Chapter 17

2407 Words
Muling kumamot sa ulo ang binata sa labis na inis. "Late na, ano pang sasabihin ko sa kanya?" Sinipat siya ng dalawang kaibigan. Ang mga titig nito sa kanya ay kakaiba. May ipinaparating. "It's better late than never dude." si Mico. "Don't tell us na totoong gusto mo na siya?!" si Lacim na ma-drama pang hinawakan ang dibdib. Masama siyang tiningnan ng binata. Lalo na nang makita niyang palapit sa kanilang kinaroroonan ang kanyang Lola. Lulan ng kanyang wheelchair. "Kumusta po kayo Lola?" mabilis na tayo at bati ng dalawang kaibigan niya. "Oh, hello mga hijo." tugon nitong lumipad kay Julian ang mga mata, "Hindi na pumapasyal dito si Freya, ano kaya at imbitahan natin sila sa dinner?" Mabilis napatayo ang binata sa sinabi nito. Saglit siyang sumulyap kay Aleigh na tahimik lang. "Dinner tonight Lola?" "Yes tonight." tango nitong saglit ring sumulyap kay Aleigh, "Isama mo na ring imbitahan ang kanyang ina para makita niya dito si Aleigh." Agad na tumango ang binata. Pahablot na hinila sa likod ng lounger ang kanyang tuwalya. "Maliligo na ako, susunduin ko na sila." anunsyo nito na lumingon sa dalawang kaibigan. "Dude, ang aga pa! Ala una palang!" sigaw ni Lacim na agad siniko ni Mico ang tagiliran. Umubo-ubo si Lacim habang masama ang tingin sa kaibigan. "Huwag kang mang-basag ng trip!" Tumawa nang mahina ang matanda sa kakulitan ng dalawa. Isang ideya ang naisip niya. "Dito na rin kayo kumain ng hapunan mga hijo." Mahihinang yugyog ng kanyang ina ang pumutol sa masarap at mahimbing na pagtulog ni Freya. Napipilitan itong pumikit at dumilat nang maaninag ang malabong mukha ng kanyang ina. "May bisita ka." unang salitang sambit nito sa dalaga, "Bumangon ka na diyan Freya." Hindi sumagot ang dalaga, sa halip ay hinila niya ang kumot at ibinalot iyong muli sa katawan. "Hija, tama na ang tulog. Alas kuwatro na." Umungol lang ang dalaga pero muling pumikit. "Sige, sasabihin ko nalang kay Julian na umuwi na." anang Ginang sa anak, "Tutal inaantok ka--" Hindi niya na natapos ang kanyang sasabihin nang bigla itong bumalikwas nang bangon. "S-Si Julian po ba Mama?" pupungas-pungas nitong tanong, "Nandito po siya?" Nang tumango ang kanyang ina ay mabilis siyang bumaba kanyang kama. Pilit inaayos ang buhok na bahagyang sumabog sa kanyang pagtulog. Pinasadahan niya rin ng daliri ang mga mata. "Ayusin mo nga ang sarili mo." wika nitong bahagyang hinila pabalik ng silid ang kanyang anak, "Nakakahiya ang itsura mo. Hindi ka pa naliligo." "Pero Ma--" "Magsuklay ka, itali mo iyang buhaghag mong hibla ng buhok." pagputol niya dito, "Mukha kang.." hindi itinuloy ng Ginang ang kanyang nais na sabihin. "Sumunod ka nalang sa akin, bibigyan ko siya ng kanyang maiinom habang hinihintay ka." Wala sa sariling tumango siya sa ina. Mabilis niyang kinuha ang suklay at marahas na pinasadahan nito ang kanyang gulo-gulong buhok. "Hindi ka nag-text." ilang saglit ay pasok ng dalaga sa kanilang maliit na sala. Ngumiti nang malawak ang binata. Bihis na bihis siya na tila ba patungo ng kanyang opisina. Maayos ang hawi ng kanyang medyo basa pang buhok. Sa kanyang kandungan ay nandoon ang palumpon ng mga bulaklak. Mabilis siyang tumayo upang batiin ang dalaga. "Nagtext ako." tugon niyang sinulyapan ang cellphone ng dalaga na nasa lamesita, pasimple niyang ini-abot sa dalaga ang mga bulaklak na agad naman nitong tinanggap. "Hindi mo lang siguro sila nabasa." Natameme sandali ang dalaga. Tiningnang niya na rin ang cellphone na nakapatay ang screen. Ilang saglit pa ay lumipat iyon sa hawak na mga bulaklak. "Ganun ba?" nahihiya niyang kamot ng ulo, "Nakatulog kasi ako, saka..." lumipat ang tingin niya sa ina na mahinang tumatawa, "Bakit ka pala nandito Julian? Wala tayong usapan ngayon." Muling naupo ang binata, nagdadalawang-isip na. "Pina-iimbitahan kayo ni Lola sa dinner tonight." saad niya na pinagsalikop ang dalawang palad, "Kasama si tita Felia." Muling nabaling ang tingin ni Freya sa ina na agad tumango. Patunay na payag siya sa imbitasyon. "Ngayong gabi? Bakit daw?" Pagak na tumawa ang binata sa reaction ni Freya. "Anong bakit?" tanong nito pabalik, "Matagal ka na raw niyang hindi nakikita." "Last week lang noong huli akong tumambay ng mansion. Matagal na agad iyon sa kanya?" Kapwa na sila tumatawang dalawa. Nakangiti rin ang Ginang na nasa malayong banda ng bahay. "Kilala mo naman iyon si Lola." Kinamot ni Freya ang kanyang isang mata. Saglit na natigilan ang binata sa ginawa nito. "Still sleepy?" Paulit-ulit na umiling ang dalaga sa kanya. "Mahaba-haba na rin ang itinulog ko." Dumating ang kanyang ina na may dalang ilang slice ng prutas na kanyang binalatan. "Naku hijo, tulog mantika pa iyan." Lumipad ang mga mata ng dalaga sa kanyang ina. Pagak na tumawa si Julian sa tinuran ng Ginang. "Naiintindihan ko po iyon tita Felia." anang binata na tumango-tango pa, "Ganyan po talaga kapag mga bata pa. Matakaw pa sila sa tulog." Tumango-tango ang Ginang sa kanya. Hindi naman na maipinta ang Mukha ng dalaga, sa panlalaglag ng kanyang ina sa harapan ng binatang gustong-gusto niya. "Mama?" Nilingon siya ng Ginang na natatawa. "Bakit? Totoo naman iyon." halakhak ng Ginang, "At isa pa ay naiintindihan ka naman niya." "Ayos lang iyon Freya." pagsingit ni Julian sa kanila, "Pinagdaanan ko naman rin iyan." Pilit na ngumiti sa kanya ang dalaga. Nahihiya na. "Anong oras pala hijo ang dinner?" pag-iiba ng usapan ng Ginang. "Ngayon na po kayo ipinapasundo ni Lola," tugon ng binatang muling tiningnan si Freya. "Mas maaga daw po e mas masaya." "Ganun? O siya ako muna ang maliligo Freya." anang kanyang ina na ikinalingon nito sa kanya, nagtatanong ang kanyang mga mata. "Walang kasama si Julian, saglit lang naman ako." Pagak na tumawa ang dalaga habang binubuksan ang kanilang maliit na TV. "Si Mama talaga pinapahiya ako sa'yo." Sinabayan na siya ni Julian tumawa nang mahina. Tumusok siya ng isang slice ng pakwan at isinubo iyon. Aliw na aliw siya sa mga sinasabi ni Freya. "Binibiro ka lang noon," aniyang patuloy sa pagkain ng prutas sa harapan. "Si Lola nga rin, palagi akong ipinapahiya sa harapan mo noon." Doon ay mas malakas pa silang nagtawanan. Ilang sandali lang ang paghihintay na ginawa nila sa ina. Ngunit halos atakehin pa sa puso si Freya nang makita ang mga suot nitong mga gintong alahas. "Mama, baka ma-hold up na tayo niyan." Tumawa si Julian sa pagbibiro ni Freya. Nakita na rin ang ina nitong itinaboy lang siya na maligo na. "Bilisan mo Freya, napakakupad mo pa naman." Pabiro niya itong inirapan. "Mama, hubarin niyo iyan!" turo niya sa kwintas nitong may kamahalan, "Nakakahiya.." "Ikaw ang mahiya kaya maligo ka na." "Mama!" "Freya!" Nagpalipat-lipat ang mga tingin ng binata sa mag-ina. Sa halip na mag-aalala ay natutuwa pa siya. Aliw na aliw siya sa kulitan ng dalawa. Naaalala niya sa mga ito siya at ang kanyang Lola. Tuwing sasabihan siya nitong kailangan nang mag-asawa. Pagkaraan ng ilan pang kalokohan ay sumuko si Freya sa nag-iisang kagustuhan ng kanyang ina. Nagmamadali siyang pumasok ng kanyang silid. Ipinatong niya sa ibabaw ng kanyang kama ang hawak na mga bulaklak. Mabilis niyang binuksan ang cabinet ng kanyang mga panlakad na damit. Humila siya dito ng isang terno na kanyang isusuot. Bago tumalikod upang magtungo sa banyo ay binuksan niya ang isa pang malaking cabinet. Humahalimuyak doon ang bango ng iba't-ibang klase ng talutot na natuyo na sa loob nito. Ang sabi ng kanyang ina sa kanya ay hayaan niyang malagas ang mga talutot nito hanggang matuyo. "Mas lalong bumabango ang mga petals ng bulaklak kapag ito ay tuyo na." tugon nito sa kanya nang kulitin niya ito nang kulitin. Kung kaya naman sa tuwing binubuksan niya ang cabinet na iyon ay humahalimuyak ang mabangong amoy ng mga tuyong bulaklak. Mabangong amoy ng mga tuyong talutot na nabilad sa init nang mahabang tag-araw. Pagtatapos maligo at mabilis inayos ng dalaga ang kanyang sarili. Naglagay siya ng polbos. Nagpahid rin siya nang manipis na foundation. Naglagay rin siya ng kaunting lipstick sa manipis na labi. Ilang beses niyang sinipat-sipat ang sarili sa salamin. Lalo pang tumingkad ang kanyang ganda sa pagkakaroon niya ng hazel brown na mga mata. Ganundin ang mga mata ng kanyang pinsan kaya madalas sila nitong pagkamalan na magkapatid. "Hindi po kami magkapatid." palaging litanya ng dalaga sa palengke kapag may pumupuna sa kanilang dalawa, "Magpinsan lang po kami." Nagsuot ng puting medyas ang dalaga na tinernuhan niya ng puting rubbershoes. Sinakbat niya ang maliit na slingbag na lalagyan ng phone. Maingat niyang sinuklay ang unat at mahabang buhok. Ilang sipat pa sa sarili ang kanyang ginawa sa salamin bago siya tuluyang lumabas ng silid. "Susmaryusep! Bakit ganyan ang suot mo?" puna agad ng kanyang ina pagkakita sa kanya, "Anak pormal na okasyon iyon, pumormal ka rin." "Pormal naman po ito ah?" anang dalaga na umikot pa, "Off shoulder na white sleeve tapos ay denim skirt. Ano pong masama sa suot ko?" Sinipat siya ng ina mula ulo hanggang paa. "Off shoulder sleeve pero labas ang pusod mo oras na itaas mo ang mga kamay mo." aniyang bahagyang tinusok ng daliri ang kanyang tiyan, "Baka ma turn off siya sa'yo niyan, Freya." "Mama, sabi niyo nga po ay bata pa ako." nguso ng dalaga, "Hayaan niyo po akong maging bata pa." "Magpalit ka." utos sa kanya ng ina, "Magpapalit ka o hindi tayo dadalo sa kanilang imbitasyon?" "Mama..okay na po ito." nguso nitong nagmamakaawa sa kanyang ina, "Hindi naman magagalit si Lola kapag nakita niya ang suot ko." "Mahiya ka pa rin, sige na magpalit ka na." "Ma!" padyak nito ng paa sa sahig nila, "Okay na pong suot ko 'to." Malalim na bumuntong-hininga ang Ginang. Napupuno na siya sa tigas ng ulo ng kanyang anak. "Eighteen ka na anak, kaya umakto ka sana ng---" "Mama, sabi niyo bata pa ako." pagputol niya sa ina, "Bata pa naman talaga ako. Hayaan niyong ito ang isuot ko. Sa mansion tayo pupunta. Hindi naman sa labas na restaurant kakain." Naweywang ang kanyang ina. "Pero Freya sa mansion--" "Hindi nalang ako sasama." nguso nito na mabilis muling pumasok ng kanyang silid. "Kayo nalang ang dumalo, wala na akong gana." pahiga itong bumagsak sa kanyang magulo pang kama. "Freya!" Minsan lang kung maging matigas ang ulo ng dalaga sa kanyang ina. Isa na dito ay ang pamamaraan nito ng pagsusuot ng mga damit. "Sasabihin ko kay Julian na hindi tayo tuloy." anitong mabilis na lumabas ng silid. Sinundan siya ng kanyang ina na napapahiya na sa hindi magandang asal ngayon ng kanyang anak. "Sorry Julian, hindi na kami--" "O ano pang hinihintay niyong dalawa?" pagputol sa sasabihin niya ng kanyang ina, "Huwag nating paghintayin ng matagal si Senyora." Nanlalaki ang mga mata ni Julian nang makita ang ayos ng dalaga. Hindi niya na ito nagawa pang purihin dahil sa pagmamadali ng ina nitong umalis. Isang makahulugang ngiti ang nag-umalpas sa labi ni Freya habang sinusundang maglakad ang ina. Sa makipot na eskenita ay tahimik silang lumabas. "Tita Felia, saan niyo o gusto sa harap o sa likod?" tanong ng binata pagdating nila sa may sasakyan. Lingid sa kaalaman ng dalaga na narinig ng binata ang pag-uusap nila ng ina. At gustong aluin ng binata ang ina nito sa pamamagitan ng pagpili ng kanyang upuan na gustong upuan. Lumingon si Freya sa ina, hinihintay ang magiging sagot nito. "Sa likod nalang ako hijo." Pinagbuksan niya ng pintuan ang Ginang. Sa labas ay nakakaramdam na ng konsensiya ang dalaga. Hindi niya dapat ginanon ang kanyang ina. Kinakain siya nang labis na hiya sa sariling ina. "Mama, ayaw mo ba talaga dito sa harap?" Maliit na ngumiti sa kanya ang Ginang. "Ikaw na diyan." Lalong nilamon ng guilt ang dibdib ng dalaga. Noon niya lang nakitang malungkot ang ina. "Sakay na, Freya." nakangiting bukas sa kanya ng binata sa unahang upuan. Pilit siya ditong ngumiti. Pilit niyang kinukumbinsi ang sarili na magiging ayos rin sila ng kanyang ina. Tahimik na nilisan nila ang lugar na iyon. Panay ang sulyap ni Julian sa unahan ng salamin. Pinagmamasdan ang Ginang na nakatingin lang sa labas ng bintana. Sa lugar na kanilang dinadaanan. "Tita Felia, ayos lang po ba kayo diyan?" hindi na nakatiis na itanong ng binata, "I mean gusto niyo po ba na magpatugtog ako?" Maliit na ngumiti sa kanya ang Ginang. Sinulyapan niya rin ang anak na malalim ang iniisip. "Huwag niyo akong alalahanin, ayos lang ako." Tumango ang binata sa naging sagot nito. "Ilang taon na pala ang Lola mo, hijo?" kapagdaka ay tanong nito, wala na ang lungkot sa mukha nito. "Eighty six na po tita.." "Matanda na rin pala." tumango-tango ito habang muling lumilingon sa daanan, "Siya nalang ba ang nag-iisang pamilya mo?" Sinulyapan ng binata si Freya. Tahimik lang itong nakaupo habang ang mga mata ay nasa daan. Naisip niya na siguro ay hindi nito na-kwento sa ina nito ang estado ng kanyang pamilya. "Opo tita, saka po iyong mga house help namin." Sa kabilang banda ay unti-unting bumabagsak ang mga talukap ng mata ng dalaga. Hindi niya namalayan na nakatulog na siya. Napansin iyon ng binata na bahagyang umiiling-iling, natatawa. "Ang takaw po pala talaga ni Freya sa tulog." Dumukwang ang Ginang upang tingnan ang anak. Malakas siyang tumawa nang makita kung anong hitsura na nito sa unahan ng upuan. "Masanay ka na sa kanya hijo, alam mo naman kapag mga bata pa tayo." Paulit-ulit na tumango ang binata. "Hindi naman puyat pero napakatakaw niya talaga sa pagtulog. Nagbabawi lang iyan." dagdag ng Ginang, "Palagi siyang puyat kapag may pasok." "Naiintindihan ko po siya tita." Tumango-tango ang Ginang sa kanya. "Kung gusto mo ay tawagin mo na rin akong Mama, na-miss kong magkaroon ng anak na lalaki." Natigilan si Julian sa tinuran nito. Hindi dahil nagpapatawag ito sa kanya ng Mama. Kung hindi dahil may isang tao siyang naaalala sa mga ngiti nitong, hindi man lang umabot sa kanyang magandang mga mata. "Huwag niyo po sana titang mamasamain, may kilala po ba kayong Froylan Evangelista?" Natigilan ang Ginang sa kanyang binanggit na pangalan. "Medyo kamukha po siya ni Freya," anitong sinipat siya sa salamin, "Lalo na rin po ang inyong mga mata." "Paano mo siya nakilala hijo?" natatarantang tanong ng Ginang habang sinusulyapan ang anak na kasalukuyang nahihimbing sa pagtulog. "Kaklase ko po siya noong college." "Maaari, halos ka-edad mo nga iyon." Nagulantang ang binata sa ginawang pag-amin nito sa kanya. Ayaw niya na sanang manghimasok pa sa totoong pagkatao nila. Iisa lang ang alam niya, si Freya na kanyang nais gamitin ay kapatid ng isa sa kanyang mga kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD