IV

1495 Words
Ikaapat na Kabanata Ang estrangherong tagapagligtas Point of View: Third Person Tila ba nalunod na si Clairn sa pag-amoy sa binata. Matapos ang kaniyang mga pinagdaanan ay para bang ngayon lamang siya nakaamoy ng kapayapaan at kapanatagan ng loob. Para bang gusto na niyang manatili na lamang doon at kalimutan na ang lahat ng mga nangyari. Ngunit hindi nagtagal ay napatigil siya sa ginagawang pag-amoy. Nahaluan ang mahalimuyak na amoy na iyon ng kaniyang espadang puno ng dugo –ang dugo ng kaniyang kasalanan. Para bang nawala siya sa kaniyang sarili at wala nang makikitang emosyon sa kaniyang mga mata. Tila nilamon na siya ng trauma, ang traumang habang buhay niyang dadalhin kahit sa kaniyang pagkamatay. Nang masiguro ng binata-ng wala na ang mga humahabol kay Clairn ay nakahinga siya nang maluwag. Dahan-dahan niyang pinakawalan ang babae mula sa pagkakahawak at pinagkatitigan. "Ayos ka lang, binibini?" tanong niya. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang lingunin siya ni Clairn. "Papatayin ko kayong lahat!" tuluyang bulalas ni Clairn. Tila ba nawala na siya sa kaniyang sarili nang dahil sa nangyari. Mabilis na ang pagtibok ng kaniyang puso at patuloy na sa pagnginig ang kaniyang mga kamay na nakahawak sa espada. Hawak pa rin niya ang espada na kanina pa niya dala. Masama ang tingin niya sa binata na para bang isang maling kilos lang niya ay sasaktan niya ito, at ang masaklap pa ay patayin ito. Ngunit imbis na matakot sa kaniya ang kaharap ay lumapit pa siya rito nang may halong pag-aalala. Matapos makita ang duguang suot na itim na coat, natakot siya para sa kalagayan ng babae. May punit na rin ang suot nito sa bandang braso at sa laylayan ng suot na naglalakbay hanggang sa kaniyang binti. May dumadaloy na dugo roon na alam niyang nanggagaling sa dalaga. "Wala na sila, binibini. Ayos na ang lahat." Sinubukan niyang pakalmahin ang boses hanggang sa kaya niya. Bago pa man makapagsalita si Clairn ay panibagong lalaki na ang agad dumating at itinutok ang hawak na espada kay Clairn. Ang isang kamay naman ay nakalahad sa lalaki na para bang pinaaatras mula kay Clairn. Hindi naman agad nakapagsalita ang dalawa dahil sa bigla. Pinanood lang nila ang bagong dating. "Ayos ka lang ba, mahal na prinsipe?" tanong nito ngunit ang mga mata ay hindi umaalis sa babaeng kaharap. "Huminahon ka, Rhonwen. Ibaba mo ang espada mo," utos ng binata na tinawag niyang prinsipe. "Pero..." Napatingin sila pareho kay Clairn nang bitiwan niya ang espadang hawak. Naalarma si Rhonwen sa ginawa ng dalaga kaya itinutok niya nang mas maigi ang hawak na espada. Bahagya siyang yumuko upang magbigay-galang. "Paumanhin, kamahalan. At saka... maraming salamat. Utang na loob ko sa iyo ang buhay ko," tila wala pa rin sa sariling sabi niya. Mariin siyang nakapikit at paulit-ulit na humihinga nang nang malalim. Nanginginig pa ang kaniyang mga kamay dahil sa nangyari. Hindi niya na alam kung ano ang sunod na gagawin at sasabihin. Hindi niya alam kung ano ang nangyari sa kaniya at bigla siyang nawala sa sarili. Hindi rin naging maganda ang asta niya sa taong nagligtas sa kaniya. "Kamahalan, kailangan mo na pong bumalik," ani Rhonwen. "Malalim na ang gabi at baka magtaka ang mahal na hari kung wala ka pa." Ibinaba na niya ang hawak ngunit matalim pa rin ang pagkakatitig sa babae. Muling tiningnan ng prinsipe si Clairn na nakayuko pa rin sa harap nila. "Hanggang sa muli, binibini. Mag-iingat ka," pagpapaalam nito. "Sa susunod nating pagkikita, gagawin ko ang lahat upang mabayaran ang kabutihang ginawa mo." Ngumiti lamang ang prinsipe dahil sa sinabi niya dahil alam niyang malabong magkita pa ulit sila. Sa lawak ng kanilang nasasakupan ay imposible na, dagdag pa na isa siyang prinsipe at ang kaniyang ginawang pagtakas ay tiyak na hindi palalampasin ng mahal na hari. Yumuko si Clairn at pinulot ang espada na may bahid pa ng dugo. Muli siyang yumuko sa prinsipe upang pagpapaalam. Tumakbo siya sa malapit na pader at saka umakyat at tumalon. Kailangan niyang lumayo at magtago mula sa mga humahabol sa kaniya. Kailangan niyang gawin ang lahat para walang makakilala sa kung sino talaga siya. Kapag nalaman nila ang ginawa niyang pagpaslang sa buong angkan ng Kuran, hindi sila magdadalawang-isip na dakpin siya at ikulong. Tiyak na ang buong Arkania na ang humahanap sa kaniya. Sa oras na may makaalam sa tunay niyang pagkatayo ay ang katapusan niya. Hangga't hindi niya nakikitang muli ang kaniyang anak ay hindi pa siya handang mamatay. Kailangan niyang gawin ang lahat para masiguradong ligtas ang kaniyang anak at hindi na puntiryahin pa ng Black Knights. At ang tanging paraan lang ay ang puksain ang grupong iyon. Naiwang nakatingin ang dalawang binata sa pader na tinalunan ni Clairn. "Sino siya?" tanong ng prinsipe. "Hindi ko po alam, Kamahalan. Ngayon ko lang din siya nakita at sa tingin ko ay hindi siya sumali sa paligsahan noong nakaraan." "Gusto kong hanapin mo siya, Rhonwen. Gusto ko siyang makausap tungkol sa isang bagay," utos ng prinsipe. "Masusunod po, Kamahalan." Hindi nagtagal ay naglakad na rin sila papunta sa kanilang mga kabayo. Kailangan na nilang makabalik sa palasyo bago pa malaman ng Amang Hari ang ginawa niyang pagtakas. Alam niyang hindi na naman ito makatatakas sa susunod kung sakaling mahuli siya ngayon. Hindi niya kayang manatili sa palasyo kahit na isang araw lang. SANDALING NAPAHINTO SI Clairn at umupo sa likod ng isang malaking pader. Hindi na niya kayang tumakbo pa dahil sa pagod. Mukhang hindi naman na siya hinahabol ng mga lalaking naka-itim kaya nakahinga na rin siya nang maluwag. Pinagmasdan niya ang mga kamay na may bahid ng dugo. Dugo iyon ng mga napatay niya at dugo iyon ng kaniyang namayapa at pinakamamahal na asawa. Napayakap na lamang siya sa duguang kamay matapos ay humagulgol. Hindi niya alam kung saan magsisimula. Wala nang natira sa kaniya ngayon. Wala na rin ang kanang kamay niya para bigyan siya ng payo. Para bang bago siyang silang sa mundong ito at hindi alam kung saan pupunta. Para siyang isang batang nawawala at hindi alam kung saan hahanapin ang kaniyang ina. Kung maibabalik lang sana niya ang nakaraan. Hindi na dapat siya sumali sa grupong iyon at hindi na dapat niya nalaman ang plano ng kaniyang pamilya. Nang maalala niya ang mga mukha ng taong humahabol sa kaniya ay bigla na naman siyang nakaramdam ng poot. Kahit na ginamit niya lang naman talaga ang mga ito ay hindi pa rin niya maiwasang magalit sa mga ito. Naikuyom niya ang nanginginig na kamao sa kaniyang damit at saka pinalis ang kaniyang luha. Hindi ito ang tamang oras para magpakita ng kahinaan. Bilang isang assassin, kailangan niyang maging matatag. Ang pagpapakita ng emosyon ay isang tanda ng kahinaan. Miski ang maging emosyonal sa harapan ng kaniyang sarili ay hindi katanggap-tanggap. Nang may nakita siyang isang gumagalang lalaki ay agad siyang nagtago sa likod ng puno ng acacia. Nang maramdaman niya ang tuluyang paglapit nito ay agad niya itong pinalo sa likod ng ulo gamit ang kaniyang kamay upang mawalan ng malay. Hinatak niya ito sa isang liblib na lugar at saka sinimulang hubaran. Kinuha niya ang kasuotan nito na isang kulay lila at panlalaking hanbok. Iniwan na niya ang panloob nitong banji pants dahil mayroon naman na siyang suot. Tanging ang balabal na lamang ang kaniyang kinuha at ipinalit. Umaabot ang haba ng hanbok sa ilalim ng kaniyang tuhod. Matapos iyon ay binihisan niya ang lalaki ng damit na suot niya kanina. "Paumanhin, ginoo," bulong niya sa lalaki. Inayos niya ang kaniyang sarili bago lumabas sa pinagtataguan. Bahagya niyang itinaas at tinali ang kaniyang mahaba at itim na itim na buhok upang magmukha siyang lalaki. Ibinaba niya na lamang ang bangs niya upang hindi masyadong mahalata ang kaniyang mukha. Humanap siya ng isang ilog at saka roon uminom. Pagkatapos niyon ay hinugasan niya ang espada niya hanggang sa mawala ang dumi. Ngunit kahit anong kuskos ang gawin niya ay hindi pa rin maalis ang kakaibang hagod nito sa kaniyang ilong. Amoy na amoy pa rin niya ang masangsang na amoy ng dugo. Nanggigigil man ay wala na siyang nagawa kung hindi ang hayaan na lang ito. Nang matapos iyon, naglakad siya papunta sa pamilihan upang bumili sana ng makakain. Ngunit nang maalala niyang wala siyang pera ay napaupo na lang siya sa isang gilid, huminga nang malalim at saka tiniis ang gutom na nararamdaman. "Hindi naman siguro ako mamamatay nang hindi kumakain ng isang hapunan," bulong niya sa kaniyang sarili. Humiga siya sa gilid ng kalsada na bahagyang nahaharangan ng isang maliit na puno, at saka niya itinago ang espada sa kaniyang likuran kung saan walang kahit sinong makakakita. Bukas na bukas, sisimulan niya ang pagpuksa sa buong Black Knights. Ngunit bago iyon ay kailangan niyang mangalap ng impormasyon patungkol sa pinuno nito. Dahil miski nang myembro pa lamang siya ay hindi pa rin pwedeng makita ang mukha ng pinuno. Mas lalo tuloy niyang gusto na malaman kung sino ang nasa likod ng misteryosong grupo na ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD