“RELATIONSHIP with my guitarist?” pag-uulit ni Eleri sa tanong ni Kenichi.
Teka, may dapat ba akong ipaliwanag?
“A-anong ibig mong sabihin doon? May dapat pa ba kaming relasyon bukod sa kasamahan ko siya sa trabaho?”
Pinakatitigan siya nito. “Ahh! Never mind!”
Natahimik na lang si Eleri. Nagsimula na siyang maglakad. Tinabihan naman siya nito at sinabayan siya. Napapalunok at namumula ang pisngi niya habang tinatahak ang daan pauwi sa kanyang apartment. Sa ayaw at sa gusto niya ay doble ang pagtambol ng kanyang dibdib sa kasalukuyan. Ikalawang beses iyon na makasama niya nang ganoon ang lalaki nang malapit sa kanya. Panaka-naka tuloy ay naaalala niya ang mga naganap sa kanila nito noong isang gabi.
The way he looked at her… The way he placed kisses on her entire body.
Sa naisip ay parang sinindihan ng kung ano ang bawat himaymay niya.
Seryoso lang din ito na nakabantay sa kanya. Nilingon niya ito kasabay ng kung paano nito ibinaba ang tingin sa kanyang mukha. Bigla tuloy ang pagbawi niya na iniyuko ang paningin. Mas dumoble ang pag-iinit sa kanyang pisngi.
Dumaan ang napakahabang katahimikan sa kanila hanggang sa makarating siya sa kanto ng kanilang apartment.
Tumikhim si Eleri para mawala ang kanyang pagkaasiwa rito. “S-siya nga pala, isasauli ko na ang pera na ibinigay mo sa ‘kin. You don’t have to pay me.” Tukoy niya sa ilang lapad na iniwan nito sa kanya noong nakaraan.
“Hindi ba’t inarkila ka nila noong gabi na ‘yon?” seryosong tanong nito.
“Hindi. Dinukot ako ni Kento para dalhin sa silid kung saan ka naroon.”
Hindi nakaligtas sa kanya ang pagsalubong ng kilay nito. “Huwag mo nang ibalik. Para sa’yo naman ‘yon.”
“Ngunit hindi ako bayarang babae!” malamig na wika niya. Napatigil siya sa paglakad. Inangat niya ang tingin dito. Nakipagtagisan siya ng titig, ngunit tila siya maglalaho anumang oras dahil sa talim ng mga mata nito.
Nabigla na lang siya nang itulak siya nito sa pader na gilid ng gusali ng kanilang apartment, kung saan may kadiliman.
Bahagyang sumakit ang kanyang likod nang tumama iyon sa malamig na bato ng pader. Ipininid siya nito roon kaya napalunok siya. May kalabuan ang naaaninag niya sa mukha nito, halos hindi niya nga ito masilayan sa sobrang dilim. Ngunit nagwala ang dibdib ni Eleri sa sobrang pagkakalapit ng kanilang mga katawan. May kung ano sa personal na amoy nito para magtalo-talo ang bawat himaymay niya.
“What did you do to me, Eleri?” bulong ni Kenichi na may halong pagpipigil.
Bakit? Anong ginawa ko? nais niyang itanong. Ngunit naipit na lang ang lahat ng iyon sa kanyang lalamunan. Mas lumapit ang mukha nito sa kanya. Mas naamoy niya ang hininga ng lalaki na iilang agwat lang ang pagitan sa kanyang ilong.
Bago pa makahanap ng sasabihin si Eleri ay sinakop muli nito ang kanyang labi. Bahagya niyang itinulak ang malaking katawan ni Kenichi para sana pumiglas at pigilin ito. Sa halip ay hinawakan nito ang magkabila niyang kamay ay ipininid iyon sa itaas ng kanyang ulo.
Doble ang pagkabog ng kanyang dibdib. Tulad ng inaasahan ay muli siyang nakaramdam ng kalasingan sa pagkakahinang ng labi niya rito. Mas naging mapaghanap ang bibig ni Kenichi habang naglalandas sa kanyang katawan ang palad nito. Nagsimulang manginig ang kanyang tuhod habang kinakalikot ng mapaglarong dila nito ang loob ng kanyang bibig.
Napaungol na lang siya sa ginawa nito. Halos mawala sa sarili si Eleri.
“Hahhh…” Napasinghap siya nang mas ilapit nito ang kanyang katawan dito. Ramdam niya ang matigas na bagay na nakabukol sa suot nitong pantalon dahilan para mawala sa pokus si Eleri. Malamig ang klima, ngunit ramdam niya ang init na nagmumula sa kung saang parte ng kanyang katawan.
Humiwalay ang labi nito sa kanya. Habol-habol ang hangin habang nakatitig sa kanyang mata na wala pang isang dipa ang layo. His hand softly caressing her cheek, the other was on her lips—dinadama nito.
“You are mine…” anito na para bang minamarkahan siya. Ngunit bigla na lang siya nitong tinalikuran. “No! I shouldn’t have said that!”
Nalilito ang kalooban niya sa mga ikinikilos nito. Bigla muli itong hinarap at para bang nahihirapan ang anyo na tumingin sa kanya.
“What did you do to me?!” ulit na tanong nito, mas maangas.
Tingin ba nito sa kanya ay ipinakulam niya ito o kaya naman ay ginayuma niya ang lalaki?
Eh, sa’kin? Hindi mo man lang ba itatanong kung ano ang atraso ko sa’yo? Bakit ginaganito mo ako? Nais niya sanang sabihin ang mga bagay na iyon ngunit sinarili na lang niya.
“Sinong nand’yan?” wika sa salitang Hapon. Narinig niyang tanong mula sa bungad ng kanyang apartment.
Nabigla na lang siya nang tumakbo si Kenichi palayo sa kanyang kinatatayuan. Para itong mabilis na hangin na biglang nawala sa kanyang tabi. Hindi na niya naaninag ang bulto nito na nakapagtago na sa dilim. Nangatog ang katawan ni Eleri. Lumabas siya sa dilim at hinarap ang kanilang landlady. Kondesa ang tawag nila rito kapag nakatalikod ito. Ngunit Honda-San or Ms. Honda kapag kaharap nila ito.
“I lost my bracelet, Honda-san.”
“Come in! Curfew!” wika nito habang itinuturo ang relosan sa pulsuhan. Hindi ito matatas sa salitang Ingles, ngunit naiintindihan naman niya ang kulang-kulang na salita nito. Kapag nagagalit ito sa kanila ay purong Hapon ang ibinibigkas nito sa mga kasama niya na halos hindi na maintindihan.
“Hai!” Pormal na sagot niya sa salitang hapon na literal na ibig sabihin ay “oo”.
Nagmamadaling pumasok sa Eleri sa loob ng kanyang silid. Naisandal niya ang likuran sa likod ng kanyang pintuan. Hinaplos niya ang kanyang labi. Parang naiwan pa roon ni Kenichi ang bakas nito. Para bang nararamdaman niya pa rin ang malambot na labi nito roon. Pagkatapos ng pamumula ng kanyang pisngi ay parang kiti-kiti na nagpapadyak siya sa kanyang kinatatayuan.
Gawa sa kahoy ang sahig kaya naman nakaabala siya ng mga katabing silid mula sa ingay ng kanyang takong.
“Ano ba ‘yan?!”
“Ang ingay!”
Napatigil siya bigla sa pagkilos at parang magnanakaw na dahan-dahan na naglakad sa sahig patungo sa kanyang kama. Niyakap niya ang kanyang unan at humiga roon na parang nababaliw.
Nakapaskil sa kanyang labi ang kakaibang ngiti. Naranasan niya ang ganoong kilig kay George noong mas bata sila. Hindi niya rin alam kung ano ang nangyari at tila nagbago ang pananaw niya rito. Crush niya ang lalaki noong high school—crush na crush.
Ngunit masyado nang kinain ng salapi si George na pati siya ay nagawa pang ibenta ng hudyo!
Sa ngayon ay alam niyang pinalitan ni Kenichi ang kung ano ang nararamdaman niya sa dating nobyo.
Tatanggapin ko ba ang offer mula kay Master Takayama?
Nais niya sanang magkaroon ng anak sa lalaki. Kaya lang…
Isang bangungot ang bagay na iyon sa kanyang hinaharap dahil iiwan niya rin ang kanyang magiging anak sa matandang lalaki. Ang pangarapin si Kenichi ay parang pinangarap niya ang buong bansa ng Japan na maging kanya.
***
PANIBAGONG pasok sa bar.
Wala pa rin sa sarili si Eleri. Hapon pa lang ay gising na siya kahit pa nga may ilang oras pa bago ang kanyang pasok sa trabaho. Masyado siyang binagabag ng mga halik ni Kenichi nang nagdaang gabi.
Nagtungo siya sa pinaka main area ng apartment kung saan naroon si Ms. Honda. Nanonood ito ng Sekai de Ichiban Kimi ga Suki (You Are My Favorite in the World) na sikat na drama sa bansa sa kasalukuyan. May kalabuan ang kulay sa telebisyon na halos kasing laki ng malaking box. Kuwadrado iyon at masyadong kumakain ng espasyo ang puwesto nito. Hindi niya naiintindihan ang palabas, ngunit adik ang Hapon na babae roon.
Minsan ay pinanonood niya lang ang mga kilos kapag nagpapalipas siya sa oras.
“Oh! Ereri-san!” Masyadong matigas ang dila nito kapag tunog “L” ang mga nasa salita kaya nasanay na siya sa tono nito.
“Hai!”
“You rise ear-rie. C-can you herp me send this to the postar ofis? (You rise early, can you help me send this to the postal office?)” anang babae.
“Hai!” Inabot niya ang makapal na pinagsama-samang mga sobre mula sa kanyang mga kasama. Nakaramdam tuloy siya ng lungkot dahil wala siyang pinadadalhan ng sulat magmula noong magtungo siya sa bansa, wala rin siyang natatanggap.
Kung sana ay buhay pa ang kanyang lola. Kung sana ay naranasan nito kahit papaano na mamuhay nang masagana ngayong narito siya sa bansa. Kung sana ay may tiwala siya sa magbabantay rito noon.
Ilang araw kasi bago umalis si George patungong Tokyo noon, nawala ang kanyang lola sa Pilipinas. Dalawang araw itong pakalat-kalat sa kalsada na hinahanap siya. Hindi nito alam kung paano uuwi sa kanilang bahay dahil sa Dimentia na sakit na ng kanilang pamilya. Nagdesisyon tuloy siyang maiwan sa bansa at hayaan si George na umalis.
Mas gugustuhin na niyang makasama ang lola niya noon.
“I’m going,” paalam niya kay Ms. Honda.
Ngumiti lang ito at itinutok muli ang mata sa palabas. Hindi na niya ito inabala at nagbalik siya sa kanyang silid para gumayak.
Ang hirap nang ganitong ulila. Kaya paano ko tatanggapin ang alok mo, Master Takayama?
***
(KASALUKUYAN)
Ibinalot ni Kiryu ang ginang sa higaan nito. Naroon na sila sa silid. Nakuha na niya nang tuluyan ang loob ng babae.
“Did she accept Master Takayama’s offer?” anang ginang.
“What do you think?” nakangiting tanong ni Kiryu.