Nakanganga at malakas ang hilik ni Freya, nang maalimpungatan sa paulit-ulit na pagtunog at pagvibrate ng kanyang cellphone na nasa ilalim ng kanyang unan. Marahan siyang naupo sa kanyang kama at bahagya niyang ginulo ang buhol-buhol niya pang buhok. Paulit-ulit niyang kinusot ang nakasarado niya pang mga mata. Mahina at namamalat ang kanyang tinig nang sagutin niya ito.
"Hello?"
Kunot-noo niyang idinilat ang kanyang mga mata nang wala siyang makuhang sagot mula dito. Saglit na sinipat niya ang screen ng kanyang cellphone, kung saan naka-display dito ang bago at hindi naka save na numero.
"Hello?" balik niyang muli dito sa isang tainga, "Sino po ito?"
Bahagya niyang sinipa ang kumot na nakabalot sa kanyang dalawang binti. Pinatay niya ang tawag at padabog itong inihagis sa ibabaw ng kanyang gusot pang ginamit na unan.
"Wrong number?" tanong niya bago tumayo at tinungo ang kanilang banyo.
Kagat na ang dilim sa labas ng kanilang bahay. Kakapa-kapa niyang hinanap ang switch ng kanilang ilaw.
"Nasaan sina Mama?" tanong niya habang paulit-ulit na kinakamot ang kanyang ulo na makati dahil sa balakubak.
Pagkatapos sa banyo ay dumeretso siya sa kanilang ref. Binuksan niya ang pintuan nito at kumuha siya ng tubig. Pagkasarado ay napansin niya ang sticky note na nakadikit dito. Nanginginig at nagmamadali ang sulat kamay dito ng kanyang inang hindi niya mahanap sa loob ng kanilang bahay.
Freya,
Saglit kaming lumabas ng Auntie Sioling mo. Hindi na kita ginising pa dahil alam kong napagod ka. Ipapasyal ko siya sa Mall at ililibre ko na rin ng pagkain sa Jollibee. Huwag ka ng magsaing, bibilhan nalang kita ng pagkain sa labas.
PS, pakilinis ng ating lababo paggising mo.
Ang iyong ina,
Felia
Iiling-iling niyang nilamukos ang papel bago iyon ibato sa malayong balde ng basurahan. Sinulyapan niya ang kanilang lababo na nag-uumapaw sa mga hugasan. Huminga siya nang malalim bago ibinalik sa ref ang pitsel ng malamig na tubig. Walang pakundangan niyang ipinunas ang kanyang bibig sa laylayan ng kanyang suot na damit.
"Mang Inasal sana ang i-take out nila." bulong niya habang humahakbang pabalik ng kanyang iniwang silid.
Dinampot niyang muli ang cellphone at lalo pang nangunot ang kanyang noo sa limang missed call na hindi nasagot. Nanggaling iyon sa iisang numero, na tumawag rin sa kanya kanina. Pinindot niya ang kanyang message nang makitang mayroon ditong tatlong unread messages.
0901234XXXX
Hi Freya, si Julian ito. Kinuha ko ang iyong numero sa pinsan mong si Aleigh. Ayos lang ba? Gusto sana kitang tanungin kung nagkita na ba tayong dalawa? Pamilyar na pamilyar ang mukha mo sa akin.
Agad nanlaki ang kanyang mga mata, tinutop niya ng isang kamay ang bibig. Hindi makapaniwala na nagtext sa kanya ang lalaking una niyang nakilala sa kalsada. Ang lalaking amo pala ni Aleigh, ang lalaking may masamang asal at ugali. Alas dos niya pa mensahe iyon, na nasundan pa.
Hello there, nag dinner ka na ba? Si Julian ito.
Hindi maikubli ng dalagita ang kakaiba niyang mga ngisi.
Tama ba ang number mo na ibinigay sa akin ni Aleigh? Bakit hindi ka sa akin nag re-reply?
Nakapagkit pa rin ang malaking ngisi sa labi ni Freya nang maupo siya sa magulo niya pang kama. Hinawi-hawi niya ang kanyang mahabang buhok na parang dalagang pilipina.
Freya:
Hello po, nakatulog po ako. Bakit ka tumatawag?
Ipinilig niya ang ulo, pabagsak siyang nahiga sa kanyang kama.
"Hindi ko kailangang magpaliwanag sa kanya." aniya habang nagtitipa ng panibagong mensahe dito.
Freya:
Bakit ka tumatawag? Si Freya nga ito.
"Masyado bang mataray?" tanong niya sa kawalan, lalo pang naningkit ang kanyang mga mata nang mahinang tumawa. Agad namula ang magkabila niyang pisngi. "Ano bang dapat kong sabihin sa kanya?"
Muling rumehistro sa screen ng kanyang cellphone ang hindi naka save na numero. Halos mauntog siya gilid ng kanyang kama nang hindi sinasadyang mabitawan niya ito.
"Peste!" mahinang mura niya sabay pulot sa tumambling na cellphone sa sahig ng kanyang silid. "Hello?"
"Oh, hi.." tugon ng kausap niya, ang baritono nitong tinig ay hindi kakakitaan ng kaunting sama ng ugali. "N-Nakaistorbo ba ko?"
"Hindi naman po." ani Freya na kinagat-kagat ng bahagya ang gilid ng kanyang labi, "Bakit po kayo napatawag?"
Malakas na tumawa sa kabilang linya si Julian. Nakaupo ito sa swivel chair ng kanyang silid na ginawa niyang opisina. Nakangisi niyang marahang hinaplos-haplos ang kanyang bagong shave na baba. Halatang nasisiyahan ang kanyang mga mata sa pagsagot ng dalagita sa tawag niya.
"Sinisigurado ko lang kung tama ba ang number mo."
Napapiksi si Freya sa naging sagot nito. Itinaas niya ang dalawang paa sa kama. Kinuha niya ang tandayang unan at inilagay iyon sa kanyang likuran.
"Bakit niyo po pala kinuha ang number ko?"
Natigilan si Julian, hindi alam ang isasagot sa dalagita.
"Hello? N-Nandiyan pa po kayo?"
Itinipa-tipa ni Julian ang dalawang daliri sa kanyang mesa. Umiisip ito ng imbalidong palusot sa kanyang kausap.
"Palaisipan sa akin kung saan kita unang nakita." aniya na mabilis tumayo mula sa upuan, naglalakad-lakad siya. "Pamilyar sa akin ang mukha mo, hija."
Umiling si Freya, naguguluhan na sa kanyang kausap.
"Sa ilang milyon na mga tao sa mundo," sambit nito na tila ba nawalan siya ng gana, "Baka po nakasalubong niyo ako."
Ayaw sabihin ng dalagita sa binata na muntik na siyang sagasaan nito. Ayaw niyang mag-iwan iyon ng lamat. Sa pananalita nito ay napagtanto niyang may asal rin ito.
"Baka nga..."
"Kung wala na po kayong sasabihin ay ibababa ko na. Mayroon pa po along gagawin na inuutos ni Mama."
"O sige-sige. Salamat sa oras."
Bago pa makapagpaalam si Freya sa kanya ay mabilis nang namatay ang tawag nito sa kanya. Nakanguso niyang paulit-ulit na binasa ang mensahe nitong naunang ipinadala.
"Bakit hindi mo ako natatandaan?" tanong niya habang inilalagay sa contact ang number at pangalan nito. "Julian Velasco, the driver na may-ari ng kalsada at kaskasero."
Malakas siyang humalakhak sa kanyang kalokohan na idinugtong sa walang malay na pangalan nito. Muli niyang binitawan ang cellphone at lumabas ng silid. Tinungo niya ang lababo na kanina pa naghihintay sa kanyang pagdating.
"Nagpa-party ba si Mama bago umalis?" tanong nito habang binabanlawan ang mga baso bago sabunin, "Speaking, dapat ay magte-text ako sa kanya."
Mabilis niyang ipinunas sa basahang nakasabit ang kanyang mga kamay. Patakbo siyang bumalik sa silid lalo pa nang marinig niya ang malakas nitong pag vibrate.
"Hello?"
"Oh, tinawagan ka ba ni Senyorito?" tanong ng nakasimangot na si Aleigh sa kanya.
"Oh, insan--"
"Tinawagan ka nga?"
Kumurba sa ngisi ang labi ni Freya dahil sa asal ng pinsan.
"Nagtext--"
Naputol ng malakas na halakhak nito ang kanyang kadugtong na sasabihin.
"Nakita ko rin na hinatid ka sa gate ng babaerong si Lacim."
Lalo pang lumawak ang ngisi ni Freya.
"Ano ka Aleigh? May mga mata ng lawin?"
Nanahimik lang ito at hindi sumagot sa kanyang tanong.
"Bukas pa uuwi ng probinsya si Auntie Sioling." pag-iiba nito ng usapan, "Lumabas sila ni Mama kanina."
"Aah, ganun ba?"
Malalim siyang nagpakawala ng buntong-hininga. Humakbang siya palabas ng silid habang nasa tainga ang cellphone. Binuksan niya ang gripo sa lababo.
"Baka lang gusto mong malaman." patuloy nito sa nanahimik na pinsan, "Maaga bukas ang kanyang biyahe. Pwede ka pang pumunta ngayong gabi--"
"Freya, may gagawin na ako." pagputol nito sa kanyang sasabihin, "Tatawag nalang ako ulit."
Kagaya ni Julian ay mabilis nitong pinatay ang tawag, hindi pa man nakakapag-paalam sa kanya si Freya. Padabog na ibinaba niya ang cellphone at dinampot ang sponge. Nakasimangot niyang sinabon ang mga baso.
"Kung anong ugali ng amo ganundin ang kasambahay." bulong nito na halata ang pagiging iritado.
Nang maalala na kailangan niyang itext ang kanyang ina ay mabilis niyang pinatay ang gripo at pinunasan ang kamay. Ngunit bago pa siya makapagtipa ay agad nang bumukas ang kanilang pintuan. Iniluwa noon si Sioling at Felia, kapwa nagtatawanan, maraming supot at paperbag na mga dala.
"Kakagising mo lang Freya?" tanong ng ina na ipinatong sa kanilang sofa at lamesa ang mga dala, "Hindi ka pa nakakapaghugas ng mga hugasin."
"Anong binili mong pagkain Mama?"
"Chicken saka--"
"Sa Mang Inasal?"
Agad nangunot ang noo ng kanyang ina.
"Bakit Mang Inasal? Sa Jollibee na chicken, hindi ba at--"
"Nevermind."
Lupaypay ang balikat na tinalikuran niya ang ina. Hinarap niya at ipinagpatuloy na hugasan ang mga hugasin. Hindi naman mahulaan ni Sioling ang inaasta ng pamangkin.
"Ate, anong problema sa pagkain ni Freya?"
"Ayaw niya ng fried chicken sa Jollibee." tugon nito na humakbang na papunta ng kanyang silid, "Maaga kang magpahinga Sioling, maaga ka pa bukas." anito na bahagyang sinulyan ang anak, "Freya, kainin mo kung anong pagkain ang binili ko. Sa sunod nalang ang pagkaing gusto mo."
Hindi sumagot ang dalagita na abala sa kanyang ginagawa. Saglit niyang sinulyapan ang umilaw na screen ng kanyang cellphone. Maliit siyang ngumiti nang makita ang pangalan ng may-ari ng naturang mensahe.
Julian Velasco:
Anong ginagawa mo? Kumain ka na ba?
"Ano bang kailangan niya sa akin?" bulong nito na narinig ni Sioling na kasalukuyang nakaupo na sa sofa. Inaayos nito ang mga pinamili na kanyang dadalhin pauwi.
Pagkatapos maghugas ay wala sa sariling naupo si Freya sa hapagkainan, bitbit ng isang kamay ang pinggan. Nakahawak naman sa cellphone ang isang kamay. Nagtitipa siya dito ng reply.
Freya:
Kakain palang, ikaw?
Pagkatapos ayusin ang kanyang pagkain sa plato ay binitawan niya ang cellphone. Kumuha siya ng tasa at nagsalin ng mainit na tubig dito para sa kanyang milo. Pabalik-balik ang kanyang mga mata sa screen ng kanyang cellphone at sa tasa na kanyang sinasalinan ng tubig.
"Kain po Auntie." alok niya nang magsimulang kumain, hindi niya na narinig pa ang sagot ni Sioling dahil kasabay iyon ng naging reply sa kanya ni Julian.
Julian Velasco:
Tapos na. Nagbabasa nalang ako ng mga bagong proposal sa aming negosyo. Happy eating. ;-)
Halos mabilaukan si Freya nang makita niya ang naka-kindat na smiley nito sa dulo ng kanyang mensahe.
"Ayos ka lang ba Freya?" si Felia na kakalabas lang ng silid, "Gutom ka ba?"
Hindi siya pinansin ng anak na abala sa kanyang ka-text. Nakanguso siyang nagtipa ng sagot dito.
Freya:
Okay, salamat.
Ilang minuto ang dumaan bago nagawang magreply ni Julian. Sa kanyang huling mensahe na natanggap, ay alam niyang pinapatay na ng dalagita ang kanilang usapan.
Julian Velasco:
Pwede ba akong tumawag?
Natatarantang dinampot ni Freya ang kanyang cellphone. Sa kanyang pagmamadali ay halos masagi niya ang mainit na tasa ng kanyang tinimplang milo. Hindi pa siya nakakapagreply nang rumihistro na ang pangalan nito.
"Kumakain pa ako." sagot niya na sa halip ay 'hello', "M-Mamaya ka nalang tumawag."
Nag-aalinlangan na umiling si Julian. Ibinaba niya ang cellphone habang nahihiya sa kanyang naging asta.
"Damn!" sambit niya habang inilalapag sa desk ang cellphone, "Ganun ba ako kaatat na matapos na ang lahat?"
Binilisan ni Freya na matapos agad ang kanyang pagkain. Gulat na gulat pa si Felia sa pagmamadali ng anak.
"Wala ka pang pasok bukas Freya." paalala nito na hindi niya naman pinansin, "May lakad ka ba?"
Pasalampak na naupo ang Ginang sa tabi ng kanyang kapatid na abalang nag-iimpake at nanunood ng TV. Sinulyapan lang sila ni Freya na abala na sa paghuhugas ng kanyang pinagkainan. Halos lagukin niya na rin ang milo na umuusok-usok pa sa init ng tubig.
"Mama, tutulog na po ako." paalam nito bitbit ang tasa ng milo, sinundan lang siya ng tingin ng dalawang Ginang. Makikita sa kanilang mga mata ang labis na pagtataka. "Goodnight po sa inyong dalawa." muling lingon nito sa kanila bago tuluyang pumasok ng kanyang kwarto.
Ipinatong niya sa maliit na mesa ang tasa ng kanyang milo, katabi noon ay ang kanyang cellphone. Sinimulan niyang tupiin at pagpagan ang kanyang gusot-gusot na higaan.
"Ako ba ang tatawag o siya?" tanong niyang naupo sa gilid ng kanyang kama nang matapos sa ginagawa, "Kaso wala nga pala akong pantawag na load. I-text ko kaya?"
Nakailan siyang type ng mensahe pero sa bandang huli ay kanya rin itong binubura. Nag-aalinlangan na ipadala. Yumundo ang gilid nang kanyang kama nang magulat siya sa pagtawag nitong muli sa kanya.
"Tapos ka ng kumain?" tanong nito pagkasagot niya ng tawag, mararamdaman ang saya sa kanyang tinig.
"O-Oo, kakatapos lang. Umiinom na ako ng milo."
Kinagat niya ang pang-ibabang labi bago dahan-dahang tumumba sa kanyang kama.
"Okay lang ba na tumawag ako habang umiinom ka ng milo?"