Chapter 15

2568 Words
Habang nagbibihis ng uniform ay gumapang sa isipan ng dalaga ang mga sinabi ng kanyang ina. In case na magkaroon siya ng asawa at si Julian iyon ay paniguradong titigil siyang mag-trabaho. Ipinilig ng dalaga ang kanyang ulo sa isiping iyon. Bata pa siya para mag-isip nang kung ano-ano. Ika nga ni Julian noon ay huwag siyang magmadaling tumanda. Dahil oras na matanda na siya, mapapagod na siya sa paulit-ulit niyang ginagawa. Naiintindihan niya naman ang pinupunto ng kanyang ina na masasayang lang ito oras na mag-asawa siya. Sa kanyang isipan ay walang sayang. Magtatapos siya upang makapag-trabaho at makatulong sa kanyang ina. Para sa kanya ay hindi iyon masasayang kailanman. "Mama, dalawang taon nalang po ang pagtitiisan natin makakatapos na ako." sambit nito habang nagsu-suot ng puting sapatos. Tiningnan lang siya ng ina. Inayos ng dalaga ang pagkakasakbat sa kanyang dalang bag. Sabay na silang lumabas ng kanilang maliit na tirahan. "Basta Mama, kapag nakatapos na ako ng pag-aaral ay titigil ka ng magtrabaho." baling niya sa ina na katabi niyang nakaupo sa loob ng tricycle. "Ako naman po iyong kakayod. Ikaw naman ang susuportahan ko sa lahat ng gusto mo." "Talaga ba?" pabiro nitong tanong, "Anong gagawin ko sa bahay kapag pinatigil mo ako?" "Beauty rest. Magpapahinga ka lang." "Hindi naman kaya ako malumpo agad niyan?" Malakas na tumawa ang dalaga sa tinuran ng ina. Sumasabay iyon sa maingay na tunog ng tricycle na kanilang sinasakyan. Habang nakatitig sa ina ay hindi niya maiwasang isipin ang kanyang hindi kilalang ama. Isa-isang nabuo sa kanyang isipan ang mga tanong niya para dito. Bakit sila nito iniwan? Ano ang kanyang dahilan? Wala ba siyang suporta na nakukuha? Makita niya pa kaya ito? Anong hitsura nito? Kamukha niya ba o hindi? "Baba na anak, school mo na 'to." tapik sa kanyang balikat ng ina kasabay ng pagtigil ng kanilang sinasakyan, "Ingat ka sa buong maghapon." Dahan-dahan siyang bumaba dito at muling sinulyapan ang kanyang ina na kumakaway. "Ba-bye Mama, see you later." Hindi palakaibigan ang dalaga kung kaya naman sa school ay palagi siyang nag-iisa. Kinakausap siya ng mga kaklase, pero hanggang doon lang iyon. Hindi na umaabot sa pagkilala pa sa kanya. Malapit siya sa lahat ng kamag-aral, kahit nasa lower level ay nakakasundo niya. Bukod doon ay wala pa rin siyang itinuturing na matalik na kaibigan. Hindi siya sa mga ito mabilis na magtiwala. "Good morning Freya." bati sa kanya ng nakasalubong na freshman. Kadalasan ay tatango lang siya at ngingiti sa kanila. Minsan lang siya kung bumati pabalik sa mga ito. Kapag tipo niya lang iyong tao o nakapalagayan niya na ito ng loob. "Hi Freya, ang aga mong pumasok." saad ng ka-level niya na nasa kabilang course. "Good morning." Walang bago sa paaralan. Araw-araw niya iyong ginagawa sa loob halos ng tatlong taon na. Nasanay siya na papasok sa unang subject at mamamalayan niya nalang na tanghalian na. Sumabay siya sa agos ng mga estudyante na patungo sa magkakaibang dereksyon. Nakisalo siya at naki-upo sa isang grupo ng mga kaklase. "May assignment ka na sa english Freya?" tanong ng isa sa kanilang grupo, mahina siyang umiling. Isa iyon sa pinaka-ayaw ng dalaga. Kinakausap at ginagamit lang siya kapag may kailangan ang mga ito sa kanya. "Gagawa palang ako after lunch." Hindi na siya muling kinausap nito. Sanay na siya doon, manhid na rin siya sa mga ganong trato sa kanya oras na wala siyang naitulong. "Mauna na ako sa inyo," saad niya nang makatapos na sa pagkain. "Gagawa pa ako ng assignment sa english." Tuluyan niya nang nilisan ang lamesa na agad umingay sa pag-alis niya. Nakagawa na siya ng assignment. Ayaw niya lang iyong ipakopya kahit na iisa lang naman ang magiging sagot nila dito. Ayaw niya nang ganung kaklase. The next subject approach. Habang lumilipas ang oras ay nananabik siyang umuwi. May kakaiba siyang nararamdaman. Naiisip niya na muli silang magkikita ni Julian. Doon palang pumasok sa kanyang isipan ang kanyang cellphone na naka-silent. Noong umaga ay hindi niya rin iyon nagawa man lang i-check. Julian: Hindi ko siya kasama. Pauwi na ako. Ilang baso lang ng alak ang nainom ko. Hindi rin ako nalasing. Good morning Freya, papasok ka na ba? Lunch break na, kumain ka na ba? Wala ka bang load? Hey, Freya. Napapitlag ang dalaga nang tumapat sa kanyang upuan ang kanilang professor. Mabilis niyang itinago sa bulsa ng bag ang kanyang cellphone. "Ano iyan Miss Evangelista?" tanong nito na agad ikinalingon sa kanya ng mga kaklase, "Gumagamit ka ng cellphone habang nagle-lecture ako sa unahan?" "P-Pasensiya na po Sir." hingi ng paumanhin ng dalaga, "May tiningnan lang po akong message." Hindi na muling kinuha ni Freya ang kanyang cellphone upang tingnang muli dahil sa labis na pagkahiya. Hanggang sa tuluyan niya nang matapos ang klase ng araw na iyon. Mabilis ang kanyang mga hakbang palabas ng paaralan kagaya ng ibang mga estudyante. Ilang beses niya ding tiningnan ang madilim na langit na nagbabadya ng malakas na pag-ulan. Sa kabilang banda sa kanyang opisina ay hindi mapakali si Julian. Maghapon na ang lumipas at wala man lang siyang text na natanggap mula sa dalagang kasama ng nagdaang araw. "Puntahan mo kaya sa school niya." suhestiyon ni Lacim na saglit pumunta sa opisina niya, "Kung hindi ka lang rin naman mapakali diyan." "Hindi ko alam ang school niya." problemado nitong tugon sa kasama. "Ang hina mo dude, e 'di itanong mo kay Aleigh." Sinunod niya ang utos ni Lacim. Ilang sandali pa ay nasa kalsada na siya mabilis na nagmamaneho, patungo sa school nito. "Dude ano 'tong nalaman ko?" si Mico na kausap niya sa kabilang linya, "Pupuntahan mo siya?" "E hindi nagre-reply." katwiran niya. "Baka naman busy lang, masyado kang atat." "Sisilipin ko lang naman." pagpapalusot niya dito, "Ihahatid ko na rin sa bahay nila." "Talagang nakinig ka sa kalokohan ni Lacim." patuloy na halakhak nito sa kabilang linya, "Baka isipin ng batang iyon ay masama kang tao." "Dude naman, magkaibigan kaming dalawa." "Ayon na nga dude, magkaibigan lang kayo. Pero pupuntahan mo siya sa school niya. Anong iisipin nang makakakita niyang kaklase sa'yo? Kapatid niya? Nakapang-trabaho ka pang damit. Masyado kang pormal sa kanilang mga mata." Pinatayan niya ng tawag ang kanyang kaibigan. Naglalabasan na ang mga estudyante nang sapitin niya ang harapan ng paaralan. Mabilis siyang umibis ng kanyang sasakyan. Ngumiti sa mga estudyanteng napapatingin sa kanya. "Miss nakalabas na ba si Freya Lou Evangelista?" harang niya sa isang estudyante na malawak ang ngiti sa kanya. Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. Kapagdaka ay ngumiti ito at marahang umiling. "Nasa loob pa, palabas na rin iyon maya-maya." Tumango lang siya sa estudyante at isinandal ang likod sa gilid ng kanyang dalang sasakyan. Mabilis siyang umayos ng tayo nang matanaw ang dalaga na nagmamadali ang mga hakbang. Ngumiti siya nang magtama ang kanilang mga matang dalawa. Itinaas niya ang isang kamay dito upang kumaway. Ngunit agad siyang natigilan nang walanghiyang lagpasan siya nito. "F-Freya.." nauutal niyang sambit, mabilis niya itong hinabol at malakas na tinawag. "Freya!" Agad lumingon sa kanya ang dalaga. Halata itong nagulat sa kanyang ginawang pagtawag. "Oh, Julian anong ginagawa mo dito?" ngiti nito sa kanya na agad nagpalinga-linga ang mga mata, "May kakilala ka ditong pinupuntahan?" Halos masapo ni Julian ang kanyang mukha. Naisip niya na napaka-inosente pa rin ng talaga ng dalagang kaharap. "Nagtext ako sa'yo, hindi mo ba natanggap?" sa halip ay tanong niya dito keysa sagutin ang katanungan nito, "Hindi ka sa akin nagre-reply." Agad namula ang mukha ng dalaga sa labis na hiya. Iniisip niya na iyon yata ang dahilan ng binata upang siya ay sadyain sa kanyang eskwelahan. "Sorry, nakalimutan kong i-check." kamot niya sa gilid ng kanyang pisngi, "Naalala ko lang ngayong hapon na. Pinagalitan pa ako ng prof namin dahil nahuli akong nagce-cellphone." Tumango-tango ang binata sa kanya. Kumbinsido ito sa rason ng dalaga. Mabilis naman na kinuha ni Freya ang kanyang cellphone. Doon niya palang nabasa ang mga text nito sa kanya. Julian: Sabay na tayong mag-meryenda. Pupuntahan kita sa school mo, ayos lang ba? On the way na ako Freya, itinanong ko kay Aleigh ang school na pinapasukan mo. See yah. "Sorry, ngayon ko lang nabasa." pakita ng dalaga sa cellphone niyang hawak, "Bakit ka pumunta e hindi naman ako nagreply sa'yo?" Wala sa sariling hinagod ni Julian ng isang kamay ang kanyang bahagyang nagulong buhok. "Silence means yes." anitong mahinang tumawa, "Busy ka ba? May lakad ka ba ngayon?" "Wala naman." tugon ng dalaga na saglit nailang, nakita niya ang mga kaklaseng umuusyuso na sa kanila. "E bakit nagmamadali kang maglakad?" pakikipag-usap pa rin ng binata sa kanya. "Mukha kasing uulan." turo niya sa kalangitan na lalo pang nagdilim, "Wala akong dalang payong." Tumango ang binata na nakuha ang rason niya. "Shall we go? Gutom na ako." Tumango ang dalaga na humakbang na rin pabalik sa kanyang nakaparadang sasakyan. "Kanina ka pa ba?" baling niya sa lalaki habang nagsu-suot ng kanyang seatbelt. "Halos kadarating lang." tugon ng binata na abalang binubuhay ang makina ng sasakyan. Tumango ang dalaga sa naging tugon niya. Hindi maitago ang labis na saya sa kanyang kumikislap na mga mata. Kung kanina ay iniisip niya lang ito sa klase, ngayon ay kasama niya na. Saglit lang na pagmamaneho ang ginawa ni Julian. Agad silang nakarating sa restaurant ng Dimsum Platter. Nag crave siya dito kay naisip niyang dito nalang pumunta. Malapit rin ito sa pribadong paaralan na pinasukan niya noong nasa highschool siya. Madalas rin siya ditong kumaing mag-isa. "Paano mo nalaman na may kainan dito?" tanong ng dalaga habang humahakbang sila patungo sa maliit na counter nito. "Malapit ito sa lumang paaralan ko noon." "Saint Jude National University?" tanong ni Freya na hindi pa rin makapaniwala dito. Kilala ang paaralan na para lang sa mayayaman. Mga elite students lang ang tinatanggap dito. Lalo pa siyang nagulat nang marahan itong tumango. "Wow! Akala ko nananaginip lang ako, mayroon talaga akong kaibigan na anak ng mayaman." "Loko ka." halakhak ni Julian sa mga sinabi nito, "Tao rin naman kami, ah? Wala naman kaming pinagkaiba sa ibang mga tao. Yaman lang." sambit nito na tiningnan siya mula ulo hanggang paa, "Bagay na bagay sa'yo ang uniform na suot mo Nurse Freya. So, anong gusto mong kainin?" Lalo pang namula ang dalaga sa mga papuri niya. Kulang nalang ay hampasin siya ng dalaga nang dahil sa labis na kilig na nararamdaman. Nakataas ang kanyang mahabang buhok. Naka-ikot at may net iyon sa tuktok ng kanyang ulo. Lalo pang nadepina ang nakatago niyang ganda at lalo pang sumingkit ang kanyang mga mata. "Susubukan ko iyong fried pork siomai nila dito with chaofan rice." tugon ng dalaga sa kanya, "Saka iced tea." Tumango si Julian at dinukot na naman sa kanyang wallet ang mahiwaga nitong card. Sinabi niya sa kahera ang order nilang dalawa sabay abot dito ng kanyang hawak na card. "Feeling ko ay may dugo kayong tsino." sambit ng binata habang nauupo sila sa pandalawahang lamesa, "Bukod sa singkit ka." "Iyong mga ninuno namin sa side ni Mama ang may lahing tsino." tugon nito habang inilalapag ang kanyang bag sa katabing upuan, "Singkit rin si Mama e, sa kanya ako nagmana." "Bakit si Aleigh hindi naman singkit?" wala sa sariling sambit ni Julian, "Mas litaw sa kanya ang pagiging may lahi ng kastila." "Magkaiba kami ng tatay ni Aleigh." sambit niya dito, "Doon siguro siya nagmana." nguso ng dalaga sa kanya, "At saka pareho naman kami ng kulay ng mga mata ah?" "May hawig nga kayong dalawa." bawi ng binata sa naniningkit na nitong mata, "Bukod sa kulay ng mata, sa tangos ng ilong at hugis ng mukha Freya." "Magpinsan kami kaya hindi malabong may pagkakahawig kaming dalawa." paliwanag niya dito, "Magkapatid ang nanay naming dalawa." Hindi napigilan ni Julian na mapahalakhak sa naging paliwanag sa kanya ng dalaga. Nagagandahan siya dito lalo na kapag naiinis na ito. "Palagi bang five ng hapon ang labas mo sa school?" pag-iiba nito ng usapan habang tinatanggap ang plato ng kanilang order. "Depende kung mayroon kaming last prof." tugon niya habang pinu-punasan ng tisyu ang hawak na dalawang tinidor at kutsara. "Minsan lang kaming umuwi ng four ng hapon. Mabibilang mo sa iyong mga kamay." "Aah, ganun ba?" Tumango ang dalaga at dinampot na ang plato ng pagkain niya. Itinusok niya sa fried siomai ang hawak na tinidor. Tumusok naman ng dumpling si Julian na agad niya na ring kinain. "Bakit? Balak mo bang pumunta araw-araw?" Tumango-tango sa kanya ang binata. "Sana, pero tuwing maluwag lang ang schedule ko sa trabaho." tugon nito na tiningnan ang dalaga na magana nang kumakain, "Minsan kasi kailangan kong mag-overtime. Madalas rin na magkaroon ako ng biglaang lipad patungo ng ibang bansa. Kaya hindi ko masabi na araw-araw." "Saang bansa ka pumupunta?" tanong ng dalaga na para bang normal lang iyon sa kanya, "Para ba iyon sa inyong negosyo?" "Oo, para iyon sa mga negosyo ni Lola." tugon nito, "Madalas ako sa Hongkong." "Malaki kaya ang sahod ng mga nurse sa bansang iyan?" wala sa sariling tanong niya dito. "Siguro," tugon nitong nagkibit-balikat, "Mayaman ang bansang Hongkong kaya maaaring malaki rin ang sahod ng mga nurse doon." Ipinagpatuloy nila ang pagkaing dalawa. "Doon nalang kaya ako mag-apply?" wala sa sariling tanong sa kanya ng dalaga, "Kung palagi ka rin namang pumupunta doon, e may chance na magkita tayo once in a while." tiningnan siya nang mataman ng binata, "I mean kapag may nilakad ka doon pwede tayong kumain sa labas. In case na doon na ako nagtra-trabaho." "Pwede naman, kaso paano ang Mama mo?" Hindi sumagot ang dalaga, hindi pa niya nasasabi sa ina ang kanyang planong pangingibang bansa. "Mauunawaan niya ako, basta tungkol iyon sa pagtupad ko sa mga pangarap ko." Tahimik nilang ipinagpatuloy ang pagkain. Panaka-naka ang sulyap ng binata sa kanya. Halata sa mukha ng dalaga na nawalan na ito ng ganang ubusin ang kanyang pagkain sa pinggan. "Tikman mo 'to Freya, masarap." lapit ng binata sa dumpling na nakatusok sa kanyang tinidor, ngumiti sa kanya ang dalaga bago ibinuka ang bibig. "Di ba masarap?" Tumango-tango sa kanya ang dalaga habang ngumunguya. Nawala na ang lungkot niya. "Salamat." sambit nito pagkalagok ng inumin. Dahan-dahang bumagsak ang malakas na ulan. Sabay pa silang dalawa na tumingin sa labas ng salaming bintana. "Maya-maya tayo umuwi, pagtila." si Julian habang nakatingin pa rin sa lumalakas na ulan. "Mabuti nalang at sinundo mo ako." nguso ni Freya na humalumbaba pa sa lamesa, "Basang-basa sana ako ngayon ng ulan." "Bakit hindi ka nagdadala ng payong?" "Nasira iyong folding umbrella ko." tugon nito sa kausap, "E ayoko namang dalhin sa school iyong mahaba at malaki naming payong. Baka makalimutan ko lang hanggang sa mawala." Umiling si Julian, natatawa sa hinaing ng dalaga. Ni minsan ay hindi niya naranasang mag-problema noon kapag umuulan. Palagi siyang may sundo papasok at pauwi ng paaralan. "Naku, malapit na rin ang tag-ulan." "Next weekend, bibili na ako." Pagtila ng ulan ay agad siya nitong inihatid. Abot-tainga ang kanyang ngisi papasok ng bahay. Hindi na siya doon hinatid ni Julian. May biglaan itong tawag sa kumpanya kaya nagmamadali na. "Mukhang ang saya natin ah?" tanong ng Ginang sa anak niya, "Huhulaan ko, nagkita kayo 'no?" Hindi sumagot sa kanya ang dalaga na mahina pa ring tumatawa. Dumiretso ito sa kanyang silid upang magpalit ng damit. Pagka-upo niya sa kama ay kinuha niya ang kanyang cellphone. Freya: Ingat ka pauwi Julian, I mean patungong kumpanya. Salamat sa meryenda. Nabusog ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD