IX

2035 Words
Ikasiyam na Kabanata Hinala Point of View: Clairn Novich Kuran Nang makalabas kami sa silid ay saka ko lang nalaman na matagal nang may sakit ang ina ni Warlo. Kasalukuyan siyang naghahanap ng lunas sa sakit nito pero hindi pa rin niya nagagawa. Ang kaniyang ina rin ang isa sa mga dahilan kung bakit pinili niyang paging isang manggagamot at hindi isang swordsman. Gusto ko pa sanang magtanong tungkol sa pagiging swordsman niya pero hindi ko na nagawa. "Hindi ko pa nga alam kung ano ang sakit niya,” aniya. “Hindi naman iyon dahil sa katandaan dahil bata pa si ina.” Pinili naming maupo sa isang pavilion hindi kalayuan sa tambayan nilang magkakaibigan. Isa itong maliit na silong na may apat na poste upang pundasyon. Patusok ang korte ng bubong nito at bahagyang mababa upang hindi maanggihan tuwing umuulan. "Kung ganoon, ano naman kaya iyon? Bukod sa madalas na pagkahilo, ano pa ba ang sintomas?" Hindi ako isang doctor pero marami rin akong alam tungkol sa mga sakit. Pinag-aralan ko iyon noon dahil kailangan namin iyon sa assassination. Kailangan naming malaman kung saan ang mga vital spots ng isang tao upang maging epektibo ang pag-atake namin. Gusto ko lang din makatulong kay Warlo kung sakali dahil mukhang ang ina na lang niya ang kasama niya ngayon. "Madalas din sumikip ang dibdib niya at hindi makahinga. Iyon ang pinakakinatatakutan ako dahil baka may sakit siya sa puso." Napaisip naman ako. Kung hindi siya siguradong sakit iyon sa puso, baka naman sa baga siya may problema? Hindi ba at nahihirapan siyang huminga? "Ano sa tingin mo, Clairn? Matutulungan mo ba 'kong alamin ang sakit ni ina?" tanong ni Warlo habang nakatitig sa akin. Saglit akong natigilan dahil iyon ang nasa isip ko ngayon. Magsasalita na sana ako ngunit may sumingit sa pag-uusap naming dalawa. "Ano naman ang malay ni Clairn sa mga sakit? Don't tell me, doctor ka rin?" tanong ng lalaking hanggang ngayon ay pikon na pikon pa rin ako. Hindi ko nga napansin na kanina pa namin siya kasama dahil sa paksa namin ni Warlo. Napakamot tuloy ako sa ulo ko dahil sa kaniya. Ang seryoso ng pinag-uusapan namin tapos sisingit siya bigla. "Ahm..." Nangapa ako ng sasabihin ko. Tiningnan ko si Warlo para humingi ng tulong. Ayoko namang ipagkalat sa buong palasyo na isa akong assassin! "Naging kaklase ko siya noong nag-aaral pa ako pero huminto siya. Personal na dahilan," maikling paliwanag ni Warlo. Nakahinga ako nang malalim. Siguro ganoon na lang ang gagawin kong dahilan simula ngayon. Sasabihin ko na lang na may problema rin ako pang-pinansyal. Hindi naman na iyon mahirap paniwalaan dahil marami ang mahihirap kahit saan ako magpunta. "Gano'n ba?” Hinarap niya ako, bahagyang nakataas ang noo na tila nagmamalaki. “Kung sakali pala ay isa ka ring doctor ngayon, Clairn. Gusto mo bang magpatuloy sa pag-aaral?" Tumaas ang kilay ko dahil sa sinabi niya. Mukhang hindi maganda ang kutob ko sa alok niya. Hindi rin maganda sa pandinig ko ang gusto niyang iparating. Nang mapansin niya ang pag-aalinlangan ko ay nanlaki ang mga mata niya pero kalaunan ay natawa na lang nang malakas. "Hindi ako tulad ng iniisip mo! Hindi ako ganoon. Nagmamagandang loob lang ako, Clairn. Ano ka ba! Mukha ba akong nagbabayad ng mga babae?" Napasinghal pa siya matapos ang sinabi. Nang hindi ko siya sagutin ay napahawak siya sa dibdib niya na para bang nasasaktan. "Grabe ka sa 'kin, binibini! Hindi ako ganoon!" Bahagya na lamang akong natawa dahil sa kaniya. Inirapan siya at saka muling kinausap si Warlo. Hindi ako interesadong maging doctor o mag-aral. Wala na akong rason para humanap pa ng mga pagkakaabalahan ko sa buhay dahil hindi na iyon mahalaga. Tanging anak ko na lang ang mahalaga sa akin ngayon. Kung wala ang anak ko, wala nang silbi ang buhay ko. At hangga't buhay pa ang buong Black Knights, hindi pa ako pwedeng mawala. NANG MALAMAN KO ang tungkol sa ina ni Warlo ay madalas ko na itong dalawin. Hindi naman iyon alintana ng kanyang ina bagkus ay mukhang natuwa pa siya sa ginagawa ko. Madalang kasi siyang madalaw ni Warlo dahil na rin sa trabaho niya sa palasyo. Bukod pa na nag-aaral ito ng medisina hanggang ngayon patungkol sa lagay ng ina. Miski si Warlo ay wala namang sinabi tungkol sa ginagawa ko. Alam kong kung saan sasaya ang kanyang ina ay doon na rin siya. Hindi ko mapigilang hindi maalala si ina sa kanya. Halos pareho sila ng katangian. Palagi siyang nakangiti habang nagku-kwento sa 'kin tungkol sa kung ano-anong mga bagay. Kahit pa tungkol iyon kay Warlo, sa kanya at sa asawa niya. Ang kanyang tagapagsilbi na si Emerald ay malapit din sa kanya. Hindi nila alintana ang batas na nagsasaad patungkol sa posisyon niya. Hindi iyon naging hadlang upang maging malapit sila sa isa't isa. Halos ituring na nga niyang anak si Emerald at wala siyang pakialam sa sinasabi ng iba. Iniwan ko silang nag-uusap dahil pinatawag ako ng prinsipe. Hindi ko alam kung ano na naman ang kailangan niya ngunit dahil isa siyang mataas na tao rito ay kailangan kong sumunod. Wala rin naman akong ibang magagawa dahil bukod dito, siya rin ang nagligtas sa buhay ko. Nang matanaw ko na ang battlefield ay natanaw ko rin ang maangas na pagkakatayo roon ng prinsipe. Hindi ko maiwasang hindi mapairap dahil ayoko talaga sa gaya niya. Alam kong prinsipe siya pero hindi na niya kailangan pang kumilos nang ganoon. Bigla naman akong naguluhan nang makita ko rin si Rhonwen, ang kanang kamay niya. Alam kong hindi na nakabibigla na lagi siyang nakabuntot sa prinsipe pero may hawak siyang espada sa kanan niyang kamay at iwinawasiwas niya iyon sa ere. Bigla akong kinabahan sa hindi malamang dahilan. Pero mas nangibabaw ang pagkasabik sa sistema ko. Mukhang alam ko na kung ano ang mangyayari pero hindi ko muna ipinahalata iyon sa kanila. "Buti naman at nandito ka na,” aniya. “Talagang pinaghihintay mo ang isang prinsipeng gaya ko. Kailangan mo yata ng maayos na guro sa pananatili mo rito.” "May kinailangan lang akong gawin. Pasensya na," sabi ko na lang. Ayoko talagang makipag-away sa kanya ngayon kaya bahagya akong yumuko sa harap niya. "Kung ganoon, simulan na natin. Isa lang naman ang gusto kong gawin mo." Tumingin siya kay Rhonwen at saka sinabi, "Gusto kong talunin mo si Rhonwen sa isang duel gamit lamang ang isang espada." Napataas ang kilay ko. "At para naman saan ito?" "Gaya ng sabi ko noong una pa lang, na lagi mong kinakalimutan, magiging isa ka na sa mga katuwang ko. Ikaw ang sasama sa 'kin at kay Rhonwen sa tuwing lumalabas kami ng palasyo." Hindi ako nagsalita dahil wala na akong magagawa. Ako pa naman ang nagsabing gagawin ko ang lahat para mabayaran ko ang pagligtas niya sa 'kin noon. Hindi talaga dapat ako nangangako kapag galit ako o ano pa mang negatibong pakiramdam ang nararamdaman ko. "Pumusisyon na kayong dalawa." Kumuha ako ng espada mula sa estante at hinarap si Rhonwen. Seryoso lang siya na nakatingin sa 'kin na para bang kanina pa siya naiinip kahihintay. Mukhang hindi ito magiging madali. Noong una ko pa lang na tingin sa kanya ay alam kong iba na siya sa lahat ng nakilala ko. Mukhang wala siyang pakialam kung babae ang makakalaban niya basta ay masunod niya ang gusto ng prinsipe na pinaglilingkuran niya. Isa sa mga taong pinakaayoko. Masyadong dedikado ang tulad niya na maaari na siyang mabulag. Wala siyang sariling desisyon at nabubuhay na lang para sa ibang tao. Pero syempre, iyon lang ang unang tingin ko sa kaniya. Maaaring mali ako sa parteng iyon. Isa lang ang paraan para malaman, mas kailangan ko siyang kilalanin. "Simulan na!" Sa isang kurap ko lang ay nawala na si Rhonwen sa harap ko. Agad kong hinarang ang espada sa harap ko hanggang sa narinig ko na lang ang malakas na pagtama ng espada naming dalawa. Napaatras ako sa lakas ng paghampas at pagtama ng mga espada namin ngunit agad naman akong nakabawi. Dali-dali akong tumalon palayo sa kanya. Hindi ako nagpahuli at umatake na rin ako. Ngunit gaya ng inaasahan ay nasangga niya rin iyon. Nagpatuloy kaming pareho sa ganoon nang ilang minuto. Hanggang sa nainip na siguro siya at mas binilisan pa ang pag-atake. Napangisi na lang ako dahil sa reaksyon niya. Ito na ang hinihintay ko. Mas binilisan ko rin ang pag-ilag ko ngunit nilimitahan ang mga galaw at kilos. Huminga ako nang malalim hanggang makakita ako ng pagpatak ng pawis sa noo niya. Kung ikukumpara ay wala ito sa mga naging duel namin ng asawa ko. Mas mabilis si Gab kaysa sa kaniya, mas maliksi at mas malakas. "Game over," sabi ko nang maitutok ko sa kaniya ang espada ko at nang mabitiwan niya ang kanya. Nakalikha ng ingay ang pagtama ng espada niya sa sahig hudyat na natalo ko siya. Habol-hiningang napatingin siya sa 'kin. Nakita ko rin ang nanlalaking mga mata ng prinsipe habang nakatingin sa 'ming dalawa. Hindi ko siya masisisi dahil kanang kamay niya ang pinanonood niya ngayon at isang babae. Sanay na ako sa ganitong reaksyon nila sa tuwing may natatalo akong lalaki. Inilayo ko na ang espada sa leeg niya at saka siya tinulungang tumayo nang maayos. Hindi ko makita ang gulat kay Rhonwen nang matalo ko siya. Hindi ko alam kung maiinsulto ba ako o hindi. Mukhang hindi kasi babae ang tingin niya sa 'kin noong una pa lang. O baka naman may iba siyang dahilan kaya ganito ang reaksyon niya. Hindi ko alam. "P-Paanong..." Mukhang hindi na alam ng prinsipe kung ano ang sasabihin sa naging laban namin. "Simple lang, natalo ko siya," sabi ko, nagkikibit-balikat. Hindi naman ako nagyayabang, depende na lang kung paano niya pakikitunguhan ang sinabi ko. Kung tutuusin ay magaling naman talaga si Rhonwen. Mukha ngang hindi pa iyon ang limitasyon niya bilang swordsman. Talagang mas marami lang akong karanasan kaysa sa kaniya. Mas matanda ako kay Rhonwen ng tatlong taon pero alam kong hindi lang iyon ang batayan ng lakas namin. Bata pa lamang ako ay espada na ang hawak ko. Pakikipaglaban na ang kinalakihan ko. Kaya hindi na ako magtataka kung ganito ang mangyayari. Kung myembro si Rhonwen ng Black Knights ay may pagkakataon siya na talunin ako. Pero dahil sa palasyo siya lumaki ay hindi na nakagugulat pa. "Magaling ka, Rhonwen. Pero masyado kang mabilis mapagod. Hindi ka rin pasensyoso. Mabilis kang mawala sa pokus kaya ganito ang kinalabasan." Nakita ko ang ngisi sa kaniyang mga labi. Ito na yata ang unang beses na nakita ko siyang nagpakita ng ibang reaksyon maliban sa seryoso at galit niyang mga tingin. Akala ko pa naman ay pinaglihi siya sa sama ng loob. "Alam kong hindi ka ordinaryong babae. Noong nakita kitang duguan at may hawak na espada ay alam kong may kakaiba na sa 'yo. Lalo na nang malaman kong hinahabol ka ng Black Knights. Mas lalong lumaki ang suspetsya ko sa 'yo." Napatigil ako sa kinatatayuan ko at hindi alam kung ano ang ire-react ko sa harap niya. May alam siya tungkol sa mga Black Knight at alam niyang ako ang pakay nila. Mukhang kailangan kong kabahan sa isang ito. Sabi ko na nga ba at hindi maganda ang kutob ko sa isang ito. Paniguradong alam na rin ng prinsipe kung anuman ang alam niya. “At paano mo naman nasabing may pakay nga sila sa ‘kin? Maaaring nadawit lang ako sa kung ano ang ginagawa nila. Isa lang akong hamak na manlalakbay,” paghahamon ko sa kaniya. "Hindi ko alam kung ano ang kailangan nila sa 'yo. Pero dahil hinahabol ka nila at gustong patayin, alam kong may kasalanan ka sa kanila. Ano nga ba iyon? O ang mas tamang tanong, sino ka nga ba?" Matalim niya akong tiningnan at bakas sa mukha niya na may alam siya tungkol sa pagkatao ko. Hindi agad ako nakasagot dahil ayokong ipaalam sa kanya kung ano ang mayroon sa 'min ng Black Knights. At hindi ko rin sigurado kung kakampi nga ba siya o kalaban ng grupong iyon. Ang tanging magagawa ko lang sa isang ito ay iwan siya sa sarili niyang mga ispekulasyon. Hindi ko siya bibigyan ng kasiyahan sa mga gusto niyang malaman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD