Chapter 6

2061 Words
Masayang iginala ni Freya ang paningin niya sa kabuohan ng mansion habang marahan siyang naupo sa malambot na sofa sa tanggapan noon. Malawak siyang ngumiti habang pinagsasawa ang mga mata sa mga painting na nakasabit sa bawat dingding.   "Salamat po," tanggap niya sa baso ng juice na dinala sa kanya ng isa sa mga unipormadong kasambahay. "Walang anuman hija." tugon ni Delia sa kanya na nasisiyahan sa pagiging magalang ng magandang dalaga, "Ito pa ang sandwich." "Salamat po ulit, Ate." Marahang naupo si Delia sa harap ng tsinitang dalaga. Nasisiyahan siya sa magandang ugali nito. Kagaya ito ni Aleigh na mapagkumbaba. "Ikaw pala ang pinsan ni Aleigh na palagi niyang pinupuntahan sa day off niya?" Tumango si Freya na kakatapos lang kumagat sa sandwich. Managal siyang ngumuya at saka ngumiti.   "Ako nga po Ate." lunok nito sabay inom ng juice. "Magkamukha kayong dalawa." saad ni Delia sa hugis ng ilong at kanilang mukha, "Hindi lang mukha maging sa ugali din. Napakagaling makisama ni Aleigh sa amin dito." "Salamat po sa pagtanggap sa kanya dito." Malawak na muling ngumiti si Delia sa kanya. Nais pa niya sanang makipag-kuwentuhan subalit humihiyaw na ang kawali ng ulam na nakasalang. "Dito ka na kumain ng tanghalian hija ha?" Hindi na nagawa pang tumanggi ni Freya nang mabilis na itong umalis sa kanyang harapan. Ipinagpatuloy niya ang pagkain at pag-inom ng juice. 'Ganito pala kapag anak ka ng mayaman.' aniya sa kanyang isipan, 'Parang nasa mga kamay mo na ang lahat ng bagay.' “Freya! Freya!” bulalas ni Aleigh na nasa ilang baitang pa ng hagdang kahoy. “Hindi ako magagalit sa’yo kahit na si Inay pa ang nagpapunta sa'yo dito!” dugtong niya na mahigpit na si Freya’ang binigyan ng yakap. Tumayo si Freya para gantihan naman siya ng mahigpit na yakap. “Kumusta ka dito Aleigh?” tanong nito na tinitigan ang kulay puting uniform na suot niya, mukha siyang nurse sa kanyang ayos. Nakapusod pa ng mataas ang kanyang mahabang buhok. Nakasuot rin siya ng puting sapatos. “Mukha kang nurse Aleigh.” “Naman, personal nurse ako ni Senyora Juliana!” masigla niyang tugon sa kaharap na pinsan, “Sino ang nagdala sa'yo ng meryenda?” kapagdaka ay tanong niya sa pinsan. “Si Ate, iyon yata ang inyong kusinera.” “Aah, si Ate Delia? Mabait iyon Freya.” “Halata nga,” tango ng pinsan sa kanya na inilapag na sa maliit na platito ang paubos niya ng sandwich. “Pinapunta ako ni Auntie Sioling dito.” “Aah, inabala ka pa talaga.” humalukipkip ito at dume-kwatro pa siya, inugoy-ugoy niya ang kanyang isang paa habang iniisip ang perwisyo nito sa kanya. “Pasensiya ka na—” “Ayos lang, utos din sa akin ni Mama.” pagputol ni Freya sa sasabihin niya na muling dinampot ang sandwich na binitawan, “At saka iyak nang iyak ang Inay mo, Aleigh.” “Sus, arte niya lang iyon. Hindi tunay na nasasaktan siya ngayon.” hugot niya ng malalim na hininga, “Kilala mo siya Freya, mapagkunwari at madalas magpanggap na biktima.” Hindi na nagsalita pa si Freya, ayaw niya ng dagdagan pa ang galit ng kanyang pinsan sa tunay nitong ina. Kung saan-saan pa napunta ang usapan nilang dalawa. Sa school, sa trabaho at sa mga lugar na nais nilang puntahan nang magkasama. Hanggang sa dumako ito sa mga lalaking kasalukuyang nasa pool at maingay na naglalangoy doon. “Maiba ako Freya, sa tingin mo sino ang guwapo sa kanilang tatlo?” nguso nito patungo sa labas ng kanilang kinaroroonan, patungo sa pool na kasalukuyang naglalangoy si Mico, Lacim at Julian. “I mean sa kanilang tatlo?” “Saan?” lingon ni Freya doon na ngumunguya pa rin ng kinagat na sandwich niya. Noong una ay hindi iyon maintindihan ng inosenteng si Freya, ngunit hindi nagtagal ay nahulaan na niya ang itinatanong ng pinsan niya sa kanyang malawak pa ang ngiti. “Iyong matangkad? Iyong may dimple sa kaliwa?” tanong ni Aleigh na namumula na rin ang buong mukha, “O iyong kasalukuyang umiinom ng tubig at bahagyang naka-side?” “Alin ba diyan ang Senyorito mo, Aleigh?” sa halip at tanong niya sa kanya. Dumukwang palapit sa kanya si Aleigh, inaabangan ang kanyang magiging reaction sa kanyang naging tanong. Gusto niya lang naman tanungin ang kanyang pinsan ngayon. “Sagutin mo muna ang tanong ko at sasabihin ko sa’yo ang Senyorito ko, insan.” Isa-isa silang sinilip at pinagmasdan ni Freya at unang dumapo ang kanyang mga mata kay Lacim na malakas na tumatawa sa mga sandaling iyon. Ito ang lalaking mayroong malalim na biloy sa kaliwang pisngi, wavy ang buhok nito na maikli ang pagkakagupit. Sunod niyang sinulyapan ay si Mico na nakaupo sa lounger at kasalukuyang may seryosong sinasabi sa matangkad na lalaking nakatayo. Ang unang napansin dito ni Freya ay ang matangos na ilong at ang pares ng kanyang mapang-akin na panga na kitang-kita. Automatic na napa-ismid si Freya nang dumako ang kanyang paningin sa matangkad na lalaki. Ito ang lalaking mayroong masamang ugali na muntik nang makasagasa sa kanya. At kahit na guwapo ito sa kanyang paningin ay sinabi niya sa pinsang pangit pa rin ito. “Gwapo iyong may biloy saka iyong umiinom ng tubig.” tugon nito na agad ikinakunot ng noo ni Aleigh, hindi siya makapaniwala na hindi kasama sa gwapo sa paningin ni Freya ang kanyang mabait na Senyorito. “Sakto lang ang mukha noong matangkad na lalaki.” Malakas ng tumawa si Aleigh sa komento ng kanyang pinsan, hindi pa rin siya makapaniwala dito na sasabihan niya si Julian ng sakto lang ang pagmumukha. “Seryoso ka ba diyan, Freya?” hindi makapaniwala niya ng tanong. “Oo, bakit iyon ba ang Senyorito mo Aleigh?” inosenteng tanong ni Freya sa kanya. Halos maibuga ni Freya ang juice na kanyang iniinom nang marahang tumango ito sa kanya habang titig na titig sa kanyang mga mata. Hindi siya makapaniwala na ang masama ang ugaling lalaking iyon ay ang amo ng kanyang pinsang buo na si Aleigh. “Napakabait noon Freya, wala akong masabi sa kanya.” pagyayabang pa ni Aleigh dito. “Sigurado ka diyan?” si Freya na muling tiningnan at sinipat si Julian. “Oo, lagpas na akong isang taon dito kaya naman kilala ko na siya.” assurance pa ni Aleigh na may kung anong naaamoy sa mga galaw ay tingin ni Freya sa binatang amo. Nagkibit-balikat lang si Freya, ayaw ng magsalita pa. “Mukha silang babaerong tatlo, Aleigh.” wala sa sariling turan pa ni Freya sa kanila. “Naku hindi ah, mukha lang pero hindi talaga.” walang pakundangang agarang depensa ni Aleigh sa tatlong binata doo, “Gwapo lang sila kung kaya naman mukhang babaero.” Sumalo si Freya sa kanilang tanghalian na kasabay ni Donya Juliana. Nang una niyang makita ito ay mabilis siyang tumayo at nakangiting nagmano sa matandang labis na natutuwa sa kanya. Noong una ay panay ang tanggi niya dito, pero kalaunan ay napapayag rin siya ng mga ito. Salo-salo silang tatlo na kumain sa magarang kusina ng mansion. Pinagsisilbihan ng mga nakangiting kasambahay na mga kasaman ni Aleigh. Nahihiya si Freyang kumain upang makibagay sa kanila. "Dinalhan niyo na ba ng pagkain ang Senyorito niyo?" tanong nito na nakatingin kay Delia, "Kung hindi pa ay dalhan niyo na sa pool." Agad tumalima sa utos nito si Delia, kumuha siya ng tray, pinggan, baso at saka lalagyan ng pagkain. Nakangiti siyang tinulungan ni Matet. "Kain ka ng marami hija." alok sa kanya ng Senyora. "Allergy po siya sa isda, Senyora." pagbibigay alam ni Aleigh. Tumungo si Freya, nahihiya na sa mabait na matanda. "Ay ganun? Naku, ilayo mo ang mga prito sa kanya Aleigh." Tahimik na silang kumain na tatlo. "Dalasan mo ang pagbisita dito hija." paanyaya ng matanda sa dalagita, "Pwede kang magtungo dito tuwing wala kang pasok sa school. Palaging bukas ang pintuan ng aming mansion." "Salamat po S-Senyora." "Anong height mo hija?" Noong una ay naguguluhan si Freya sa tanong nito, ngunit nang maisip na baka tungkol iyon sa doorbell nila ay sumagot rin siya. "Five flat po." Mahinang tumawa si Aleigh na ang kalakuyang height ay five four. "Paano mo naabot ang doorbell?" prangkang tanong nito. Nahihiyang ngumiti sa kanya ang dalagita. "Iyong tatlo pong lalaki na naliligo sa pool." "Susmayusep!" saad ng matanda na nababahala, "Hinarap ka ng mga iyon sa mga ganong hitsura?" "N-Nakatapis po sila ng tuwalya." Lumunok ng laway si Freya, labis na nahihiya sa harapan ng matanda. "Kapag dadalasan mo ang pagbisita dito, bukas na bukas rin ay pabababaan ko ang doorbell namin." "Naku hindi na po--" "Tatangkad pa po iyan si Freya Senyora," putol sa kanya ni Aleigh, "Eighteen palang po iyan e, mayroon pa siyang itatangkad." Tumango ang matanda sa kanya bilang pag sang-ayon dito. "Pwede ka sa aming sumabay mag dinner o pwede ring almusal hija." anitong mabilis ikina-ubo ng dalagita. "P-Po?" "Ang ibig kong sabihin hija ay pwede mong sabayan si Aleigh na mag-aalmusal, mag tanghalian o di kaya naman ay mag hapunan." "Kapag hindi po ako busy, Senyora." "Lola nalang ang itawag mo sa akin hija." anitong ikinatitig ni Aleigh sa matanda patungo sa kanyang gulat na gulat na pinsan. "Para na rin kitang apo Freya, kaya gusto ko na tawagin mo akong Lola." paliwanag nito, "Ganyan rin ang ipinapatawag ko sa akin kay Aleigh, pero heto siya Senyora nang Senyora sa akin." Speechless. Hindi makapagsalita si Freya. Lumipat ang kanyang mga mata kay Aleigh na mayroon ng hilaw na mga ngiti. Alam niya kung ano ang tinutumbok ng matanda. Gusto niya ang katauhan ni Freya. "At sana rin ay makilala mo ang aking apo na si Julian." Pekeng tumawa si Freya, sinabayan siya ni Aleigh na naiiling na rin. "Mukha pong masungit ang apo niyo Senyora." pagsakay ng dalagita sa naging biro ng matanda. "Naku, mabait iyon si Senyorito Freya." pagtatanggol ni Aleigh dito, "Hindi mo lang kilala kaya nasasabi mo na masungit siya." "Tama si Aleigh hija, hindi masungit ang aking apo." Pagkatapos ng tanghalian ay saglit na nakipag-kwentuhan pa sa kanila si Donya Juliana. Nagpaalam rin ito agad at nagpahatid kay Aleigh patungo sa kaniyang silid pagkaraan ng kalahating oras. "Babalik ako Freya." paalam niya sa pinsan. "Balita ko nursing ang course mo?" si Joy na ngiting-ngiti sa kanya, marahan siyang tumango. Pinilit niyang tumulong na magtabi ng mga ulam kahit na panay tanggi ang mga ito. "Ganyan rin ang course ko." "Natapos mo siya ate?" "Naku hindi, mahabang kwento." "Huwag ka ng tumulong sa amin Freya." saad ni Delia, "Bisita ka dito, nakakahiya naman." "Oo nga Freya, doon ka na sa sala." si Matet. "Naku hindi, sanay ako sa ganito." Nagkatinginan ang mga kasambahay bago ngumiti sa isa't-isa. Nakikita nila sa ugali nito ang ugaling taglay ng pinsang buo nito. "Magpinsan talaga kayo ni Aleigh." si Abi na natatawa. Muli silang nagkwentuhan ni Aleigh tungkol sa kanyang trabaho. "Okay ka naman dito Aleigh?" "Kagaya ng nakikita mo Freya, masaya ako dito." "Sige, ganun nalang rin ang sasabihin ko kay Auntie." Nang lalo pang tumindi ang sikat ng araw ay nagpaalam na rin si Freya. Ayaw pa sana siyang pauwiin ni Aleigh, subalit kailangan na rin nitong umakyat sa silid ng Donya para samahan ito sa pagtulog. Inihatid siya ni Aleigh sa malaking pintuan ng mansion. "Hindi na kita maihahatid pa sa gate Freya," dismayadong saad ni Aleigh, "Kailangan ko ‘ring umakyat sa silid ni Senyora Juliana." "Naiintindihan ko,” tapik ng dalagita sa balikat ng pinsan niya, "Huwag mo na akong ihatid at alam ko na rin naman ang daan palabas dito." "Mag-iingat ka insan." "Ite-text kita pagdating ko sa bahay." "Okay, hihintayin ko ang text mo." Tinanaw ni Aleigh sa bintana sa may veranda ang mabagal na paghakbang ni Freya patungo sa gate ng mansiong kinaroroonan nila. Nakita niya pa nang dumaan ito sa harapan ng kanyang Senyorito Julian at mga kaibigan. Habol ang tingin ng tatlo sa kanyang dalagang pinsan. Nakita niya rin kung paano ito lapitan ni Lacim upang ihatid sa malayo at nakapinid na gate. "Nakausap mo ba si Aleigh?" pagtatanong ni Lacim kay Freya na tango lang ang naging sagot sa kanya, "Sino ang mas matanda sa inyong dalawa ni Aleigh?" Tumigil sa paghakbang si Freya at hinarap niya ito. "Bakit niyo tinatanong?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD