Hindi mawala-wala ang ngiting naka-plaster sa mga labi ni Eman habang nakahiga sa papag sa kanyang silid. Nakaunan siya sa dalawang braso at nakatitig sa maliwanag na buwan. Pati yata buwan ay nagmistulang nakangiti pabalik sa kanya. Sinadya niyang iwanang nakabukas ang bintana para sa magandang view. Full moon. Kaya siguro sinwerte siya sa gabing ito.
"Good night, Eman.”
Naglalaro na naman sa kanyang imahinasyon ang nakangiting mukha ni Senyorita Isabella. Pimikit siya. Paulit-ulit niyang ni-replay sa isip ang sweet smile nito at binalikan ang kaaya-aya nitong bango. Kinikilig siya, walang pasubalian. May sigaw na gustong kumawala sa lalamunan niya ngunit maagap na pigilin at baka magising si Tata Cedro sa kabilang silid. Lahat sa kanya- isip, puso, pati yata kaluluwa, buhay na buhay sa gabing ito. Kinapa niya ang dibdib. Malakas pa rin ang kabog ng kanyang puso hanggang sa ngayon. Nakakabingi na nga ang pintig.
Nag-uumapaw siya kaligayahan.
Sa wakas, napansin din siya ni Isabella.
Ang simpleng pagkausap lang nito sa kanya kanina ay abot-langit ang katumbas.
"Eman, matulog ka na."
Napapailing siya. Rinig na rinig pala ni Tata Cedro mula sa kabilang silid ang mga kaluskos niya.
"Opo, Tata Cedro."
Napatitig siyang muli sa buwan. Lihim niyang nahiling na sana ay mapalitan na ito ng araw. Excited na siya sa gagawing tutorial nila ni Isabella. Excited na siyang ibahagi ang lahat ng kaalaman. Napangiti na naman siya. Nagmumukha na siyang asong ulol nito.
"Mom, can Eman be my new tutor?" May pinalidad na sinabi ni Isabella kanina sa ina nang makarating ng mansion.
"But what about Nympha?" tanong ni Ma'am Vera matapos halikan ang senyorita sa pisngi at yakapin.
"I'll just try my luck with a new tutor. Wala naman kasing nangyayari sa grades ko with Miss Nympha, I still got low scores."
"If that's what you want." Hinarap siya ni Ma'am Vera. "We'll give it a try with you, Eman."
Halos maglumundag ang puso niya sa labis na tuwa. Ilang oras na makakasama niya muli ang senyorita.
Saka niya naisip si Lara. Dapat siyang magpasalamat sa kaibigan sa pambi-build up nito sa kanya kay Isabella. Nagbunga rin ang kakulitan nito.
"Good night, Isabella," malaya niyang bulong sa bilog na buwan. Natulog siyang may matamis na ngiti sa mga labi.
Sa kabila ng maikling tulog sa nagdaang gabi, maaga pa ring nagising si Eman kinabukasan. Alas singko y media pa lang ay bumangon siya at nagtungo sa kusina. Mabilisan ang naging pagluluto niya ng agahan. Sinangag na kaning lamig at pritong tuyo at talong ang mga inihanda niya. Gumawa na rin siya ng enchaladang kamatis na pinitas pa niya mula sa hardin sa ibaba. Nang matapos ay pumanaog at nagtungo sa batis at mabilisang nilinis ang paligid. Kinumpuni rin niya ang sira sa mesang kawayan pati na ang bubong ng shed.
Baka lang naman maisipang sumama ni Isabella kapag niyaya niya.
Naghanda rin siya ng mga panggatong na maaari niyang gawing pambugaw ng mga insekto. Dapat ay walang anumang insekto ang dadapo sa makinis na balat ng amo.
Matapos niyon ay naligo na siya. Kinuskos niyang maigi ang dapat kuskusin. Kailangang malinis siya sa araw na ito. Magtatabi sila ng mahal niya ngayon. Dapat din na mabango ang hininga niya para iwas pintas kay Isabella.
Napapailing na napapangiti na lamang siya. Lahat na lang yata ng gagawin niya ay kunektado sa crush niya. 'Di niya mapigilan, eh. Para kasing nilalamon na nito ang buong atensyon at pagkatao niya. Isipin pa lang ito ay kumakalabog na ang dibdib niya. Nahihigit niya ang hininga.
"Eman, bilisan mo na riyan at nang makapag-almusal!"
"Opo, Tata Cedro!"
Kasalukuyan nang nang naglalagay ng dalawang plato sa mesa si Tata Cedro nang mapasukan niya. May ginawa na rin itong tsokolate.
"Kumain ka na, Anak."
"Mauna na ho kayo, Tay."
Pumanhik siya ng silid at mabilis na nagbihis. Nasa maliit nilang sala ang maliit na salamin at sa harap niyon ay panay ang ginawa niyang pag-aayos ng sarili.
“Linggo ngayon, saan ka ba pupunta, Eman?”
“Sa mansion ho, 'Tay,” aniyang inaayos ang kwelyo ng kaisa-isang presentableng polo. Suot pa niya ito noong JS prom at noong um-attend siya ng debate competition.
“Hindi naman mamamatay kaagad ang mga halaman kahit bukas mo na puntahan.” Namamanghang sinipat pa siya ng matanda. Mula ulo hanggang paa. “Pinopormahan mo ba si Lara?”
Malakas siyang natawa sa sinabi ng matanda. “Hindi ho, ‘Tay," maagap niyang tanggi.
Parang kapatid na lang niya si Lara. Kahit saang anggulo tingnan nakababatang kapatid lang ang tingin niya rito.
"Sabihin mo sa mga Cordova, malapit na akong makabalik sa trabaho."
Natigil sa mismong bumbunan ang mga daliri na paulit-ulit niyang pinararaan sa makapal niyang buhok. "Huwag po muna, Tata." Napalakas yata ang boses niya. Medyo pasigaw na nga. "Okay pa naman ako," sa mas kalmanteng tinig ay dinugtungan niya ang sinabi.
Hindi siya makakapayag na maunsyami pa ang pagkakalapit nila ni Isabella. Mawawalan siya ng rason para araw-araw na magtungo sa malaking bahay. Isa pa, mahina na talaga ang kilos ni Tata Cedro. Ayon sa doktor na sumuri rito, mahina na raw ang baga at immune system nito.
"Hindi ka ba naman nahihirapan?"
"Sanay ho akong magbanat ng buto, Tata Cedro. Dumito na muna kayo, total malapit na rin naman akong magtapos."
Buti na lang at napahinuhod niya ang tiyuhin. Bago umalis ay sinigurado niya munang naroroon na ang lahat nang kakailanganin ni Tata Cedro. Magmula sa sinaing, tubig at panggatong.
“May niluto na ho akong ulam para mamayang tanghalian ninyo, sakaling matagalan ho ako. Tinakpan ko na lang po sa cabinet.”
Matapos magpaalam ay lumulan na siya sa bisekleta at tinungo ang bahay ng mga Cordova. Halos dalawang kilometro pa ang layo ng tirahan nila mula sa mansion at patungo roon ay mararaanan ang malawak na taniman ng mga tubo. Sa kabilang panig naman ay kung anu-anong prutas naman ang maayos na nakahanay. Ngunit hindi lang basta halaman ang nakikita niya, higit pa sa berdeng paligid. Bigla yatang naging makulay ang mundo. Paano ba hindi magkakakulay kung si Isabella na lang lagi ang naglalaro sa isipan niya, ang muse ng buhay niya. Ang kanyang prinsesa.
Titingin siya sa kanan, nakangiting mukha nito ang lumilitaw. Pipikit siya at ang matamis na ngiti nito ang naglalakbay sa kanyang diwa.
Inaamin niya, may Isabella syndrome na siya.
Sa daan ay may naglalako ng kakanin.
Bumili pa siya ng kakanin. Si Lara ang unang pumasok sa isip niya nang makita ang pagkain. Syempre pa, may bitbit siyang bulaklak para kay Isabella. Pinitas pa niya iyon mula sa hardin ni Tata Cedro.
Hanggang sa narating niya ang gate ng mansion. Mentally, tsinek pa niyang muli ang kabuuang ayos. Nang masigurong okay na ay saka siya pumasok sa loob nang hindi nawawala ang malakas na kalabog sa kanyang dibdib. Syempre, sa kusina siya dumaan. Off limits yata ang malawak at marangyang sala ng mga Cordova para sa kanila. Si Lara kaagad ang naratnan niya na naghahalo ng kung ano sa lutuan.
“Bulaga!”
“Ay, anak ka ng halimaw!”
Halos mapatalon si Lara nang bigla niya itong kalabitin sa beywang.
“Bwisit ka talaga!” akmang papaluin siya nito ng sandok dala ng gulat. Ang inis sa mukha nito ay napalitan ng ibang ekspresyon. Mula ulo hanggang paa at pabalik siya nitong tinitigan. "Aga, ah.” Kaagad din nitong ibinalik ang paningin sa niluluto.
Wala man lang ba itong pampalakas-loob na paghanga? Pambihira. Patuloy lang ito sa ginagawa.
“Ang porma natin ngayon, Eman. Linggo ngayon 'di ba? Pupunta kang simbahan niyan?” mula ulo hanggang pang muli siya nitong pinasadahan ng nanunuring tingin. “Sa lamay kaya.”
Sa halip na sagutin ay naupo siya sa upuang malapit rito at inilapag ang kakanin. "Oh, pasalubong mo.” Itinulak niya sa lamesa ang supot palapit kay Lara.
"Ano naman 'yan?"
"Suman. Paborito mo."
“Kay Ma’am Isabella naman ‘yan?” tukoy nito sa bulaklak na nakapatong sa working bench.
“Oo sana, eh.”
Tumalikod si Lara. Kinukuha nito ang hiniwang dahon ng sibuyas at isinahog sa sinangag na iaahon na nito mula sa carajay. “Ba’t 'di mo ibigay? Sayang naman 'yan. Ang ganda pa naman."
“Ikaw na lang kaya, Lar. Ilagay mo sa flower vase sa silid niya.”
“Ako pa talaga?” angil nito na hanggang ngayon ay hindi pa rin humaharap sa kanya. Pati pagkaing dala niya ay ayaw nitong pansinin gayong kaagad nitong nilalantakan ang kahit anong bibitbitin niya rito.
“Diyahe, eh.”
"Duwag ka lang talaga. Magpapa-charming, bahag naman pala ang buntot." Bumuntung-hininga si Lara kapagkuwa'y sinabing, “sige na nga.”
Awtomatiko siyang napapitik sa ere. Kahit may kasungitan itong si Lara paminsan-minsan, sa huli ay pinagbibigyan siya nito. Lagi nga. Si Lara 'yong tipo ng kaibigan na sa kabila ng pagiging mas bata ay 'di hamak na mature kung mag-isip kahit sa unang tingin ay bubungi-bungisngis lang ito.
“Maupo ka na lang diyan," utos nito pagkatapos ay binigyan siya ng kape at tinapay.
'Ano'ng nangyayari sa isang ito?'
Halos kibuin-dili siya. Pero kapag ganitong seryoso lang ito at hindi nagbibiro ay 'di niya maiwasang makita ang tinatago nitong charm.
“B-bakit?” Ayaw nitong tinititigan lalo na sa mukha.
Sumandal siya sa upuan at pinagkrus niya ang dalawang braso sa ibabaw ng dibdib at tiningala ang namumulang mukha nito. Ang cute lang tingnan ni Lara na pati ang punong tenga ay nagkulay mansanas na. Sa isang iglap ay tila nag-transfrom ang mukha nito. Namaybay pa ang mga maya niya mula sa katamtamang kapal na mga kilay, maliit ngunit sakto sa tangos na ilong at makipot na mga labi na sadyang mapupula na at ang ganda ng pares ng mga mata nito. May simpleng ganda rin naman palang itinatago.
“Eman, ano ba?” Halatang naiilang ito.
“Alam mo kapag ganyan ka, babaeng-babae kang tingnan.”
Kumunot ang noo nito, nagpapalit-palit ang ekspresyon sa mukha. “Babae naman ako, ah.”
“Babae na may barakong kilos.”
Huli na para bawiin ang sinabi. Nakita niyang sumeryoso ito. Na-offend niya yata, heto at nag-iwas ng paningin.
“Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba, ano? Okay naman ako sa sarili ko. 'Yon ang mahalaga ayon sa nanay ko."
Buong akala niya ay bubulyawan siya nito pero walang nangyaring ganoon. Sa halip ay kalmante ito ngunit hindi maipagkakaila ang bahid ng lungkot sa boses at mukha nito. Siguro dahil nasali sa usapan ang namayapang nanay nito.
Tahimik nitong binitbit ang tray ng pagkain ni Isabella at nagsimulang humakbang palabas ng kusina.
“Flowers ko?”
“Paki ko diyan,” mahina ngunit may riin nitong wika.
Humabol siya rito na ngayon ay nasa bukana na ng pintuang naghihiwalay sa kusina at komedor. Ilang hakbang naman mula sa komedor ay ang grand staircase ng mansion patungo sa ikalawang palapag.
“Walang ganyanan, Lar, oi.”
Huminto ito at bumuntung-hininga. "Ipatong mo sa tray," utos nito. Sa huli ay kasamang umakyat ng hagdanan ang regalo niya kay Isabella.
"Thank you, Lar. The best ka talaga."