Mahinang tumawa ang dalagita sa sinabi nito. Tumagilid siya paharap sa kanyang maliit na bintana. Natatanaw niya mula dito ang matingkad na ilaw ng poste. Ang ilang wire ng kuryente na ginawang tulugan ng mga ligaw na ibon.
"Ayos lang naman, mauubos ko na rin ang milo."
Si Julian naman ang mahinang tumawa sa kabilang linya. Hinaplos-haplos niya niya ng isang kamay ang medyo basa pang buhok. Kakatapos niya lang mag-shower.
"Ilang taon ka na Freya?"
Mabilis na bumangon si Freya, nanlalaki ang kanyang mga mata sa ginawang pagtatanong nito ng kanyang edad. Hindi niya maiwasang maisip iyong kaibigan nito.
"Bakit mo tinatanong?" tanong nito na sumimsim ng milo, "Pinagpupustahan niyo ba ang edad ko?"
"Ha? H-Hindi..."
Mahinang umingit ang pintuan ng kanyang silid. Sumungaw doon ang nakangising ulo ng kanyang ina.
"Busy ka?" muwestra nito sa kanya, wala sa sariling tumango ang dalagita. "Oh? Okay."
"Freya? Nandiyan ka pa ba?"
"Aah, o-oo.."
"Bakit mo naman naisip na pinagpupustahan ka?" pagak itong tumawa, "Iba na talaga ang kabataan ngayon."
"Dalawang taon ang tanda sa akin ni Aleigh." pagsuko niya, baka kung ano pa ang masabi nito sa kanya. "Happy?"
Muli itong humalakhak, aliw na aliw na sa kausap.
"Ikaw po ba, ilang taon na?"
Natigilan ito sa pagtawa nang marinig ang naging tanong ni Freya sa kanya. Isang nakakalokong ngisi ang kumurba sa kanyang hinihimas-himas na manipis na labi.
"Sa tingin mo ilang taon na ako?"
"Thirty?" nakangising tanong ni Freya, alam niyang wala pa ito sa ganoong edad. Gusto niya lang itong asarin.
"Damn! Ganun na ba ako katanda sa paningin mo?"
Sabay silang nagkatawanan. Sa paglalim ng gabi at ng kanilang usapan ay lumalalim rin ang kanilang pagiging komportable sa isa't-isa. Nagawa pang magkwento ni Freya ng kanyang magiging mga unang hakbang patungo sa minimithing pangarap na noon pa inaasam.
"Gusto ko na agad makatapos ng pag-aaral para naman makapagtrabaho na ako." anitong kumikislap sa saya ang mga mata, "Gusto kong tumigil na sa pagtra-trabaho si Mama. Ako na ang bahala sa lahat ng aming bills."
"Huwag kang magmadaling tumanda." payo niya sa dalagita, "Nakakapagod kapag matanda ka na."
"Paanong nakakapagod?" inosente nitong tanong, "Lahat ng aking kamag-aral gusto na naming maging matanda."
"Minsan ka lang maging bata Freya, dapat ini-enjoy mo iyon. Huwag kang magmadali, darating ka rin sa puntong iyon."
"Pero masaya naman kapag adult ka na hindi ba?" tanong nito na sinulyapan ang milo na lumamig na. "Kaya mo ng gawin ang lahat dahil nasa tama ka ng edad."
Malalim na bumuntong-hininga si Julian, pahapyaw na naiisip ang kanyang kabataan na lumipas na.
"Oo naman kaya mo ng gawin ang lahat, kaya lang nakakapagod rin maging matanda."
Kumurap-kurap ang mga mata ni Freya, iniisip kung ano ang nakakapagod sa kalagayan ni Julian. Nasa kanya na ang lahat ng kailangan ng iang tao, kayamanan at negosyo.
"Saang banda ang nakakapagod?" kuryusong tanong nito.
"Lahat. Dahil kapag naging matanda ka na, magiging paulit-ulit nalang araw-araw ang iyong mga ginagawa." tugon nito sa seryosong tono, "Mayroon ka ng kalayaan na gawin ang lahat pero...nakakasawa ito at nakakapagod. Kaya ikaw, habang nandiyan ka pa sa stage na iyan i-enjoy mo lang." aniya na parang magbibigay ng payo sa kapatid, "Huwag kang magmadali dahil oras na tumanda ka na, hindi ka na makakabalik pa sa mga oras ng iyong kabataan na wala na."
"Ang seryoso mo naman." halakhak ni Freya, bahagya siyang natamaan sa sinabi nito kahit na hindi niya pa ito mga nararanasan. "Hala, alas-diyes na pala!"
"Matutulog ka na ba?"
Wala sa sariling tumayo at tumango si Freya kahit na hindi ito nakikita ni Julian. Binuhat niya ang tasa ng milo na lumamig na, hinigop niya pa rin ito upang ubusin.
"Oo, ikaw ba?"
"Matutulog na rin." tugon nito na tumayo na sa pagkakaupo, "May lakad ka ba bukas ng hapon?"
Saglit na nag-isip si Freya, pagkatapos niyang magsimba ay wala na siyang iba pang pupuntahan.
"Wala naman, bakit?"
"Samahan mo ako." cool na saad nito, walang kakaba-kaba.
"Saan?" kuryuso na ang mga mata ni Freya.
"Te-text kita kung saan."
"Okay, goodnight po."
"Sweet dreams, Freya."
Nauna nang nagbaba si Freya pagkasabi ni Julian noon. Ayaw niya ng maulit pa na una itong nagbababa ng tawag. Lumabas ng kanyang silid si Freya bitbit ang tasa na wala ng laman. Wala na sa sala ang kanyang ina at tiyahin. Pagkatapos niya itong hugasan ay uminom siya ng tubig sa bote na kinuha mula sa maliit nilang ref.
Pagbalik ng silid ay nagtataka niyang tiningnan ang kanyang cellphone na kislap nang kislap.
Julian Velasco:
Goodnight Freya, pina-loadan kita. Sweet dreams.
Wala sa sariling gumulong sa kanyang kama si Freya. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit ganun siya kasaya. Kinagat niya ang laylayan ng kanyang kumot upang pigilan ang napipinto niyang pagtili nang mahina.
"Nakakainis!" aniyang sinipa-sipa ang unan sa paahan, "Akala ko ay masama ang kanyang ugali. Hindi pala."
Inihanda muna ni Freya ang damit na kanyang isusuot kinabukasan. Mababanaag sa kanyang mga mata ang excitement sa paglabas nilang dalawa. Isang kulay gatas na bestida ang inilabas niya ng cabinet. Kumuha rin siya ng sandals na bahagyang mataas ang takong. Natulog siya na may nakadikit na ngiti sa kanyang masayang labi.
"Freya?" alas kwatro ng umaga ay yugyog sa kanya ng ina, "Bumangon ka diyan at ihahatid natin ang Auntie Sioling."
Tiningnan lang siya ni Freya na muling ibinalot sa katawan ang makapal na kumot. Antok na antok siya dahil late na rin siyang nakataulog. Binubulabog siya ng kakaibang kaba.
"M-Mama, ang aga pa po para magsimba." tugon niya na sinipat ang oras sa kanyang katabing cellphone.
"Hindi tayo magsisimba Freya." upo ng kanyang ina sa gilid ng kanyang kama, "Ihahatid natin si Sioling sa terminal."
Pinilit niyang idinilat ang bumabagsak na talukap ng kanyang mga mata. Dahan-dahan siyang bumangon at naupo sa ibabaw ng kanyang kama. Kinusot-kusot niya ang mga matang patuloy na namang nahuhulog sa pagtulog.
"Bilisan mo at hinihintay niya tayo!" palo ng mahina ni Felia sa isang balikat ng kanyang nahiga na namang anak. "Freya!"
"O-Opo.."
Tuluyan na siyang bumangon at bumaba ng kanyang kama. Kumakamot sa ulong sumunod sa kanyang ina. Naghilamos at nag toothbrush lang siya bago muling bumalik sa kanyang silid, upang magpalit ng damit.
Pasikat na ang araw nang sapitin nila ang terminal ng bus. Nakasaklob sa ulo ni Freya ang hood ng kanyang suot na jacket. Tahimik siyang nakaupo habang pinagmamasdan ang kanyang ina at tiyahin na bumibili ng ticket ng bus.
"Hello?"
"Good morning Freya!" masiglang sigaw ni Aleigh sa kabilang linya, "Ang aga mo naman gumising?"
Ngumuso si Freya habang nakatingin pa rin sa may banda ng kanyang ina. Masinsinang kausap nito ang tiyahin.
"Nandito kami sa terminal." tugon nito, "Hinahatid namin si Auntie Sioling ni Mama. Pwede kang humabol--"
"Hindi pwede Freya, nasa libingan kami ngayon ni Senyora."
Mabilis na napatayo si Freya sa kanyang inuupuan. Abot-abot ang kanyang kaba. Nakarehistro sa kanyang inaantok na mga mata ang labis na pag-aalala.
"B-Bakit kayo nandiyan? Sinong mga kasama mo?"
Isang malakas at pagak na halakhak ni Aleigh ang sunod na kanyang narinig.
"Gaga! Anong iniisip mo? Dumadalaw lang kami sa pamilya ni Senyorito Julian at sa asawa ni Senyora."
Humupa ang kaba na agaran niyang naramdaman. Bumalik ang kanyang dugo sa kanyang labi na saglit itong tinakasan.
"Kainis ka Aleigh!" anitong humakbang patungo sa ina, "Hindi mo man lang kakausapin si Auntie Sioling?"
Tumahimik ito sandali. Lalo pang nadepina ang katahimikan ng lugar na kinaroroonan nito.
"Hindi na muna Freya. Pakisabi nalang na mag-iingat siya."
"Sabihin mo kaya 'yan sa kanya."
"Saka na Freya, o siya mag-aalmusal na kami."
Nararamdam ng kalungkutan si Freya lalo pa nang bumaling sa kanya ang tingin ng tiyahin. Pilit siya ditong ngumiti kahit na nahihirapan siyang gawin iyon.
"Mag-iingat daw po kayo pag-uwi." sambit nito na ang tinutukoy ay si Aleigh, "Busy sila ngayon ng mga amo niya. Nasa libingan sila kaya hindi siya makapunta ngayon dito."
Maliit na ngumiti sa kanya ang kanyang tiyahin. Bago tumango-tango dito. Mahinang tinapik ang kanyang mukha.
"Ayos lang, naiintindihan ko."
Hinintay nilang mag-ina na umalis ang bus na sinasakyan ng kanyang tiyahin bago sila tuluyang umuwi ng tahanan. Pagdating sa bahay ay binulabog na naman siya ni Aleigh sa kanyang pagmumuni-muni sa harapan ng kanilang TV.
"Hoy babae nalaman ko ngayon na may lakad pala kayo mamaya ni Senyorito?!" malakas na sigaw nito, "Freya, babaero iyon baka mamaya nais ka lang niyang isama sa bilang ng mga babaeng pinaiyak at sinaktan niya!"
Malakas na tumawa si Freya dahil sa mga sinabi niya.
"Ang OA mo, nagpapasama lang siya sa akin."
"Diyan iyon nagsisimula!" sigaw pa rin nito sa kabilang linya, "Alam ba ito ni Auntie Felia? Ha? Alam ba niya?"
Nilingon ni Freya ang ina na abalang naglalabas ng kanilang mga sinampay upang mainitan at matuyo na ito.
"Hindi na iyon kailangan."
"Anong hindi na kailangan?" lalo pang tumaas ang tinig nito, "Magpaalam ka!"
Napapiksi sa kinauupuan ang dalagita. Agad na bumangon sa dibdib ang kanyang pag-aalala. Baka hindi siya payagan.
"Matanda na ako at saka--"
"Ang bata mo pa para lang masaktan--"
"OA mo talaga, may pupuntahan lang kami masasaktan ako agad?" saad nitong tumayo mula sa upuan, "Huwag ka ngang OA diyan, as if nagpaalam siya na manliligaw."
Agad nabitawan ni Freya ang kanyang cellphone nang magsalita ang ina mula sa kanyang likuran.
"Anong manliligaw Freya? Sino? Sa'yo?"
"W-Wala po Mama.." tugon nitong mabilis umikot ang mga mata sa ere, "Si Aleigh po ang may manliligaw na."
Mabilis na pinatay ni Freya ang tawag nito lalo pa nang umusal na ito ng kung anu-anong pagbabanta sa kanya.
"Aah, aral muna anak ha?" pakiusap ni Felia dito, "Kapag nakatapos ka na at may trabaho ka na pwede ka ng magkaroon ng nakapilang mga manliligaw."
Pagak na tumawa si Freya sa tinuran ng kanyang ina. Bata palang siya ay hindi na kinagisnan ang kanyang sariling ama. Tumatak at umukit iyon ng masamang epekto at alaala sa kanyang isipan. Noong nasa highschool siya ay sinusungitan niya ang lahat ng lalaking nakikipaglapit sa kanyaat nakikipagkaibigan. Tuwing titingnan niya ang mga ito sa mga mata ay naaalala niya ang imahe ng ama.
"Huwag kayong mag-alala Mama," anitong niyakap sa beywang ang sariling ina, "Kung mag-aasawa ako ng maaga ay sisiguraduhin kong mayaman iyon."
Pabirong piningot ni Felia sa isang tainga ng anak. Naiiling sa mga kalokohan na pinagsasabi niya.
"Ang sabi ko ay mag-aral kang mabuti at hindi maghanap ng mayamang magiging asawa."
Lalo pang naningkit ang mga mata ni Freya habang nakatitig sa confirmation ng load na kanyang natanggapkinagabihan. Ang buong akala niya ay fifty lang iyon nang sulyapan niya, subalit nang pakatitigan niya ngayon ay five hundred pesos pala ang ini-load sa kanya.
Napapaisip tuloy siya kung saan niya gagamitin ang maraming load na iyon. E sanay siya sa UTP15 tapos e-extend nalang niya nang e-extend sa halagang five pesos.
Freya:
Good morning. Salamat sa load.
Tanghali na iyon at kakatapos palang nilang kumain ng tanghalian. Nang mapagpasyahan niyang i-text ito. Pumunta siya sa contact at pinalitan ang pangalan nito. Wala pang limang minuto nang magreply ito sa kanya.
Julian:
Good morning, kumain ka na ba?
Tumayo ang dalagita at tumabi sa kanyang ina sa sofa. Kasalukuyang pinapalabas sa TV ang noontime show na paborito niyang panoorin tuwing tanghali. Nasa cellphone pa rin ang buong atensyon ng kanyang mga mata.
Freya:
Oo, tapos na. Kayo ba?
Julian:
Tapos na rin, nasa opisina ako.
Umiling-iling si Freya, linggo pero mayroon siyang opisina. Napaisip tuloy siya kung ito iyong nakakapagod na sinasabi nito sa kanya kapag tuluyang naging adult ka na.
Freya:
Mayroon ka pa ring pasok kahit linggo?
Julian:
Wala, may kinuha lang akong mga gawain dito na itutuloy ko mamaya sa bahay.
Tumango-tango si Freya sa naging sagot nito.
Freya:
Iyan ba iyong nakakapagod na sinasabi mo kapag naging matanda na ako?
Julian:
Mas nakakapagod dito iyong magiging trabaho mo Freya, sa hospital ka magtra-trabaho oras na makatapos ka na. Doon may graveyard shift, malalaman mo iyan kapag naging intern at nag OJT ka na.
Isinandal ni Freya ang likod sa sofa. Hindi niya napansin ang pabalik-balik na sulyap sa kanya ng ina.
Freya:
Anong graveyard shift?
Julian:
Panggabi ka ng ilang linggo o buwan.
Tumango-tangong muli si Freya, naiintindihan na ang kanyang sinasabi sa kanya.
"Sinong ka-text mo Freya?"
Automatic na umangat ang paningin ni Freya sa kanyang ina. Nang makitang seryoso na ang mukha nito ay tumawa siya saka umiling-iling.
"Si Aleigh po Mama, nagpapatulong." pagsisinungaling na agad niyang pinagsisihan na kanyang sinabi.
"Saan nagpapatulong?"
"Bibili daw po ng damit next weekend, nagpapasama."
Lalo pang nakaramdam ng konsensiya si Freya nang tumango ito at tuluyang maniwala sa kanya. Tunay na napag-usapan nila ni Aleigh ang tungkol doon. Ngunit noong nakaraang linggo pa nila iyon napagkasunduan.
"Mama, matutulog po muna ako." paalam nito na lalong nilamon ng guilt sa katawan.
Alas-singko ang usapan nilang dalawa ni Julian. May ilang oras pa siya upang matulog at ihanda ang kanyang sarili. Pagdating niya sa silid ay nahiga na siya at nagkumot. Ngunit sa ilalim noon ay buhay ang kanyang cellphone.
Freya:
Naiintindihan ko na. Bakit five hundred ang ini-load mo sa akin? Ang dami naman.
Julian:
Busy ka ba? Para matagal mo ito bago maubos.
Agad napawi ang kanyang ngiti nang maalala na hindi nga pala sila magka-level na dalawa. Mayaman siya, katamtaman lang sila. May mansion sila, samantalang silang dalawa ng Mama niya ay naninirahan lang sa maliit at sulok na bahagi ng isang madilim na eskenita. Hindi niya tuloy maiwasan na makaramdam ng kakaibang pait.
Freya:
Sa susunod ay huwag mo na akong papa-loadan ng ganun kalaki. Kaya ko namang mag provide, para sa aking sarili.
Hindi makapaniwala si Julian sa mensaheng kanyang natanggap mula kay Freya. Ang buong akala niya ay okay na sila, magkaibigan na silang dalawa. Sa halip na maging masaya ito sa kanyang regalo, nasaktan niya pa ang damdamin nito. Ugali ni Freya na agad hinangaan ni Julian, ugaling naiiba sa mga babaeng kanyang nakilala.