"Sino naman ang babaeng ‘yon?"
Si Eman ang tinatanong ni Isa pero siya itong halos mahigit na ang paghinga. Kabado siyang hinihintay kung sasabihin ni Eman ang totoo. Para siyang ewan.
Ayaw yata ng ulan na marinig ni Isabella ang sagot. Naisip niya rin na kalikasan ang gumawa ng paraan para mapigilang maging agresibo si Eman. Bigla-bigla na lang kasing bumuhos sa kabila ng magandang panahon ngayon-ngayon lang.
Nature saved Eman, ika nga.
"Wow! Bigla na lang!" Matamis na nakangiti pa si Isabella na nakatingala sa itaas at tila wini-welcome ang pagtama ng mga butil sa mukha nito.
Dali-daling tinipon ni Eman sa gilid ng mesa ang mga gamit ni Ma'am Isa at kaagad na hinablot ang telang ipinanghanig nito sa mesa. Itinalukbong iyon kaagad kay Isabella.
Ulan lang naman ito, hindi espada na tumutusok sa balat nila.
Kagyat siyang napahinto sa pagsinop sa mga gamit ng amo at pinapanood ang dalawa. Buong ingat na inalalayan ni Eman pabalik sa bahay ni Tata Cedro ang senorita. Para itong protective prince charming sa prinsesa nito. Pero sa kanya, hindi man nakaisip na lingunin o tanungin kung okay ba siya. Ni ang lingunin ay hindi ginawa.
Nakakainis lang. Nagseselos ba siya?
Bakit naman?
"Lara, halika na!"
Mabuti pa si Isabella, nagpakita ng concern sa kanya. Samantalang si Eman na naturingang matalik na kaibigan ay ‘di man lang siya naalala. Kinurot na naman ng pino ang kanyang dibdib. Ang hindi niya maunawaan ay basta na lang bumabangon ang mga kakatwang pakiramdam kapag magkasama sina Eman at Isabella. Ayaw niya ang pakiramdam na ganito.
Bakit bigla-bigla na lang?
Wala siyang makuhang matinong sagot sa sariling tanong. Kung may nagsusumigaw man na katotohanan sa utak ay kaagad niyang pinapalis. Ayaw niya sa naiisip. Ayaw niya. Masyadong masagwa. Malisyosa.
"Lara, nababasa ka na at ang mga gamit ko."
Para siyang umahon mula sa malalim na bangin.
"Nandiyan na!"
Isinilid niya ang mga nagkalat na gamit sa bag at itinalukbong ang waterproof bag. Muntikan pa siyang matisod sa nakausling sanga.
"Aray! Ang sakit ha!"
Ang sarap lang magmura at sumigaw nang dahil sa sakit.
“Bakit ba ang lamya-lamya mo, Lara?”
Imbes na tulungan, kinantiyawan pa siya ni Eman.
'Walanghiya itong isang ‘to, ah.'
Ang sarap lang pagkukurutin at paghahampasin ng may kabigatang bag ang malabakal nitong katawan. Sa tindi ng inis kay Eman ay gusto niya lang maiyak. Kahit siguro magkandasugat-sugat siya ngayon, walang pakialam ang dakila niyang matalik na kaibigan. All eyes and ears ito kay Isabella.
"Nakakahinampo ka na, Eman, ha." Panay ang himutok niya nang hindi naman naririnig ni Eman.
Nang makapanhik ng bahay ay nasa sala na si Isabella, yakap ang sarili dulot ng lamig.
“Gamitin mo na muna ito pampatuyo.”
Tagong-tagong tuwalya pa ni Eman ang iniabot kay Isabella. Ginagamit lang kapag may camping sa boy scout o kapag nagri-represent si Eman sa mga paligsahan sa ibang lugar. Minsan nga inabot siya ng ulan dito sa bahay na ito, ang lumang tuwalyang nangangamoy Eman pa ang pinagamit na pantuyo sa kanyang basang buhok at katawan.
Akala niya siya ang prinsesa ni Eman. Hindi pala. Mas lalo tuloy sumama ang loob niya. Siguro nga kailangan na niyang sanayin ang sarili na mag-iisa na lang siya. Ang dating tandem nila ni Eman ay mabubuwag na.
***********
Sa sumunod na mga araw ay mas nadadalas ang pagkikita nina Eman at Isabella. Kapag sabado at linggo, tutor at standby driver naman ito ni Isabella. Halos hindi na nga napapaghiwalay ang mga ito. Nagiging malapit ang dalawa sa isa’t-isa. Mas nagkakalapit pa. Ang mga kaibigan ni Isabella at tila nakalimutan na nito. Kapansin- pansin din ang umuusbong na pagtitinginan ng mga ito kaya lang nagpipigil dahil bawal. Ramdam niya sa mga tinginan nito, sa mga panakaw na sulyap. Pero alam niyang isang araw ay sasambulat na lang ang mga damdamin ng mga ito.
Siya ang nag-iisang saksi sa tumatamis na pagsasamang iyon. The ever loyal chaperone and friend na tila nakaligtaan na ni Eman.
"Nag-aaway ba kayo ni Eman?" tanong ng kaklaseng si Giselle minsang pauwi sila mula sa eskwela. Medyo matagal na rin kasi na ito at ang iba pang kaklase ang kasa-kasama niya sa pagpasok at pag-uwi.
“Hindi naman. Busy lang si Eman sa trabaho niya sa mansion. Nagpapagaling pa kasi si Tata Cedro kaya kay Eman muna nakatoka ang pag-aalaga ng mga halaman.”
Tinitigan siyang maige ng kaklase. Pati yata pores niya ay walang lusot sa ginagawang paninitig nito.
“Oh, bakit na naman?” Mala-Cristy Fermin din kasi itong si Giselle. Tsismosa rin. Sumampa sila sa kanya-kanyang bisekleta. Ngunit narating na nila ang bahay nito ay hindi pa rin pala natatapos ang pangungulit nito.
“Miss mo na siya, ‘no?”
Para siyang nabikig sa tanong ni Giselle. Miss? Miss na miss na kamo. Madalang na silang nagkakausap o nakikipagbiruan ni Eman. Lumalalim ang tampo niya. Ni hindi man lang siya nito binate sa kaarawan niya.
“Ayun, ang tagal makasagot.”
“U-umandar na naman ang matambok mong imahinasyon."
“Hoy, Lara! H‘wag ka ngang eng-eng. Halata ka na, Day. Ang boses mo gumaralgal,” anito na kumukuha ng dalawang tiring suman sa mga paninda ng nanay nito. “Nay, akin na ho iro ha? Nakakagutom ang PE, eh. Pero mas nakakagutom ang nagsinungaling.” Binigay nito sa kanya ang isa ngunit ‘di niya iyon kinain. Ipapasalubong niya na lang kay Nana Berta.
“Anong halata? Ano'ng nagsisinungaling?” Nag-iwas siya ng mukha. This time ay pinatatag niya ang boses at pinapanatag ang mukha.
“Crush mo ‘yan si Eman, eh, matagal na. Siguro, mula elementarya pa tayo.”
“Hindi ha!” napalakas ang boses niya. “Baliw!”
Malakas ang boses niya pero naging mas malakas yata ang pagsipa ng kanyang dibdib. Ewan niya pero ganito na lang ba palagi? Nakakapagod na rin ito ha. Naririndi siya sa sarili at nagiging aligaga yata siya pagdating kay Eman. Natutulala siya nang dahil dito. Kahit yata sa panaginip niya ay laman pa rin ito.
“Crush na nga ba kita, Eman?”
Nasa ituktok siya ng burol kung saan tanaw niya ang buong hacienda. Natuklasan niya ito noong minsang nagsimba siya at wala siyang nagawa. Maaga pa naman kaya magagawa pa niyang tumambay rito at busugin ang mga mata sa magandang tanawin.
Pasalampak siyang naupo. Itinaas ang dalawang tuhod at ipinatong doon ang kanyang baba.
Saka niya kinuha ang notebook sa bag at binuklat. Mahilig siyang mag-dooddle nang kung anu-ano. Nagsimula siyang magsulat nang wala sa sarili. Basta, gusto niya lang na magsulat at punuin ang pahina. Not until, nakita niya kung ano ang nalikha niyang obra.
Nabitiwan niya ang notebook na hawak.
EMAN.
In all caps, ang naisulat niya.
Napakuyom siya at napukpok ang ulo.
Ayaw na talaga niya sa nangyayari sa sarili niya.
“Nakakainis ka, self ha?” Nasabunutan niya ang sariling buhok. Paano ba ia-undo tong mga nararamdamann niya?
Saka siya napatingin sa tila nangingitim na langit. Sana kung bubuhos man ang malakas na ulan ay kasamang matangay ang kakatwang nararamdaman niya at ang pagbabago sa sarili kasi masyadong mahirap i-handle. Parang hindi niya kaya.
Nakakainis.
Padabog siyang tumayo at bumaba ng burol at umuwi sa mansion. Surprises of all surprises, nasa bahay na rin si Isabella. Prenteng nakaupo sa veranda. Puting sleeveless na tinernuhan lang ng shorts ang suot nito pero napakaganda pa ring tingnan samantalang siya ay mukha siyang pulubi sa ayos.
“Ang aga mo naman yata at dito ka pa talaga sa veranda tumambay,” bungad niya rito. Halata namang si Eman ang tinatanaw nito sa labas ng gate. Panay ang panlilitid ng ugat nito. Konti na lang talaga at matutunugan na ito ng ibang tao.
“Kasali ang mga private school teachers sa meeting ngayon sa bayan.” Nasa kalsada pa rin ang mga mata nito habang iniinom ang juice. “Si...si Eman?” halos sa pabulong na boses ay tanong nito. Gumagalaw ang mga pupils, halatang kabadong may makarinig.
Sinasabi na nga ba. “Hindi ko alam. Kayo naman palaging magkasama, 'di ba?” Gusto niyang kurutin ng pino ang sarili. Sana hindi nahaluan ng pang-uuyam ang boses niya. Nakalimutan niya yata ang posisyon niya sa pamamahay na ito at kung sino ang kausap. Mabuti na lang at hindi napansin.
“Magbibihis muna ako, Ma'am ha. Tawagin mo lang ako kapag may iuutos ka.”
Pumanhik siya sa loob at nagpalit ng damit. Saka tumulong sa mga gawain sa bahay. Pero ang utak niya ay lumilipad naman. Napahawak siya nang maige sa gilid ng lababong pinaghuhugasan niya ng mga pinggan at nakuyumos niya ng husto ang hawak na sponge.
“Okay ka lang ba, Anak?”
“P-po, Nana Berta?”
“Kanina ka pa kasi tahimik at parang tulala. Hindi kami sanay na ganyan ka, Lara."
“Iniisip siguro niya ang crush niya, Nana.”
Nanahimik siya, nanahimik rin ang kasamahan niyang si Rosalie.
“Lara, tawag ka ni Senyorita, Isabella," maya-maya pa ay sabi ni Rosalie.
Binanlawan niya ang kamay at nagpunas ng bimpo at tinanggal ang apron sa katawan. Tahimik na tinungo niya si Isabella sa veranda.nakaupo ito sa upuang naroroon at umiinom ng juice na ang mga mata ay nasa gate.
"Lara, bakit wala pa rin si Eman?"
Impatient na ito. ‘Di kagaya kanina na excited ito. Ngayon lang niya napansin ang bitbit nitong report card. Parents’ day kahapon nina Ma'am Isabella at siguro ay nais nitong ipakita ang matataas na grades kay Eman.
“Maaga pa naman, ah.”
Alas dos pa lang. Nasa eskwelahan pa si Eman at may meeting pa ito kasama ang ibang SSG officers.
Napatayo si Isa. Nakapameywang at nagpalakad-lakad habang nakapatong sa noo ang kaliwang palad. Sa ginawa nito ay umangat ang blouse nito, lumitaw ang makinis na balat at ang makitid na baywang. Sanay siyang nakikitang nakasuot ito ng maiikling shorts pero pekpek shorts na yata ang gamit nito ngayon. Ibang-ibang Isabella ang nakikita sa ngayon. Wala ang palagi na ay composed na babae na halos hindi makabasag ng pinggan. Para itong naghahabol ng kung ano. Napapantastikuhan siya sa mga kilos nito.
“Pasyal tayo muli, Lar,” sabi nito kapagkuwan.
“Gusto mong puntahan si Eman?"
Walang kagatol-gatol itong tumango. Ni hindi pa nga nito nalilibot ang buong lupain at ni hindi pa nakapunta sa plaza na ipinagawa ng mga magulang nito. Kahit ang milling facility ay hindi pa nito narating. Mas memoryado pa nga nito ang daan paroon at parito kina Eman at hindi na ito makapaghihintay na kusang dumating si Eman.
"Baka hanapin ka nina Ma'am Vera."
"Nonsense."
Hinila siya ni Isabella papasok ng kusina. Ito na ang kusang nagtanggal ng apron niya at ipinagpaalam siya kay Nana Berta.
"Bisekleta tayo." Noong isang linggo lang itong nagpaturo kay Eman na magbisikleta. Pero ano pa nga ba ang magagawa niya kundi ang sumunod. Kinalagan niya ang mountain bike nito at ang kanya naman ang Isinunod.
"Nagpapasikat ka lang yata kay Eman," biro na lang niya nang makasampa na ito. May hinala siyang kina Eman sila tutungo. Ngumiti lang ito. "May gusto ka sa kanya?"
Alam naman niya na pero sa likod ng kanyang utak ay may piping hiling na sana ay hindi nga. Luminga-linga muna ito sa paligid, sinisiguradong walang makakarinig. "Secret lang pero tinamaan yata ako, eh," amin nito na nag-blush pa.
Napangiti na lang siya nang malungkot. Kaya pala puno ng pangalan ni Eman ang notebook nito na nakatago sa ilalim ng unan. Madalas din niya itong nahuhuling ninanakawan ng tingin si Eman kapag nasa ibaba at panay ang ngiti at pag-daydreaming.
Dalawa na sila ngayon. Nakakalungkot lang.
"Paano kung malaman ng mga magulang mo?"
"Kaya nga secret lang."
Kinakaban siya. Hindi mawari. Wala pa siyang naririnig na sinaktan ang mga Cordova pero hindi niya alam ang hangganan ng kabutihan lalo na ni Sir Greg. Tahimik man ito ngunit nakakatakot. Isa pa, makapangyarihan ang mga ito.
"Halika na nga." Nagpatiuna nang magpadyak ang amo. "Hindi ako mawawala dito sa hacienda." Pinandilatan ni Isabella ang bodyguard na sumunod kaagad sa kanila. Nitong mga huling araw ay nagagawa pang takasan ni Isabella ang mga tauhan. "Come on, Lara."
Ilang saglit lang ay tinalunton na nila ang daan patungo sa bahay ni Tata Cedro.
"Eman!" kaagad na sigaw ni Isa nang nasa bungad na sila ng tarangkahan ni Tata Cedro. Halos takbuhin na ng amo ang pagitan ng wooden gate at pintuan ng bahay. Naroroon nga si Eman, halatang kadarating lang dahil nakauniporme pa. Lumabas ito mula sa sala. Nasorpresa ito nang makita sila.
"May good news ako."
Patakbo itong umakyat sa hagdanan at walang anumang yumakap sa natitigilang si Eman. Marahil ay nagulat sa inasal ni Isabella. Siya naman ay hindi na nagtaka. Kasi habang tinititigan si Eman sa malayo ay parang nakaramdam siya ng pagkamiss rito, na parang may nagtulak sa kanya na lapitan ito at yakapin din.
"Ang saya ko. Ang lalaki ng mga grades ko and that's because of you, Eman. Everything just paid off."
Mas humigpit ang yakap ni Isabella kay Eman. Hanggang sa gumanti rin ng yakap si Eman. Dahan-dahang nawala ang ngiti ni Isabella, kumalas ang nakapulupot na mga bisig sa leeg ni Eman. Inakala niyang itutulak nito ang binata ngunit tuwid itong tumitig sa mga mata nito.
"Eman," paanas na tawag ni Isabella sa pangalan ni Eman.
Napalunok si Eman. Nahigit ang paghinga lalo na nang masuyong haplusin ni Isabella ang pisngi nito.
"Isabella?"
Inaaninag ni Eman ang damdaming nakapaloob sa mga mata ni Isabella. Halatang nagtitimpi pa rin. Hanggang sa gagapin nito ang kamay ni Isabella at masuyong hinagkan. Para siyang nanonood ng eksena sa isang romantikong pelikula. 'Yong tipong wagas na pagmamahalan ng dalawang nilalang. Walang tinitingnang estado. Ang bahagi ng pelikula kung saan naiiyak ang mga manonood dahil sa pagkakataong ito, parang pinaninikipan siya ng dibdib. Ang hirap huminga na hindi niya maintindihan at may nagbabantang mga luha sa gilid ng kanyang mga mata.
"Mahal kita."
"Ako din."
Tuluyan nang nakalimutan ng dalawa ang presensya niya. Kusang humulagpos ang damdamin ng mga ito. Sa isang iglap ay naghinang ang mga labi, pinagsaluhan ang matamis na halik. Tumalikod siya, ayaw niyang nakikita ang pangyayaring iyon. Nasasaktan siya at lihim na nahiling na sana siya ang hinahalikan ni Eman ngayon. Naramdaman na lang niya ang tuluyang pangigilid ng mga luha sa kanyang mga mata. Bumagsak ang butil-butil ng luha sa kanyang damit.
"Nakakainis ka, Lara."
Hindi na niya natantiya kung gaano katagal ang halik na iyon. Narinig na lang niya ang pagpapalitan ng 'I love you'. Opisyal na ngang naging magkasintahan sina Eman at Isabella. Nasundan na lang niya ng tanaw ng mga ito na magkahawak-kamay na umalis sa kinaroonan patungo sa batis.
'Nakuha mo na rin ang hinahangad mo, Eman.'
Masaya siya para sa dalawa, oo. Pero 'di niya maitatwa ang nararamdamang inggit at pangamba na rin. Bago pa niya namalayan ay napahagulgol na siya. Naupo siya sa ilang baitang na hagdanan ng bahay at tinakpan ng dalawang palad ang mukha at lihim na lumuha.
Bakit ang sakit-sakit?
Sobrang sakit lang.