talaga at nakakaramdam siya ng ganito.
“Bwisit talaga!” 'Di niya naiwasang magmura, saka humugot ng hangin at inayos ang nalukot na mukha. Ilang hakbang na lang, matapos maraanan ang iba pang silid, mararating na niya ang room ni Isabella.
Nakabukas na ang pinto maalwan at magarbong silid nito. Pinaghalong pink at puti ang interior at kulay ng mga kagamitan sa loob. Parang prinsesa lang talaga ang may-ari ng silid na ito. Bagay nga naman. Humakbang siya palapit sa buffet table na malapit sa kama at inilapag ang tray.
"Good morning, Lara."
"Good morning, Ma'am Isabella."
Maganda yata ang gising ng amo. May matamis na ngiting nakahanda para sa kanya. Kasalukuyan na itong nag-aayos ng buhok habang nakaupo sa couch na katabi din lang ng four-poster bed nito. Kahit magulo ang halos kulay mais na buhok ay maganda pa rin ito. Kaya nga nawiwindang si Eman dito. Sobrang ganda kahit gusot ang suot na silk pajama.
"Ihahanda ko na ito, ha."
Inayos niya ang pagkakapatong ng foldable tray sa kama at isa-isang ipinatong ang breakfast nito.
Usually, breakfast in bed talaga ang gusto nito. Literal na sa ibabaw ng kama. Wala nga namang kaso rito kung mamantsahan ang hanig na kubre-kama dahil maraming ipapalit at may mga katulong na maglilinis. Kawawang labanderang Aling Nita kapag namantsahan na naman ng cranberry juice ang sapin.
Tumayo si Isabella at pasalampak na naupo sa ibabaw ng kutson. Kaagad niyang iniabot dito ang matangkad na breakable glass na may nakabalot na tissue at nakasalansang bending straw.
"That's pretty," tukoy nito sa bulaklak.
"Pinabibigay nga pala ni Eman."
Kaagad itong napahinto sa pagsipsip at naniniguradong tumitig sa kanya. Inaninag niya ang magiging reaksyon nito, kung magagalit sa pagiging aggressive ni Eman. Mas tumamis pa yata ang ngiti nito sa nalaman.
"Really?”
Pinulot nito ang tangkay ng cattleya at dinala sa gawing ilong at sinamyo. Tila nangangarap. ‘Di kaya at nagkaka-crush na ito sa lalaki?
"Nandiyan na pala siya?"
"Nasa baba na ho. May tutorial kayo ngayon, ‘di ba? At standby driver mo siya dahil aalis ang Mommy mo at si Mang Fermin." Magtutungo raw ang mga ito sa kaibigan ni Ma’am Vera at malamang gagabihin na ng uwi.
“Okay.”
Nakita niya ang naglalarong ngiti sa mukha ni Isabella. Kagat-kagat pa nito ang pang-ibabang labi.
“Kain ka na.”
Inilapag nito sa ibabaw ng kama ang bulaklak at nagsimula na nga itong tumusok ng hotdog. Habang kumakain ay abala naman siya sa pagbubukas ng blinds nito. Pumasok ang pang-umagang araw mula sa glass wall. Mas naging maliwanag sa loob. Pinatay na rin niya ang aircon. Sinunod niyang ligpitin ang mga pang-beauty regimen na ginamit nito kagabi. Maayos niya iyong isinalansan muli sa mga lalagyan sa drawer na nasa walk-in closet nito. Mamaya na siya magba-vaccum at kumakain pa ang senyorita. Pumasok siya ng banyo at tsinek ang trash bin. Walang laman kaya 'di kailangang palitan ng liner. Binabad niya muna sa toilet cleaner ang toilet bowl at tinakpan. Sunod niyang nilinis ay ang malaki nitong salamin at kulay pink ding tiles. Binalikan niya ang toilet bowl na ilang minuto na ring nakababad at nag-flush. Masinop naman si isabella kaya konting linis ng banyo lang ang kailangan. Habang pinupuno ng tubig ang tub ni Isabella ay inihanda niya naman ang toiletries nito at nagpalit din ng bagong-bagong towel mula sa cabinet. Usual routine nito kapag weekends, nagbababad nang matagal sa tub kaya naglabas na rin siya ng scented candles at ipinatong sa itaas na bahagi ng tub at sinindihan.
"Ano'ng gusto mong ilalagay ko sa tub, Ma'am? Gatas ba o rose petals?"
Bahagya siyang sumilip sa pinto ng maluwang na banyo.
"'Yong dalawa na lang, Lar, please."
Okay. Gatas at rose.
Bathing like a queen. Kaya naman mas nagiging maganda ang malasutla ng kutis ni Ma'am Isa.
Tapos na si Ma'am Isa paglabas niya ng banyo. Ganado yatang kumain at madaling natapos.
"Lar, pasyal muna tayo," anitong iniinom ang natitirang lamang juice ng baso.
"Paanong tutorial mo?"
"Saka na ‘yon. Bibitbitin na lang natin ang gamit ko."
Manila, Bacolod, ibang bansa ang kadalasang pasyalan ng pamilya. Sa Hongkong at Singapore nagsa-shopping. Napapaisip siya kung saan sila mamamasyal.
"Saan naman tayo pupunta? Wala hong malalaking shopping centers dito sa atin."
"Ewan. Baka…baka si Eman may alam."
Napahinto siya sa ginagawang pagsinop ng mga labahin nito na inilalagay niya sa laundry basket. Para-paraan nga naman. Si Eman naman talaga ang gusto nitong makasama. Attracted sa isa't-isa ang dalawa, ramdam niya iyon.
“Sige, itatanong ko.”
Napangiti ito at mukhang excited na nagtungo sa banyo.
'May tama din,' sa isip-isip niya.
******************
Dinala sila ni Eman sa batis malapit sa bahay ni Tata Cedro. Parang picnic na rin dahil nag-insist si Isabella na magdala sila ng pagkain. Ilang beses na siyang naparito pero hindi pa rin maubus-ubos ang paghanga niya rito. Maganda nga naman dito. Para iyong tagong kayamanan na mula sa likod bahay nina Eman ay bababa pa ng ilang baitang na hagdanang gawa sa kahoy bago marating. Napapalibutan ng malalagong punongkahoy kaya may natural na shed. Ang tubig ay malamig at napakalinaw.
Kapansin-pansin na bikinis iyon ni Eman. Naayos na rin ang sirang cottage. Pinaghandaan nga siguro ito ni Eman.
"Ang ganda," bulalas ni Isabella ng paghanga at ‘di magkamayaw na bumaba pa sa tubig. Tinanggalan ng sapin ang paa at nilublob sa malamig na tubig. "May ganito pala dito?"
Maingat na inalalayan ni Eman si Isabella paupo sa nahahanigang upuan na katerno ng make-shift na mesa. Parehong gawa sa kawayan ang mesa at upuan. Siya naman ay inayos ang mga dala nila at ang mga gamit nito sa pag-aaral.
"Masarap mag-aral dito. Relaxing."
Ang sweet lang talaga ni Eman kay Isabella.
“So, you get to come here everyday?” si Isabella na hindi hinihiwalayan ang mukha ni Eman. Nakikita rin niya kung paano ito nakatitig sa matipunong braso at dibdib ni Eman. Parang siya lang noong nakaraan.
“Kapag nagri-review ako ng lessons. Lalo na no’ng nag-take ako ng entrance exams para sa iba-ibang universities, dito ako nagbababad. Madali kasing pumapasok ang mga aralin.”
Inaalalayan ni Eman na makaupo sa bangko si Ma'am Isa pagkatapos ay sinindihan nito ang mga panggatong sa isang sulok.
“So, start na tayo?” Naupo si Eman sa tabi ni Isabella.
Nakalimutan yata nitong ikwento na madalas silang magbabad dito noong mga bata pa sila. Halos abutin pa nga sila ng gabi. Napapansin din niyang hindi na nito tinatawag na Ma’am si Isabella.
“Lara, ang gamit ko?”
Saka pa lang siya tuminag. Nai-estatwa na pala siya. Lumapit siya sa mga ito at inilapag ang bag ng amo, inilabas ang mga gamit nito sa eskwela. Ilang sandali pa ay nagsimula na nga ang tutorial. Magaling si Emanuel. Nagagawa nitong gawing simple ang mga eksplanasyon sa mga kumplikadong equations. Si Isabella ay panay tango sa mga sinasabi ng lalaki. Lagi niyang nakikita ang mga marking nakukuha nito sa eskwela kapag naglilinis siya sa silid nito. Ang bababa ng mga kuha nito sa mga papel na nalalamukos at itinatapon sa basurahan. Kahit papano ay lamang siya kay Isabella rito. Hindi man siya katalinuhan talaga pero nakakapasa naman siya nang hindi nangongopya.
Ano ba ‘yan, kinukumpara na niya ang sarili kay Isa. First time ‘yon ha. Ni wala nga siya sa kalingkingan nito.
“Ganyan lang pala ang pagkuha ng area, Eman?”
Malawak ang ngiti ni Isabella nang masagutan nito ang isang execrcise na ibinigay nito sa Geometry. Proud na proud.
"Magaling ka naman pala, eh." Pero si Eman ang mas nasisiyahan.
"Tamad nga lang talaga siguro akong mag-aral."
Habang tahimik na nakaupo sa batuhan at nginunguya ang baon nilang pagkain, manaka-naka niyang sinusulyapan ang dalawa na halos magkadikit na ang mga mukha. Nakangiti pa sa isa't-isa.
“Isa pa? Bago tayo mag-break?”
“Break na kaagad? Hindi pa nga tayo...I mean, hindi pa nga umiinit ang mga exercises.”
Awtomatikong napalingon siyang muli sa dalawa nang marinig iyon mula sa bibig mismo ni Isabella. Nahihirapan siyang paniwalaan sa binulalas nito. Pakiwari niya ay double meaning. Kita naman sa kislap ng mga mata nito at sa pagtitig na ginawa kay Eman. Parang walang ibang tao sa mundo kung magtitigan ang dalawa. Parang kahit ang ingay ng mga ibon sa paligid ay hindi naririnig ng dalawa.
Alanganing ngiwi ang sumilay sa mga labi ni Isa pagkatapos. Mukhang nahimasmasan. “Start na akong mag-answer muli.”
Akmang pupulutin ni Eman ang ballpen para marahil ibigay kay Isa nang siya namang pagdampot ni Isabella niyon. Imbes na ang ballpen ay ang palad ni Isa ang nahawakan ni Eman. Sa ikalawang beses, tila tumigil ang mundo para sa dalawa. Hindi maiwanan ng titig ang isa’t-isa.
Nag-iwas siya ng paningin. Para kasing siya ang nakakaramdam ng pagkaasiwa at tila pinipiga ang puso niya. Hanggang sa nagsimula ulit ang aralin ng dalawa. Nakatitig lang siya sa kawalan o sa tubig. Nawalan na rin siya ng ganang kumain. Kung pwede lang sanang iwan na sina Isabella at Eman. Pihadong masasabon naman siya ni Ma’am Vera at baka kung ano pa ang gagawin ng dalawa.
Napahugot siya ng malalim na hangin at pinakawalan. Saka siya napatungo. Ang buong mukha niya ang nakikitang repleksyon sa malinaw na tubig. Wala pa ring pinagbago ang hitsura niya. Siya pa rin si Lara na walang ganda. May mga takas na buhok mula sa pantali. Kupasin din ang suot niya.
"What do you want to do in the future?"
Maya-maya ay narinig niyang tanong ni Isa kay Eman. Ang tagal na nilang magkaibigan ni Eman, bata pa lang sila na ang magkasama, ngunit ang mga pag-uusap nila ay kung anu-anong bagay lang. Walang depth. ‘Di tuloy niya maiwasang makaramdam na kulang siya sa worth na seryosohin kahit bilang kaibigan lang. Ang bata lang talaga siguro ng tingin ni Eman sa kanya.
"Gusto kong maging engineer o ‘di kaya'y architect. Magdidisenyo ako ng magaganda at matatayog na buildings. Pati na rin resorts. ‘Yon ang pangarap ko."
Kumikinang ang mga mata ni Eman habang tinatahi ang mga pangarap. Hindi niya maiwasang lingunin ito. Matitiis ba niyang huwag itong titigan?
"At kapag nakaipon na ako, kung may maipagmamalaki na ako, pakakasalan ko ang babaeng mahal ko." Tuwid na nakatitig sa mga mata ni Isabella habang nagsasalita si Eman. Ipinapahiwatig na ito ang babaeng tinutukoy. Si Isabella naman ay walang kakurap-kurap na sinasalubong ang mga titig nito.
Kung susumahin parang wala siya sa paligid. Na para bang naglaho na lang siyang bigla sa mundo ng mga ito.
Namutawi sa bibig ni Isabella ang isang tanong. "Sino naman ang babaeng ‘yon, Eman?"