VIII

2074 Words
Ikawalong Kabanata Pagkakaiba Point of View: Clairn Novich Kuran "Ah~ Gusto kong maging isang puno," sabi ni Warlo. Napatingin ako sa kaniya dahil sa pagka-random niya. Sa dinamirami ng pwedeng sabihin sa ‘kin ay ito pa. "Puno? Bakit naman sa dinami-rami ng bagay ay puno pa?" tanong ko, nakakunot ang noo dahil sa pagtataka. "Wala kasi silang ginagawa. Nagpapatangay lang sa hangin. Gusto ko lang umupo buong mag-hapon, magdamag,” sagot niya, pahina nang pahina ang boses hanggang sa huling salita. Mahina akong natawa. "May punto ka naman. Pero para sa isang manggagamot na gaya mo, hindi ko inaasahang tamad ka pala. Marami kasing inaaral ang mga manggagamot at halos kinakain nito ang oras nila." Hindi na siya nagsalita kaya nahiga na lamang ako sa damuhan. Wala rin naman akong masabi kaya nanahimik na lang ako. Mukhang hindi rin naman siya madaldal na tao. Gaya ko ay gusto niya lang din ng tahimik na paligid paminsan-minsan, malayo sa maingay at magulong reyalidad. Pumikit na lamang ako atsaka dinama ang ihip ng hangin. Napakalamig nito sa mukha kaya nakakaantok. Para bang inaalis nito ang lahat ng pagod at pasanin ko. Sana nga ay kaya nitong tangayin lahat ng pasanin ko at dalhin sa malayong lugar kung saan walang ibang makakakita. Kung saan hindi ko na ‘to maaalala pa. "Hindi ka ba nababahala sa mga peklat mo?" pagpuputol niya sa katahimikan na namamagitan sa ‘min. Napadilat ako at tumingin sa langit. Ito na naman siya, napaka-random ng mga sinasabi. Kahit na ngayon lang kami nagkausap ay parang kilala ko na siya at kilala na niya ako. "Bakit naman ako mababahala?" tanong ko pabalik. Normal na sa akin ang ganito kaya hindi na dapat ako mabahala. Hindi ko alam kung ano ang nakababahala sa maraming peklat na gaya nito. "Alam mo na, kapag may peklat ka na kahit isa lang, hindi ka na raw makakahanap ng mapapangasawa," bulong niya, sapat lang para marinig ko. Ganito na yata talaga siya magsalita, parang walang pakialam at parang tamad na tamad sa buhay. Parang ayaw na ayaw niyang nasasayang ang laway niya. Natawa ako sa sinabi niya. "Hindi ko na kailangan ng isa pang asawa," sabi ko sabay pikit ulit. Gusto kong matulog. "May asawa ka na?" tanong niya. Naramdaman ko ang pagtingin niya sa akin kaya ngumisi ako sa kaniya pero hindi ko sinagot ang tanong niya. Alam na niya iyon! At isa pa, baka matanong pa niya kung nasaan ito at bakit hindi ko kasama. Hindi ko alam kung ano ang isasagot kung sakali. "Kailangan mo akong tuluyang makaalis sa lugar na 'to. Lalo na ngayon at alam mo na kung ano talaga ako," pag-iiba ko sa usapan. "Alam ko 'yon. Pero ang prinsipe pa rin ang tanging makapagpapaalis sa 'yo. Pero ito ang tatandaan mo..." Tumigil siya saglit bago ako harapin. "...kapag may hindi magandang mangyayari lalo na sa prinsipe nang dahil sa 'yo, ako ang makakalaban mo." Napadilat ako nang may maramdaman akong presensiya sa paligid. Napatingin ako kay Warlo na mukhang hindi naman iyon naramdaman dahil nakapangalumbaba lang siya sa tabi ko habang nakatingin sa ‘kin. Ngunit dama kong seryoso siya sa banta niya. Kailangan kong mag-ingat lalo na at wala ako sa teritoryo ko ngayon. Mabilis akong umupo sa damuhan at saka sinipat ang paligid. "Sino ang nandiyan?" tanong ko sabay tingin sa likod ng isang puno sa hindi kalayuan sa ‘min. "Sino ang kausap mo?" tanong ni Warlo. Napatingin din siya sa puno na tinitingnan ko. Ako na ang tumayo para makita kung sino ang nakikinig sa usapan naming dalawa. Hindi ako sigurado kung narinig niya ang lahat pero sa tingin ko ay kadarating lang niya. Hindi ko naman kasi naramdaman ang presensiya niya kanina. Maliban na lang kung magaling siyang magatago at ngayon lang napagpasyahang magpakita. Nang maharap ko ang taong iyon ay napairap na lamang ako. Tumayo siya nang tuwid at saka umakto na para bang wala siyang ginagawa at hindi niya sinusubukang makinig sa usapan namin. "Ano ang ginagawa mo rito?" tanong ko sa kaniya bago bumalik sa tabi ni Warlo. Bigla tuloy akong sinaniban ni Warlo sa pagiging tamad at walang pakialam niya nang makita ko ang prinsipe. "Bakit? Bawal na ba ang pumunta rito? Palasyo ito ng Amang Hari– ang aking ama." Hindi ko na siya sinagot pa dahil wala na namang sense ang pakikipag-usap sa kaniya. Baka kung ano pa ang masabi ko at makalimutan kong prinsipe siya at isa lang akong walang estado na babae. "Tapos na ba kayong mag-usap? Kailangan mo pang magpahinga, Clairn," sabi niya nang hindi ko siya sinagot. "Ayos na ako kaya huwag kang mag-alala, mahal na prinsipe," sabi ko. "Mag-alala? Sino naman ang may sabing nag-aalala ako sa iyo? Hindi ba nga at ipakikilala kita sa mga kaibigan ko bilang bagong katuwang ko? Kaya dapat ay nagpapahinga ka ngayon!" bulalas niya sa akin habang nakakunot pa ang noo. Mukhang iritang-irita siya sa kung anong bagay na siya lang ang nakaaalam. "Nagpapahinga naman ako pero bigla ka lang sumulpot. Iwan mo na lang ako rito at dito na ako matutulog.” Muli akong pumikit para matulog at hindi na siya pinansin pa. "Narinig mo ba iyon, Warlo? Magpapahinga na siya kaya umalis na tayo!" bulalas niya sa doctor niya. "Eh? Nakakatamad tumayo. Hayaan mo na lang ako rito. Hindi ko naman siya guguluhin.” Bumalik na rin siya sa pagkakahiga sa tabi ko at hindi na rin pinansin ang prinsipe. "Ano? Hindi ka na makikinig sa prinsipe?" tanong niya pero hindi na nagsalita si Warlo. "Uy! Gumising ka nga riyan. Kinakausap pa kita!" bulalas niya. Ramdam ko na ang pagkapikon sa tono ng pananalita niya pero unti-unti na akong nilalamon ng antok para pansinin pa siya. Nang wala na naman siyang matanggap na sagot ay padabog siyang umalis. Tiningnan ko siyang umalis na parang batang nagtatampo. Hindi ko maiwasang hindi matawa. Hindi ako makapaniwalang isa siyang prinsipe. "Matutulog ako, Warlo. Kung gusto mo nang umalis ay hayaan mo na lang ako," sabi ko at saka pumikit. "Warlo! Warlo!" Napatingin ako sa lalaking humahangos na dumating sa kinaroroonan namin. Natandaan ko siya na kasama nina Warlo kanina na nag-uusap. Iyong mukhang manyak. Nakalimutan ko na ang pangalan niya. "Oh?" Hindi inalintana ni Warlo ang paghangos ng kaibigan. Tamad niya lang na binuksan ang isang mata niya upang tingnan ito. "Ang mama mo! Kailangan ka ng mama mo ngayon," bulalas nito. Hindi pa man niya naiku-kuwento ang totoong problema ay bigla na lamang nawala si Warlo sa tabi ko. Nakita ko na lang siyang tumatakbo na palayo. Napakabilis naman tumakbo ng isang iyon! "Uy!" Bago pa man makalayo ang lalaking ito ay hinila ko na siya. "Ano ang nangyayari?" tanong ko, nagtataka sa biglang pagtakbo ni Warlo. Para sa isang tamad na gaya niya, ang bilis niyang tumakbo. "Sumama ka na lang. Hindi ko na masasabi dahil mahabang kwento!" Wala na akong nagawa kundi and sumunod na lang sa kaniya na tumakbo. Halos madapa na nga siya dahil sa pagod pero patuloy pa rin siya. Nawala na sa paningin ko si Warlo pero mukhang alam naman ng isang ito kung saan siya nagpunta. Hindi naman nagtagal ay nakarating kami sa isang bahay na agad namang pinasukan nitong kaibigan ni Warlo. Pumasok kami sa isang cultural house sa palasyo na gawa halos sa kahoy at walang kahit anong bakal o semento. Tanging ang bigat lang ng mga kahoy na ito ang nagsisilbing pundasyon upang panlaban sa lindol at iba pang natural na kalamidad. Kalkulado ang bigat nito at ang dami upang hindi bumagsak o gumuho. Ang bansang Albanya ay isa sa mga lugar na nananatili pa rin ang kultura. Kumpara sa bansang Arkania na halos moderno na ang lahat maliban sa mga palasyo at emperyo, ang Albanya ay isa sa mayaman pa rin sa kultura. Maraming mga lugar dito na halos ilang daang taon nang nakatayo lalo na rito sa Kaharian ng Nearon. "'Ma, 'ma, ano ang nararamdaman mo? Ano ang masakit?" tanong ni Warlo sa kaniyang ina. Sa unang pagkakataon ay nakita ko kung paano siya mataranta. Ngayon ko lang din napagmasdan ang ekspresyon ng kaniyang mukha na alam kong hindi ko araw-araw na makikita. Bahagyang nanlalaki ang singkit niyang mga mata at hindi rin ito mapakali, hindi alam kung saan titingin. Bahagya kaming lumapit para makita ang nangyayari. Para sa isang doctor, masyadong natataranta si Warlo. Pero naiintindihan ko naman dahil ang kaniyang ina na ang pinag-uusapan dito. Tipid na ngumiti ang kaniyang ina. "Ayos lang ako, Warlo. Nahilo na naman kasi ako kanina pero ayos na ang pakiramdam ko ngayon. Kailangan ko na lang siguro ng pahinga ngayon.” Ramdam ko ang panghihina sa kaniyang boses kahit na ba nakangiti siya. At para sa isang ina, masyado siyang maganda. Kung hindi lang sa pamumutla niya ay masasabi ko iyon kaagad. Maputi siya at nakuha ni Warlo sa kaniya ang tangos ng kaniyang ilong at ang manipis nitong mga labi. "Bakit naman kasi lumalabas kayo ina nang walang kasama? Sabi ko naman, 'di ba? Isama niyo si Emerald o kahit sino sa mga tauhan kung gusto niyong magpahangin." Halata pa rin ang pag-aalala sa pananalita ni Warlo ngunit kahit papaano ay kalmado na ito kumpara kanina. Kung kanina ay parang bored na bored siya sa buhay, ngayon naman ay sobrang pagkataranta ang makikita sa mukha niya. Mukhang mahal na mahal niya ang kaniyang ina. Naupo siya sa tabi ng kaniyang ina at hinawakan ang mga kamay nito. Mahinang natawa ang babae dahil sa anak. Hinimas niya ang kamay ni Warlo bago magsalita, "Huwag kang mag-alala. Ayos na ako kaya huwag kang mag-alala." Malalim na lang na napahinga si Warlo dahil sa sinabi nito. Napayuko na lang ako dahil mukhang ayos naman na ang babae. Masyado lang nag-alala si Warlo rito. "Sino naman ang magandang binibining ito?" Napatingin ako sa kaniya nang sabihin niya iyon. Sa akin siya nakatingin kaya napatingin din sina Warlo sa akin. Sinubukan kong ngumiti sa harap niya. "Ako po si Clairn. Magandang araw po sa inyo," sabi ko. Ngayon lang yata ako nakangiti nang tunay ngayong araw. Hindi ko alam pero kapag nakikita ko siya ay naaalala ko si ina. Napakabanad ng kaniyang mga ngiti na para bang pinapaalala sa ‘kin nito ang init na hatid ng isang tahanan. "Kaibigan ko siya, ina," ani Warlo. Medyo hindi ko inaasahan ang sinabi niya pero hindi na ako nagkomento pa. Kung kaibigan naman talaga ang tingin niya sa akin ay ayos lang. Wala namang masama roon. Isang label lang naman ang salitang kaibigan. "Ganoon ba?” Muli siyang humarap sa ‘kin suot pa rin ang matamis niyang mga ngiti. “Masaya akong makilala ka, binibini. Pasensiya na kung sa ganitong paraan tayo nagkita. Gusto pa sana kitang makilala sa ibang pagkakataon.” Agad akong umiling. "Wala po iyon. Magpahinga na po muna kayo at sisiguraduhin kong makababalik ako rito para mas makapag-usap pa tayo." Ngumiti ako sa dereksyon niya at bahagyang yumuko. Ngumiti rin siya sa akin at sinenyasan akong lumapit. Ginawa ko naman iyon. Hindi ko alam kung bakit niya hinaplos ang pisngi ko pero mukhang natutuwa siya sa presensiya ko. Nginitian ko na lang siya at saglit pang nanatili. Ramdam ko ang titig ni Warlo sa ‘kin mula pa kanina pero hindi ko na masyadong pinagtuonan ng pansin. “Narito ang mahal na prinsipe,” sambit ni Rhonwen sa labas ng silid. Hindi naman nagtagal ay bumukas ang pinto ng silid. Iniluwa nito ang prinsipe na mababakasan din ng pag-aalala. Agaran siyang lumapit sa kinaroroonan namin at sinabi, “Nabalitaan ko ang nangyari sa ‘yo. Ayos ka lang ba?” “Mahal na prinsipe, hindi ka na dapat nag-abala pa. Ayos lang ang lagay ko.” Napabuntonghininga ang prinsipe at bahagyang humarap kay Warlo. “Ayos na ang lagay niya, mahal na prinsipe. Nahilo lang siya kanina dahil ayon kay Emerald ay nalingat lang siya saglit. Pinagsabihan ko na rin siya kanina.” Hindi naman na kami nagtagal doon. Lumabas na kami dahil kailangan na niyang magpahinga. Paulit-ulit naman na tiniyak ni Warlo na hindi mawawala sa paningin ni Emerald ang kaniyang ina upang hindi na maulit pa ang nangyari. Bago kami lumabas ay napagmasdan ko pa kung gaano kalapit ang mahal na prinsipe sa ina ni Warlo. Hindi ko tuloy maiwasang hindi mapaisip sa dahilan kung bakit. Dahil lang ba sa may sakit ito? Dahil ba ina rin siya ng kaibigan niya? O may mas malalim pang dahilan?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD