Ang kanilang grupo na apat ay nabuo sa unang taon nila sa kolehiyo. Iba-iba man ng kinuhang kurso, magkakaklase naman sa isa o dalawang subject silang apat. Iyon ang naging pundasyon ng kanilang matibay na pagkakaibigan. May isa lang na nagbago ang tinatahak na landas.
"Kung naiisip rin tayo ni Froy e 'di sana nag-contact na iyon." si Mico na puno ng emosyon ang mahinang tinig.
"Kasalanan mo 'to Mico e!" pabirong sigaw ni Lacim, masama siyang tiningnan nito. "Kung hindi ka lumandi--"
"Tigilan mo ako Lacim, ako yata dito ang biktima at nilandi."
"Huwag kang pa-inosente diyan Mico."
"Hindi naman na talaga ako inosente."
Malakas na tumawa si Julian, nang dahil sa kalokohan ng dalawa, mabilis na nawaglit sa kanyang gumuguhong isipan ang kanyang nakaraan na saglit niyang binalikan.
"Pareho naman kayong dalawa." anitong muling isinuot ang coat na nakasampay sa likod ng kanyang upuan.
"Nagsalita ang hindi gamit na gamit." sabay na saad ng dalawa, "Sa ating tatlo na nasa silid na 'to, ikaw iyong wala ng natira pa para sa sarili mo Julian." patuloy ni Mico.
Agad nangunot ang noo ni Julian, tiningnan niya ng masama ang dalawa na agad tumiklop sa matalim na mga titig niya.
"Lumayas nga kayo sa opisina ko." seryoso niyang saad, "Wala ba kayong trabaho? Sayang ang pinapasahod sa inyo."
"Tara na Lacim, usapang sahod na ito." si Mico na mabilis tumayo, nauna na rin itong lumabas ng pinto.
"Kaya nga, para namang siya ang nagpapasahod sa atin." segunda ng kausap nito.
Mariing napabuga ng hangin si Julian, napupundi na ang pasensiya sa dalawa na kung umasta ay parang mga bata.
"May meeting akong pupuntahan--"
Tuluyan nang nawala ang dalawa sa kanyang paningin. Wala sa sariling hinagilap niya at binitbit ang kanyang laptop. Tahimik siyang lumabas ng kanyang kumalmang opisina.
"Sir Julian, may pumunta po ditong babae kanina." saad ng kanyang sekretarya pagdaan niya sa harap nito, nilingon niya ito gamit ang kuryusong mga mata. "Pero hindi ko po pinapasok, nasa loob po kasi si Sir Lacim at Sir Mico."
Kumurap-kurap ito, bahagyang tumaas ang kanyang pag-asa na ang dating kasintahan ang pumunta.
"N-Nasaan na siya?"
"Umalis na po Sir, nainip na po siguro sa paghihintay."
Umubo-ubo siya upang iklaro ang kanyang tinig. Inilagay niya ang isang kamay sa desk ng sekretarya. Nangingiti na.
"Anong itsura niya?"
Saglit na nag-isip ang sekretarya.
"Hmmn, naka uniform po siya ng isang life insurance company."
Agad natigilan si Julian, napawi ang kanyang malawak na ngiti at lumagapak sa sahig ang tumaas niyang pag-asa kanina.
"Huwag na huwag kang magpapapasok ng mga agent ng life insurance company sa aking opisina!" aniyang biglang nagbago ang itsura, "Naiintindihan mo?"
"O-Opo Sir Julian, n-noted po."
Tinalikuran niya ang sekretarya at dumiretso na sa hall kung saan idadaos ang kanilang board meeting ng mga investor.
"Siraulo ka ba Julian?" bulong nitong kastigo sa sarili habang prenting nakaupo sa isa sa mga upuan sa meeting area, "Pagkaraan ng mahabang mga taon ay umaasa ka pa rin na babalikan ka niya? Gumising ka nga!"
Hindi siya masyadong nakapag concentrate sa idinaos na meeting. Lumilipad sa kung saan ang kanyang isipan. Pabalik-balik na pumapasok sa kanyang isip ang kanyang sasabihin. Oras na hindi sinasadyang magkita silang dalawa.
'O Brenda, long time no see.'
Ipinilig niya ang ulo, masyadong halata na hindi pa siya nakakabangon sa sakuna na kanyang ginawa.
'Kumusta ka na? Anong balita sa'yo?'
Muli ay ipinilig niya ang ulo, pinaikot-ikot ang ballpen na nakaipit sa kanyang kaliwang mga daliri. Masyadong sabik ang dating sa presensiya ng babaeng nanloko sa kanya.
"Sir Julian, ano po ang masasabi niyo sa manpower shortage natin sa production na nasa Hongkong?"
Agad siyang tumayo, hinawi ng kanang kamay ang humahabang buhok na tumabon sa kanyang mga mata.
"Ano ba ang suhestiyon ng iba?"
Mabilis nagtinginan ang mga naroroon. Ang iba ay naiiling sa kanyang walang kakwenta-kwentang tanong. Inayos niya ang sarili, ini-unat ang nakatuping manggas ng kanyang longsleeve.
"Let's go to the suggestion of Mister Lakandula."
Mahinang nagtawanan ang ibang naroroon, ang iba naman ay naguguluhan na sa kanyang nagiging asta.
"S-Sir, wala po akong sinabing suggestion ng dapat nating gawin."
Agad nanlaki ang kanyang mga mata. Mabilis na namula ang kanyang magkabilang tainga sa labis na hiya.
"Aah wala ba? S-Sorry, okay let say pupunta ako doon kapag naayos ko na ang aking mga schedule."
Karamihan sa kanila ay sumang-ayon. At doon natapos ang kanilang meeting nang wala siyang gaanong naunawaan. May iba-iba pa siyang meeting na dinaluhan. Tumanggap rin sila ng mga proposal upang tumaas ang kanilang bumababang sales. Hapon na at malapit nang mag-uwian nang bumalik siya sa opisina. Kung saan nandoon na naman ang dalawang mokong.
"Anong atin?" tanong niya na agad nakalimutan ang nagsimulang alitan kanina.
Tumayo si Lacim habang minu-muwestra si Mico na umiinom na naman ng soda mula sa maliit nitong ref.
"Pag-usapan natin iyong paghahanap sa magiging peke mong asawa." anito, tuluyan nang sinaid ang laman ng lata.
"Sige, saan?" tanong nitong binitawan na ang bag ng laptop.
"Sa dating tambayan natin."
Pare-pareho nilang hinubad ang coat na palagi nilang sinusuot sa loob ng kanilang mga opisina. Itinago nila iyon sa backpack na dala upang i-uwi sa kanilang mga tahanan. Si Lacim at Mico ay isa sa ilang daang investor ng kumpanya. Binigyan sila ng posisyon ng matandang Donya sa kanilang kumpanya.
"Balita ko may bagong launch sila na inumin." si Mico na nauna na namang lumabas ng kanyang opisina, "Hintayin ko kayo sa labas."
Ilang sandali pa ay sumunod na sila dito. Bitbit ang mga gamit na kailangan nilang maiuwi sa kanilang tahanan.
"Paki-send sa email ko ng mga proposal sa new product natin." tigil niya sa desk ng kanyang secretary, "Huwag mong kakalimutan. Kailangan ko iyong pirmahan bukas."
Pilit na ngumiti ang sekretarya sa kanilang tatlo.
"Sige po Sir Julian."
"Alright." tango niya, "Bye."
Ang hapong iyon ay normal na hapon para sa kanilang tatlo. Pagkagaling sa opisina ay de-deretso sila sa tambayan. Iinom ng ilang baso ng beer hanggang sa magsawa sa naturang lugar. Uuwi, magpapahinga at uulitin ang kanilang ginawa sa araw na iyon kinabukasan nito. Paulit-ulit lang na routine.
Dahil sa karamihan sa may matataas na posisyon sa kumpanya ay uwian ng ganoong oras kaya mahaba ang pila sa lift na isa lang nang araw na iyon ang gumagana.
"Maghagdan nalang tayo mga dude." suhestiyon ni Julian sa kanila, "Mamaya pa tayo makakababa niyan."
Walang nagawa ang dalawa nang humakbang na ito patungo sa malayong staircase ng building. Tahimik silang pumasok sa pintuan nito at maingay na humakbang pababa ng hagdan.
"Gusto niyo bang sumama sa akin sa weekend?" si Lacim.
"Saan ang lakad?" si Mico na nagtataka sa kaibigan.
"May party akong pupuntahan, maraming chicks doon."
"Pass muna." tugon ni Julian, "Dadalaw kami ni Lola sa libingan nila Lolo, Daddy at Mommy."
"I-cancel mo iyan Lacim, sasama tayo kay Julian." si Mico na halatang buo na ang desisyon nito.
"Bakit ko ika-cancel? Sa gabi pa naman iyon."
Paglabas nila ng pintuan patungong lobby ay natigilan silang tatlo sa nakita. Isang maganda at maputing babaeng ang humahakbang palapit sa kanilang tatlo. Nakaputi itong damit na halos sumayad lang sa kanyang tuhod, hanggang balikat ang kanyang buhok na sumasayaw sa kanyang bawat galaw. Malawak ang ngiti nito habang nakatingin sa kanilang tatlo.
"Hi Lacim, Hello Mico!" anitong mabilis na nagbeso sa dalawang lalaki, na hindi na nakahuma pa. "Kumusta ka na Julian?" lingon niya sa binatang agad natigilan.
Naiiling ay mabilis na umatras si Julian nang tangkain nitong siya ay lapitan. Kitang-kita sa kanyang mukha ang labis na pagkabigla. Natigilan si Brenda sa gagawin, agad na nahiya.
"O Brenda? Kumusta na? Long time no see." si Lacim na agad umarte sa harapan ng babae, upang basagin ang namuong tensyon sa kanilang dalawa ni Julian. "Kailan ka pa?"
"Ayos lang ako." wala sa sariling tumawa ito, lumipat ang mga mata kay Lacim mula kay Julian. "Kakarating ko lang, actually dito ako dumiretso after ko manggaling sa NAIA."
"Asan ang pasalubong namin?" magiliw na lahad ni Mico ng isang kamay sa kanyang harapan.
Malakas itong humalakhak. Mariing ipinilig ni Julian ang kanyang ulo, mababanaag sa kanyang mga mata ang labis na pangungulila sa dalagang nasa kanya nang harapan ngayon. Lumambot na ang masama niyang tingin dito kanina. Hindi na iyon masakit, tila ba wala na at humupa na ang kanyang galit.
"May lakad ba kayo?" tanong nito na nagpalipat-lipat ang tingin sa kanilang tatlo, "Gaya ng dati ah, magkakasama pa rin kayo kahit na sa trabaho. Si Froylan pala?"
"Nagibang bayan." si Mico.
"O talaga? Saang bansa?"
"Nawalan kami ng contact sa kanya." si Lacim, "Gusto mo bang sumama sa amin? Papunta kami sa tambayan."
Wala sa sariling tumayo ang dalaga. Para sa kanya ay hindi na rin sila iba. Nakilala niya ang mga ito at nakapalagayan na rin niya ng loob, magmula nang ipakilala siya sa mga ito ni Julian.
"Sige, ayos lang ba Julian?" baling niya sa lalaki.
"Ayos lang naman sa akin Brenda." tugon nito, naninibago ang t***k ng puso niya sa kaharap na dating kasintahan.
"Cool, let's go so we can catch up."
Nakasunod lang si Julian palabas ng building sa tatlo na patungo sa parking lot. Sa gawi ng pakikitungo ng dalawa sa dalaga ay tila hindi nagbago ang nalamatang pagkakaibigan.
"Anong pinagkakaabalahan mo ngayon Brenda?"
"As usual business, pinapasa na sa akin nila Mommy."
"Gusto mo ba iyon?" si Mico.
"Mayroon ba akong choice?" halakhak ng dalaga na bahagyang lumingon sa blangkong mukha ni Julian, ilang sandali pa ay binawi niya na iyon. "Actually may investment rin si Daddy sa company nila Julian. At legal na binibigay sa akin."
"E 'di palagi na pala tayong magkikita nito." si Lacim.
"Yeah, ganun na nga."
Sa sasakyan ni Lacim sumakay si Brenda dahil pagdating sa parking lot ay agad nang pinaharurot ni Julian ang sasakyan. Naiwan ang tatlo na nanlalaki ang mga mata sa bilis nito.
"Sa tingin ko galit pa rin siya sa ginawa ko sa kanya." si Brenda na sinundan ng tingin ang sasakyan nito.
"Kahit ako ay hindi matutuwa sa ginawa mo Brenda." si Mico na tinalikuran na silang dalawa, "Intindihin mo sana."
Sa biyahe ay panay ang buntong-hininga ni Julian, ilang beses niyang hinampas ng kamay ang kanyang manibela. Hindi niya maitatanggi na hanggang ngayon ay gusto niya pa rin ang babae. Dangan nga lang at iniputan siya nito sa kanyang ulo.
"Ano? Kumusta ka na Julian?" panggagaya niya sa tanong nito, "Ang lakas ng loob magtanong sa akin ng kumusta?"
Muli niyang hinampas ang kamay sa manibela, unti-unting bumabangon ang galit at poot sa kanyang mga mata. Minahal niya nang lubos ang babae, pero sakit lang ang naging sukli nito sa kanya. Hindi siya nito pinahalagahan at iningatan.
Nakakatatlong baso na siya ng beer nang dumating ang tatlo. Sunod-sunod niya iyong nilagok lalo pa nang makita niya si Brenda na malawak na namang nakangiti sa kanya. Naupo ito sa kanyang tabi pagkatapos umorder ng inuming margarito.
"Dito ka na for good?" tanong ni Lacim sa kanya habang sumisimsim ng beer sa basong tangan, "Kumusta na iyong lovelife mo noon na kasamang umalis ng bansa?"
Pagak na tumawa si Brenda pagkatapos sipsipin ang slice ng lemon na nakalagay sa gilid ng kanyang inumin. Sumulyap siya kay Julian na seryosong nakatingin sa baso ng inumin.
"Wala na iyon, binitawan ko rin after isang taon." tugon nito na tumingin kay Mico na nagtaas ng kanyang kamay.
"Waiter, tatlong beer pa nga." anitong pinapanood si Julian na nilulunod na ang sarili sa alak na tangan.
"Bakit mo binitawan? Anong rason?" patuloy ni Lacim sa kanyang naudlot na tanong.
"Babaero." maikling tuhon nito na muling uminom sa baso ng kanyang margarita na nasa kalahati na. "Sumuko ako sa kanya."
"Ganyan ka naman, mahilig kang sumuko." si Julian na ibinagsak ang baso na wala ng laman, "Isang beer pa!" taas niya ng kamay upang kunin ang atensyon ng waiter.
Binalot ng nakakabinging katahimikan ang kanilang mesa. Halos mabasag ang kanilang mga eardrums sa maingay na awitin na mabilis ang bawat beat ng lyrics. Maingay ang mga kalapit mesa nila na nagkakantiyawan at nasa early 20's lang.
"M-May dahilan ako kung bakit ako bumitaw sa'yo." explain ni Brenda sa pagitan ng pagtanggap sa bagong baso ng kanyang order, "At valid naman iyon."
Nagkatinginan si Lacim at Mico. Saglit na nag-usap ang mga mata nilang dalawa. Ilang saglit pa ay tumayo ang dalawa.
"Sasayaw lang kami ni Mico." paalam ni Lacim na pumunta na sa umiingay na dancefloor ng lugar, dala ang baso ng inumin.
"Bakit hindi mo ipinaliwanag sa akin?" harap ni Julian sa dalaga, inilagay niya ang isang kamay sa likod ng upuan nito. "Handa naman akong makinig, at alam mo iyon."
Kinakabahan man ay pagak pa rin itong tumawa. Saglit na ibinaba ang baso ng margarita, pahalukipkip na hinarap siya.
"At isa pa nakalipas na iyon Julian--"
"Nakalipas na," putol nito sa kanya, tinanggal ang kamay sa upuan at muling binuhat ang baso ng beer. Iginala niya ang mga mata sa dancefloor, hinahanap ang mga kaibigan na sasayaw lang ang tanging paalam. "Sabagay... matagal-tagal na ang panahong iyon." lumagok siya ng alak, "Pero hindi ko pa rin mai-alis sa aking isipan na niloko mo ako. Ipinagpalit."
"Julian--"
Nilingon niya ang dalaga gamit ang galit na mga mata.
"Tama ka, huwag nalang nating balikan dahil nakalipas na."
"I didn't cheat!" bahagyang tumaas ang boses ng dalaga, nangingilid na ang luha sa kanyang mga mata. "Ginawa ko iyon dahil naghahanap ako ng atensyon. Atensyon mo na nabaling na sa mga kaibigan at pag-aaral mo."
"Hindi ako nagkulang sa'yo Brenda!" aniyang sinalubong ang mga titig nito, "Alam mo na ginagawa ko ang lahat. Kahit na gagawa kami ng project nakukuha ko pa ring i-date ka. Alam ko na resposibilidad ko iyon, pero nagawa mo ba sa akin iyong responsibidad mo bilang girlfriend ko?" nanginig ang kanyang labi na basa pa ng alak, "Sana ay inunawa mo ako. Oo, kulang na kulang ang atensyon ko sa'yo. Pero hindi mo ba naiintindihan na graduating ako ng college? Hindi mo ako inunawa at binigyan ng pagkakataong bumawi pagkatapos kong makapagtapos ng kolehiyo. Ipinagpalit mo ako!"
Mabilis na nagbagsakan pababa ng kanyang mukha ang mga luha ni Brenda. Namula ang kanyang ilong at mga mata.
"I'm sorry, okay? I'm sorry."
"Iyong atensyon na hinihingi mo sa akin ay sa iba mo hinanap. Tapos sorry lang ang masasabi mo?" bigong usal ng binata sa kanya, nalulungkot para sa kanilang dalawa. "Pwede kang pumunta sa mansion, pwede ka doong tumambay na kagaya ng dati. Pwede ka doong matulog sa kwarto ko, katabi ako. Kung kulang pa rin, pwede mo akong yakapin 24/7 kahit may ginagawa akong projects or thesis tuwing weekend dahil legal naman tayo sa pamilya natin. May ibang paraan pa Brenda kaso hindi mo iyon nakita, naghanap ka ng iba."
Nagkaroon ng tunog ang mga hikbi ng dalaga. Nakabalot sa kanyang buong mukha ang pagsisisi sa nakaraang lumipas na. Mahal na mahal siya noon ni Julian, pero ngayon ay namumuhi at nasusuklam na ito sa kanya. Sinubukan niyang hawakan ang braso ng binata pero iwinaksi siya nito.
"Julian--"
"Tapos na tayo Brenda, matagal na." anitong humina ang tinig, sabay lagok sa natitirang alak na laman ng baso. "Pinutol mo na ang kung anong relasyon tayo meron noon."
Walang imik na tumayo si Julian at iniwan sa mesa ang lumuluhang si Brenda. Nagtungo siya sa counter upang bayaran ang lahat na nainom na alak ng kanilang mesa.
"Lahat na po ba Sir?"
"Oo lahat."
Isang sulyap ang kanyang iginawad sa kanyang iniwang lamesa bago siya tuluyang lumabas ng maingay na lugar.
"Dude, saan ka na pupunta?" si Lacim na may kausap na chinitang babae sa parking lot.
"Uuwi na, solve na ako sa nainom ko."
Humakbang na ito patungo sa sasakyan na nakaparada hindi kalayuan sa kanila.
"Juls, paano si Brenda?" pahabol nito bago pa siya makalulan ng binuksang sasakyan.
"Bahala na siya sa buhay niya." tugon nitong makahulugang ngumiti sa kanya.
"Sandali dude--"
"See you tomorrow!" saludo nito bago mabilis na pinaharurot ang sasakyan palayo sa lugar.
Sunod-sunod na tumunog ang kanyang cellphone, patunay na may mensahe siyang natanggap. Bahagya niyang binagalan ang sasakyan. Dinukwang niya ang cellphone na nakapatong sa shutgon seat ng kanyang sasakyan. Bakas sa mukha niya ang pagkadismaya sa kanyang nabasa. Nagmula iyon sa unknown number at nagpakilalang si Brenda.
'Julian, I'm really sorry. Umuwi ako ng bansa para ayusin ang gusot natin. Marami tayong plano na magkasama, hindi ba?'
"Gusot? Gusot lang iyon para sa kanya?" anitong inihagis pabalik sa kinalalagyan ang cellphone, hindi na binasa pa ang mga kasunod nitong mensahe sa kanya.
Muli niyang pinaharurot ang kanyang sasakyan. Ilang beses niyang sinuntok ang nakakuyom na kamao sa manibela nito. Gusto niyang magalit sa babae, pero hindi ito kayang saktan. Minahal niya rin ito noon, iginalang at pinahalagahan. Mabilis na napa-preno si Julian nang makitang may Isang estudyanteng nakaputi ng uniform ang tumawid sa kalsada. Malakas siyang napamura at muling hinampas ang manibela. Ibinaba niya ang salamin ng kanyang sasakyan upang sitahin ang estudyanteng patanga-tanga kung tumawid.
"Hoy! Magpapakamatay ka ba?"
Nilingon siya ng estudyanteng babae na namumutla ang buong mukha. Gulat na gulat ang kanyang singkit na mga mata. Hindi makapaniwala ang nakaawang nitong bibig.
"Bulag ka ba o sadyang tanga ka lang?!" patuloy niya nang hindi sumagot ang estudyante sa kanya, "Iyan ba ang natututunan mo sa pag-aaral? Ang tumawid kahit na maraming sasakyan ang dumadaan? Tumigil ka na hija, sayang ang perang ginagastos sa'yo ng iyong mga magulang."
Nangunot ang noo ng estudyante, tila may nasapol ito sa sinabi. Umatras siya ng dalawang hakbang. Kapagdaka ay humakbang palapit sa bintana ng sasakyan ng binata.
"Naka red light po K-Kuya," aniya na itinuro ang traffic light sa lugar, "Nasa pedestrian lane po ako at kayo iyong lumabag. Kung makapagsabi kayo na tumigil na ako sa pag-aaral, parang kayo ang nagpapaaral sa akin. At isa pa ho, hindi sayang ang pera ng mga magulang ko sa akin. Bakit po kaya hindi kayo ang tumigil sa pagmamaneho kung ganyan kayo kabilis? Parang kayo ang may-ari ng kalsada." mahaba nitong litanya na ikinalaki ng mga mata ni Julian.
Walang lingon-likod siyang iniwan ng estudyanteng gusot ang magandang mukha. Sinulyapan niya pa itong makatawid ng kalsada. Nang lumingon ito sa kanyang banda ay umirap ito ng katakot-takot. Typical na ugali ng isang estudyante na bago palang nagda-dalaga. Mahinang tumawa si Julian, naaaliw sa dalagitang muntik niya nang masagasaan.
"Cute.." bulong niya habang mahinang tumatawa.
Sinundan niya pa ng tingin ang dalagita hanggang sa lumiko ito. Umiling-iling siya habang kinakagat ang natutuyong labi. Nagbalik ang kanyang isipan sa kalsada nang sunod-sunod na may bumusina sa kanyang likuran. Dagdagan pa ng mga tao sa kalsada na mahinang nagbubulungan. Nahihiya niyang isinarado ang bintana ng sasakyan. At bago pa siya tuluyang lamunin ng hiya ay pinaharurot niya na palayo ang sasakyan.