VII

2882 Words
Ikapitong Kabanata Pilat Point of View: Clairn Novich Kuran Nakipagtitigan pa siya sa akin saglit. Ngumiti naman siya matapos iyon at saka niya hinawakan ang tutktok ng ulo ko na parang isang tuta. Kakaiba naman ang dulot nito sa dibdib ko na hindi ko maipaliwanag. "Naiintindihan ko, binibini. Tatanggapin ko ang tulong mo at tutulungan kita. Hindi kita pipigilan basta malaman ko ang lahat ng gusto kong malaman." "Tsk. Sinabi nang huwag mo akong tawaging binibini. Gusto mong putulin ko na lang iyang dila mo?" pagbabanta ko sa kaniya. Imbis na magalit ay natawa pa siya. "Hindi na nga. Ano ba ang pangalan mo para hindi na binibini ang itawag ko sa iyo?" "Clairn, Clairn ang itawag mo sa akin." "Clairn... masyadong pambabae para sa iyo," sabi niya, bahagya pang nangingisi na parang pinipigilan lang. Sinamaan ko siya ng tingin pero muli, tinawanan niya lang ako. Okay, titigil na ako. Ayoko masyadong subukin ang pasensya niya. Isa pa rin siyang prinsipe kahit na gaano pa siya nakakainis. Ayokong ang buong Nearon ang makalaban ko. Masyado nang pasakit ang Black Knights, ang isang buong kaharian ang huling nais ko ngayon. "Pagkagising mo mamaya ay ipakikilala kita sa mga kaibigan ko at sasabihin ko sa iyo kung ano ang posisyon mo. Kailangan maging maayos ka na nang tuluyan bago kita gawing opisyal na katuwang ko," aniya. Humiga na ako sa kama. Iniayos pa niya ang kumot at saka ulit hinawakan ang ulo ko. Upang tingnan kung may sakit ako? Hindi ko alam ang sagot. "Magpahinga ka na, Clairn." Napatitig lang ako sa itaas nang makaalis siya. Hindi na kasi ako makatulog pero alam kong kailangan ko niyon. Ilang gabi na kasi akong hindi natutulog. Kung matulog man ay mababaw lang dahil sa takot na biglang may umatake sa kahabaan ng tulog ko. Alam kong hindi pa tuluyang magaling ang mga sugat ko. Itong tama kasi sa tagiliran ko ang pinakamalalim... sa tingin ko. Hindi naman na mahapdi ang braso at binti ko kaya sa tingin ko ay hindi magtatagal, makakalabas na rin ako. Kaya kung may aatake man sa 'kin habang wala akong malay, dapat ay kanina pa iyon. Dahil mula ngayon, hindi ko na ibababa pa ang depensa ko kahit kanino. Lalo na at wala akong mapagkakatiwalaan ngayon. Ang sabi niya, magiging katuwang niya raw ako. Hindi kaya gawin niya akong swordsman niya? Hindi naman ako bihasa sa paggamit ng espada at ayoko ring gamitin ang combative ko. Sa tuwing ginagawa ko kasi iyon, naaalala ko lang si Gab na siyang nagturo sa 'kin. Sa tingin ko, kailangan kong paghusayan ang paghawak ng espada para masanay na rin ako. Kailangan kong itago sa lahat kung ano ang kaya kong gawin at kung sino ako. Makatutulong iyon sa paghahanap at sa pagtatago ko. Kailangan ay maunahan ko sila. Napatingin ako sa kaliwang kamay ko at nakita ang gintong singsing na tanda ng pag-iisang dibdib namin ni Gab. Mabuti na lang at hindi ko ito hinuhubad. Matapos ang mga nagawa ko, ito na lang ang paalala sa 'kin nang dapat kong gawin. Ito ang paalala na kailangan ko pa ring pagbayaran ang mga kasalanan ko sa hinaharap. Ito na lang ang nagbibigay lakas sa 'kin para magpatuloy. SUMILIP AKO SA labas ng silid upang maiwasan sana ang kahit na sino. Ayoko kasing may nakasunod sa akin sa kung saan man ako magpunta. Kahit kabilang ako sa royal family, walang katiwala o kahit anong kanang kamay ang nakasunod sa 'kin. Hindi naman ako baldado at kaya kong protektahan ang sarili ko sa kahit sino. Hindi rin naman ako tatakas dahil sa ngayon, alam ko na kung ano ang dapat kong gawin. Gusto ko lang makausap iyong doctor kanina. Hindi ko na nasabi iyon kay Prinsipe Alryzen dahil mukhang nagmamadali na rin siya. Si Prinisipe Alryzen ang prinsipe ng Goryo. Hindi ko na naitanong ang iba pang tungkol sa kaniya dahil wala naman ako sa lugar para magtanong. Saka tiyak na malalaman nilang hindi ako tagarito kung pati pangalan ng mga namumuno ay hindi ko alam. Hindi rin naman ako interesado sa kaniya kaya hindi na ako nag-abala pa. "Saan ka pupunta, binibini?" tanong ni Krenniza, ang maid na nagbabantay sa akin. Napahinto ako sa paglalakad at saka siya hinarap nang malapad ang ngiti sa mukha. "Ahm... maglalakad-lakad lang? Hindi mo na ako kailangan samahan. Kaya ko na," sagot ko. "Hindi maaari, binibini. Mahigpit na ipinagbabawal ng mahal na prinsipe na mawala ka sa paningin ko." Muli akong nakaramdam ng sakit sa ulo. Sa pagkakataong ito, alam kong hindi na dahil sa nangyari sa 'kin kung hindi dahil na sa prinsipe. At talagang pinasunod pa niya sa 'kin ang katiwalang ito. Hindi ba niya alam na kung nagkataon, maaari ko siyang patayin? Napahinga ako nang malalim at saka siya nilapitan. Inakbayan ko siya at saka malamanyang nagsalita. "Sabi ko naman sa 'yo, kaya ko na..." "Pero..." "Kung itong sugat ko ang inaalala mo, magaling na siya. Kumpara sa mga natanggap ko noon, kamot lang ito kaya huwag ka na mag-alala." "Sino ang may sabing nag-aalala ako? Sinusunod ko lang ang utos ng prinsipe," sabi niya habang nakayuko pa rin. Nahimigan ko rin ang pagkauyam sa tono ng pananalita niya na para bang napipikon na rin siya sa inaasta ko. Napatitig ako sa kaniya. Hindi ko inaasahan ito sa kaniya. "Okay, hahayaan kitang sumama pero kapag kausap ko na siya ay hindi ka dapat makinig." "Wala akong pakialam kung sino ang kakausapin mo at kung ano ang pag-usapan ninyo. Kailangan lang kitang bantayan, binibini." Tuluyan na akong natawa dahil sa sinabi niya. Hindi lang kasi ako makapaniwalang ganito ang ugali niya. Napakabait at ang galang niya sa harap ng prinsipe pero nagbago siya nang ako na lang ang kausap niya. Well, medyo magalang pa rin ang kilos niya pero hindi ko masasabi sa mga salita niya. "I like you already, kid. Just call me Clairn. Isa pa, hindi na ako isang binibini. I'm not lying when I told you that I'm married already," sabi ko, mahihimigan ang pagkaaliw sa tono. Napatingin siya sa akin nang nanlalaki ang mga mata. "A-Ang accent mo, binibini..." "Shh..." pagtigil ko sa kaniya. "Sikreto lang natin pero kabilang ako sa royal family. But that will be our little secret." "Talaga po? Hindi ako makapaniwala. Pasensiya na sa pagiging pamilyar ko sa inyo," aniya, muling napayuko sa harap ko. "Sa ngayon, may tiwala ako sa iyong hindi mo ipagsasabi kahit na sa prinsipe." "Pero... hindi ko kayang magsinungaling sa prinsipe. Kahit kabilang ka sa isang royal family, mas mataas pa rin ang mahal na prinsipe. Hindi ko man alam kung ano ang posisyon mo, sa ikalawang prinsipe ako naglilingkod. Maliban na lang kung ikaw ang mahal na reyna." Tinapik ko ang balikat nito. "Hindi mo naman sasabihin sa kaniya kung hindi ka niya tatanungin, 'di ba? Kaya huwag mo ipahahalatang may alam ka." Kinindatan ko siya at saka ako naglakad palayo sa kaniya. Alam kong isa ito sa pwedeng maglagay sa akin sa kapahamakan pero alam ko kung mapagkakatiwalaan ko ang isang tao o hindi. Sa kaso ni Krenniza, alam kong magagawa ko iyon. Hindi man niya ako matulungan, alam kong maitatago niya ang sikreto ko dahil hindi ko kayang itago lang iyon sa sarili ko. At isa pa, paano naman maiisip ng prinsipe na ipagsasabi ko ang tungkol sa akin sa isang katiwala lang? "Akala ko ba ay sasama ka?" tanong ko nang mapansing hindi siya sumusunod sa akin. "Ah... opo, binibini, este, Clairn," aniya. Natawa ako ulit bago naglakad palayo. Hindi ko alam kung saan magsisimula pero hindi naman ganoon kalaki siguro ang palasyo para hindi siya makita. Kung saan maraming pasyente, tiyak nandoon siya. Kung wala man, kung nasaan ang prinsipe ay tiyak nandoon siya. "Alam mo ba kung nasaan ang prinsipe sa mga ganitong oras?" tanong ko kay Kren. "Ang prinsipe po ba ang gusto mong makausap?" "Huwag ka na nga mag-po, ano ba! At saka, hindi ang prinsipe ang gusto kong makausap. Iyong doctor na gumamot sa akin. May gusto lang ako itanong sa kaniya tungkol sa mga sugat ko." "Bakit? Masakit pa ba ang sugat mo?" tanong niya, nakasunod pa rin sa likod ko. "Hindi na pero... baka may nakita siyang hindi niya dapat makita." Narinig ko ang mahinang pagtawa niya kaya napatingin ako sa kaniya. "Sa tingin ko ay wala siyang pakialam kung makita man niya iyon. Masyado siyang malamig para sa isang tao." "Malamig? Ibig sabihin, wala siyang pakialam kung makita niya akong nakahubad?" Tumango siya sa sinabi ko. "Ganoon nga siya." "Mabuti naman. Pero hindi iyon ang gusto kong malamang nakita niya." Bago pa siya makapagsalita ay nakita ko na agad ang prinsipe. Hindi naman pala mahirap hanapin. Kung saan mo naaamoy ang kayabangan, nandoon siya. Dahan-dahan akong lumapit sa kanila at huminga pa nang malalim. Hindi kasi siya nag-iisa, kasama niya iyong doctor at tatlo pang lalaki na sa tingin ko ay matataas din ang tungkulin. Iyong isa sa kanila ay seryoso ring nakikipagkwentuhan sa kanila. Naalala ko siya. Siya iyong tumutok sa akin ng espada noong una naming pagkikita. Si Rhonwen. Umubo ako nang bahagya upang makuha ko ang atensyon nila. "Oh!" bulalas ng lalaking pinaka-hyper sa kanila. Mukhang bahagya siyang nabigla sa paglapit ko. Siya iyong kanina pa tawa nang tawa at hindi man lang maalis ang mga ngiti sa labi. "Ano ang nais ng isang magandang binibini sa amin?" tanong naman niyong isang mukhang manyak kung makangisi. Siya ang katawanan ng lalaking hyper. Tiningnan lang ako ng doctor at saka tumingin sa malayo habang nakatitig naman sa akin iyong lalaking mukhang maangas. Hindi ko pinasadahan ng tingin ang prinsipe dahil hindi naman siya ang pinunta ko. "Ah, masyado mo ba akong na-miss kaya pumunta ka pa rito, binibini?" tanong ng epal na prinsipe. Pero syempre hindi ko sinabi sa kaniya iyon. "Hindi. Bakit naman kita hahanapin, mahal na prinsipe?" tanong ko sa medyo sarkastikong pananalita. "Kung ganoon, sino naman ang pinunta mo? Si Rhonwen?" tanong niya sabay tingin sa lalaking nakatitig sa akin nang maangas. Para bang naalala pa niya ang pagtingin ko nang masama sa prinsipe niya at galit pa rin siya sa akin. Mukhang nagtatanim ng galit ang isang ito. Kailangan kong mag-ingat. Tss. "Gusto sana kitang makausap," sabi ko sabay tingin sa lalaking nakatingin lang sa malayo. Hindi ko pa alam ang pangalan niya kaya hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Napatingin din ang iba sa kaniya dahil sa sinabi ko. Hindi siguro nila alam na ginamot ako ng lalaking ito. "Wow! Mukhang ikaw ang tipo ng isang ito, Warlo. Ipakilala mo naman kami," sabi ng lalaking sobrang tuwa nang dahil sa sinabi ko. Tipo? Hindi ko tipo ang isang tahimik na lalaki. Mas gusto ko iyong masaya kasama at matutuwa ako. Masyado nang madilim ang personalidad ko para sa gaya niya. Napatingin naman sa akin ang doctor at walang sabi-sabing tumayo. Hindi man lang tinanong kung tungkol saan ang itatanong ko. Pero mukhang wala naman din siyang pakialam talaga at gusto lang makaalis sa lugar na iyon. "Sandali, hindi pa kita pinapayagang lumabas. Ano ang ginagawa mo rito?" singit na naman ng epal na prinsipe. Peke akong ngumiti sa kaniya. "Gusto ko lang siyang pasalamatan sa paggamot sa akin. May problema ba roon, mahal na prinsipe?" Mukha naman siyang napahiyang umiwas ng tingin. "Bahala ka. Gawin mo ang gusto mo," aniya. Bahagya akong yumuko sa kaniya at saka sinundan ang doctor na bigla na lang umalis nang hindi nagpapaalam. Hindi man lang ako hinintay. Ano ba ang problema ng isang ito? Medyo malayo ang pinuntahan niya kaya malayo-layo rin ang nilakad ko. Napahawak ako sa binti ko nang kumirot iyon. Mukhang may tinamaan na vital ang archer na iyon. Magaling. "Dito na lang tayo. Ano ang gusto mong sabihin?" tanong niya. "Akala ko may balak ka pang libutin ang buong palasyo bago ka tumigil." Hindi ko na naman napigilan ang pagiging sarkastiko ko. Hindi naman siya nagsalita kaya napahinga ako nang maluwag. Bahagyang lumayo sa amin si Krenniza. Tulad ng sabi niya ay wala naman yata talaga siyang balak makinig sa pag-uusapan namin. Ngunit sa pagkakataong ito ay mukhang inaatake na rin siya ng kuryosidad. "May gusto lang akong itanong sa iyo," pagsisimula ko. "Tungkol saan?" "Ikaw ba ang gumamot sa mga sugat ko?" Napatingin siya sa akin bago umupo sa damuhan at tumingin sa malayo. Sa harap namin ay isang malawak na palatubigan. Marami ang puno sa paligid namin na mula kulay dilaw hanggang luntian kaya hindi derektang tumatama sa amin ang sinag ng araw. Umupo ako sa hindi kalayuan sa tabi niya. Pakiramdam ko ay ayaw niya nang tinatabihan siya kaya medyo lumayo ako. Mukha kasing siya iyong tipo na ayaw nang nahahawakan. "Allergy ka ba sa 'kin? Bakit ang layo mo?" tanong niya imbis na sagutin ang tanong ko. "Ah... akala ko kasi ay ayaw mo nang may tumatabi sa iyo." "Hindi... I don't mind." Ayon sa tono ng pananalita niya ay para bang hindi siya isang simpleng doctor lang. Pakiramdam ko ay galing siya sa isang magandang pamilya. O baka gaya ko ay hindi rin siya tagarito. "Oo. Ako nga ang gumamot sa iyo at tumahi ng sugat mo sa tagiliran." Napayuko naman ako. Naikuyom ko ang kamao ko sa damit ko dahil sa sinabi niya. "I see..." Napangiti ako sa sarili ko. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako sa sinabi niya o mahihiya. "Pwede rin ba akong magtanong sa iyo?" Napatingin ako sa kaniya nang sabihin niya iyon. Hindi ko alam na magtatanong din siya pero ayos lang naman sa akin. "Ano iyon?" Saglit siyang tumahimik bago ako tiningnan sa mga mata. Bahagya pa akong napaatras dahil sa titig niya pero sinubukan kong tumingin pa rin sa mga iyon. Kulay asul ang singkit niyang mga mata. Matangos ang ilong niya at mapupula ang manipis niyang labi. Pati ang kutis niya, parang babae. Kung hindi lang sa kurba ng panga niya ay mapagkakamalan ko siyang babae. Pahaba kasi ang mukha niya at nadedepina ang mga panga niya. "Saan mo nakuha ang mga peklat mo sa katawan?" Napatulala ako sa tanong niya. Hindi ko inaasahang iyon ang itatanong niya. Akala ko ay hindi siya mababahala dahil sa doctor siya. Hindi ba dapat ay sanay na siyang makakita ng ganito sa katawan ng isang pasyente? Malapad lang akong ngumiti sa kaniya. "Hindi na naman siguro normal para sa iyo ang makakita nito, 'di ba?" tanong ko sa kaniya. Sinubukan ko pang tumawa para maiwasan ang tingin niya pero mukhang wala lang sa kaniya. Kaya lang ay hindi ko alam kung mapagkakatiwalaan ko ba siya. Ang hirap basahin ng mga mata niya. "Hindi nga normal para sa akin iyan," aniya. "Pero hindi normal para sa akin na makita ang mga iyan sa katawan ng isang babae." Napayuko ako dahil sa sinabi niya. Pakiramdam ko ay kahit na ang lamig ng simoy ng hangin, pinagpapawisan pa rin ako. "Ayos lang kahit hindi mo sabihin sa akin kung sino ka ba talaga," pagpapatuloy niya. "Pero gusto kong malaman kung saan mo nakuha ang mga iyan. Para sa katawan ng isang tao, masyadong malalalim ang mga sugat na iyan." Napaawang ang bibig ko dahil sa sinabi niya. Hindi nagtagal ay tuluyan na talaga akong natawa. Napahawak pa ako sa tiyan ko dahil sa tuwa na nararamdaman ko. Kumunot ang noo niya sa akin na mas lalo pang nakapagpamangha sa akin. "Ano ang nakakatawa? Tinatawanan mo ba 'ko?" tanong niya, medyo iritable na. "Hindi... hindi... kasi naman.. kung makapagsalita ka, akala mo naman hindi ako tao." Pinunasan ko ang gilid ng mata ko nang may kaunting luha roon. Nakakatuwa lang na ganoon ang tingin niya matapos makita ang mga peklat ko. Kung alam lang niya... "Tapos ka na tumawa? Ano ngayon ang nakakatawa?" iritableng tanong pa rin niya. Ngumiti ako nang malawak sa kaniya. Lumapit ako sa kaniya at saka siya inakbayan. Akala ko ba ay malamig siya para sa isang tao, Krenniza? Mukhang mali ka. Seryoso na naman niya akong tiningnan at saka tinanggal ang pagkakaakbay ko. Ngunit hindi ko iyon tinanggal bagkus ay hinigpitan ko pa. "Sa mga tulad kong pinanganak sa pamilya ng mga assassin, normal na ang ganito," sambit ko. Masyado siyang inosente para sa isang doctor. Hindi naman niya ako sasaktan... hindi... hindi niya ako kayang saktan. "Galing ka sa pamilya ng mga assassin?" Tumango ako sa kaniya at saka umayos ng upo. Dahil masakit pa ang binti ko ay iniunat ko iyon sa harap ko at tumingin sa malayo. "Tama ka, hindi ko masasabi kung sino ako pero masasabi ko kung ano talaga ang ginagawa ko. Isa akong anak ng assassin. Sa madaling salita, pumapatay ako ng kapwa ko tao. Kung tao pa nga ba ang maitatawag mo sa akin," sabi ko, natatawa sa sariling sinabi. Nakangiti akong tumingin sa malayo at saka huminga ulit nang malalim. Hindi ko alam kung ilang beses na akong humihinga nang malalim. Pakiramdam ko kasi ay iyon na lang ang tanging paraan para maalis ko ang bigat sa dibdib ko. Kung titingnan ko ngayon, alam kong mag-isa na lang ako. Wala akong mapagkakatiwalaan sa paligid ko. Pero hindi ko rin naman maitatago habang-buhay kung sino ako. Kailangan ko na lang makagawa agad ng paraan para mahanap ang mga Black Knight. Kailangan maunahan ko sila bago pa nila ako mahanap. Pero saan ako magsisimula? At papaano?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD