NATIGALGAL ako sa upuan. Tila lumaki ang mga butas sa aking ilong.
"Weh? 'Di nga po? Ako? Magiging katulong ng guwapong businessman na 'yon, Ma'am?"
"Oo nga. Ayaw mo ba? Isa pa, ang sabi niya, gusto ka niya."
"Po?!" Nanlaki ang mga mata ko.
"Gusto ka niyang tulungan."
Binitiwan ko ang hiningang pinigil ko. Kinapa ko 'yung dibdib kong biglang kinabahan. Kakayanin ko ba? Baka kasi bigla akong matukso at magayuma ko siya nang hindi sinasadya. Mahirap na, mapapahamak ang puri ko. Isa pa, tiyak na may asawa na iyon. Sa itsura no'n imposibleng wala pang nakabingwit sa kanya.
"Bakit po gusto niya akong tulungan? 'Di kaya may gusto talaga 'yon sa'kin at gagawin niya akong kabit?"
"What?!"
"Ayy, hindi po ba gano'n, Ma'am?"
Napasentido si Manager Kim. Umayos siya ng upo at humalikipkip.
"Por que ba tutulungan ka niya ay may gusto na agad siya sa'yo? Hindi ba puwedeng mabait lang talaga si Sir DB at naaawa siya sa'yo?"
Humalikipkip din ako sa harapan ni Manager Kim. Kumibot ang bibig ko't umarko ang isang kilay.
"Hmm. Sabagay, me punto kayo, Ma'am. Pero punto rin ako."
Tinaasan niya rin ako ng kilay.
"At bakit?" untag niya.
"Everything happens for a reason, Ma'am. Hindi n'yo ba alam 'yon?"
"Ah, sabagay tama ka rin," aniya. Tumango-tango rin siya. Siyempre, nagdiwang ang loob ko. Baka may gusto nga talaga sa akin ang Mijares na 'yon, eh 'di jackpot ako 'pag nagkataon!
"Ang ilusyon mong nag-uumapaw, iyon ang totoong rason," dugtong ni Manager Kim.
Bumulusok paibaba ang confidence ko. Para akong tae na gustong umalingasaw kaya lang biglang ni-flash sa toilet bowl.
"Ang hard mo naman sa'kin, Ma'am."
"Masakit talaga ang katotohan kaya itigil mo na 'yang pinag-iisip mo. Hinding-hindi magkakagusto sa'yo si Sir DB, naiintindihan mo ba?"
Tumango na lang ako bilang tugon. Eh 'di hindi kung hindi. Ang dali kong kausap.
"Eh, ano raw ba ang dapat kong gawin, Ma'am? Sa bahay po ba niya ako maglilinis? Imposible namang wala siya katulong sa yaman niyang 'yon."
"Sa condo niya ikaw maglilinis. Anyway, siya na ang magpapaliwanag sa'yo ng lahat. Ang mabuti pa, puntahan mo na siya sa parking lot. Naghihintay siya sa'yo. 'Yung nag-iisang pulang kotse, siya iyon."
"Po? Ngayon na? As in now na talaga, Ma'am?"
"Don't make me repeat myself, Allenda. Hala, alis na. Huwag kang pasaway ro'n kung ayaw mong mawalan ng trabaho. Ipakita mong deserve mo 'yon, maliwanag ba?"
"Opo, Ma'am."
I stood up from the chair with all might. Atleast, hindi ko na poproblemahin ang paghahanap ng trabaho. Hindi ko na kailangang makipag-close kay Bernardo para tanggapin niya ako bilang tindera ng pandesal niya. In short, I'm blessed.
Nasa pinto na ako nang may maalala akong dapat sabihin kay Manager Kim.
"Ma'am?"
"Oh? May nakalimutan ka?"
"Pagbalik ko po, isasampal ko sa'yo ang katotohanan na may gusto nga talaga sa'kin ang Mijares na 'yon. Mark my words."
Napatayo siya at biglang umusok ang mukha.
"Allenda!"
Mabilis akong lumabas ng pinto. Abala na ang mga kasamahan ko kusina kaya hindi na nila ako napansin. Siguro ay babalik na lang ulit ako rito para magpaalam nang pormal sa kanila. Baka kasi magtaka sila na missing in action ako. Dumaan muna ako sa locker room para kunin ang gamit ko.
Lumabas na ako at dumiretso sa parking lot na nasa gilid ng coffee shop. Kapansin-pansin ang nangingislap na jaguar malapit sa nilabasan ko. Iyon na siguro ang tinutukoy ni Manager Kim.
Lumapit ako roon. Tinted ang windshield kaya hindi kita sa loob. Kakatok ba ako? Parang bastos naman yata kong gagawin ko 'yon. Medyo overprotective pa naman daw ang mga lalaki sa kanilang babies.
Pumikit ako at humugot ng malalim na hininga kaya lang pagdilat ko ay nakabukas na ang bintana. Namilog ang mga mata ko.
"Get in."
Iyon lang ang sinabi niya pero pakiramdam ko umabot sa bituka ko ang lalim ng kanyang boses. Dali kong binuksan ang pinto ng sasakyan at pumasok.
Kinandong ko na lang ang dala kong bag. Agad na nanuot sa balat ko 'yung malamig na buga ng aircon sa loob.
Diretso lang ang aking tingin sa harapan. Ayoko nga lumingon sa gilid, ang awkward. Baka isipin niyang may gusto ako sa kanya. Medyo assuming pa naman ang mga lalaki.
At hindi nga ako nagkamali. Nagulat na lang ako nang maramdaman ko 'yung mainit na hininga sa kaliwang bahagi ng leeg ko. Pinigil kong suminghap.
Hahalikan niya ba ako? Huwag niyang sasabihin na tama nga ang hinala kong may gusto siya sa'kin? Tapos dadaanin niya ako sa init ng hininga niya at kasunod no'n magmi-make out na kami kasi natangay ako ng tukso. Tapos mabubuntis ako at hindi niya aakuin kasi wala naman kaming relasyon. In the end, magiging single mom ako with capital S!
Hindi pupuwede. Hindi ako katulad ng ibang babae na basta-basta lang nagpapahalik. I am a poor woman with class!
Inangat ko ang kanan kong kamay para sana sampalin siya kaya lang nauna kong narinig ang pag-click ng kung ano sa gilid ko. Lumayo na rin siya at umayos ng upo saka ipinatong ang mga kamay sa steering wheel.
"Seatbelt," tipid na sabi niya.
Agad na nang-init ang aking pisngi. Napaka-assuming ko talaga, nakakahiya!
"S-salamat po."
Nautal ako. Hindi makatingin sa kanya pero ramdam kong tinitingnan niya ako. Mamaya ko na lang siya titingnan 'pag naka-get over na siya sa alindog ko.
Pinaandar na niya ang makina. Lalong naging awkward ang pagkakataon. Ni hindi ko alam kung paano ko siya kakausapin. Gusto ko sanang itanong kung bakit niya ako tinutulungan kaya lang tinatamad ako.
Medyo mahaba ang biyahe. Minsan titigil siya saglit dahil mabigat ang daloy ng traffic. Ni hindi man lang siya nag-abalang magpatugtog. Natitiyak kong 'pag siya lagi ang kasama ko, mapapanis ang laway ko.
Nang sa wakas ay tumigil kami sa harap ng isang matayog na building, halos malula ako. Bababa na sana ako ngunit nauna siyang magbukas sa gilid ko.
Gentleman. Impressive!
"Follow me," sabi niya. Pansin ko tigdalawang salita lang ang sinasabi niya. Kaya siguro yumaman siya dahil sobrang tipid niya sa lahat ng bagay, pati sa pagsalita.
May apat na guards sa lobby ng building maliban pa sa main gate kanina. Bumati ang mga ito sa amin. Natanaw ko sa 'di kalayuan ang isang club house.
Sumunod lang ako sa kanya hanggang sa makapasok na kami sa elevator. Pinindot niya ang 14th floor. Ang gara niyang gumalaw, nagmumukha akong alalay.
Muling bumukas ang elevator at sumunod ako pagkalabas niya. May ni-swipe siyang card at bumukas ang pinto.
Bumungad sa paningin ko ang malawak na sala. Mas malaki pa yata sa bahay namin.
"Have a seat."
Naupo ako sa sofa, kulay pula. Nang inilibot ang paningin ko, ang linis naman, kailangan pa ba talaga ako rito? May malaking flat screen sa harap, may ilang abstract painting na nakasabit sa dingding. Pati ang kurtinang nakasabit sa dambulahang bintana ay kulay pula.
"What do you want?" tanong niya. Infairness sa kanya, nakaapat na siyang salita.
"You..."
"What?"
"I mean, it's up to you, Sir."
Tiningnan lang niya ako at naglakad na siya. Papuntang kitchen siguro. Pagbalik niya ay may bitbit na siyang isang slice ng cake at isang baso ng juice. Ipinatong niya iyon sa center table.
"Eat and wait for me here."
"Yes, Sir."
Iyon na yata ang pinakamahabang nasabi niya mula pa kanina. Sinundan ko siya ng tingin. Ngayon ko lang naramdamang nakakatakot pala siya. Paano kung umiral na naman ang katangahan ko? Eh 'di tapos ang kapalaran ko.
Bahala na nga.
Kinain ko na lang ang cake dahil masarap. Busog pa naman sana ako kaya lang baka ayaw niyang tinatanggihan ang bigay.
Saktong pagkatapos kong kumain ay lumabas siya sa kuwartong pinasukan niya. May bitbit na siyang red folder. Ipinatong niya iyon sa harapan ko.
"Aanhin ko po ito?"
"Read it," sagot niya. Pagkatapos naupo sa kaharap kong sofa.
Nang buksan ko ang folder ay tumambad sa akin ang gawa niya rules.
RESPONSIBILITIES
1. Clean the unit, only when I'm not around.
2. Cook for my meals.
3. Send dirty clothes to laundry shop, but have them personally arranged in my closet when returned.
4. Report from 9am to 6pm.
5. Strictly, NO late.
RULES
1. Do not leave the unit without my permission.
2. Always answer my texts and calls.
3. Eat on time.
4. Do not entertain visitors when I'm not around.
5. Stop asking questions.
Nang matapos ko basahin ay ilang segundong namayani ang katahimikan.
"Got questions with the rules?" Pagkuwa'y tanong niya. Iniling ko aking ulo.
Ang guwapo talaga ng boss ko. Kailangan ko yatang protektahan ang puso ko, baka umuwi akong luhaan 'pag hinayaan kong mahulog ang loob ko sa kanya.
"Aren't you gonna ask me about your salary?"
Umiling ulit ako.
"What about the benefits? Aren't you gonna add something to the rules?"
Iling ulit.
"What about the responsibilities. May ayaw ka bang gawin?"
Sa wakas ay nagsalita rin siya ng tagalog. Akala ko forever na siyang mag-a-ala foreigner. Pero this time umaarko na ang kanyang noo.
"What about the---"
Hindi ko na siya pinatapos na magsalita. Umayos ako ng upo at nag-cross legs sa sofa. Tiningnan ko ang laman ng folder.
"Sir, rule number 5, stop asking questions."
Umigting ang kanyang panga.
©GREATFAIRY