Muli ay agad na nabaling ang atensyon ng lahat sa dalaga. Dalawang sipa sa ilalim ng mesa ang nakuha ni Mico sa dalawang kaibigan na katabi.
"Alam ko pong mahalaga ang pakikipagkapwa, pero napaka delikado noon sa kalusugan ni Freya." patuloy ng kanyang ina, "Kahit na maliit na portion ng pagkain, malaki ang nagiging epekto sa kanya oras na nakain."
"Okay lang Felia, okay lang iyon." anang matanda na sinipat ng tingin ang dalaga, "Hija, ayos lang na tumanggi ha? Lalo na kapag para sa kalusugan mo."
Nag-angat ng tingin ang nahihiyang dalaga.
"Pasensiya na po."
"Ayos lang iyon Freya," si Julian na malawak na ngumiti sabay baling kay Aleigh, "Pakisabi naman kay Ate Delia na lutuan niya ng pinakamabilis na putahe si Freya."
Malawak na ngumiti ang Donya sa pagiging alerto ng kanyang apo.
"Oo nga Aleigh, iyong pinakamabilis." pag sang-ayon nito sa sinabi ng kanyang apo.
"Naku huwag na po," sambit ng dalaga na lalo pang nahiya, "Huwag na po Lola, huwag na Julian."
"Okay lang iyon Freya, kahit na adobo lang." pagpupumilit ng binata sa kanya, "Sige na Aleigh, sabihan mo na si Ate Delia."
Tumango ang kanyang pinsan bago ito umalis. Kalahating oras lang ay luto na ang kanyang ulam.
"Maraming salamat po, ate Delia." aniya nang dalhin na nito ang special niyang ulam.
"Walang anuman hija." magiliw at nakangiti nitong hawak sa kanyang ulo, "Pakabusog ka, ha?"
Nagpatuloy sila sa pagkain. Panaka-naka ang kuwentuhan ng Ginang at ng matanda. Ganundin si Mico at Lacim, nakikisali rin sa kanila si Julian. Panay naman ang sulyap ni Freya sa kanyang malayong pinsan.
"Aleigh, may lakad ka ba next Sunday?"
Nilingon siya ng pinsan bago umiling.
"Bakit?"
"Simba tayo."
Tumango ito at doon natapos ang kanilang usapan. Natapos sila sa pagkain nang busog na busog. Kumakain na sila ng dessert na apple pie nang biglang magtanong si Julian sa kanya.
"Ibig bang sabihin ay allergy ka rin sa bagoong? Alamang? Saka sa mga talaba gaya ng tahong?"
Paulit-ulit na tumango sa kanya ang dalaga.
"Sa kahit anong pagkain na may sangkap ng mga pagkain na nakukuha sa ating karagatan."
Tumango-tango ang binata. Pilit niyang isinisiksik sa kanyang utak na allergy ang dalaga sa lamang dagat.
"Sa sala lang kami ni Felia, mga apo." paalam ng matanda sa kanilang lahat.
Ipinagpatuloy ni Freya ang kanyang pagkain sa dessert.
"E anong nangyayari sa'yo oras na hindi sinasadyang makakain ka ng mga ito?" si Lacim na humalumbaba pa.
Nilunok muna ng dalaga ang pagkain sa kanyang bibig.
"Depende." anang dalaga na parang normal na iyon, "Kung kaunti lang naman ay mamamaga lang ang aking buong katawan ng ilang araw."
"E paano kung naparami?" interesadong tanong ni Mico, "Delikado na ba iyon?"
"Kung kalahati ng marami, kailangan ko ng madala sa hospital agad noon. Siguradong lalagnatin ako noon." tugon ng dalaga na sa kanila, "Saka maraming rashes."
"Kapag maraming-marami kang nakain?" si Julian na ikinatingin sa kanya ng dalawang kaibigan.
"Seriously dude itinatanong mo pa iyan?" si Lacim, "Syempre delikado na iyon para sa kanya."
"Kaya nga nagtatanong 'di ba?" angil niya sa katabi.
"Napaka-delikado, pero hindi ko pa naman iyon na-e experience. Alagang-alaga kasi ako ni Mama." aniya na nangingiti, "Pero ang sabi ni Mama nangyari na iyon sa akin noong bata pa ako. Nakakain ako ng fish cake." kuwento niya sa mga kaharap, "Tumaas ng sobra iyong lagnat ko. Kinombolsyon daw ako, tapos nahirapan akong huminga kaya natatakot na siyang maulit iyon."
"Delikado nga iyong ganun." pag sang-ayon ni Lacim sa dalaga, "Pero na-experience mo na iyong mild lang?"
"Oo noong highschool pa ako, birthday ng kaklase ko iyon." kuwento niyang muli sa kanila, "Nagdala ng burger iyong parents niya. Syempre nakakahiya kung tatanggi. It turns out na iyong patty na ginamit doon ay hinaluan nila ng crabs and lobster meat. Ayon, nilagnat ako at namaga. Isang linggo akong hindi nakapasok."
"Anak ng tokwa!" bulalas ni Lacim na ikinagulat nilang tatlo, nahampas pa nito sa braso ang tahimik na si Mico.
"Ano ba iyan dude, kailangan manakit?" tumayo ito at akma siyang sasapakin.
"Chill ka lang dude, hindi ko iyon sinasadya." tayo na rin nito upang salagin ang pananakit ng kaibigan.
"Sinadya mo 'yon dude, kilala kita."
Malakas na humalakhak si Lacim, tuwang-tuwa sa kaibigan na sinasabing kilala siya nito.
"Malamang naman dude, ilang dekada na tayong magkaibigan hindi ba?"
Tumayo si Julian at pinuntahan niya sa upuan ang aliw na aliw na dalaga sa dalawa. Nagulat pa ito nang hawakan niya sa kamay upang alalayan siyang tumayo.
"Maglakad-lakad muna tayo Freya, magpababa tayo ng ating mga kinain."
Walang nagawa ang dalaga kung hindi ang tumayo. Palayo na sila sa kusina nang maiwan ang tingin niya dito, sa dalawang lalaki na patuloy na nagbabangayan.
"Huwag kang mag-alala sa kanila, magsasawa rin sila."
Tumango-tango siya sa binata. Nakasunod siya dito.
"Sabagay, matagal na kayong magkakaibigan, kilala niyo na talaga ang isa't-isa."
"Sino bang maingay sa kusina apo?" tanong ng matanda na nakaupo sa sala, katabi si Aleigh at ang kanyang ina.
"Si Lacim at Mico Lola." tugon nitong malakas na tumawa, "Naglolokohan na naman sila. Sa garden po muna kaming dalawa ni Freya, Lola." nilingon niya ang ina ng dalaga, "Tita Felia."
Sabay na tumango ang dalawa sa kanila. Nauna nang lumabas ng pinto sa gilid ng mansion si Julian na patungo ng kanilang malawak na garden. Tahimik na nakasunod sa kanya ang dalaga, niyayakap ang kanyang sarili. Bahagya siyang giniginaw sa ihip ng malamig at malakas na hangin.
"Julian?" tawag niya dito, "Hintayin mo naman ako."
Tunog ng mga kuliglig at hindi kilalang hayop ang kanyang narinig. Sumayaw-sayaw ang kanyang buhok.
"Nandito ako Freya," pagkaraan ng ilang minuto ay tugon ng binata na nakatayo malapit sa maliit na gate papasok ng lugar, "Sunod ka lang sa akin." aniyang maingay na binuksan ang maliit na pintuang bakal.
Humahalimuyak ng iba't-ibang klase ng mga bulaklak ang sumalubong sa dalaga pagkapasok niya sa garden. Marahang ipinikit niya ang kanyang nakangiting mga mata. Paulit-ulit niyang sinamyo ang pamilyar na amoy. Kasingbango ito ng mga bulaklak na ibinigay sa kanya ng binata noong unang lumabas silang dalawa.
Ipinagpatuloy niya ang kanyang paghakbang sa mga batong nakabaon sa bermuda grass ng buong paligid. Tinutumbok noon ay ang gitna ng garden kung saan ay maraming nakatanim na iba't-ibang uri ng mga bulaklak. Sa kanyang kanan ay nakatayo ang mga may sangang kahoy kung saan nakadikit ang maraming orkidyas. Nakabukas ang talutot ng mga bulaklak nito na may matamis na amoy. Sa kanyang kaliwa ay nandoon ang mga rosas na mayroong iba't-ibang kulay na bulaklak. Kakabukas palang ng mga talutot na namamasa-masa sa hamog ng malamig na gabi. May pula, may puti, may pink at may lila. Sa tabi nito ay nakahilera rin ang mga bulaklak na may iba't-ibang kulay at hindi niya kilala.
"Wow! Totoo ba 'to?" tanong ng dalaga na mabagal na tumakbo nang pabalik-balik sa gitna ng mga bulaklak.
Saglit na nawaglit sa kanyang isipan ang presensiya ng binatang kanyang kasamang pumunta doon. Nakangiti niyang ginalugad ang kabuohan ng taniman. Isa-isa niyang nilapitan ang mga bulaklak at kapagdaka ay marahang hahawakan at pahapyaw na hahalikan. Kakaiba ang kislap ng kanyang mga mata na lalo pang nadepina ang ganda nang matanglawan siya ng malamlam na liwanag ng bilog na bilog na buwan.
Sa hindi kalayuan ay nakasandal sa malaking katawan ng puno ang nakangiting binata. Nakahalukipkip siya habang aliw na aliw na pinagmamasdan ang dalaga. Labis pa siyang humahanga sa pagpapahalaga nito sa mga halaman at mga bulaklak na nakatanim sa garden. Titig na titig ang binata sa buhok ng dalaga na malayang sumasayaw sa bugso ng malakas na ihip ng hangin. Kasabay ng mga dahon ng puno, kasabay ng mga talutot ng bagong bukas na mga bulaklak.
"Whoooaa!" sigaw ng dalaga na hindi na nakakaramdam ng lamig sa lakas ng ihip ng hangin, "Para na akong nasa halamanan ng eden. Teka, nasaan si Adan?"
Mahinang tumawa si Julian sa kalokohan ng dalaga. Umiling-iling siya habang tinatakpan ng palad ang kanyang bibig na pilit kumakawala ang halakhak.
"Julian? Nasaan ka?" tawag ng dalaga sa lalaki na ngayon niya lang naalala na kanyang kasama, Nagpalinga-linga siya sa buong paligid. "Hindi mo naman ako iniwang mag-isa dito, hindi ba?"
Patuloy na naglakad ang dalaga. Maingay ang kanyang bawat pagtapak sa mga batong hinahakbangan. Natigilan siya nang may narinig na malakas na bagsak ng tubig. Sinundan niya ang ingay noon at dinala siya nito sa gitnang bahagi ng garden. Nakita niya doon ang malaking fountain na may iba't-ibang kulay ang tubig. Lalo pang lumapad ang kanyang mga ngiti sa kawalan. Tinapik-tapik niya ang kanyang pisngi. Baka nasa panaginip lang siya at kailangan niya nang magising.
"Nag-enjoy ka ba sa ganda ng mga bulaklak?"
Halos mapaigtad ang dalaga nang magsalita ang binata mula sa kanyang likuran. Mabilis niya itong nilingon. Nakatago sa likod nito ang kanyang dalawang kamay.
"Saan ka galing?"
"Tiningnan ko iyong bird's nest sa itaas ng punong iyon." tugon niya na itinuro pa sa dalaga ang punong-kahoy. "Sa mga bulaklak na iyong nadaanan at nakita, alin doon ang iyong mga nagustuhan?"
"Halos lahat." tugon ng dalaga sa kanya, "Pero mas maganda iyong rosas na pink, puti at lila."
"Ayaw mo sa rosas na pula?"
Paulit-ulit na umiling ang dalaga sa kanya.
"Para kay Mama ay pagtataksil ang kahulugan noon."
Natigilan ang binata, halos mabitawan niya rin ang tangkay ng tatlong piraso ng pulang rosas na nasa kanyang kamay. Nakatago iyon sa kanyang likuran.
"Bakit naman kataksilan?"
Umiling muli sa kanya ang dalaga. Naiilang na.
"Ano 'to wishing well?" turo niya sa fountain, umiling ang binata sa kanyang tanong. "Aah, bakit may mga barya?"
Malakas ng humalakhak ang binata sa kanya. Nahihiya. Natatandaan niya noong bata pa siya ay madalas siyang maglarong mag-isa sa garden. Kilala niya ang apat na sulok ng kanilang malawak na taniman ng mga bulaklak. Ginawa niya ring wishing well ang malaking fountain. Hinahagisan niya ito ng barya tuwing humihiling siya.
"Natupad ba ang mga hiling mo noon Julian?" inosente at makahulugang tanong ng dalaga sa kanya.
Paulit-ulit na tumango ang binata sa kanya. Natatawa pa rin sa kalokohan niya noong bata pa siya.
"Iyong iba natupad na, iyong iba ay hindi pa."
Humakbang pa palapit sa fountain ang dalaga. Itinukod niya ang kanyang dalawang kamay sa semento nitong paikot. Makahulugan niyang pinagmasdan ang pagpapalit ng kulay sa tubig na patuloy na umaagos.
"Kung ipagkakaloob sa'yo iyon ng nasa itaas kahit na hindi ka na paulit-ulit na humiling sa wishing fountain."
Binalot sila ng nakabibinging katahimikan. Nang tumingala sa langit ang dalaga ay mabilis inihagis ng binata ang mga petals ng bulaklak na kanyang nilagas. Mabilis inanod iyon ng tubig at hinipan ng hangin paikot sa malaking fountain na kanilang kaharap.
"S-Sabagay." tugon ng binata nang lingunin siya ng dalaga, "Kahit hindi na humiling pa."
Pagak na tumawa ang dalaga. Tumalikod siya sa fountain at pahalukipkip na humarap sa binata. Tinitigan niya ito na lalo pang nadepina ang magandang itsura sa tanglaw nang liwanag ng buwan. Mabilis na pumintig ang kanyang nananahimik na puso sa kanyang dibdib.
Hindi naman maintindihan ng binata ang kanyang pakiramdam sa mga titig sa kanya ng dalaga. Sa kanyang paningin ay lalo pa itong naging kaakit-akit. Ang liwanag ng buwan na tumatama sa tubig ng fountain ay kumikinang sa maputing kutis ng dalaga. Unti-unti ding bumilis ang t***k ng kanyang puso.
"G-Gusto mo bang maglakad-lakad?" tanong niya sa dalaga na lalo pang lumawak ang ngiti, itinuro niya ang kabilang bahagi ng garden kung saan may mga puno. "Mas maganda sa bahaging iyon ng halamanan."
Tumango ang dalaga sa kanya. Sumunod siya sa binata na humakbang na sa itinurong dereksyon. Humantong silang dalawa sa dalawang malaking puno. Kapansin-pansin ang dalawang lumang duyan na nakasabit doon. Unti-unting nakaramdam ng kakaibang lungkot ang dalaga. Parang pinipiga ang kanyang puso. Sinasalamin ng duyang iyon ang kabataan ng lalaking kasama.
"Noong bata ka sinong kasama mo ditong maupo?" tanong niya habang sumasakay sa duyan.
"Si Lola." tugon ng binatang nakaupo na sa duyan, "Hindi ko siya narinig na nagreklamo noon kahit na mainit."
Itinikom ng dalaga ang kanyang bibig. Mahina niyang inuga ang duyan. Itinaas niya ang kanyang mga paa.
"Gusto mo ba noong magkaroon ng kapatid?" tanong muli nito na ikinalingon sa kanya ng binata, tumango siya sa dalaga na inuga na rin ang kanyang duyan. "Gusto ko rin ng kapatid noong bata pa ako. Siguro kung hindi nagkahiwalay noon ang Mama at Papa ko. Baka ngayon ay dalawa, hanggang tatlo ang mga kapatid ko."
Natigil sa pag-uga ng kanyang duyan ang binata. Napatda ang kanyang malungkot na mga mata sa dalaga. Nakatingala na ito sa malawak na langit.
"Ang ganda ng langit, maraming bituin." usal nito na mas lalong ikinasikip ng kanyang dibdib.
Gusto niyang yakapin nang mahigpit ang dalaga. Gusto niyang sabihin dito na hindi siya nag-iisa, dahil mula sa araw na iyon ay palagi niya na itong sasamahan. Sa mga oras na iyon ay gusto niyang aminin sa dalaga na mayroon itong isang kapatid. Ngunit labis na takot ang nagtulak sa kanya upang hindi gawin ang bagay na iyon.
"Ano kaya mga bituing iyon?" tanong ng dalaga na nilingon pa siya, "Ibang planeta?"
"Ang sabi sa akin noon ni lola ay iyan daw iyong mga iba't-ibang uri ng bagay at tao na may buhay na namatay, diyan daw sila pumupunta."
"Hindi iyon totoo Julian." anang dalaga na mahinang tumawa, "Planets iyan na abot-tanaw ng ating hubad na mga mata."
Natahimik ang binata. Nahulog siya sa malalim na pag-iisip. Iniisip niya na kung 'yon na ba ang tamang oras para tanungin niya ito kung pwede siyang manligaw.
"Freya.." paos na tawag niya dito habang nasa malayo ang kanyang mga mata, "Pwede ba akong magtanong?"
Nilingon siya ng dalaga, naguguluhan ang mga mata. Hinintay niya ang mga susunod na sasabihin nito sa kanya. Nang lumingon ito sa kanya ay nagtama ang kanilang mga mata. Kitang-kita niya ang takot doon.
"Pwede ba kitang ligawan Freya?"