Ikatlong Kabanata
Pagbabago
Clairn Novich Kuran
Takbo ako nang takbo upang masiguradong wala nang humahabol sa akin.
Tinalon ko na ang mga matataas na pader, dinaanan ko na ang mga mapuputik na lugar sa Arkania. Ni hindi ko na alam kung nasaan ako pero patuloy pa rin ako sa pagtakbo.
Alam kong hinahanap ako ng Black Knights ngayon para patayin. Nagawa ko na ang gusto nila kaya wala na silang pakay pa sa akin. Isa lang akong puppet na ginamit nila sa paglalaro. At isa pa, hindi ko natapos ang misyon. Kahit anong pagdadahilan ko na bata lang si Chloe ay hindi nila iyon patatakasin.
Hindi rin magtatagal ay malalaman din nila ang tungkol sa anak kong pinatakas ko. Kaya hindi ko hahayaang may gawin silang masama kay Chloe. Uunahan ko na sila at hindi ko sila hahayaan sa gusto nilang mangyari.
Simula sa araw na ito, hindi na ako myembro ng Black Knights o ng kahit ano pang grupo. Mag-isa na lamang ako. Wala na akong aasahan sa mga tao ngayon at hinding-hindi na ako magtitiwala sa kahit na sino.
Ayos lang naman sa akin ang ganito, hindi man ako sanay nang mag-isa ay alam kong mabubuhay ako. Kailangan ko lang itago kung sino ako at magiging ayos din ang lahat.
Isa sa mga itinuro sa akin ay ang mapag-isa. Dahil hindi naman sa lahat ng oras ay may kasama ako sa mga misyon. Minsan ay kailangan mo itong gawin nang mag-isa. Ikaw ang magpapasya at ikaw ang gagawa. Responsibilidad mo ang sarili mo.
Nang masigurado kong wala nang humahabol sa akin ay nagtago ako sa isang pader na gawa sa pinagpatong-patong na adobe.
Tiningnan ko pang muli ang buong paligid upang makasigurado at saka ako huminga nang malalim dahil sa pagod na nararamdaman. Napahilamos ako sa mukha ko at saka lang napagtantong ang dami pa palang dugo sa mga kamay ko.
Napayuko na lamang ako at saka napatulala.
Hindi ako nagsisisi sa ginawa kong pagpatay sa kanila. Para iyon sa kaligtasan ng buong Arkania dahil ang clan naman namin ang nagsimula ng planong iyon.
Tiyak na pagsisisihan ko kung pati si Chloe ay pinatay ko. Hindi mapapahinga ang kaluluwa ko kapag tinapos ko na rin pati ang buhay ko. Tiyak na hindi kami magkakasama ng anak ko sa kabilang buhay para makahingi ako ng tawad dahil siya sa langit, ako sa impyerno.
Tumingin ako sa ma-bituing kalangitan at huminga ulit nang malalim.
Kumusta na kaya ang anak ko? Nailigtas kaya siya ni Hansel at nasa palasyo na ba siya nina King Tyrone at Queen Jas?
Hindi ko pa rin maiwasan ang mag-alala para sa anak ko. Ang hirap pala kasi talagang mahiwalay sa mahal mo sa buhay lalo na at hindi mo alam kung ano na ang ginagawa niya.
Paano kung hindi nila nagawang makapunta kina King Tyrone? Paano kung nahuli sila ng mga myembro ng Black Knights bago pa sila makarating?
Ayoko ng isipin pa ang pwedeng mangyari. Sa ngayon, kailangan ko na lang magtiwala kay Hansel na hindi niya hahayaang masaktan ang anak ko. Napalapit na siya kay Chloe at halos siya na ang lagi nitong kasama nitong mga nakaraang taon kaya hindi na dapat ako mabahala.
Kahit na alam kong galit pa rin siya sa ginawa ko.
Tumayo ako para maghanap ng isang palatubigan. Naramdaman ko kasi ang lagkit sa mukha ko dulot ng mga dugo ng mga napatay ko. Kumikirot pa rin ang sugat na natamo ko sa binti lalo na at malayo-layo rin ang tinakbo ko.
Mabuti na lang at hindi iyon ganoon kalalim dahil hindi naman lumaki si Hansel nang nakikipalaban. Nabigla lang talaga ako dahil hindi ko inaasahang mayroon siyang lakas ng loob para atakihin ako gamit ang kutsilyo.
Habang naghihilamos ay naramdaman ko ang pagpatak ng luha sa pisngi ko. Mas binilisan ko pa ang paghilamos para matabunan iyon.
Ang isang assassin ay hindi dapat nagpapakita ng kahinaan kahit na sa sarili mo lang. Ilang ulit ko rin itong sinasabi sa sarili ko pero kahit itatak ko na ito sa memorya ay hindi ganoon kadaling tanggalin ang emosyon.
Napasalampak na lamang ako sa lupa at yumuko sa tuhod ko.
Hindi ko maiwasang hindi maalala ang mga ngiti na ibinigay sa akin ni Gab. Ang mga huli niyang habilin sa akin na halos hindi ko naman ginawa dahil pinagtangkaan ko ang anak ko.
Minahal ko siya kaya hindi ko masisisi ang sarili ko kung iiyak ako ngayon. Habang buhay ko mang dalhin ang pagsisisi sa pagpatay ko sa kaniya ay kailangan ko pa ring magpatuloy para sa anak namin. Alam kong ito na lang ang huli bagay na hihilingin niya sa 'kin. Alam kong mahal niya ang anak namin kahit na hindi naman talaga niya ako minahal.
Muli akong tumayo at nagtatakbo. Kailangan ko pang makalayo sa lugar na ito para masiguradong hindi na nila ako mahahanap.
Wala na akong balak na bumalik pa sa kanila. Ginamit man nila ako sa plano nila, hindi ko maipagkakailang ginamit ko rin sila para magkaroon ng dahilan. Ito ang kabayaran sa pagsali ko sa kanila.
"Iyon siya!"
Binundol ako nang panibagong kaba nang makita ko silang hinahabol ako. Sabi ko na nga ba, hindi ako makakawala agad sa kanila. Gaya ng inaasahan, mga assassins din sila gaya ko. Hindi na dapat ako magulat pa.
Mas lalo ko pang binilisan ang takbo ko. Hindi ko na sila nilingon at tinuon na lamang ang atensyon sa pagtakas. Ang paghabol pa lang nila sa akin ay dahilan na para mas lalo pa akong tumakas. Tiyak na papatayin nga nila ako.
Nang makarating ako sa hindi mataong lugar ay mas lalo akong kinabahan. Hindi na kasi madaling magtago sa mga ganito dahil wala ng ibang tao.
"Bwisit!" mahinang singhal ko.
Naghanap agad ako ng mapagtataguan. Napamura na lang ako nang wala akong makita kaya nagpatuloy na lamang ako sa pagtakbo.
Habang mabilis akong tumatakbo ay ramdam ko na ang pagod. Hindi ko alam kung nasaan na ako pero patuloy pa rin ako sa pagsuyod sa madilim na daan.
Nang biglang may humila sa akin at tinakpan ang bibig ko...
"Hmph!"
Aapila na sana ako kung hindi lang nagdatingan ang mga lalaking naka-itim. Wala na akong nagawa kung hindi ang mas magtago pa sa madilim na lugar.
Naamoy ko ang isang mabangong amoy. Napakalalaki ng amoy niya kaya hindi ko maiwasang mas lalo pang damhin ito. Para siyang bulaklak pero matapang. Matamis pero matapang na amoy.
Parang gusto ko na lang manatili sa yakap niya at huwag nang humiwalay.
Parang gusto kong dito na lang manatili... sa kaniyang yakap.