X

2259 Words
Ikasampung Kabanata Pagmamalasakit Point of View: Clair Novich Kuran "Teka nga,” pagsingit ng prinsipe, “Sandali... ano ba ang nangyayari? Rhonwen, ano ba ang sinasabi mo? Paanong mayroon siyang koneksyon sa Black knights?" Napatingin ako sa kaniya. Mukhang hindi lang si Rhonwen ang may alam tungkol sa grupong 'yon. Ayon sa reaksyon ng prinsipe, mukhang hindi niya ako pinanghinalaan na konektado ako sa grupo. Pero mukhang hindi rin iyon magtatagal dahil sa talas ng pag-iisip ni Rhonwen. Ano nga ba ang mayroon sa kanilang dalawa? Hanggang saan ang nalalaman nila? Hindi basta-basta tumatanggap ang Black Knights ng mga myembro na kabilang sa royal families dahil magiging mapanganib iyon sa mismong grupo. Ang grupong iyon ay salungat sa mga nais ng mga nakatataas. Isa silang legal na grupong lumalaban sa mga royal. Kaya nga sumali ako sa grupo nila, dahil alam kong makatutulong sila para pigilan ang plano ng buong angkan namin. At ngayong nalaman kong may alam ang prinsipe at si Rhonwen tungkol sa kanila ay mas lalo akong kinabahan. Ako lang ba ang nag-iisang royal family member na tinanggap ng grupo o may iba pa? Isa ba sa kanilang dalawa ang kasama sa grupong iyon? Dahil kung oo, magiging mahirap na laban ang makahaharap ko. Kailangan ko agad silang alisin sa landas ko bago pa ako mahuli. Prinsipe Alryzen, ang ikalawang prinsipe ng Nearon. Malabong siya ang kabilang sa grupo. Si Rhonwen naman ang kanang kamay ng ikalawang prinsipe na nanggaling sa angkan ng mga Atienza, ang pamilyang nagmula sa angkan ng mga blacksmith. Malaki ang pagkakataong siya ang kabilang sa grupo. Kung bilang kakampi ng grupo o isang espiya, iyon ang kailangan kong alamin. Bakit sila ang nakabangga ko nang mga oras na iyon para tulungan ako? Isa ba sila sa mga humahabol sa 'kin at gusto akong patayin? O gaya ko, gusto rin nilang patumbahin ang Black Knights? Ano ko nga ba sila? Kalaban o mga kakampi? "Binibini, ito na po ang hapunan ninyo." Nawala ako sa pag-iisip nang malalim nang marinig ang boses ni Krenniza. Napatingin ako sa kaniya na nakayuko at sa harap niya ay ang isang tray na puno ng pagkain. Napangiti na lamang ako. "Hindi ako gutom, Krenniza." "Ngunit hindi ka na po nakapagtanghalian," sambit niya, mahihimigan ang pag-aalala sa tono ng pananalita. "Hindi talaga ako nagugutom ngayon. Sasabihan na lang kita kapag gusto ko nang kumain." Tumayo ako mula sa kama ko at lumabas ng kwarto. Nais kong magpahangin at mag-isip. Matagal ko nang hindi nagagawa iyon magmula nang malaman ko ang isang sikretong nagpabago sa buo kong pagkatao. Masyado akong maraming inakong responsibilidad na nawalan na ako ng oras para sa sarili ko. Ni pag-aayos ng sarili ay hindi ko na nagagawa dahil doon. Hindi na rin ako nakakasama sa mga pagpupulong kasama sina Xhey at mga kaibigan ko. Kumusta na kaya ang mga kaibigan kong iyon? Kapapanganak pa naman ng Reyna Jas sa ikalawa nilang anak ng Haring Tyrone. Hindi ko tuloy nalaman kung lalaki ba o babae ito. Ang balita ko rin bago ako tumakas ay ikakasal na raw si Xhey upang ipasa sa kaniya ang korona bilang Empress. Si Ana kaya, ano na ang plano niya ngayong nagkasakit ang kaniyang ina? Tatanggapin na kaya niya ang pagiging Duchess o ibibigay ito sa tita niya? Napatingin ako sa mabituing kalangitan. Bilog na bilog din ang buwan na nagbibigay ng liwanag sa buong kapaligiran. Malamig ang hangin na tumatama sa aking balat. Napakasarap sa pakiramdam. Sana ganito na lang palagi. Pero hindi maaari... Hindi magtatagal ay kailangan ko ring harapin ang darating sa buhay ko. Alam kong hindi magtatagal ay mahahanap at mahahanap din ako ng Black Knights. Alam kong gagawin nila ang lahat para mapatay ako. Ginamit lang naman nila ako para patayin ang buo kong pamilya at alam ko iyon. Pero hindi ako papayag na patayin nila. Ako ang magdidikta kung kailan ako mamamatay. Kailangan pa ako ng anak ko ngayon. Kailangan ko pang malaman kung ayos lang ba ang aking anak. Iyon na lamang ang nais ko at handa na akong tanggapin kung anumang parusa ang ibigay sa 'kin. Kailangan ko ring tanggalin ang buong Black Knights. Ayokong mayroon pa sila mabiktima na gaya ko. Ayoko ring mabuhay ang anak ko nang may nagbabanta sa kaniyang buhay. Kaya naman hindi ako titigil hangga't hindi ko sila naiisa-isa. Ipinikit ko ang aking mga mata at sumumpa. Gagawin ko ang lahat para mapatumba sila. Kailangan kong gawin ang lahat para maging payapa ang pamumuhay ng anak ko. Kaming dalawa na lamang ang nabubuhay sa Kuran Clan. Alam kong hindi magtatagal ay malalaman nilang may pinatakas ako sa pamilyang iyon, at iyon ang kailangan kong pigilan. "Hinding-hindi ninyo mahahawakan ang anak ko. Sinusumpa ko na mawawala rin kayong lahat sa landas niya. Hindi ako titigil." Pumatak ang luha sa mga mata ko ngunit hindi ako nag-abalang punasan iyon. Hindi naman masamang magpakita ng emosyon paminsan-minsan lalo na sa sarili ko. Hindi na ako kabilang sa Kuran Clan at hindi na ako isang assassin kaya wala nang makapipigil sa ‘kin. Dahil ito na lang ang magagawa ko para ipaalam sa sarili ko na buhay pa ako. “ISA ANG GRUPONG Black Knights sa mga binabantayan naming grupo,” ani Prinsipe. “Isa lamang sila sa mga grupong nais naming tanggalin. Matagal na naming minamanmanan ang grupong iyon at hinahanap namin kung ano ba talaga ang motibo nila. Kahit na sabihing legal sila at tanggap ng ibang nasyon, iba sa amin. Naniniwala kaming sa likod ng pinakikita nila sa publiko ay may tinatago pa silang mas malalim at mas mapanganib." Hindi mawala sa isip ko ang mga sinabi ng prinsipe tungkol sa Black Knights. Alam ko ang tungkol sa kanila dahil naging kabilang ako sa grupong ito. Hindi ako makapaniwala hanggang ngayon na naging parte ako ng isa sa mga pinakamasasamang tao sa mundong ito. Kung ganoon... masama na rin ba ako gaya nila? Well, kailangan pa bang itanong 'yan, Clairn? Syempre, oo ang magiging sagot. Muling sumagi ang naging pag-uusap namin ng prinsipe tungkol sa grupong iyon. "Noong makita mo kami sa lugar na iyon kung saan hinahabol ka ng mga tauhan nila, sila talaga ang pakay namin. Nabalitaan agad namin ang tungkol sa kanila mula sa mga taong-bayan dahil sikat sila sa ilang parte ng Kaharian ng Nearon." "Hindi na ako magugulat. Imposible ngang mayroong isang prinsipe sa lugar na iyon," sagot ko. Mahina siyang natawa. "Walang may alam ng mukha ko kaya naman hindi na ako nababahala. Talagang wala lang sikretong hindi mabubunyag kapag si Rhonwen ang kasama ko." "Talagang sinisi mo pa si Rhonwen." Hindi na siya sumagot at tinuloy na lang ang pagku-kwento. "Kailangan naming maikulong ang buong grupong iyon nang hindi na sila makapanggulo pa. Lalo na rito sa nasyon ng Amang Hari." Hindi ko mapigilang hindi matawa. As in tawa talaga na napahawak na ako sa tiyan ko. Hindi ko lang talaga napigilan matapos marinig ang sinabi niya. Kumunot na ang noo niya dahil sa pagtawa ko pero hindi ko talaga maiwasang hindi matawa dahil sa sinabi niyang iyon. "Ano ba ang tinatawa mo? Nababaliw ka na ba?" "S-Sorry. Hindi ko lang talaga mapigilan..." Kinalma ko muna ang sarili ko at saka ko siya tiningnan nang seryoso. Bahagya siyang napaatras. "Hindi pagpapakulong ang sagot sa pagtigil sa mga ginagawa nila, mahal na prinsipe." Nakita ko ang pagtataka at takot sa mga mata niya. Siguro ay hindi na niya ako makikilala ngayon dahil sa tingin ko pero tuluyan na talaga akong kinakain ng galit ko sa grupong iyon. "Ang tanging makapipigil lang sa kanila ay ang pagpatay sa kanilang lahat." Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya at tiningnan siya nang deretso sa mga mata. "Mukhang nakalimutan mo na ang deal nating dalawa, mahal na prinsipe?" "D-Deal? Anong deal?" Napangisi ako sa kaniya dahil ang dali niyang kontrolin. "Tutulungan ko kayo sa paghahanap sa grupong iyon. Gawin ninyo ang gusto niyo sa kanilang lahat." "At ang kapalit?" Napangiti ako dahil mukhang nakuha niya kung ano ang gusto ko. "Ako ang bahala sa pinuno nila. Wala kayong pakialam kung ano man ang gagawin ko sa kaniya... kahit patayin ko siya." Napailing na lang ako dahil mukhang sumobra ang pananakot ko sa kaniya. Buong araw kasi siyang hindi nagpakita sa 'kin at ito ako ngayon, nagsasanay na lang sa battlefield dahil sa sobrang bored ko. Hindi ko sinadyang takutin siya noong mga oras na iyon. Bigla na lang talagang may sumanib sa 'kin na kung ano para sabihin iyon. Minsan ay natatakot na lang ako sa sarili ko dahil baka bigla na naman akong mawala sa sarili at kung ano pa ang magawa ko. Hindi magiging maganda iyon. Isa lang ang pumasok sa isip ko na dahilan kung bakit nagawa ko iyon. Kaunti na lang ay tatakasan na ako ng katinuan. "Kanina ka pa rito?" tanong ni Warlo na halos kararating lang. Kanina ko pa siya nakitang papalapit sa 'kin pero hindi ako nagpahalata. "Medyo lang." Tinapat ko sa kaniya ang isang espada at sinabi, "Gusto mong makipaglaban?" Napatawa na lang siya sa sinabi ko. "Kahit na marunong akong humawak at makipaglaban, alam kong wala akong laban sa 'yo." "Susubukan mo lang naman, 'di ba?" Nagkibit-balikat pa ako dahil wala naman akong balak na ipahamak siya. Gusto ko lang malaman kung may alam siya sa ganitong bagay o baka puro mga libro lang ang hawak niya mula pagkabata. Sa huli ay napangiti rin siya at tinanggap ang espada na inalok ko sa kaniya. Nagsimula kaming maglaban na dalawa. Hindi ko sineryoso masyado dahil halata sa kaniya na hindi talaga siya para sa pakikipaglaban. Although may galaw siya, mukhang takot lang talaga siyang makapanakit ng iba. Hindi gaya ko. Kalaunan ay pareho kaming sumalampak sa lupa habang nakatingin sa papalubog na araw. Halata mong napagod siya sa ginawa namin na halos maligo na siya sa sarili niyang pawis. Malalim na rin ang paghinga niya na parang tumakbo nang napakalayo. Inabutan ko siya ng pamunas at ng tubig na tinanggap naman niya bago kami nauwi sa katahimikan. Iba kasi ang katahimikan kapag mag-isa lang ako at kapag may kasama ako. Sa kaniya ko lang yata nahahanap 'to. Kapag kasi ang prinsipe na ang nakausap ko ay laging nauuwi sa bangayan. "Balita ko ay makakasama ka na ni Rhonwen at ng prinsipe sa mga magiging plano nila," pagbubukas niya ng paksa. "Oo nga. Pero buong araw akong hindi kinausap ng prinsipe. Hindi ko alam sa kaibigan mo na 'yan kung ano talaga ang gusto." Mahina siyang suminghal at saka nagsalita. "Gano'n lang talaga ang mahal na prinsipe. Minsan hindi ko rin alam ang tumatakbo sa isip niya pero mukhang desidido na talaga siyang isama ka." "Masasanay rin siguro ako." Naramdaman kong naging balisa siya kaya naman tinanong ko na kung ano ang problema. Hindi ko alam kung dahil malakas lang ba ang pakiramdam ko o talagang madali lang siyang basahin pero hindi ko na masyadong pinansin. Mas ayos na rin itong nararamdaman ko ang nararamdaman niya para maging madali ang pagbasa ko sa kaniya. Hindi ko man maintindihan at alam ang sagot ay para bang gusto ko pa siyang makilala nang mas malalim. "Nababahala lang kasi ako,” aniya. “Kung sasama ka sa prinsipe upang makipagsapalaran, tiyak na maraming labanan kang makakaharap." Mahina akong napatawa. "So, nag-aalala ka na sa 'kin ngayon?" "Oo.” Bahagya akong napatingin sa kaniya dahil sa mabilisan niyang pagsagot. “Bilang doctor mo, hindi ako mapapakali kung sakali. Ang mga sugat mo..." Hindi ko siya pinatapos magsalita at bahagyang tinapik na lang ang ulo niya. "Huwag kang mag-alala. Marami na akong napagdaanan para ngayon pa matakot. Wala pang ni isang armas ang nakakitil sa buhay ko o nakapagpahina sa 'kin. Kung tutuusin ay ito pa ang nagpapalakas sa 'kin." Umupo siya nang tuwid at saka ako tiningnan nang seryoso. "Sige, sabihin na nating walang armas o kahit anong patalim ang papatay sa 'yo. Pero hindi mo masasabi kung kailan bibigay ang katawan mo." Umupo rin ako gaya niya at saka siya pinakinggan. "You are indeed invincible, but your body is still fragile. Nagagamot kita, oo. Pero hindi ko naibabalik sa dati ang katawan mo. One wrong move... your body will break at wala akong magagawa para magamot iyon." Napayuko na lang ako. Tama siya. Alam ko ang katotohanan na 'to. Hindi naman ako ignorante para hindi malaman ang bagay na ito noong una pa lang. Hindi ako imortal, tao lang din ako. At ang katawan ko, nararamdaman kong unti-unti na itong nawawarak. Parang isang salamin na unti-unting nagkakalamat. Ginagamot nga ako ni Warlo pero hindi naman ito bumabalik sa dati. Tinatapalan niya lang ang salamin pero hindi niya ito naibabalik sa dati. Kaunting basag pa at tuluyan na nga akong masisira. At wala nang makabubuo pa sa 'kin. Hinawakan ko siya sa balikat. "Hindi pa ako mamamatay. Gaya nga ng sinasabi ng mga matatanda, matagal mamatay ang mga masasamang damo." Tumayo na ako at nagpagpag ng damit ko. "Hindi pa ako mamamatay hangga't hindi ko nahuhuli ang buong Black Knights at hangga’t hindi ko nagagawa kung ano ang gusto ko." Naglakad na ako palayo at iniwan siya roong nag-iisa nang hindi nagpapaalam. Wala na rin naman akong balak na magpaalam. Ayokong mapalapit sa kaniya, o kahit na kanino pa man sa kanila dahil mahirap nang iwan ang mga gaya nila kapag nangyari iyon. Hangga't maaari ay kailangan kong ilayo ang loob ko sa kanila at isipin lang ang mga bagay na nararapat gaya ng Black Knights. Sa mundo kung saan bilang na ang mga araw, wala na akong oras para makipagkaibigan pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD