Chapter 10

2236 Words
Wala ng natanggap na sagot si Freya sa kanyang naging huling mensahe para kay Julian. Noong una ay gusto niyang bawiin ang mga sinabi, pero hindi niya na ginawa pa dahil sa biglang tumaas na pride niya. Ayaw niyang isipin ng binata na wala siyang paninindigan at isang salita. Dala-dala niya ang isiping iyon sa kanyang panaginip hanggang sa kanyang mahimbing na pagtulog. Eksaktong tres y medya nang magising si Freya sa kanyang mahimbing na pagtulog. May bakas ng luha sa kanyang pisngi na bahagyang natuyo na. Marahan niyang pinalo-palo ang kanyang ulo na bahagyang nananakit. Sa kanyang panaginip ay hindi natuloy ang paglabas nila. Ang mga huling sinabi niya sa binata ang naging dahilan nito. "O anak, ayos ka lang?" tanong ng ina kay Freya na sumisinghot-singhot paglabas ng kanyang silid. Abala nitong inaayos ang lamesa para sa kanilang pansit na meryenda. Umiling-iling ang dalagita, bitbit ang kanyang tuwalya ay humakbang ito patungong banyo. "May lakad ka ba Freya?" Natigilan ang dalagita sa kanyang tangkang pagpasok sa pintuan ng banyo. Wala siyang text na natanggap mula kay Julian habang siya ay natutulog. Kaya hindi niya sigurado kung tuloy pa sila sa paglabas o kanselado na ito dahil sa kanyang naging asal sa binata. "Meron po Mama." Naburo ang mga mata ni Felia sa pintuan ng banyo nang tuluyan nang pumasok sa loob ang kanyang anak. Batid nito na mayroon itong masamang napanaginipan. Patunay noon ay ang impit nitong pag-iyak sa kanyang mahimbing na pagtulog. Ayaw niya na itong usisain pa dahil baka masyadong masakit ang laman ng kanyang nakitang panaginip. "Hanggang anong oras ka sa labas?" tanong nito sa panay ang buntong-hininga at tahimik na kumakaing si Freya, "Huwag kang magpapagabi sa labas anak." "M-May bibilhin lang po ako Mama." Naisin man ni Felia na magtanong kung sino ang kasama ng kanyang anak, ngunit isinantabi niya nalang iyon. Ayaw niyang tuluyang mailang sa kanya ang nag-iisang anak. Kilala niya ito, kapag hindi niya na ito kaya ay nagsasabi na. "O sige, basta ingatan palagi ang sarili Freya." Paulit-ulit lang itong tumango na tuluyan nang tinapos ang kanyang pagkain. Pagkatapos mag toothbrush ay bumalik na ito sa kanyang silid. Pilit pinatuyo ang mahabang buhok sa ihip ng mahinang stand fan na nasa kanyang silid. Ilang beses niyang sinipat at pinindot-pindot ang screen ng kanyang naka-charge na cellphone. "Wala pa rin siyang text." bulong niya na mabilis ini-spray ang bote ng matamis na pabango sa damit. Pagkatapos mag-polbo ay nakanguso niyang binunot ang cellphone sa nakasaksak na charger nito. Ilang minuto niyang tinitigan ang huling mensahe na ipinadala niya kay Julian. Malalim siyang humugot ng hininga habang dito ay nagtitipa. Hindi na siya nakatiis na hindi ito i-text. Freya: Tuloy pa ba tayo? Mabilis niya itong binura, bago ihagis pababa ang kanyang cellphone. Kumurap-kurap siya at marahang umiling sa kawalan. Nawawalan na siya ng pag-asa. Freya: Hello there, tuloy pa ba tayo ngayon? Ilang minuto niya iyong tinitigan bago muling binura. Tumayo siya sa pagkakaupo at kinuha ang leather na sling bag na nasa kanyang sabitan. Inilagay niya sa loob nito ang kanyang panyo at ang kanyang school ID. Kabilin-bilinan sa kanya ng kanyang ina na huwag iyong kakalimutan. In case na mayroong mangyari sa kanya na hindi maganda ay mayroon siyang pagkakakilanlan at may contact number din doon. Dinampot niyang muli ang kanyang cellphone, iniisip na tuluyan nang magtext. "May lihim na date ba ang aking anak?" sungaw ng kanyang ina sa pintuan ng kanyang silid, pabiro siya nitong tiningnan ng masama. Mabilis na binitawan ni Freya ang cellphone nang tuluyang pumasok ng kanyang silid ang ina. "Sabihin mo nga kay Mama kung saan ang iyong lakad Freya Lou Evangelista?" Malawak na ngumiti sa kanya ang dalagita, naiiling sa naging tanong ng kanyang ina. Alam niyang nahuli na siya nito, pero plano niya pa ding oatuloy itong itanggi. "Mama, hindi po iyon date." nguso nitong isinuot na ang I sang pares ng kanyang sandals. "Babae o lalaki ang kasama mo?" umiling lang ito na nahihiya na sa kanyang ina, "May pa takong ka pang nalalaman diyan." turo nito sa kaniyang sandals na nakasuot sa kanyang mga paa, "Ibig sabihin ay matangkad ang kasama mo at hindi pandak, Freya." "Mama.." natatawa na ito sa mga theorya nito, pagkatapos punasan ang ilang butil ng pawis ay hinarap niya ang kanyang ina. "Hindi nga po iyon date, nagpapasama lang.' Mapaglarong ngumisi sa kanya ang ina. Nanunukso ang mga mata nitong nakatingin sa kanyang namumula ng buong mukha. Umiling-iling siya at tumungo, mukhang hindi ito titigil hangga't hindi siya umaamin. "Bakit hindi ka magsuot ng lipstick?" anitong marahang hinawakan ang kanyang baba, dahan-dahan niyang inangat ang kanyang mukha. Nagtama ang kanilang mga mata. "Gusto mo bang lagyan kita? Kaunti lang." "Huwag na po Mama, baka isipin noon ay nagpapaganda ako sa kanyang harapan para kanyang magustuhan." "So, lalaki nga." patuloy nitong panunukso sa kanya na lalo niyang ikinapula, "Dapat ngang magustuhan ka niya para sa susunod ay muli ka niyang ayaing lumabas." "Mama--" "Halika, tumayo ka diyan." Pinatay niya ang stand fan bago hinila ng mabagal ang anak palabas ng kanyang silid. Pina-upo niya ito sa sofa habang kinukuha sa kanyang silid ang mga kolorete sa mukhang kanyang iniingatan at maingat na itinago. "Pagdikitin mo ang labi mo Freya." utos nito hawak ang mapusyaw na pink na lipstick, "Babagay ito sa'yo dahil bata ka pa naman, huwag kang mag-alala." Nilagyan ng kaunting foundation ni Felia ang mukha ng kanyang anak. Nilagyan niya rin ito ng kaunting blush on. Sa sobrang nipis ay hindi mo aakalaing may ganun siyang suot sa kanyang simple at magandang mukha. "Mama, mukha naman akong white lady!" malakas na bulalas nito pagkaharap sa maliit na salamin, "Ang puti ng mukha ko, para akong walang dugo!" Malakas na tumawa si Felia sa tinuran ng kanyang anak. "Sadya ka namang maputla, huwag mo iyang tatanggalin." Walang nagawa si Freya kung hindi ang pagbigyan ang kanyang nakangiting ina. Hindi niya ito magawang burahin. "Ngayon ay sabihin mo sa akin kung sino ang kasama mo." "Mama?" nguso nito na naging dahilan upang umutlaw ang kulay pink niyang labi. "Kaklase mo? Kaibigan? Saan mo nakilala?" patuloy na pagtatanong ng kanyang ina. "Sabihin mo na." "Friendly date lang po iyon Mama." Marahas na ikinumpas ni Felia ang kanyang isang kamay. "Wala akong pakialam kung anong klaseng date iyon, Freya." anitong seryoso na ang tinig, "Ang tinatanong ko ay kung sino ang kasama mo?" Umiling-iling si Freya habang tinitingnan ang screen ng kanyang cellphone. Nasa harapan niya pa rin ang ina. Naghihintay ng magiging sagot niya sa tanong nito. "Kaibigan po Mama." tugon nitong mabilis na nagtipa sa kanyang hawak na cellphone nang makitang four thirty na ng hapon. "Magkaibigan lang po kaming dalawa." Freya: Saan tayo magkikita? Send mo sa akin ang route. Ilang saglit pa ay agad itong nagreply. Sinabi niya kung saan siya dapat na sumakay at saan siya dapat bababa. "Mama, aalis na po--" "Hindi ka aalis." iling nitong mahigpit siyang hinawakan sa isang kamay upang pigilan sa kanyang pagtayo, "Hangga't hindi mo sa akin sinasabi kung sino ang kasama mo." Ngumuso siya sa ina, nakikiusap ang kanyang mga mata. "Mama?" may lambing sa kanyang tinig. "Sino ang kikitahin mo sa labas Freya Lou?" ulit nito sa kanyang katanungan. Kinamot-kamot ni Freya ang ulo na bahagyang nagulo. Umikot-ikot sa kawalan ang kanyang mga mata. "Si Julian Velasco po Mama," pagsuko nito sa kanyang ina, agad namang nangunot ang noo ng ginang. Halatang hindi niya kilala ang pangalang binanggit ng kanyang anak. "Iyon pong nag-iisang apo ng inaalagaang matanda ni Aleigh." Agad nanlaki ang mga mata ng ginang, hindi makapaniwala sa kanyang huling sinabi. "Ang ibig mo bang sabihin ay iyong Senyorito na tinatawag ni Aleigh ang kasama mong lalabas ngayon?" tumango ito sa ina nang walang pag-aalinlangan, "Paano kayo nagkakilala?" gulong-gulo na tanong nito sa kanya, "Noong pumunta ka ba doon? Kailan lang iyon, Freya." Paulit-ulit siyang tumango sa naging tanong nito. Ngunit agad ring natigilan sa huling sinabi nito. "Kinuha niya po kay Aleigh ang number ko Mama--" "Tapos ngayon ay sasama ka na agad sa kanya?" tumaas nang bahagya ang tono sa tinig nito, "Anak, huwag ka bastang magtitiwala sa mga lalaking ngayon mo lang nakita." Bago pa siya maka-apela ay tumayo na sa kanyang harapan ang ina. Pinag-krus ng ginang ang dalawang braso sa harap ng kanyang dibdib. Hindi makapaniwala ang kanyang mga matang nakatitig sa mukha ng anak. Kumurap-kurap si Freya, nakikiusap ang maamong mukha sa kanyang ina na payagan na siyang umalis. "Kailan mo siya nakilala?" seryoso nitong tanong, "Ni hindi mo yata alam kung ilang taon na siya. Saan kayo pupunta? Bakit ka niya agad inaayang lumabas?" hindi makasagot si Freya sa mga katanungan nito, kinagat-kagat niya ang kuko sa kanyang hinliliit na daliri. "Freya..hindi lahat ng tao na makikilala mo ay may magandang motibo sa'yo." Nag-angat ng tingin ang dalagita sa kanyang ina. Kaunti nalang ay mangingilid na ang mga luha nitong nagkukubli sa bawat sulok ng kanyang singkit na pares ng mga mata. "Mama, hindi po siya ganun." pagtatanggol nito sa binata na may nanginginig na labi, "Sasamahan ko lang po siya na may bilhin sa labas. At isa pa po ay napakabuti ng kanyang Lola, sa tingin ko rin po ay wala siyang planong masama sa akin." Naburo ang mga mata sa kanya ng ina. Sa tagal ng panahon ay ngayon palang nagkaganito ang kanyang anak. Ni hindi niya maalala na may naging kasintahan ito noong nasa highschool at sa mga unang taon nito sa kolehiyo. Hindi rin siya malapit sa mga lalaking kaklase. Maliit na pilit ngumiti ang ginang sa kanya, marahan niyang hinaplos ang lalo pang namulang pisngi ng anak. "Guwapo ba?" marahang tumango si Freya, hindi man nito aminin ay agad na nakuha ni Julian ang kanyang atensyon. "O sige, magpasundo ka dito sa bahay sa kanya." Agad nanlaki ang maliit na mga mata ng dalagita. Ang buong akala niya ay papayagan na siyang umalis nito. "Pero Mama--" Mabilis na tumayo ang ginang at tinalikuran niya ang umaapelang anak. Pumunta siya sa munti nilang lamesa. Nagsalin ng malamig na tubig sa malinis na baso. Sunod-sunod niya iyong nilagok upang pahupain ang hindi maipaliwanag na kaba sa dibdib. "Mama, saglit lang naman po kami sa labas." sunod sa kanya ni Freya, "Hindi naman po kami magtatagal." Iniwasan siya ng ginang. Alam na alam niya sa sarili niyang hindi niya ito papayagan sa kanyang kahilingan. Hinarap siya ng hinihingal na ina. Bahagyang namumula ang mga mata nitong nakatingin sa kanya. "Magpapasundo ka dito o magpapalit ka na ng damit mo?" pinal na tanong sa kanya ng ina, "Mamili ka sa dalawa." Agad na rumehistro sa mukha ni Freya ang labis na hiya. Hindi niya alam kung anong sasabihin kay Julian. Hindi niya naman pwedeng baliwalain ang pakiusap ng ina. "Ilang taon na ba iyan Freya?" pagkababa ng baso ay tanong ni Felia sa anak, "Kapag late twenties na iyan, naku mag-ingat ka dahil hindi malabong magustuhan ka niyan." "Mama, ang OA niyo po." naiiling na sambit ng dalagita, "Baka nga po may girlfriend na iyon saka--" "Huwag kang sasama sa kanya kung may girlfriend na." mariing putol nito sa kanya. "Mahirap ang maysabit anak." Lingid sa kaalaman ni Freya na third party ang naging dahilan ng paghihiwalay ng kanyang ina at amang hindi na nakilala. Iyon din ang rason ni Felia kaya natatakot siyang makipag relasyon si Freya sa mas matanda sa kanya. Base iyon sa kanyang masamang karanasan sa buhay. "Paano ko po iyon malalaman Mama?" tanong ng inosenteng si Freya sa kanya, "Nakakahiya naman po kung itatanong ko ang tungkol doon. Magkaibigan lang kami." Tumalikod sa kanya si Felia, bago pumasok ng silid ay nilingon niya ang kanyang naguguluhang anak. "Magpasundo ka Freya, huwag kang aalis nang hindi ko siya nakikita at nakikilala." Bago pa muling maka-apela si Freya ay tuluyan na iyong pumasok sa kanyang silid. Mabilis siyang tumayo at nagpalakad-lakad sa maliit na espasyo ng kanilang sala. Kagat-kagat ang kuko niya sa kanyang hinliliit na daliri. "Paano ko sasabihin sa kanya na magpapasundo ako?" mahina niyang tanong sa kanyang sarili, "Baka isipin noon ay nag-iinarte lang ako at umaastang pa-importante. Hindi ko naman siya manliligaw, bakit ako magpapasundo?" Mabilis na ginulo ni Freya ang kanyang maayos na buhok. Problemado siya sa mga dapat na sabihin kay Julian, nang hindi nito namimis-interpret. Ilang saglit pa ay kausap niya na ang pinsan. Humihingi siya nang maayos na payo dito. "E 'di sundin mo ang nais ni Auntie Felia, Freya." tumatawang sagot nito, "Hindi naman iyon mahirap. Magpapasundo ka lang diyan. At isa pa effort na rin niya iyon, nag-aya siyang lumabas kayo e 'di magsundo siya." Pabagsak na naupo si Freya sa sofa, panay ang sulyap niya sa kamay ng kanyang pambisig na orasan. Patuloy itong umaandar, patuloy na lumilipas ang bawat segundo. "Paano ko sasabihin iyon sa kanya Aleigh?" "Anong paano?" tanong nito na parang hindi siya nito naiintindihan, "Sasabihin mo lang sa text na hindi ka papayagan ni Auntie kapag hindi ka niya sinundo. Ganun." Kagat-labing tumango si Freya kahit hindi siya nito nakikita. "Okay." "O kung gusto mo naman ay ako nalang ang magsasabi--" "Ako na Aleigh, ako na!" putol niya dito na mabilis tumayo, nagsalubong ang kanyang mga kilay na may perpektong kurba. "Makikialam pa eh!" "Okay." halakhak ni Aleigh mula sa kabilang linya, "Ikaw na ang magsasabi sa kanya. I-text mo na ngayon, kasama niya iyong dalawang alipores niya na kakaluwas lang."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD