VI

1992 Words
Ikaanim na Kabanata Pagbangon Point of View: Clairn Novich Kuran Dahan-dahan kong idinilat ang mga mata ko. Tiningnan ko ang paligid at napagtantong nasa isang silid ako. Saglit pa akong napatulala at agad napabalikwas nang upo. Nang dahil sa ginawa ko ay 'saka ko lang naramdaman ang sakit ng buo kong katawan. Agad akong napahiga ulit at napahawak sa tagiliran ko habang umiingit sa sakit. Nang medyo mawala na ang sakit ay 'saka ko ulit inilibot ang paningin ko. Hindi ako pamilyar sa lugar. Para akong nasa loob ng isang tahanan ng may kayang pamilya. Ang dami kasing gamit sa loob at halata mong mamahalin ang mga babasaging kagamitan. Ang ilan pa sa mga iyon ay kulay ginto. Hindi na rin panlalaki ang suot ko at mukhang nabihisan na rin ako. Kulay asul ang hanbok na suot ko ngunit wala akong balabal pang-itaas. Ang tanging tumatakip lang sa parteng iyon ay isang puting tela. Nang silipin ko ang panloob ko ay napansin kong may benda ang buong itaas ng katawan ko. "Gising ka na, binibini," bati ng isang lalaking hindi ko kilala. Ito na naman ang binibini. Hindi na matapos-tapos. Hindi na ako isang binibini. May asawa na ako. Pero imbis na punahin ay hinayaan ko na lang. Hindi naman nila alam. Ayon sa suot niya, isa siyang manggagamot sa lugar na ito. Pero hindi tulad ng doctor sa amin na halos may edad na, parang kasing edad ko lang ang isang ito. Kulay puti ang kaniyang suot, tanda na isa siyang manggagamot. May mga benda rin sa kaniyang likuran at ilang mga maliliit na bote. "Sino ka?" tanong ko sa kaniya. Inilibot ko ang tingin ko. "Nasaan ako?" "Huminahon ka, binibini. Nasa ligtas kang lugar ngayon." Napalunok ako dahil sa tuyo ang lalamunan ko. Gusto ko sanang manghingi ng maiinom. Siguro naman ay bibigyan nila ako. Niligtas nga nila ako mula sa kamatayan, hindi ba nila ako mapagbibigyan sa isang simpleng tubig lang? Hindi nagtagal, may isang babaeng pumasok. Sa tingin ko ay kasing edad ko lang din siya at ayon sa kulay ng suot niya ay isa siyang katulong. Kulay rosas ang kaniyang mahabang damit na umaabot sa kaniyang paa. "May kailangan ka po ba, binibini?" tanong niya sa akin habang bahagyang nakayuko pa rin. "Ahmm... pwede ba akong makahingi ng tubig?" tanong ko. Bahagya siyang yumuko at 'saka ako dinalhan ng tubig. Para bang ngayon lang ako nagkaroon ng lakas para tumayo dahil kanina pa tuyo ang lalamunan ko. Sinipat ko ang braso ko, may benda rin iyon. Ngayon ko lang din napansin na pati ang binti ko ay may benda. Para tuloy akong naglalakad na mummy. Muli kong nilibot ang paningin sa paligid. Hindi talaga pamilyar. Iba talaga ang hatid sa 'kin ng mga hindi pamilyar na lugar. Nakatatakot. Nakababahala. Para bang wala na ako sa mundo ng mga tao at nandito na ako sa langit. Pero ano ang ginagawa ko sa langit? "Nasaan ako?" tanong ko sa babae. Nakayuko pa rin siya sa isang gilid at nakatayo na para bang walang balak umalis hangga't hindi ko sinasabi. "Nasa isang silid ka sa loob ng palasyo, binibini." Napanganga ako nang dahil sa sinabi niya. "Palasyo? Hindi ako pwedeng manatili rito," sabi ko, natataranta man ay hindi ko pa rin pinahalata sa kanila. Sinubukan kong tumayo. Kahit na masakit pa rin sa binti ay kaya ko naman ang lumakad. Paniguradong bukas lang ay magaling na ang katawan ko. Hindi man tuluyan ay sapat na para makatakas ako. "Hindi po maaari, binibini. Mahigpit na ipinagbabawal sa amin ang palabasin ka rito hangga't hindi dumarating ang prinsipe," aniya, kalmado lamang ang boses at parang walang pakialam kung umalis man ako o hindi. Pinigilan din ako ng lalaking doctor sa pagtayo kaya kinunutan ko sila ng noo. "Prinsipe? Siya ba ang nagligtas sa akin?" "Hindi ko po alam, binibini. Pero dala ka po ni Chief Rhonwen dito na matalik na kaibigan at kanang kamay ng prinsipe." Hindi ko na siya pinakinggan pa. Kailangan kong makaalis dito dahil baka mahanap na naman ako ng mga Black Knight. Hindi ko alam kung kakampi ko ba talaga ang prinsipe na iyon o hindi. Niligtas man niya ako ay nakasisiguro akong may dahilan iyon. Tiyak na gaya ko, may kinalaman din siya sa Black Knights. Hindi niya ako itatago sa grupong iyon nang wala lang. Hindi niya ililigtas ang isang estranghera na gaya ko kung hindi niya kilala ang grupo na iyon. Nang makalabas ako sa silid ay panay pa rin ang pagpigil nila sa akin. Hindi naman ako nagpatalo at pilit pa ring naglakad palayo sa kanila. Ano ba ang pakialam nila sa taong hindi naman nila kilala? "Binibini, pakiusap. Kami ang mananagot kapag hindi ka nanatili sa iyong silid," ani babaeng katiwala. "Kailangan ko nang umalis. Kailangan kong malaman kung ayos lang ba si Chloe," sambit ko. Humawak ako sa hamba ng pintuan upang gawing suporta. "Pero, binibini..." "Mukhang hindi ka marunong makinig sa mga tao sa paligid mo, binibini," ani isang pamilyar na boses. Sabay-sabay kaming napatingin sa bagong dating at saka yumuko. Tama nga ako, siya iyong prinsipe na nagligtas sa akin noong gabing iyon. Mukhang siya na naman ang nagligtas sa akin sa pagkakataong ito. Mukhang konektado talaga siya sa grupo. Kung kaaway man o kakampi, kailangan kong malaman. "Mahal na prinsipe..." "Dalhin niyo na siya sa loob," utos nito. Madiin ang bawat pagbigkas sa mga letra, maotoridad, na para bang kapag hindi mo sinunod ay pupugutan niya ako ng ulo rito mismo sa kinatatayuan ko. "Pero..." Pinigilan niya ako bago pa ako makapagsalita. "Ang sabi mo ay gagawin mo ang kahit anong gusto ko kapag nagkita tayong muli. Sa tingin ko ay ito na ang tamang pagkakataon para gawin iyon, binibini." Tiningnan ko siya sa mga mata at nakita kong pursigido na nga siyang gawin akong alila niya o kung ano pa man. Wala na rin naman akong magagawa kung makatakas man ako sa kaniya. Mahirap makapasok sa palasyo. At kung gaano kahirap pumasok, ganoon din kahirap ang lumabas. Tutal narito lang din naman ako, mangangalap na lamang ako ng impormasyon sa kaniya. Pagkatapos ay saka ako magpaplanong tumakas. Pero kung mananatili ako rito sa palasyo, hindi ko alam kung kailan ako mahahanap ng mga Black Knight. Hindi ko rin makikita kung ayos lang ang lagay ng anak ko. Ano na ang dapat kong gawin? Nagpaalalay na ako sa kanang kamay niya raw na si Rhonwen. Muli kaming pumasok sa loob hanggang sa makaupo sa hinigaan ko kanina. Iniwan nila kaming dalawa dahil may kailangan yata kaming pag-usapan. Wala namang sabi-sabi na lumabas ang tatlo. Iniwan na nila kaming dalawa sa loob. Hindi ko alam kung matapang ba siya o sadyang tanga lang. Hinayaan niyang maiwan siya rito kasama ang babaeng parang kailan lang ay tinutukan siya ng espada upang patayin. Pero sabagay, wala akong espada ngayon na kinuha nila o naiwan sa pinangyarihan. Ano ang ikatatakot niya? Hindi ko na rin tuloy nakausap iyong doctor kanina tungkol sa kung may nakita ba siya sa katawan ko na hindi niya dapat ipagsabi. Wala ba silang babaeng doctor o napagkamalan na naman akong lalaki? Ang daming mga tanong sa utak ko na handa ko na sanang itanong ngunit naunahan niya ako. "Bakit hindi ka muna magpahinga bago ka lumabas?" tanong niya. Napatingin ako sa kaniya. "Hahayaan mo akong lumabas?" "Ng silid. Pero kailangan mong manatili sa loob ng palasyo." Hindi ko mapigilang hindi mapairap sa sinabi niya. Masyado siyang paasa. Ang buong akala ko pa naman ay hahayaan niya akong lumabas ng palasyo. Pero ano pa ba ang aasahan ko. "Kalimutan mo na. Hindi ko kailangang lumabas kung hindi lang din sa palasyo," sabi ko, bahagyang pabalang ang naging pagsagot. "Ngayong nakita na kitang nang malapitan, masasabi kong maganda ka. Pero kailangan mo pa ring magpahinga dahil sa itim sa ilalim ng mga mata mo," pambobola niya. "Wala akong pakialam. Ang itsura ko ang pinakahuling dapat kong alalahanin ngayon." Hindi ko alam pero nag-iinit ang ulo ko dahil sa mga sinasabi niya. Napakaseryoso ng mga tingin niya pero puro naman nakakainis na bagay ang lumalabas sa bibig niya. Isang kawalan ng respeto pero kabilang din ako sa royal family. Isa akong diyosa ng Arkania. "Hindi mo naman kailangang gawin iyon, binibini. Lahat ng babae ay dapat magmukhang maganda at presentable lalo na sa harap ng isang prinsipe." "Ano ang akala mo sa 'kin? Entertainer? At isa pa, huwag mo na akong tawaging binibini. May asawa na ako." At hindi siya matutuwa kung tinatawag mo akong binibini. "Hindi naman iyon ang ibig kong sabihin. At hindi mo na rin kailangang magsinungaling sa akin. Sa ganda mong iyan, tiyak na hindi ka pa nakapipili ng lalaking dapat na para sa iyo." Sinamaan ko siya ng tingin. Nakakainsulto kasi ang mga sinasabi niya kahit na hindi naman dapat ako mainsulto. "Totoo ang sinasabi ko. Hindi ako nagsisinungaling tungkol doon. Ano naman ang mapapala ko sa pagsisinungaling ukol doon?" "Kung ganoon, maaari ko bang makita ang asawa mo?" Napatulala ako sa kawalan. "Hindi pwede..." hindi na pwede. Natawa siya dahil sa sinabi ko. "Sabi ko naman sa 'yo, hindi mo na kailangang magsinungaling." Kung gusto mo talaga siya makita, pwede kitang dalhin sa kaniya. Nakakainis! Hindi na lang ako nagsalita at saka tumingin sa kawalan. Kailangan kong gumawa ng paraan para makalabas ako sa palasyo nang hindi niya napapansin. Kailangan kong makalabas para maging madali ang paghahanap ko sa kanila. "Kung nag-iisip ka ng paraan upang makalabas, kalimutan mo na," aniya. Napatingin ako sa kaniya dahil sa sinabi niya. "At bakit naman? Hindi dapat ako manatili sa lugar na ito." "Sinasabi ko na sa iyo. Imposible ang gagawin mo. Isa pa, nangako ka kaya tuparin mo." "Tutuparin ko. Pero mas may importanteng bagay pa akong dapat gawin kaysa manatili rito at paglingkuran ka. Hayaan mo muna akong gawin iyon bago ko gawin lahat ng gusto mo," pagkukumbinsi ko sa kaniya. Napatitig siya sa akin dahil na rin siguro sa sinabi ko. Mukha na kasi akong desparada para lang makaalis dito. Kahit na madali na iyon para sa akin basta ba ay wala na siya rito sa harap ko. "Gusto mo bang makaalis?" Tumango ako sa kaniya. Tumango-tango rin siya dahil sa pagtango ko. "Sagutin mo ang tanong ko..." Kumunot ang noo ko dahil sa sinabi niya. Isang tanong lang ang kailangan kong sagutin para makaalis? "Ano iyon?" "Bakit ka hinahabol at gustong patayin ng mga Black Knight?" Napakuyom ang kamao ko dahil sa naging tanong niya. Ito na nga ba ang sinasabi ko. Mukhang may kinalaman talaga siya sa grupong iyon. Hindi dapat ako maging padalos-dalos sa sasabihin ko lalo na at hindi ko pa siya kilala. Hindi ko alam kung kaaway rin ba niya ang mga Black Knight o baka naman isa siya sa pinuno nila. Hindi dapat ako mahulog sa bitag niya. Bago pa ako makapagsalita ay inunahan na niya ako. "Matagal na naming minamanmanan ang grupong iyon at hinahanap namin kung ano ba talaga ang motibo ng grupo nila." "At ano ang nahanap niyo?" "Wala pa kaming nakukuhang sapat na ebidensiya ngunit pinapatay nila ang mga pamilyang may kinalaman sa ilegal na transaksyon sa ibang bansa." Kumunot ang noo ko. "Ilegal na transaksyon?" "Ngayon, sagutin mo ang tanong ko. Bakit ka nila hinahabol at gustong patayin? Pwede kitang matulungan kung tutulungan mo rin ako sa paghahanap sa kanila." Napakagat ako sa ilalim na labi ko. "Hindi ko rin alam kung bakit nila ako gustong patayin," pag-amin ko. Sa mga oras na ito, isa lang ang nasa isip ko. Kailangan niya ng tulong ko. Kailangan ko ng tulong niya. "Tutulungan kitang malaman kung ano ang motibo nila. Tutulong ako sa paghahanap sa kanila. Pero..." Tumingin ako sa mga mata niya upang malaman niyang pursigido na ako sa plano ko. "... hindi iyon ang gusto kong mangyari. Pagkatapos niyong masagot ang tanong na gusto niyong malaman, hayaan niyo akong patayin silang lahat. Gusto kong ako mismo ang papatay sa mga walang kwenta nilang buhay."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD