Chapter 4

2976 Words
Tahimik na nakaupo sa sofa ang estudyanteng muntik nang masagasaan ni Julian habang sinusuklay ang tumutulo pa nitong buhok. Sa kanyang harapan ay naroon ang maliit na salamin na kasya lang ang kanyang maliit na mukha. Sinipat-sipat niya ang dulo ng kanyang buhok na bahagyang nagkakasanga na. Masyado na itong mahaba, kumbaga. Nang muling sumulyap sa salamin ay inirapan niya dito ang sarili. Sabado ang araw na iyon kaya wala siyang pasok sa paaralan. Tinulungan niyang maglaba at maglinis ng kanilang buong bahay ang kanyang ina wala ring trabaho sa araw na iyon. Siya si Freya Lou Evangelista, eighteen years old. Third year college at kasalukuyang nag t-take ng nursing course, sa isang pam-publikong university. Simple lang ang kanyang pangarap, para sa kanya at sa kanyang balong ina. Ang makatapos ng pag-aaral, makapasa sa board exam, makapagtrabaho kahit sa pampublikong hospital upang masuklian niya at matulungan ang paghihirap ng kanyang ina. Hilig niya ang magbasa ng libro mula sa isang online app. Isa rin sa pangarap niya ang magkaroon ng kopya ng mga paboritong libro, subalit nagtitipid silang dalawa ng ina. Isa rin iyon sa kanyang pangarap oras na magtrabaho na siya. Ang makaipon at makabili ng mga librong pwede niyang yakapin. Mariin niyang ipinilig ang ulo at muling umirap sa salamin. Sumasama ang loob niya kapag naaalala ang lalaking muntik nang makasagasa sa kanya sa kalsada. "Paano kung nasagasaan niya ako? Saan kukuha si Mama ng pambayad namin sa hospital?" tanong niya na nakaharap sa sarili sa salamin, "Mayaman ba siya para sagutin iyon?" Ipinagpatuloy niya ang ginagawa, nararamdaman niya na ang pagkulo ng dugo sa mukha ng lalaking iyon. Sinabihan pa siya nitong bulag at tanga. Pinayuhan rin siya nitong tumigil na sa kanyang pag-aaral dahil sayang lang ang pera ng kanyang ina. "Ang kapal talaga ng mukha niya!" padarag nitong tayo, "E kung siya kaya ang tumigil na magmaneho ng sasakyan. Napakayabang niya, akala mo siya nagpatayo ng kalasada!" Kinuha niya ang salamin at ibinalik sa sinasabitan nitong maliit na pako. Nanggigigil siya lalaking iyon! "Siya 'tong bulag at tatanga-tanga. Naka red light kaya!" Muli siyang bumalik sa sofa, pabagsak siyang naupo dito. Binuhay niya ang stand fan at itinutok paharap sa kanya. "Sino na namang kausap mo Freya?" pasok ng kanyang ina bitbit ang ilang tangkay ng malunggay, "May kaaway ka?" Muling umirap sa kawalan si Freya. "Wala po Mama." Tumuloy ang kanyang ina sa mesa. Ipinatong nito ang bitbit na dahon ng mga malunggay. Kumuha siya ng pinggan. "Oh Freya himayin mo 'to nang may magawa ka." Tinanggap ng dalagita ang inaabot ng kanyang ina. Ipinatong niya sa kandungan ang pinggan at sinimulang tanggalin isa-isa ang dahon ng mga malunggay sa kanyang tangkay. "Bobo siya? O bobo siya?" tanong niya habang nakatingin sa dahon na kanyang hinihimay, "O bobo talaga siya?" "Freya, ang bibig mo naririnig kita." saway ng kanyang ina na kasalukuyang naliligo sa banyo. Malakas na humalakhak si Freya, natatawa sa kanyang sarili. Muling napawi iyon nang maulinigan niya pa ang mga hinuha ng mga taong nakasaksi sa muntik nang aksidente. "Grabe naman! Muntik na siyang masagasaan!" "Oo nga, naku kawawa ang magulang ng batang 'yan kung nagkataon na may nangyaring masama." "Ang angas ng lalaki, siya na nga ang mali siya pa ang galit?" "Siyempre kawawa talaga doon si Mama, saan niya hahabulin ang mayabang na lalaking iyon?" tanong nito sa kawalan. Ang isipina na mag-aalala ng sobra ang kanyang ina sa kanya ay dumudurog na sa kanyang batang puso. Hindi niya maatim na kung saan-saan ito uutang na pambili ng kanyang gamot at pangbayad sa magiging bill nila sa hospital. Ito nalang ang kanyang kayamanan at kakampi, ayaw niya itong masaktan. Pagkatapos maligo ng kanyang ina ay saglit na umalis ito. "Susunduin ko lang ang Auntie Sioling mo, Freya." Hindi siya kumibo, wala siyang naging reaction maging nang makita niya ito na bagong dating galing sa probinsya. "O Freya, magmano ka sa Auntie mo." Tinatamad na tumayo ito at lumapit sa kanila. Walang imik na kinuha nito ang isang kamay ng tiyahin. Nakasimangot na dinala niya iyon sa kanyang noo. Pagkatapos noon at bumalik siya sa kanyang saglit iniwang ginagawa. "Naku, si Freya na ba ito Ate Delia?" tanong ng babae na pilit pinasasaya ang kanyang tinig, "Ang laki mo na hija at ang ganda-ganda mo pa." Lihim na ngumisi si Freya sa kanyang sarili, tumungo siya upang hindi iyon makita ng dalawang kasama. "Oo siya na nga 'yan Sioling." tugon ni Felia, humakbang ito patungo sa kanilang maliit na mess at nagsalin ng tubig sa pitsel. "O, uminom ka muna ng tubig nang mawala ang init." Galing pa sa isa sa bayan ng Albay si Sioling, dose oras ang biyahe patungong Maynila. Sumaglit siya dito dahil sa pag-asang muli nang makikita ang naglayas na panganay niya. "Siguro ang laki na rin ngayon ni Aleigh, Ate Felia." anitong inubos ang laman ng hawak na baso, "Hindi naman sinasadyang pagbuhatan siya ng kamay ni Armando. Nabigla lang siya sa ginawang pagsagot sa kanya ni Aleigh." Ang tinutukoy ni Sioling ay ang kanyang anak na panganay na si Aleigh. Isang taon na mula noong lumayas ito sa kanila sa probinsya at hindi na nagpakita pa. Pinsang buo ito ni Freya na anak ni Sioling sa pagkadalaga. Kaya iisang apelyido ang mayroon silang dalawa. Nauunawaan ni Freya ang hinaing ng kanyang pinsan, sinabi niya pa na kung sa kanya iyon ginawa. Lalayas rin siya kagaya ng ginawa nito nang hindi niya na kaya. Nagtra-trabaho si Aleigh bilang isang katulong sa isang mayamang pamilya. Madalas na bumisita ito sa kanila. "Mali naman talaga ang ginawa ng asawa mo, Sioling." ang ina ni Freya, "Kahit na mayroong mali si Aleigh ay hindi pa rin tama na saktan niya ito lalo pa at hindi naman niya ito anak." "Iyon na nga ate, kaya ako nandito ay para sunduin na siya." "Imposibleng mangyari iyang iniisip mo Sioling." anitong sumulyap kay Freya na hindi na maipinta ang buong mukha, nasusuklam rin siya sa kanyang tiyahin iyon. "At ang isa pa ay hindi mo siya ipinagtanggol sa iyong pangalawang asawa. Ina ka niya Sioling, dapat ay ikaw ang kanyang kakampi." "Nagsisisi na ako Ate Felia, alam kong nagkamali ako." "Lumayas ang batang 'yon dahil masama ang loob niya sa'yo. Hindi naman iyon aalis kung alam niyang kakampi ka niya." Nagsimulang humikbi ang babae, sising-sisi ang kanyang mga matang nababalot ng lungkot at pagkasabik sa kanyang anak. "Huwag kang mag-alala sa anak mo Sioling, nasa maayos siyang kalagayan. Malusog at medyo tumangkad na rin." nilingon niya ang kanyang anak na matatapos na sa ginagawa, "Freya ipakita mo nga sa Auntie mo ang picture ni Aleigh sa cellphone mo. Iyong kuha niyo nang nagdaang linggo." Timatamad man ay tumayo pa rin Freya, dinampot niya ang cellphone na nakapatong sa ibabaw ng kanilang maliit na TV. Mabilis niyang ini-scroll ang album nito at hinanap ang solong litrato ng kanyang pinsan. Inabot niya iyon sa ina. "O ito, tingnan mo Sioling." Lalo pang lumuha ang babae, kitang-kita ang sabik sa kanyang luhaang dalawang pares ng mata. "Ang laki na nga ng anak ko." sambit nito na nakatutok ang mga mata sa screen ng cellphone, "Gusto ko siyang mayakap Ate, paano ko siya pupuntahan?" Muling nag-angat ng tingin si Freya sa kanyang tiyahin. Saglit na nangunot ang kanyang noo sa nais nitong mangyari. "Hindi mo siya pwedeng puntahan doon Sioling. Alam mo na galit pa rin sa'yo ang batang iyon." tugon ni Felia sa kapatid, "Hindi ka noon kakausapin. At baka masira pa siya sa kanyang mga amo, sayang naman ang kanyang trabaho na hindi naman masyadong mabigat." "Anong gagawin ko Ate para makausap siya?" tanong nito na dinukot ang panyo sa kanyang bulsa. "Ganito, tatawagan nalang natin siya para makausap mo." paliwanag nito sa kapatid, "Tapos kung hindi ka pa makuntento ay uutusan ko si Freya na puntahan siya sa kanyang trabaho para makasiguro tayo na ayos lang siya." Mabilis na tumayo si Freya, nais tumutol sa sinabi ng kanyang ina. Wala siya sa mood lumabas dahil sa mainit na panahon. "Maraming salamat ate." Humakbang si Freya patungo sa lamesa at ipinatong niya doon ang hinimay na dahon ng malunggay. Pagkatapos maghugas ng kamay ay nilingon niya ang dalawa. "Mama, hindi ko po alam ang address ng pinagtra-trabahuhan ni Aleigh." wika na nito nang hindi na nakatiis pa. "May address ako dito Freya," sagot ng kanyang tiyahin na dinukot sa bulsa ng bag ang gusot na piraso ng papel, "Napilit ko si Aiza, iyong kaibigan niya na ibigay sa akin." Nakasimangot at walang imik na tinanggap iyon ni Freya. Padabog siyang pumasok ng kanyang silid upang magpalit ng panlakad na damit. Dinukot niya sa bulsa ng bag ang iilang barya na kanyang inipon sa kanyang maliit na baon. "Freya kumusta?" masayang sagot ng pinsan nito sa kabilang linya, "Pupunta ako diyan bukas." "Talaga? Nandito si Auntie Sioling, gusto kang makita." Malalim itong bumuntong-hininga. Walang plano na kausapin ang kanyang iniiwasang ina. Nang hindi ito sumagot ay mabilis niyang ipinasa ang cellphone sa naghihintay na tiyahin. "Aleigh? A-Anak?" Lalo pang lumakas ang pag-iyak ni Sioling nang marinig ang boses ng kinasasabikang anak. "Anong ginagawa mo diyan kina Auntie Felia? Ginugulo mo sila? Umalis ka na diyan, ayaw kitang makita Inay!" "Aleigh, sandali lang--pinatay niya na." Malalim na bumuntong-hininga si Freya, problemado na. "Hindi po kasi pwedeng isisi lahat kay Aleigh Auntie." saad na nito nang hindi nakatiis, "Ikaw iyong ina Auntie kaya dapat na siya ang kampihan mo sa mga oras na iyon." "Hindi ko naman alam ang nangyari--" "Imposible po 'yang sinasabi mo Auntie." putol sa kanya ni Freya, "Sinabi sa akin ni Aleigh ang lahat, hindi lang isa o dalawa o tatlong beses siyang nasasaktan ng asawa mo. Seyempre po wala kayo, dahil nasa sugalan kayo palagi." "Freya ang bibig mo." saway sa kanya ng ina, "Gumalang ka pa rin sa kanya kahit na kaunti." "May po at opo pa rin naman ako Mama, ang sinasabi ko lang kung magsisisi pala siya ngayon dapat ay kinampihan niya na si Aleigh noong sinasaktan siya, ng kanyang asawa." "Oo na, naiintindihan ko na ang punto mo anak." paghina ng tinig ni Felia, "Puntahan mo nalang si Aleigh." Agad bumusangot ang magandang mukha ni Freya. Kumulubot nang bahagya ang kanyang noo at ilong. "Ang init po Mama." "Sige na anak, ngayon lang naman." bumaling ito sa kapatid na walang tigil sa pag-iyak, "Tumahan ka na Sioling, papapuntahan natin siya ngayon kay Freya." Walang imik at padabog na humakbang si Freya papasok ng kanyang silid. Muli siyang nagpalit ng maayos-ayos na damit. "Ma, hindi pa ako kumakain ng tanghalian." sambit nito pagbalik sa sala. "Mamaya ka na kumain 'nak, nang matahimik na ang diwa ng Auntie Sioling mo. Sige na, lakad na." Hindi ito sumagot, tumutubo na naman ang inis sa dibdib. "Hija, pwede mo rin bang i-abot mo ito sa kanya?" tanong nito sabay turo sa maliit na kahon, "Pasalubong ko 'yan sa kanya." Ang singkit na mga mata ni Freya ay lalo pang naningkit, habang pinagmamasdan niya ang maliit na kahon sa harapan. Sa pagtitig niya dito ay walang sabi-sabing bumalik ang masamang karanasan niya sa mga kamay nito sa nakaraan. Bata pa noon si Freya nang iwanan siya ng kanyang ina sa pangangalaga ni Sioling, upang makapagtrabaho sa Maynila. Nasa mga unang baitang siya noon sa elementarya. Noong mga unang buwan ay maayos pa ang pakikitungo nito sa kanya. Ngunit nang nagtagal na ay tuluyan nang nagbago ito. Ang perang iponapadala ni Felia para sa anak ay sa mga anak ni Sioling napupunta. Napupunta rin iyon sa walang kwentang bagay, gaya ng utang, bisyo at sugal ng kanyang tiyahin. Naging maramot si Sioling sa kanya. Tinitipid siya sa pagkain hanggang sa tuluyan nang wala na siyang makain na pagkain. Gabi-gabi noong umiiyak si Freya yakap ang kanyang kumakalam, masakit at walang laman na sikmura. "Auntie, hindi po ako kumakain ng isda." isang gabi ay reklamo nito sa tiyahin, "Mayroon po ako diyang allergy." "Anong allergy na pinagsasabi mo diyang bata ka?" singhal nito sa kanya, "Pang mayaman lang ang salitang allegy, Freya. Kung anong pagkaing nandiyan, iyon ang lamunin mo. Huwag ka ng umarte pa dahil wala rin namang padala ang Mama mo." Walang nagawa ang batang isipan ni Freya kung hindi ang kainin ang kung anong nakahain sa habag kainan nila. "Sa'yo nalang itong okra Freya, isawsaw mo sa asin." kusang loob na bigay sa kanya ni Aleigh, "Ako nalang ang kakain ng isda na ayaw mo. Sa'yo na rin itong sitaw at talong." Nakasanayan na ni Freya ang bunganga ng kanyang tiyahin na araw-araw niyang naririnig. Napilitan siyang tumulong kay Aleigh na maglinis ng kanilang maliit na tahanan. Maghugas ng mga pinagkainan, magluto ng kanin at maglaba. "Pasensiya ka na kay Inay, Freya." sambit ni Aleigh habang magkaharap silang dalawa na naglalaba. "Ayos lang sa akin." tugon nito na pilit kinukusot ng munting kamay ang malaking damit ng kanyang tiyuhin. Dumaan pa ang mga araw, patuloy sa pagpayat si Freya dahil madalas siyang kumakain ng walang ulam. Palaging isda ang nakahain sa hapagkainan at wala man lang sariwang gulay. "Inay, ano pong iuulam ni Freya?" tanong ni Aleigh sa kanyang ina na kasakuyan noong nagdadalang tao na, "Kahit sana isang itlog lang o di kaya de lata." "Huwag na siyang mapili, kung ano ang nakahain iyon lang kainin." tugon nito sa masungit na tinig, "Huwag ng mag-inarte at maghanap ng wala, dahil wala tayong perang pambili." Ang kanilang isdang ulam ay ang madalas na bingwit ng pangalawa nitong asawa pagkatapos magtanim sa bukid. Kaya nakukuha nila ito ng libre at walang kapalit na pera. "Pero Inay--" "Ano ba Aleigh?" pagputol nito sa anak, "Kakain ka o ipapakain ko nalang sa aso iyang pagkaing para sa'yo?" Napilitang kumain si Freya ng isda kahit na nangangati siya dito. Nagkapantal-pantal ang kanyang buong katawan. Hindi nagtagal ay nilagnat siya nang napakataas. "Inay, dahil po iyan sa isda!" malakas na iyak ni Aleigh, "Sinabi na po niyang allergy siya sa isda!" "Magtigil ka Aleigh, huwag kang mataranta diyan!" Wala sa planong umuwi si Felia dahil na-hospital ang kanyang nag-iisang anak. Ilang araw siya doong namalagi. "Isasama ko na pabalik ng Manila si Aleigh, Sioling." saad nito nang makalabas sila ng hospital. "Sigurado ka ba diyan Ate Felia?" "Oo, mas mabuti nang ako ang magpalaki sa kanya." Nagalit at sumama ang loob ni Felia sa kapatid lalo pa at sinabihan niya na ito simula palang na bawal siya sa isda. "Mahirap na rin na ipagkatiwala pa si Freya, sa iba." "Ate Felia--" "Ayos lang Sioling, naiintindihan ko." Nang gabing iyon ay nagbiyahe silang mag-ina paluwas ng Manila. Hindi alintana na mahina pa ang kanyang anak. Sa biyahe sa bus paluwas ng Manila ay makikita sa mukha ni Freya ang labis na pagkasabik sa ina at ang saya. "Sinasaktan ka ba ng Auntie Sioling, Freya?" haplos niya sa ulo ng katabing anak, marahan itong tumango sa ina. "Huwag kang mag-alala anak, hindi na tayo magkakahiwalay pa." "Kapag hindi ako kumakain ng isda, pinapagalitan niya ako." anitong sumbong sa ina, "Tapos, kapag hindi ko tinutulungan si Aleigh na maglaba o maglinis ng bahay, kinukurot o pinipingot niya ako sa tainga." Napakurap-kurap si Felia sa sumbong ng kanyang anak. Mababanaag ang sakit at awa sa kanyang mga mata. Hindi niya lubos maisip na mina-maltrato ito ng sariling kapatid. "Mabigat po iyan." pabalang na sagot ni Freya sa tiyahin, "Pupuntahan ko lang si Aleigh pero hindi ko 'yan dadalhin." Hindi na maipinta pa ang kanyang itsura dahil sa masakit na alaala ng kanyang kabataan sa tiyahin. Mariin niyang itinikom ang kanyang bibig upang huwag niya na itong masagot pa. Palaisipan pa rin kay Freya kung paano ito natanggap muli ng kanyang ina. Samantalang noon, ay galit na galit ito sa kanya. "Pero...pasalubong ko ito sa kanya hija." Tiningnan ni Freya ang kanyang ina. Mariin siyang umiling. "Mama, hindi ko iyan dadalhin dahil mabigat." saad nito na humihingi ng tulong sa ina, "Nakikisuyo nalang, abusada pa." Padabog itong lumabas ng kanilang pintuan. Bitbit ang kanyang nakatuping payong at isang maliit na panyo. "Ate Felia--" Narinig nito ang paghingi ng tulong sa kapatid. "Hindi niya ba talaga dadalhin--" "Hindi mo masisisi ang aking anak Sioling, hindi maganda ang naging trato mo noon sa kanya." sagot ng kanyang ina, "Ang mabuti pa ay dalhin mo nalang pabalik ng probinsya kung anuman iyang dapat ay pasalubong mo sa iyong anak. Hindi ko siya pwedeng pilitin sa ayaw niyang gawin." Hindi makalimutan ni Freya ang minsang hampasin siya nito sa ulo ng takip ng kaldero, dahil sa nasunog na ilalim ng kanin. Wala siya noong nagawa kundi ang umiyak at magdasal na sana ay kunin na siya ng kanyang tunay na ina sa poder nila. Nagliliyab ang init ng kalsada sa mga mata ni Freya habang naghihintay siya ng jeep sa terminal ng sasakyan. Patungo ito sa kanilang maliit na bayan, pagdating doon ay sasakay siya ng bus patungo sa mas malaking terminal. Muli siyang sasakay ng jeep papasok sa pang mayamang subdivision. "Ang init.." usal ni Freya na pinapaypayan ng panyo ang mukha pagkasakay niya sa punuan at siksikang jeep. Pagkatapos ng ilang oras na nagpalipat-lipat siya ng sakayan ay narating niya rin ang address na kanyang nais puntahan. "Dito na ba iyon?" tanong niya sabay sipat na papel na kanyang hawak patungo sa numero ng malaking gate, "Ito na nga iyon." Humakbang siya sa makipot na pathway na patungo sa malaki at matayog na gate. Masyado itong mataas kaya iisipin nang makakakita sa lugar na napakayaman ng nakatira dito. "Ang swerte mo naman insan," usal ni Freya habang nakangiti ng malawak, "Nakaranas ka ng tumira sa malaking tahanan na kahit hindi ikaw mismo ang siyang may-ari nito." Wala sa sariling kumatok ang dalaga sa makapal na katawang bakal ng naturang tarangkahan. "Ang taas naman ng doorbell." simangot na reklamo ng dalagita, "O sadyang pandak lang ako para hindi maabot ito?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD