Ikalimang Kabanata
Pagbagsak
Point of View: Clairn Novich Kuran
Napangiwi ako nang maramdaman ang sinag ng araw na tumatama sa mukha ko. Hinawi ko ang kung anumang dumadampi sa pisngi ko. Nang hindi tumigil ang makating bagay na iyon ay napaingit na lamang ako.
"Ginoo, gumising ka na. Umaga na," ani isang batang hindi ko kilala.
Napadilat ako nang marinig ko ang boses ng batang babae na iyon. Napaupo ako sa kinahihigaan ko at saka nakita ang isang batang gumigising sa akin.
Napahinga ako nang maluwag.
Malawak ang pagkakangiti niya sa akin habang may inaabot na isang tinapay sa maliliit niyang mga kamay.
Nakasuot siya ng cute na cute na hanbok na kulay rosas. Kahit na medyo madungis ang itsura niya at may musang pa sa pisngi ay ang cute pa rin niya. Hindi ko tuloy maiwasang hindi maisip si Chloe sa kaniya. Sa sobrang harot din niya ay lagi siyang umuuwi nang napakadumi ng damit.
"Sa iyo na lang, Ginoo," muli niyang sambit gamit ang napakatinis at maliit niyang boses. "Nakakain na ako ng isang tinapay kanina kaya iyo na lang ito."
Napatingin ako sa isang maliit na piraso ng tinapay na inaalok niya. Matapos ay napangiti ako nang dahil sa bagay na ginawa ng batang ito. Pagkagising ko pa lang ay ito na ang bumungad sa akin.
Ang gandang bungad...
Kahit na ba napagkamalan niya akong lalaki ay ayos na rin. At least, epektibo ang disguise na ginawa ko para hindi ako agad makilala ng ibang tao. Mahirap na.
"Maraming salamat, Bata. Ano ang pangalan mo?" tanong ko sa kaniya at saka kinuha ang inaalok niyang tinapay. Hinati ko iyon at ibinigay pa rin sa kaniya ang kalahati niyon.
"Ako po si Chloe. Ikaw ginoo, ano ang pangalan mo?"
Nawala ang ngiti sa mukha ko nang dahil sa sinabi niya. "C-Chloe ang pangalan mo?"
Tumango-tango siya nang maraming beses. "Iyon daw po ang pangalan ko sabi ng mga umampon sa akin."
"Ah... ako nga pala si Clairn. Hindi ako isang ginoo, isa akong binibini. Maraming salamat sa tinapay. Ano ang gusto mo bilang kapalit?" tanong ko habang nakangiti sa kaniya.
Napahawak siya sa baba niya na para bang nag-iisip. "Hmm... samahan mo akong gumala, binibini. Kung ayos lang po. Sorry po kasi akala ko lalaki ka."
Nahihiyang tumawa siya at kinamot ang kaniyang batok. Napaka-cute na bata!
Natawa ako dahil sa sinabi niya. "Syempre naman, Chloe. Ikaw pa ba?"
Natawa rin siya nang dahil sa sinabi ko. Napakalutong ng tawa niya na hindi ko rin maiwasang hindi matawa.
Hinila na niya ang kamay ko kaya naman tumayo na ako. Tinago kong mabuti ang espada ko upang hindi niya makita. Ayokong makita niya iyon at matakot siya.
"Bakit nga pala panlalaki ang damit mo, binibini?" Tatalon-talon pa siya habang tinatahak namin ang daan papunta sa kung saan niya gusto. Nakatingala pa siya sa 'kin kaya kinailangan ko pang iangat siya sa lupa nang mapatid siya.
"Hm..." Napakamot ako sa batok ko at naghanap ng sagot. Hindi ko naman pwedeng sabihin na ninakaw ko ito.
"Gusto mo rin bang sumali sa paligsahan gaya ng mga babae sa lugar namin?"
"Paligsahan?" tanong ko, nakakunot ang noo. Hindi ko 'ata alam ang isang iyon. Saka, nasaan na nga ba ako at hindi ko alam ang tungkol doon?
"Opo, binibini. Magkakaroon daw ulit ng paligsahan sa isang araw para sa mga babae na gustong maging swordsman," aniya.
"Ibig mong sabihin, iyong mga swordsman sa loob ng palasyo?"
"Opo. Si Ate Vaness ay kasali roon. Paglaki ko ay gusto ko ring maging gaya niya. Ang galing niya kasing makipaglaban." Iwinasiwas pa niya ang libreng kamay sa ere na parang may pinapalo sa hangin.
Napaisip ako dahil sa sinabi niya. Mayroon palang ganoon sa lugar na ito. Pero nasaan nga ba ako ngayon? Wala na ba ako sa Arkania?
"Chloe?"
"Po?"
"Ano ang pangalan ng lugar na 'to?"
"Goryo po, binibini. Nasa nasyon tayo ng magiting na Nearon. Bakit mo po natanong? Hindi ka po ba tagarito?"
Napatulala ako nang dahil sa sinabi niya. Hindi ko alam na nakapasok na pala ako sa nasyon ng Nearon. Masyado akong na-focus sa pagtakas nang hindi ko namalayang dito na pala ako napadpad.
Magkadikit ang kaharian ng Sky Kingdom at ang nasyon ng Nearon. Tanging gubat ang naghahati sa dalawang lugar kaya nakapagtatakang napadpad ako agad dito.
Ganoon na ba kalayo ang nalakbay ko? Kaya ba nakita ko ang prinsipe kagabi? Prinsipe ba siya ng Nearon? Pero hindi, nakita ko na ang prinsipe at alam kong hindi siya iyon. Nakapagtataka tuloy.
Napatigil ako nang may biglang humarang sa aming dalawa ni Chloe. Nagtago agad si Chloe sa likod ko nang biglang dumami ang mga lalaking naka-itim sa harapan namin.
Nahanap nila ako agad! Napakakulit talaga nila. Ano ba ang kailangan nila sa akin kung nagawa ko naman na ang misyon na inatas nila sa 'kin?
"Palibutan niyo siya at huwag hayaang tumakas!" utos ng lalaking nasa unahan. Mga nakamaskara na sila ngayon kaya hindi ko makilala ang mga mukha nila. Kulay puti ito na natatakpan ang buong mukha maliban sa mga mata.
"Ano ba ang kailangan ninyo sa 'kin?" tanong ko kahit alam ko na kahit papaano.
"Ang buhay mo, kamahalan."
"Hindi pa ba kayo nakuntento?"
"Hindi. Makukontento lang kami kapag napatay namin kayong lahat."
Nang itutok niya sa amin ni Chloe ang espada ay wala na akong nagawa. Kinuha ko rin ang espada ko at tinutok iyon sa kanila. Wala naman akong ibang pagpipilian kung hindi ang harapin sila ngayon. Tutal ay balak ko naman na silang ubusin, bakit hindi ko umpisahan ngayon.
Yumuko ako nang bahagya at saka binulungan ang nanginginig nang si Chloe. "Kailangan mong tumakas kapag sinabi ko. Naiintindihan mo ba?"
"Pero paano ka po, binibini?"
Napatingin ako sa kaniya. "Humingi ka ng tulong kapag nakatakas ka."
"Pero..."
"Makinig ka, Chloe. Hindi ko hahayaang mamatay ngayon dito. Hindi ko na hahayaang mamatay ang kahit na sino nang dahil sa akin."
Nang sumugod ang isang lalaki sa akin ay agad ko siyang sinangga gamit ang espada ko. Sumugod ako sa kanila upang mapaatras sila ngunit hindi iyon naging madali. Masyado mataas ang kompiyansa nila dahil marami sila.
Ibig sabihin... minamaliit nila ako.
Gamit ang natutuhan ko kay Emperor Xian ay sumugod ako sa kanila. Naging madali ang pagkilos ko nang dahil sa suot ko ngayon at dahil natapalan ko na ang mga nauna kong sugat. Huwag nga lang silang bubuka ngayon dahil mahirap na. Tiyak na panibagong sugat ang matatamo ko dahil Black Knights ang kalaban ko.
Naging abala ako sa pakikipagtalo sa kanila. Nakipagpalitan ako sa kanila ng espada hanggang sa naging kalahati na lang ang bilang nila. Sa kabilang banda naman ay nagsimula na akong makaramdam ng pagod dahil sa nangyari kahapon. Sinubukan kong huminga nang malalim nang paulit-ulit upang mawala iyon.
Napatingin ako kay Chloe na tatakbo na sana upang humingi ng tulong. Ngunit nakita ko ang isang lalaki na papalapit sa kaniya.
Inambahan niya ito ng espada kaya naman tumalon ako palapit sa kanila. Iniharang ko ang katawan ko sa espada kaya ako ang tinamaan sa likod.
Napapikit ako nang dahil sa sakit na gumuhit sa likod ko. Napahawak ako kay Chloe na iyak na nang iyak habang nakatingin sa akin. Ngumiti ako sa kaniya para hindi siya mag-alala.
"Tumakbo ka na, Chloe. Mag-iingat ka," bulong ko sa kaniya.
Humarap ako sa lalaking sumaksak sa akin at itinaas ang espada ko upang sanggahin ang panibagong atake niya. Nabitiwan ko ang espada nang dahil sa bigat nang espada niya at dahil na rin sa sakit. Pero hindi ko sila hahayaan na saktan si Chloe.
Nang masigurado kong nakaalis na si Chloe ay bahagya akong lumayo sa kaniya. Napahawak ako sa tagiliran ko nang maramdaman ko ang unti-unting pagsakit nito. Isang malapot na likido ang nadama ko nang hawakan iyon.
"Sumuko ka na, kamahalan. Napatay mo nga ang kalahati sa mga tauhan ko ngunit wala ka ng espada ngayon. Nakatakdang mamatay ang buo ninyong angkan. At kabilang ka sa kanila."
Natawa ako nang dahil sa sinabi niya. "Paumanhin. Pero bago niyo ako patayin, may isang sikreto lang akong gustong sabihin sa inyo," sabi ko, bahagyang nangingisi sa kaniya.
"Ano iyon?" tanong niya.
Mas lalong lumaki ang ngisi ko nang dahil sa pinapakita niyang yabang. Sa sobrang pagmamalaki niya sa sarili niya... mas lalo akong nagkaroon ng motibong patayin siya.
Pumunit ako sa damit ko ng tela at saka itinali sa tagiliran ko. Hinigpitan ko iyon upang hindi magpatuloy ang pagdurugo.
"Swordsmanship is not my specialty," hindi ko mapigilang bulalas. "Sa totoo niyan, mas kilala ako sa husay ko sa fist combat."
Iniatras ko ang kanang paa ko at saka hinarang ang dalawa kong nakakuyom na kamao sa harapan ko.
Natawa siya nang dahil sa sinabi ko. "Swordsmanship, combative, kahit ano pa man iyan. Wala pa ring magbabago," aniya.
Sinugod nila ako agad gamit ang kanilang espada. Ngunit naging maagap ako at sinipa iyon palayo sa kaniya. Umikot ako at saka binigyan siya ng isang turning side sa sikmura. Tumalon ako sa isa sa kanila, iniipit ko ang binti ko sa leeg ng isa at saka ko siya itinapon sa sahig.
Patuloy ako sa pakikipaglaban sa kanila nang bigla na namang kumirot ang sugat ko. Napaluhod ako sa sahig at saka napahawak sa tagiliran ko. Mukhang masyadong malalim ang tama ko rito na hindi na kaya pa ng tela.
Ngunit hindi pa man ako nakatatayong muli ay panibagong saksak na naman ang natanggap ko sa braso ko. Napasigaw ako sa sakit na nararamdaman.
Nang makahanap ako ng isang espada ay pinulot ko na iyon. Gagamitin ko na lamang itong panangga sa kanila kahit papaano. Sa sobrang dami nila ay hindi ko sila kaya kung walang espada.
Ayoko mang tanggapin ang sinabi ng isa sa kanila ay hindi ko sila kayang patayin gamit lang ang mga kamao ko. Kailangan ko agad makaisip ng plano.
Isa pa, hindi sila mga ordinaryong mga kawal lang. Mga assassins din sila at pare-pareho lang kami ng mga napagdaanan at natutunan. Kung ipagpapatuloy ko ang ganito ay hindi ako magtatagal. Kailangan kong lumaban para mabuhay. Kailangan ko pang tuparin ang responsibilidad ko sa anak ko.
Ngunit sadyang sadista ang tadhana. Sadyang tuso ang tadhana dahil hindi siya laging sumasang-ayon sa gusto ko.
Isang saksak na naman ang natanggap ko sa dibdib kaya napaubo ako ng dugo. Mabuti na lang at lumiko iyon at hindi derektang tumama sa puso ko.
Imbis na manatili roon ay tumalon akong muli palayo sa kanila. Tatakbo na sana ako nang maramdaman kong may tumusok naman sa binti ko. Nadapa ako at ngumudngod pa ang mukha ko sa maalikabok na lupa. Napaubo ako nang makalanghap ako ng buhangin sa ilong.
Bwisit! May kasama pa pala silang mga archers pero hindi ko makita kung nasaan sila. Bwisit talaga!
Ang dami kong tama sa katawan. Nang dahil sa dami ay hindi ko alam kung ano ang hahawakan ko para hindi magpatuloy sa pagdurugo. Ni hindi ko na rin alam kung nasaan ang mga iyon dahil buong katawan ko na ang sumasakit.
Napaubo na lang ako ng dugo at hindi na gumalaw.
Napakahina ko pa pala para protektahan ang anak ko. Hindi pa ako pwedeng mamatay! Pero siguro nga, tadhana na ang nagsasabing kailangan ko nang mamatay.
Kung hindi naman talaga ako umalis noon ay hindi rin ako makatatakas sa kanila. Pinahaba lang nila ang buhay ko ng isang gabi.
Siguro, kailangan ko na lang tanggapin na hindi ko na makikita ang anak kong lumaki at maging matagumpay. Hindi ko na makikita kung sino ang first love at first heartache niya. Sa langit ko na lang siguro iyon mapagmamasdan. Gusto ko pa naman sana siyang panoorin na ikasal.
Napabuntong-hininga na lang ako.
Pagsisisi. Ito pa talaga ang naiisip ko bago ako mamatay.
Kung sa langit nga ba ang tuloy ko.
Napangiti ako nang maramdaman kong malapit na akong mawalan ng malay.
Gab, ang asawa ko. Hindi magtatagal ay magsasama rin tayong dalawa ulit. Hindi na tayo makapaglalaro nina Chloe dahil maiiwan ko na rin siya rito. Pasensiya na kung hindi ko na mababantayan dito ang anak natin. Hindi ako isang responsableng ina. Hindi pa...
Hinayaan ko na ang sarili kong hatakin ng antok. Sa sobrang sakit ng mga sugat ko ay hindi ko na sila maramdaman.
Ngunit pagkatapos nito, magiging ayos na ang lahat.