Pagdating nila sa table ay napipilitang bumati si Freya sa dalawang lalaking prenting nakaupo na dito. Sa kanilang harapan ay mayroong dalawang baso ng wine na nangangalahati na ang laman. Mabilis na tumayo ang lalaking may malalim na dimple sa kaliwa nitong pisngi. Inilahad niya ang kamay sa harapan ni Freya upang makipagkilala.
"Hi, Lacim Urdaneta."
Freya's brows shot up when she met his eyes. Sa kanyang isipan ay paulit-ulit na rumerehistro ang malaking boses ng lalaki. Ito ang lalaking pilit siyang tinatanong kung ilang taon na noon.
"Freya.." tanggap ng dalagita sa kamay nitong halatang ngalay na, "Natatandaan kita."
Natatawang binawi ni Lacim ang kanyang kamay sa dalagita nang makita ang paninitig dito ni Julian. Sunod na tumayo ang lalaking may maayos na gupit. Nakahati sa gitna ang kanyang buhok na kumikinang sa dami ng gel na inilagay. Ang tsinito niyang mga mata ay lalo pang lumiit nang malawak siyang ngumiti sa dalagita.
"Mico Solidad."
"Freya Lou Evangelista." tugon ng dalagita na nagpatigil kay Lacim sa kanyang pag-upo.
Hindi naman maituloy ni Julian ang paghila sa upuan na katabi ng upuan na kanyang uukupahin. Mahinang tumawa ang dalagita nang bitawan ni Mico ang kanyang kamay. Kapwa nanliliit at halos mawala na ang singkit nilang mga mata.
"Maupo ka na Freya." si Julian na agad sinenyasan ang waiter na nakaantabay sa kanila.
Masusing iginala ng dalagita ang kanyang mga mata sa mga lalaking kanyang kasama. Abala na ang mga ito sa pagtingin sa mga menu ng kainan.
"Freya, mamili ka diyan." lipat ni Julian ng menu sa kanyang harapan, "Kahit alin diyan basta sabihin mo lang sa akin, kukunin natin."
Maliit na ngumiti sa kanya ang dalagita sabay tango ng mahina. Binuklat-buklat niya ang menu na sa labis na kumplikado ng mga pangalan ng pagkain ay halos ayaw niya ng mamili pa dito.
"Anong napili mo Freya?" baling nito sa kanya, naka-order na ang tatlong lalaki at ang order nalang niya ang tanging hinihintay. "Gusto mo bang subukan ang kanilang chicken cordon bleu? O carbonara? Caesar salad? Anong gusto mo?"
"Huwag mo siyang i-pressure Julian," si Lacim na natatawa sa inaasta ng kaibigan, "Hayaan mong siya ang mamili ng kanyang kakainin."
Mabilis na lumipad ang mga mata ni Julian sa lalaki. Nagbabanta ang kanyang bawat titig.
"Hindi ko naman preni-pressure, tinutulungan ko nga para makapag decide na siya ng kakainin."
Nagpabalik-balik ang tingin ng dalagita sa kanilang dalawa. Mahinang tumawa si Mico sa inaasta ng dalawa sa harapan ni Freya.
"Huwag nga kayong maging isip-bata diyang dalawa." saad nito na nahihiya na sa inaasal nilang dalawa, "Freya, ano bang gusto mong kainin?" baling nito sa dalagita na naguguluhan na rin sa kanila.
Ibinalik ni Freya ang kanyang mga mata sa menu na kanyang hawak. Walang pag-aatubili niyang itinuro doon ang picture ng carbonara.
"Iyan lang ang gusto mo?" si Julian na nakabawi na sa pang-iinis sa kanya ni Lacim, "Pumili ka pa."
Marahang umiling ang dalagita sa kanya.
"Baka hindi ko maubos, sayang naman."
Nagkatinginan ang tatlong binata na kapwa lumaki sa mayamang pamilya. Hindi nila alam ang kahalagahan ng pagtatapon ng mga tira-tira.
"Ikaw nalang ang mamili ng iba niyang order dude." si Mico na siniko-siko pa ang binata, "Mag-order ka rin ng orange juice, bawal pa ang wine."
Agad na umalis ang waiter pagkatapos nitong ulitin ang lahat ng kanilang order.
"At saka one pitcher of orange juice." ulit ni Julian sa juice na nakalimutan nitong isulat.
"Okay Sir."
Natahimik ang kanilang lamesa. Pasulyap-sulyap si Freya sa ibang customer na kumakain doon. Ngumisi si Lacim ng kakaiba kay Julian, nagtaas-baba pa ang makapal nitong mga kilay. Ganundin si Mico na itinuro-turo pa ang palumpon ng mga bulaklak na mabilisang ipinabili niya kay Mico.
"What?" mahinang tanong ng binata sa dalawa na hindi siya tinitigilan, "Tigilan niyo ako."
"Ibigay mo na ang bulaklak." utos ni Mico na ngumuso sabay kamot sa ulo nang lumingon sa kanila ang walang alam na dalagita. "Freya, you look so familiar. Mayroon ka bang mga kapatid?"
Mabilis na umiling sa kanya ang dalagita.
"Wala, nag-iisa lang akong anak ni Mama."
"Aah, baka iyon ang other half mo." si Lacim na agad sumulyap kay Julian, bago mahinang tumawa. "Di ba? Ayon sa sabi-sabi ng mga matatanda sa probinsya."
"Baka nagkataon lang iyon." tugon ng dalagita sa kanya, "O baka namalikmata lang kayo sa kanya."
"Namalikmata?" singit na tanong ni Julian, "Parang guni-guni?"
Malawak na ngumiti si Freya sabay baling ng tingin sa kanya.
"Oo parang ganun na nga."
"Hindi e, kamukha niya talaga si Froylan." giit ni Mico na nakatitig pa rin sa dalagita, "Singkit rin iyon kaya madalas kaming lokohin na kambal."
Biglang natahimik si Julian nang mabanggit nito ang dati nilang kaibigan. Sa pagkakaalam nilang tatlo ay nangibang bansa ito kasama ng ama.
"Pero ang sabi niya sa atin ay wala siyang ibang kapatid." palusot ni Julian lalo pa nang maalala niya kung ano ang apelyido na ginagamit nito.
"Sino si Froylan?" naguguluhang tanong ni Freya sa lalaking pinag-uusapan nila na hindi kilala.
"Magkatunog pa ang pangalan nila." pagpupumilit pa rin ni Lacim, "Freya...Froylan."
"Loko ka!" pabirong bato ni Julian dito ng ilang piraso ng tissue, habang malakas na tumatawa. "Umalis ka na nga sa table namin! Alis na!"
Mabilis na tumayo si Lacim at itinukod sa lamesa ang kanyang dalawang kamay.
"Hindi mo pwedeng gawin sa akin 'yan Julian!" bulalas nito sa mariin at mahinang tinig. "Baka nakakalimutan mo na ako ang may-ari ng---"
"Tara na Lacim!" tayo ni Mico sabay hila sa maingay na kaibigan, "Maiwan na namin kayo dude, enjoy ka sa pagkain Freya."
Walang nagawa ang dalagita kung hindi ang paulit-ulit na tumango sa kanya. Naguguluhan pa rin ang kanyang dalawang pares na mga mata.
"Hindi kita bibigyan ng discount!" wika ni Lacim na itinuro pa si Julian na nakangisi lang.
"Kailan mo ba ako binigyan ng discount?" tanong nito habang natatawa sa inaakto ng kaibigan, naka-krus ang dalawa niyang braso sa dibdib.
Iiling-iling na sumuko si Lacim lalo pa nang pabiro siyang batukan ni Mico sa ulo.
"Halika ka na Lacim, huwag na natin silang guluhin." sambit ng binata na muling nilingon ang table ng dalawa na natatawa pa rin. "Julian, exit na muna kami ni Lacim."
Mabilis na tumango si Julian sa kanya. Hindi naman makapaniwala si Freya sa kanyang nakita. Kung tutuusin ay matured na silang tatlo, ngunit sa kanilang mga inaasta ay para silang teenager.
"Mukha kayong mga teenager na tatlo." komento nito na ikinalingon ni Julian sa kanyang inuupuan, "I mean solid na solid ang inyong samahan."
Dumating ang kanilang mga inorder na pagkain. Kasama na doon ang mga pagkain ng umalis na dalawa. Isa-isa iyong inayos ni Julian sa ibabaw ng lamesa, nagsalin rin siya ng juice sa kopita ni Freya at wine naman sa basong katapat niya.
Pinagsalikop niya ang dalawang palad at mariing ipinikit ang kanyang mga mata. Mahinang umusal ang binata ng panalangin ng pasasalamat sa mga pagkaing nasa kanilang harapan. Lalo pang humanga sa kanya si Freya na mahilig magsimba. Bukod sa mayaman ito ay hindi niya akalaing marunong rin itong magpasalamat sa mga biyaya.
"Amen!" sambit ng dalagita nang idilat na ng binata ang kanyang mga mata.
"Kain ka na Freya.." alok nito na ini-abot na sa kanya ang mga utensils, "Lagi kaming nagpapasalamat ni Lola bago kami kumain sa nasa itaas." dagdag nito nang mapuna ang kakaibang tingin sa kanya ng dalagita, "Huwag kang mahihiya ah, kumain ka lang diyan."
"Paano iyong pagkain ng dalawa?" sa halip ay problemadong tanong nito habang sinusulyapan ang pintuan na nilabasan ng dalawang kaibigan.
"Huwag kang mag-alala, ako rin naman ang magbabayad ng lahat ng iyan."
Wala sa sariling tumango si Freya habang dinadampot niya ang baso ng orange juice. Sumimsim siya dito, pagkatapos ay hinarap niya na ang carbonara na mabilis na hinalo ng binata para sa kanya.
"Kain na, gusto mo ba ng pizza?"
Itinaas ng dalagita ang isang kamay na may hawak ng tinidor.
"M-Mamaya na."
Sinimulan na rin ng binata na kumain ng salad na inorder niya para sa kanyang sarili.
"Gaano na katagal ng pagkakaibigan niyo?" wala sa sariling tanong ni Freya sa kanyang katabi habang tinutusok niya ng tinidor ang bacon, "Mukhang maraming taon na ang inyong napagsamahan."
Uminom muna ng tubig si Julian bago niya sinagot ang katanungan ng dalagita sa kanya.
"Since first year college kami."
Tumango-tango si Freya sa kanya.
"Matagal na nga, magkaka-edad kayo?" muli ay tanong nito na para bang komportable na siya agad sa presensiya ng binata.
"Hmmn, si Mico ang pinakabata sa amin."
Ipinagpatuloy nilang dalawa ang pagkain. Paminsan-minsan ay nagtatanong si Julian tungkol sa pag-aaral at buhay ng dalagita.
"Ibig mo bang sabihin ay buhay pa ang Papa mo?" hindi makapaniwalang tanong ng binata sa kanya.
Nagkibit-balikat si Freya na parang normal nalang sa kanya ang ganung klase ng mga tanong.
"Siguro."
Uminom sa baso ng tubig si Freya.
"Hindi mo rin siya kilala kung sino?" muli ay interesadong tanong ng binata dito.
Umiling ang dalagita sa kanya na ipinagpatuloy ang masarap na pagkain.
"Hindi." tango-tango nito, "Kahit na ang pangalan niya ay hindi ko rin alam kung ano."
Nanahimik ang binata sa kanyang tinuran. Alam na alam niya ang pakiramdam ng nag-iisa.
"Mga kaibigan mayroon ka ba?" tanong nito sa dalagita na agad natigilan sa pagsubo ng pizza.
"Wala rin." nahihiya nitong tugon sabay lapag ng kanyang hawak na kutsara, "Wala akong naging matinong kaibigan noong nasa highschool ako." kwento nito sa binata, "Madalas noong may makipagkaibigan sa akin, pero pagkaraan ng ilang araw o linggo ay nawawala na rin sila."
Naburo ang mga mata ng binata sa dalagitang kaharap. Kung iisipin ay napaka-independent nito. Kayang mag-isa, hindi kailangan ang ibang tao upang mabuhay o patuloy na umabante sa buhay.
"Hindi ka nalulungkot na wala kang kaibigan?"
Mabilis na umiling ang dalagita, kasabay noon ay ang maliit at masaya niyang ngiti sa binata.
"Mas gusto ko ang mag-isa keysa makibagay sa mga taong una palang ay alam kong plastic na."
Walang imik na ipinagpatuloy ni Julian ang kanyang pagkain. Sa kanyang isipan ay nag-aalinlangan siya kung itutuloy niya pa ba ang kanyang naunang plano. Iniisip niya palang na umiiyak ang dalagita ay nasasaktan at parang pinipiga na ang kanyang pumipintig na puso.
"Try this one Freya," anang binata na inilagay sa kanyang plano ang isang slice ng apple pie, "It's on the house, libre lang iyan ni Lacim sa atin."
Maliit na ngumiti ang dalagita. Lalo pa siyang humahanga sa angking kabaitan ng binata.
"Salamat..."
Tumango lang ang binata sa kanya. Ilang saglit pa ay hinarap na nito ang slice ng apple pie na nakalagay sa kanyang plato.
"Nakatikim na ako nito before," maya-maya ay sambit ng dalagita habang isinusubo ang maliit na piraso nito, "Noong may actual training kami ng CPR sa field." mataman siyang nilingon ng binata, nasisiyahan ang mga mata nito. "Kunwari ay mayroong aksidenteng naganap sa kalsada. The patient needs CPR, isa-isa namin iyong ginawa sa katawan ng isang mannequin." pumangalumbaba si Julian, aliw na aliw na siya sa labis na kadaldalan ng dalagita. "That day binigyan ako ng isa sa mga kaklase ko ng apple pie na pinabaon sa kanya ng kanyang ina."
"Gusto mo bang mag take out?" tanong nito.
Agad napawi ang kasiyahang nakalarawan sa mukha ni Freya. Napalitan iyon ng labis na hiya.
"Hindi na." paulit-ulit niyang pag-iling.
"Mag take out ka na para pasalubong mo na rin kay tita Felia." saad ng binata na parang walang narinig, "At saka iuwi mo na iyong ibang leftover natin na halos ay hindi naman natin nagalaw."
"S-Seryoso ka?" hindi makapaniwalang tanong nito, "I mean nakakahiya naman kung--"
"Huwag ka ng mahiya, itatapon rin naman nila 'yan pag-alis natin."
"Ganun? Sayang naman kung--"
"Kaya nga i-uwi mo nalang sa inyo iyong iba diyan keysa naman matapon lang sila sa basurahan."
Paulit-ulit na tumango ang dalagita sa kanya habang pinagmamasdan niya ang mga pagkain. Ayaw niyang umasal ng nanghihinayang ngunit nang malaman niya itong itatapon lang, doon siya nanghinayang sa mga pagkain at perang ibinayad dito ng lalaking nakaupo sa kanyang harapan.
"Ilan kayong magkakapatid?" wala sa sariling tanong ni Freya habang hinihintay nila ang mga pagkain na ipinabalot para sa kanya ni Julian.
Alam niyang mag-isa nalang ito at ang kanyang Lola. Nalaman niya iyon buhat sa pinsan, subalit nais niya pa ring manggaling iyon sa sariling bibig ng kanyang kaharap.
"Si Lola at ako nalang." tugon nito na parang normal nalang rin na katanungan iyon sa kanya, "Bata pa ako nang maaksidente ang sinasakyang sasakyan ni Daddy at Mommy. Kasama nila doon si Lolo, kakagaling lang nila sa Hongkong noon. Ayon sa kwento ni Lola ay hindi pa sila noon nakakalayo sa airport." kwento nito na wala ng bahid ng kahit anong sakit, "Sabi rin ni Lola ay dead on arrival sa hospital si Lolo. Samantalang si Daddy at Mommy ay dead on the spot, ganundin iyong family driver namin noon."
"Aksidente o sinadya?" wala sa katinuang tanong ng dalagita sa kanya.
Paulit-ulit na umiling sa kanya si Julian.
"Maraming nagsasabi na planado iyon, subalit walang makapagpatunay at wala rin silang makalap na mga ebidensiya na sinadya siya." tugon nito na nilaro-laro ang natitirang wine sa baso, "Kung anuman ang nangyari sa kanila, bahala na ang nasa itaas sa mayroong sala."
"Kung sinadya iyon na gawin sa kanila dapat ay makamit nila ang nagtatagong hustisya."
Hindi sumagot si Julian sa kanyang tinuran. Wala pa siyang malay ng mga taong iyon. Hindi niya alam kung saan hahanapin, ang hustisyang sinasabi sa kanya ng dalagitang kaharap ngayon. Isang ngiti ang ibinigay niya dito upang pagtakpan ang kakaibang kalungkutan na sa kanyang katawan ay unti-unting bumabalot.
"Akala ko ba nursing ang course mo?" pabiro nitong tanong sa dalagitang naguguluhan sa kanyang pagtatanong, "Bakit mukha kang mag a-abogado?"
"Hindi ah." tawa nito ng mahina, "Naisip ko lang na malungkot ang iyong naging kabataan."
"Hindi rin Freya, palaging nasa tabi ko noon si Lola."
Tumango-tango ang dalagita sa kanya.
"Kung sabagay...siya na ang iyong kinamulatan."
Nagiging palagay na ang loob ni Julian sa dalagita na kung mag-isip ay matured na. Ganundin ang nararamdaman ng dalagita. Hindi na siya naiilang sa lalaking alam niyang higit na mas matanda sa kanya ng maraming taon.
"Freya..sa tingin mo nasaan na ang sarili mo five years from now?"
Saglit na natigilan ang dalagita sa naging tanong nito sa kanya. Ilang sandali pa ay ngumiti ito sa binata.
"Five years from now?"
Paulit-ulit na tumango si Julian sa kanya.
"Oo, five years from now."
"Siguro ay nasa--oh, nandiyan na iyong pagkain."
Tinanggap ni Julian at ni Freya ang limang paperbag na inabot sa kanila ng waiter. Ini-abot naman ng binata sa waiter ang kanyang credit card. Pagkatapos na tumango ay umalis rin ito.
"Wait lang natin iyong card ko, uuwi na tayo." sambit nito na nilingon ang dalagita at ang palumpon ng mga bulaklak sa bandang ilalim ng lamesa, "So, nasaan ka na Freya five years from now? Sa tingin mo lang?"
Nabalik ang atensyon ni Freya sa binata na saglit nabaling sa mga paperbag ng pagkain.
"Nanggaling na ako ng ibang bansa." tugon nito, "I mean nakapagtrabaho na ako doon bilang nurse. Tapos nakapagpatayo na ako ng sariling bahay ni Mama kahit sa maliit lang na lupa. Nabibili ko na ang lahat ng gusto ko. Magsisimula na akong mag-travel kasama si Mama, dito sa Pilipinas."
Nakangiti siyang pinagmamasdan ni Julian. Aliw na aliw siya sa simpleng pangarap nito sa ina.
"Bakit hindi kasama sa pangarap mo ang lovelife?"
Pabirong umirap sa kanya si Freya na ikinatawa lang ng binata.
"Bata pa ako noon." nguso nito habang nakatingin sa waiter na papalapit na, "Ang unang priority ko ay si Mama, tapos ang pagtravel bago ang lovelife. Nandiyan lang naman iyan, pero iyong time na makapag-travel ako mawawala iyon oras na mag-asawa na ako. Syempre sila na at ang magiging anak namin ang priority ko at hindi na si Mama o ang sarili ko."
"Sir pa-sign nalang po dito." singit ng waiter sa kanila, agad namang pinirmahan iyon ni Julian. "Thank you po Sir." tumango lang ito dito.
"Tapos?" baling niya sa dalagita.
"Ano pong tapos?" baliktanong nito na agad ikinahalakhak ng binata, natutuwa siya sa paggamit nito ng po sa pakikipag-usap sa kanya.
"I mean ganun lang ang pangarap mo?"
"Oo ganun lang, simple pero parang ang hirap-hirap abutin." tugon nito sa malungkot na tinig, "Hindi ko alam kung kaya kong iwanan si Mama."