Ikalawang Kabanata
Kabiguan
Mabigat ang bawat hakbang ko palabas ng silid. Para bang gusto kong isuka ang puso ko dahil sa bigat na nararamdaman ko sa dibdib. Pero kahit anong hirap at bigat ang nararamdaman ko, kailangan kong tapusin ang misyon.
Kailangan kong patayin ang lahat ng may dugong Kuran, kasama ang aking anak.
Kailangan ko rin siyang patayin. Iyon ang misyon na ibinigay sa akin. Kailangan kong patayin ang lahat sa clan namin na pwedeng magbanta sa kapayapaan ng aming nasyon. At upang matapos ang misyon ko, Black Knights na lamang ang nasa listahan ko para matapos na ang lahat.
Hindi ko mapapatay ang sarili ko kung alam kong may nabubuhay pang tulad ko sa mundong ibabaw.
Napahinto ako sa tapat ng isang pinto habang naglalakad sa pasilyo nang may marinig akong hikbi roon. Sandali ko pang pinakinggan ang tunog upang makasigurado ako.
Sa likod ng pinto na ito ay ang aking anak. Siya na lamang ang kailangan kong patayin upang matapos na ang lahat ng ito. May dugong Kuran na nananalaytay sa kaniyang dugo, ibig sabihin ay malaki ang posibilidad na maging gaya ko siya. Malaki ang posibilidad na maghiganti siya at sundan ang yapak ng mga Kuran.
Hinawakan ko ang pinto at hinaplos ito.
Sobrang sikip ng dibdib ko. Sobrang sakit ng puso ko na gusto ko na iyong tanggalin. Hindi ko yata kaya. Hindi ko kayang patayin ang sarili kong anak. Hindi ko kaya...
"Kamahalan..."
Napatigil ako nang marinig ang pamilyar na boses ni Hansel sa aking likuran. Hindi siya gaya namin. Hindi siya isang assassin kaya walang saysay kung papatayin ko rin siya. Isa lang siyang hamak na katulong ng pamilyang Kuran. Pero dahil may alam siya, wala akong ibang magagawa.
Bago ko pa siya masugod ay napaluhod na ako. Kinapa ko agad ang binti ko at nakitang may kutsilyo na nakatusok doon.
Tinanggal ko iyon sa pagkakatusok. Mukhang alam na niya na ako ang may pakana nitong lahat. Sabagay, hindi naman mahirap alamin lalo na at gusto ko rin naman talagang may makaalam na iba.
"Chloe, dali!" sigaw ni Hansel.
Lumabas sa silid ang anak kong iyak nang iyak. Bago pa siya makalapit kay Hansel ay nahawakan ko na ang braso niya at hinatak palapit sa akin. Tinapat ko ang kutsilyo sa leeg niya at bahagyang hiniwa iyon. Mas lalong lumakas ang iyak niya nang dahil sa ginawa ko.
"Mama! Mama!"
Napapikit ako dahil sa sigaw niya. Hindi dahil sa nakabibingaw ito, kung hindi dahil sa kutsilyong patuloy na itinatarak sa puso ko dulot ng patuloy na pagpalahaw niya.
"Noong una pa lang, alam ko nang imposibleng may makapasok sa Sky Kingdom," ani Hansel. "Sa sobrang higpit ng bantay rito at sa gagaling ng mga assassins, tanging ang mga malalakas lamang ang makakapasok dito."
Napatingin ako kay Hansel na nakatingin na sa akin ngayon.
"Kaya inalam ko agad kung sino-sino ang posibleng gumawa nito. At mukhang mali ako. Hindi lang malalakas ang makapapasok dito kung hindi pati na rin ang mga gaya mo, ang kapamilya ng mga Kuran. Sa katunayan, nagulat pa ako nang malaman kong ikaw iyon, kamahalan. Hindi ko inaasahan na sasaliwa ka sa pamilyang kumupkop at nag-aruga sa iyo. Pero ngayong nakikita ko na mismo sa harap ko, masasabi kong... kailangan ko na lang tanggapin na ang hinahangaan kong assassin ay hindi ganoon kaperpekto tulad ng nasa isip ko noon."
Patuloy pa rin sa pag-iyak si Chloe habang yakap ko siya sa likod. Nakatutok pa rin ang kutsilyo sa leeg niya kaya hindi siya makaalis sa pagkakahawak ko.
Napatingin siya kay Chloe. "Sa tagal kitang kilala, kamahalan, alam kong hindi mo iyan magagawa. Mahal na mahal mo ang anak mo na kaya mong itapon ang sarili mo sa isang lumilipad na pana para lang mailigtas siya."
Dahil sa sinabi niya, tuluyan ko nang nahigpitan ang pagkakahawak ko sa kutsilyo. Ginugulo ka lang niya, Clairn. Huwag kang makikinig sa kaniya! Gusto lang niyang pigilan ka sa mga plano mo.
Ngunit napatigil ako sa gagawin ko nang maramdaman ko ang maliliit na mga kamay ni Chloe na humaplos sa kamay kong may hawak na kutsilyo.
"Mama! Mama, si Papa! Mama!"
Humarap siya sa akin na para bang hindi siya natatakot sa akin kahit na tinapatan ko na siya ng kutsilyo at puno na ng dugo ang buong katawan ko. Kinagat ko ang ibabang labi ko pero wala rin iyong naging silbi. Napaiyak na lang ako at napayakap sa anak ko.
"Patawarin mo si Mama, anak. Patawarin mo ako!" paghagulgol ko sa kaniya.
Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kaniya na ako ang pumatay sa papa niya. Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa kaniya na kumampi ako sa mga kalaban para mapatay silang lahat.
Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko.
"Chloe, Chloe, anak," sabi ko habang tinitingnan siya sa mga mata. Inipit ko ang mukha niya sa pagitan ng mga palad ko upang mas mapagmasdan ko siya. "Kailangan ninyong umalis dito. Pumunta ka kina Tita Jas mo para maging ligtas ka."
"Mama, gusto ko sa 'yo, Mama!"
Mas lalo akong napaiyak. Nilapit ko siya sa akin at mas hinigpitan ang yakap ko sa kaniya. Oh please! Ang hirap niyang pakawalan.
Hinarap ko si Hansel dahil alam kong siya na lang ang makagagawa nito. "Hansel, dalhin mo siya sa palasyo ng mahal na reyna. Hindi magtatagal ay darating na ang iba kaya kailangan ninyo nang umalis."
"Paano ka, kamahalan?"
"Magiging ayos lang ako. Alalahanin ninyo muna ang mga sarili ninyo. Tiyak na pinapahanap na nila kayo. Susubukan kong iligaw sila."
Ibinigay ko sa kaniya si Chloe pero hindi pa rin ako binibitiwan ng anak ko. Hinalikan ko siyang muli bilang pagpapaalam. "Mag-iingat ka, anak."
"Mama! Mama!" sigaw pa rin niya.
Tinanggal ko na ang pagkakahawak niya sa akin at saka kumaway sa kaniya. Ngumiti pa ako sa dereksyon niya upang sabihing magiging ayos lang ang lahat.
Alam kong sa mga oras na ito, hindi ako nagtagumpay sa misyon ko. Kailangan kong magtago sa pamilya ko, sa batas at lalong-lalo na sa Black Knights. Tiyak na hahanapin nila ako dahil hindi ko napatay ang lahat tulad ng nakasaad sa misyon ko.
Pero ano ang magagawa ko? Hindi ko kayang patayin ang sarili kong anak. Akala ko ay kaya ko. Akala ko ay handa na ako. Puro pala iyon akala.
Patawarin mo sana si Mama, Chloe. Alam kong mahirap malayo sa mga magulang mo lalo na kung may nagbabanta sa buhay mo, naranasan ko iyon. Pero sisiguraduhin kong lalaki ang anak ko nang hindi na niya kailangang magtago kahit kanino. Hindi ko hahayaan ang sinumang makapanakit sa kaniya.
Alam kong pagbabayaran ko rin ang mga kasalanan ko sa hinaharap pero sa ngayon, gusto ko munang makita ang anak kong lumaki at maging matagumpay sa buhay. Pagkatapos n'on, tatanggapin ko na ang parusang ipapataw sa akin.
Wala akong pinagsisihan. Para sa nasyon ang ginawa ko pero kahit na ganoon, lahat ng kasalanan ay kailangang pagbayaran. Alam kong sa gagawin ko ay mas lalo lang bibigat ang kaparusahan ko pero sa isa lang naman iyon mauuwi.
Sa kamatayan...
Iyon lang naman ang tanging paraan para mapagbayaran ang ginawa ko. Patatagalin ko lang.