Chapter 11

2529 Words
Pagkababa ng tawag ay muling nagpalakad-lakad si Freya. Patungo sa kanyang silid, patungo sa kusina at sa kanilang sala. Mukha siyang hindi mapataeng pusa sa pag-aalala. Ilang saglit pa ay dinampot niya na ang cellphone na nakapatong sa maliit nilang lamesita sa sala. Tinitigan niyang mabuti ang pangalang naka save doon ni Julian. "Tatawagan o ite-text?" muli ay tanong niya sa kawalan, tumigil siya sa paghakbang at muling kinagat ang hinliliit. "Text nalang para hindi masyadong nakakahiya." Freya: Hello, pasensiya na sa istorbo. Nahuli akong lalabas ni Mama at sa tingin ko ay hindi na ako makakapunta. Unless, susunduin mo 'daw ako dito sa aming bahay. Nakakahiya naman kung ganu. Kung papayag ka ay next time nalang. Huwag ka ng mag-abala pa. Salamat. Nag-ipon muna ng matatag na lakas ng loob si Freya bago niya ito ipinadala sa kanya. Mababanaag sa kanyang mga mata ang labis na kabiguan sa araw na iyon. Pabagsak siyang naupo sa sofa. Unti-unti niyang hinubad ang kanyang suot na sandals. Ganundin ang sling bag na dala. Halos matumba siya sa labis na kaba nang mag vibrate ang kanyang cellphone na inilapag niya sa gilid ng upuan. Julian: Ayos lang, sige susunduin kita. I-text mo sa akin ang exact address ng inyong tahanan. Give me an hour or two. Baka eksaktong six in the evening ay nandiyan na ako, kung hindi masyadong traffic sa daan. See you later, Freya. Mabilis na tumayo si Freya, excitement na ang naka-rehistro sa kanyang malungkot na mga mata kanina. Agad niyang nilingon ang nakapinid na pintuan na silid ng kanyang ina. Nagmamadali siyang tumakbo patungo dito. "Mama, susunduin niya ako!" bulalas niya pagkapasok ng naturang silid. Halos matumba naman sa gulat ang kanyang ina na abalang nagpla-plantsa ng mga panlakad nilang damit. Binitawan nito ang plantsa sa kabayo bago siya nilingon. "Ganyan ka talaga kasaya na susunduin ka niya?" agad natamimi si Freya, rumehistro ang labis na hiya sa kanyang masayang mga mata. "Anong oras siya darating?" "Six po Mama." sagot nito na sinulyan ang relo na mag a alas singko palang, "Maliligo lang po ulit ako." Nanlaki ang mga mata ni Felia sa inasal ng kanyang anak na agad ng tumalilis patungo sa kanyang silid. Umiling-iling siya na naaaliw sa gawi ng nag-iisang anak. Sa buong buhay niya at noon niya lang ito nakitang excited na excited. Maliban sa mga araw ng kanyang graduation. "Basta huwag ka niyang sasaktan, susuportahan kita." bulong nito na ipinagpatuloy ang naudlot na ginagawa. Sa kabilang banda ng silid ay abot-tainga ang ngisi ni Freya. Hinubad niya ang suot na damit at maingat na inilagay iyon sa hanger upang hindi magusot. Itinapis niya sa katawan ang basa pa niyang tuwalya na ginamit kanina. Bago umalis ng kanyang silid ay itenext niya kay Julian ang buong address ng kanilang bahay. Pakanta-kanta pa siya nang mahina habang sinisipat ng tingin ang damit. Ilang sandali pa ay patalon-talonna siya sa sahig habang patungo sa kanilang banyo upang muling maligo. "Hindi kaya sipunin ka niyan Freya?" pagbibiro ng kanyang ina nang katukin niya ito upang muling magpalagay ng mga kolorete sa kanyang bagong tuyong mukha, "Minsan ka ng na-hospital nang dahil sa ubo at sipon Freya." "Saglit lang naman po akong nagbuhos Mama." palusot nito na agad naupo sa gilid ng kanyang kama, "Kaunti lang po ang ilagay mo, iyong kagaya lang kanina." Five forty five ng hapon nang paulit-ulit na tumunog ang cellphone ni Freya. Eksaktong kakatapos niya lang rin magsuklay ng kanyang medyo basa pang buhok. "Nasa tapat na ako ng eskenita niyo." ang baritonong tinig ni Julian ang kanyang narinig pagkasagot niya sa tawag nito, "Saan banda dito ang bahay niyo?" Masusing pinagmamasdan ng Ginang ang asta ng kanyang anak mula sa kanyang kinauupuan. Labis na namumula ang mukha nito sa hindi maipaliwanag na dahilan. Wala siyang nagawa kung hindi ang tumawa ng mahina. Hindi niya maiwasang alalahanin na nasa ganoong edad rin siya nang unang tumibok at nagmahal ang kanyang pihikang puso. "T-Teka...lalabas na ako." "Sige, hihintayin kita dito." Mabilis nitong pinatay ang tawag at pahablot na kinuha ang kanyang sling bag na nakalagak sa malapit na upuan. "Papasukin mo dito--" "Mama, hindi na nagmamadali na po kami." agad ay putol niya sa sasabihin dapat ng kanyang ina. Mabilis na tumayo ang Ginang mula sa kanyang kinauupuan nang makita ang pagmamadali ng kanyang anak. Napangisi siya at nangunot ang noo nang makitang nakapambahay pa itong tsinelas at hindi pa naka sandals. "Freya!" "Bye po Mama, see you later!" Natataranta niyang sinundan ang mabilis na paglabas ng anak. Bitbit niya ang sandals nito na nakalimutan. "Iyong sandals mo!" Automatic na tumigil sa pagtakbo si Freya na palabas na dapat sa kanilang tahanan. Nilingon niya ang ina habang itinataas nito ang sandals upang kanyang makita. "Langya!" bulalas nito na malakas na humalakhak. Bumalik siya sa loob ng kanilang tahanan at mabilis na kinuha ang kanyang sandals mula sa kamay ng kanyang umiiling na ina. Nagmamadali niya itong isinuot sa kanyang dalawang paa. Mahigpit niyang niyakap ang kanyang ina bago siya tuluyang tumakbo palabas ng bahay. "P-Pasensiya na kung natagalan." hinihingal na lapit ni Freya kay Julian na nakasandal sa pintuan ng kanyang bagong sasakyan, nakahalukipkip ang dalawang braso nito. Nagmamasid sa kabuohan ng hindi pamilyar na paligid. Matikas ang kanyang tindig sa suot na pang opisinang damit. Malawak siyang ngumiti nang makita sa kanyang harapan ang hinihingal na si Freya, tinanggal niya ang sunglass na nasa kanyang mga mata. "Malayo-layo pa dito ang bahay namin." "Ayos lang--uh..." agad nabaling ang paningin nito sa Ginang na nasa likuran ni Freya, "Kumusta po kayo?" walang pag-aalinlangan na kinuha ng binata ang kanyang isang kamay upang dito ay magmano. "Iimbitahan ko po sana si Freya--" "Okay lang hijo, ayan na siya isama mo na." pagputol sa kanya ng Ginang na kumumpas pa ang isang kamay, "Basta ipangako mo sa akin na iingatan mo siya at ihahatid dito kapag tapos na ang paglabas niyo." Lalo pang namula ang mukha ng dalagita dahil sa narinig na hinaing ng kanyang ina. Bahagya na siyang binabalot ng kahihiyan sa mga pinagsasabi nito kay Julian. "Mama--" "Huwag po kayong mag-alala." tugon nito na ikinaputol ng sasabihin dapat ng dalagita, "Ibabalik ko po siya ng buo at walang kahit na anong gasgas sa kanyang katawan." "Okay hijo, sige umalis na kayo." pagtataboy nito. "Sige po.." Mabilis na binuksan ni Julian ang kanyang sasakyan sa harapan. Bago papasukin doon si Freya ay kinuha niya ang maliit na palumpon ng mga bulaklak na nakalagay sa upuan. Kapwa namilog ang mga mata ng dalagita sa pag-asang para sa kanya ang mga bulaklak na iyon. Ngunit agad din iyong sumabog nang humakbang ang binata patungo sa nakangiti at kumakaway niyang ina. "Tanggapin niyo po sana tita Felia." mahinang saad nito habang ini-aabot iyon sa kanya, "Sa susunod ko pong pagbisita ay pagkain o regalo na ang aking dadalhin." Sinulyapan ng Ginang ang nanghihinayang na mukha ng kanyang nag-iisang anak. Nakatingin iyon sa palumpon ng mga bulaklak na ngayon ay kanya ng hawak. Alam niyang para iyon sa dalagita, kaya hindi niya maiwasang makonsensiya. Kung hindi sana siya nagpakita ay sa anak niya dapat iyon mapupunta at hindi sa kanya. "O sige na hijo, mag-iingat kayo." "Sige po tita, salamat po sa pagpayag na lumabas si Freya." Tumango at ngumiti lang sa kanya ang Ginang. Kumaway ito sa kanilang dalawa na ngayon ay papaalis na sa lugar. Sa loob ng sasakyan ay hindi naman mapakali si Freya. Hinaplos-haplos niya ang kanyang dalawang braso, naninibago siya sa mabahong amoy ng sasakyan nito. "Mag seatbelt ka Freya." anitong isinuot na ang sa kanya. Tumango lang sa kanya ang dalagita. Marahan nitong hinila ang seatbelt mula sa likuran ng kanyang upuan. Bago paandarin ang sasakyan ay binuhay ni Julian ang music ng kanyang sasakyan, pambasag sa katahimikan. "P-Pasensiya ka na pala kung nagpasundo ako." bulong ng dalagita na ibinaling sa labas ng sasakyan ang mga mata, "Wala kasing tiwala si Mama sa mga taong nakakasama ko." "Ayos lang, hindi naman ito malaking abala sa akin." Binalot silang dalawa ng katahimikan. Tanging mahinang tunog ng sasakyan at ang mahinang awitin na pumapailanlang. Napapatingin sa binata si Freya tuwing malakas itong bumubusina sa mga nasa unahang sasakyan. Paulit-ulit na bumabalik sa kanyang isipan ang aksidente na muntik na sanang mangyari sa kanilang dalawa noong una silang magkita. Pagkatapos iyong alalahanin ay inabala nalang ng dalagita ang kanyang sarili sa cellphone kung saan ay may mga unread messages si Aleigh na para sa kanya. Aleigh: Goodluck sa date niyo, Freya. Huwag kang magpapabulag sa mga mabubulaklak na salita ni Senyorito. Ikaw rin, baka magsisi ka sa bandang dulo nito. Nangingiting nagtipa siya ng reply sa kanyang pinsan. Freya: Oo dahil baka minsan lang mangyari ito, baka nga isang beses lang ito kaya lulubus-lubusin ko na. :D Aleigh: E 'di wow! Good luck nalang sa inyo. Freya: Bakit ang bitter mo? May gusto ka ba sa Senyorito mo? Aleigh: Wala ah, huwag kang mangbintang! Mahinang humagikhik si Freya na ikinalingon ni Julian sa kanya. Nabaling ang mga mata nito sa kanyang hawak na cellphone kung saan ay nandoon ang pangalan ni Aleigh. "Si..Aleigh.." taas ni Freya sa hawak na cellphone. Tumango-tango lang sa kanya ang binata. Walang pakialam kung anuman ang pinag-uusapan nilang dalawa. "Kapag naka graduate ka na, saang hospital balak mo mag-apply?" maya-maya ay tanong sa kanya ng binata. Saglit na natigilan si Freya sa naging tanong nito. Wala sa sariling inilagay niya ang cellphone sa loob ng kanyang sling bag. Mataman siyang nag-isip kung saan nga bang hospital siya mag-a apply oras na makatapos na siya. "Isang taon sa isa sa mga pang-publikong hospital." tugon nito na bahagyang ngumiti sa kanya, "Pagkatapos noon ay magpro-process ako ng papers patungong ibang bansa." "Mag a-abroad ka Freya?" wala sa sariling tanong ng binata na bahagya pang lumingon sa kanya, "Paano ang Mama mo? Maiiwan siya ditong mag-isa." Maliit na ngumiti si Freya sa kanya. "Hindi pa namin napag-usapan iyon ni Mama, pero alam kong papayag siya basta para iyon sa mga pangarap ko." Natigilan si Julian sa nakikitang pagmamahal ni Freya sa kanyang ina. Hindi niya maiwasang makita ang kanyang sarili sa dalagita, lalo na kung para iyon sa kanyang lola. "Kagaya pala kita pagdating kay lola." anang binata na bahagyang lumingon sa kanya habang nakangiti, "Mapagmahal tayo pareho pagdating sa ating natitirang kapamilya." Tumango-tango si Freya bilang pag sang-ayon sa sinabi ng binata. Saglit niya itong sinulyapan. Doon niya palang natitigan nang malapitan ang binata. At ang tanging kanyang masasabi sa itsura nito ay guwapo at halos perpekto na. Mula sa hugis ng kanyang mga mata, sa tangos ng ilong at linya ng kanyang panga. Sa suot na sky blue na polo shirt, lalo pang lumabas ang kanyang karisma. "Ang pamilya natin ay ang nag-iisa nating tahanan." sambit ng dalagita sa matured na pag-iisip, "Kakampi sa lahat ng bagay, naiintindihan tayo sa pinaka worst nating araw." Hindi nakaimik si Julian sa isinagot ni Freya sa kanya. Unti-unti ay nagugustuhan niya na ang pananaw ng dalagita. "Nandito na tayo." anunsyo nito nang ipasok niya ang kanyang sasakyan sa parking ng mamahaling hotel. Napatda ang mga mata ni Freya sa matayog na building na kanilang pinasok na dalawa. Kinakabahan man ay nagawa niya pa ring ngumiti sa binata nang makapag park na ang sasakyan nito sa ilalimna basement ng naturang hotel. "Sa hotel na ito tayo may bibilhin?" paglilinaw ng dalagita. "Oo, at kakain." tugon ng binata sa kanya. "Mayroon bang restaurant sa loob nito?" "Oo naman," tugon ng binata sa inosenteng tanong ng dalagita sa kanya, "Masarap ang mga pagkain dito." Bumaba ang lalaki sa sasakyan at mabilis na umikot patungo sa pintuan na kinaroroonan ni Freya. Nakangiti niyang binuksan ang pintuan ng kanyang sasakyan. "Halika na." lahad niya dito ng kamay. Walang pag-aalinlangan na tinanggap ng dalagita ang kanyang malambot na kamay. Napapiksi pa siya nang marahan siyang igiya nito patungo sa harap ng elevator. Binabalot man ng hiya ay nagawa niya pang ayusin ang likod ng kanyang suot na damit na bahagyang nagusot. Naisin niya mang bawiin ang kanyang kamay mula sa binata pero nang dahil sa hiya ay hindi niya ito magawa. "Are you tense?" tanong ni Julian nang mahalata ang agarang pagpapawis ng kamay ng dalagita, mabilis niyang binitawan ang isang palad nito. "Pasensiya na." Mabilis pinagkiskis ni Freya ang kanyang dalawang kamay. Agad nakaramdam ng labis na pagkahiya sa binata. "Ano ba ang mga gusto mong kainin Freya?" maya-maya ay tanong nito habang nakatingin sa kulay pulang numero sa itaas ng elevator, "Iyon ang o-orderin natin." "Kung..kung ano iyong kakainin mo..iyon nalang rin ang sa akin." nakatungo nitong tugon, "First time ko pa lang na kakainin sa restaurant na nasa loob ng mamahaling hotel." Pagak na tumawa si Julian sa kainosentehang ipinapakita ng dalagita sa kanyang harapan. Pabiro niya itong inakbayan na agad ikinapitlag ng dalagita. "Huwag na huwag kang dedepende sa akin Freya." aniyang hindi nawawala ang ngiti sa labi, "Mapili ako sa mga pagkain. Baka mamaya ay ayaw mo sa mga gusto kong kainin at ayaw ko naman sa mga gusto mong kainin." Agad nag-angat siya ng mga mata sa binata. Hindi makapaniwala sa mga pabor na ibinibigay nito sa kanya. "Pero-- "Kung mayroon kang gustong kainin ay sabihin mo lang." pagputol niya sa kanya, "Huwag kang mahiya, bibilhin natin iyon kung mayroon sila dito." Binawi ni Freya ang kanyang mga tingin sa binata. Ngayon palang ay naiisip niya nang ini-spoil siya ng lalaki. Hindi niya tuloy maiwasang kabahan sa labis na kabaitan nito. 'Ganito pala kapag ipinanganak kang mayaman.' sambit sa isipan ni Freya, 'Kaya mong bilhin ang lahat ng gusto mo." Tapik nito sa kanyang isang balikat, ang nagpagising sa kanyang lumilipad na isipan. "Huwag na huwag kang mahihiya sa amin." Bago pa makapagtanong si Freya sa salitang amin na binanggit niya ay tuluyan nang bumukas ang pintuan ng elevator. Sinalubong silang dalawa ng mga unipormadong waiter at waitress sa mamahaling silid. "Set for two Sir?" "No, nakapagpa-reserved na ako ng upuan." "Aah, okay Sir." Habang papasok sa mamahaling silid ay hindi maiwasan ni Freya na humanga sa kabuohan ng lugar. Mula sa mamahaling chandelier hanggang sa makinis na marmol na sahig. Maliwanag na maliwanag rin sa buong silid. Naghuhumiyaw sa mamahaling halaga ang bawat kagamitan na nakikita ng kanyang mga mata. Mangilan-ngilan lang ang mga tao sa lugar. Halatang kailangan pang magpa book at tumawag dito online upang magpa-reserve. "Hey dude, dito!" sigaw ng isang lalaki hindi kalayuan. Agad napawi ang malawak na ngiti ni Freya nang matanaw sa malayong lamesa ang dalawang kaibigan ng kanyang kasama. Hindi lang pala silang dalawa ang kakain, kasama rin nila ang dalawa nitong kaibigan na hindi niya pa kilala. "Akala ko ay nagpapasama ka sa aking--" tanong niya sa binata nang may napagtanto sa pag-aaya nito sa kanya, nilingon niya itong abot-tainga na ang ngiti sa mga kaibigang kinakawayan. "Lumabas." "Oo, ito na iyon Freya." nakangiti nitong baling sa kanya, "Nagpapasama kami sa'yong kumain dito." Natigilan siya sa mabagal na paghakbang. Disyamado ang emosyon na nakalarawan sa kanyang maamong mukha nang dahil sa sinabi nito. Siguro ay dahil umaasa siya na mayroon pa iyong ibang kahulugan. Maliban sa friendly date na kanyang paulit-ulit na sinasabi sa kanyang isipan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD