CHAPTER TWO - Player Number 7

2633 Words
             “Tulala na naman si Ken-Ken,” ani Cherry nang maupo sa harapan nina Ken-Ken at Divina nang tanghaling iyon sa cafeteria ng school. Katatapos lang ng klase nito habang ang dalawa’y kanina pa roon at gutom na sa paghihintay.            “Ilang araw na ‘yang ganiyan, ayaw namang magsabi kung bakit,” sagot ni Divina, ang isang sulok ng labi nito’y nakataas habang nakatitig kay Ken-Ken na blangkong nakatingin sa lunch box nitong nakapatong sa mesa.            “Bakit, anong nangyari?” tanong naman ni Cherry habang inilalabas sa bag ang baon.            “Aba, malay ko. Simula noong namasyal kami sa plaza tatlong araw na ang nakararaan ay ganiyang na iyan.”            Salubong ang mga kilay na ibinalik ni Cherry ang tingin sa kaniya. “Anong nangyari sa plaza noong araw na iyon na hindi namin alam, ha, Ken-Ken?”            Lihim siyang napangiti; ang tingin ay hindi pa rin ini-aalis mula sa nakasara pa niyang lunch box. Sigurado siyang nagmumukha na siyang baliw sa katititig sa baonan niya habang nakangiti. Ang hindi alam ng mga kasama niya’y iba ang nakikita niya sa takip ng lunch box.            Ang nakikita niya roon ay ang mukha ng player na iyon na nakilala niya sa plaza tatlong araw na ang nakararaan.            Ilang ulit na niyang binalikan sa isip ang nangyari noong araw na iyon. Paulit-ulit niyang inalala at sinariwa sa isip.            Iyong araw na iyon matapos niyang kunin ang bag ng Miamiranda player number seven...   * * *              Para siyang sasakyang huminto sa paghakbang nang sa pagbalik niya sa court ay makitang tapos na ang game. Sa likod ng cultural hall na katabi ng covered court ang locker area kaya hindi niya nasaksihan ang laro. Pagbalik niya’y nagdidiriwang na ang mga manonood dahil nanalo ang Miamiranda team na may lamang na labindalawang puntos laban sa team na mula pa sa Bacolod.            Itinuloy niya ang paghakbang hanggang sa marating niya ang bench. Hinanap niya ng tingin si Player Number 7 mula sa mga nagdiriwang na grupo sa court, at nang makita itong pinaliligiran at binabati ng mga team mates ay muli siyang natigilan.            Kanina, nang una niya itong makita, ay kay seryoso ng anyo nito. Pero sa kabila niyon ay kay pogi ng mukha—yaong Pinoy na Pinoy at matangos ang ilong. Ngayong nakikita niya itong nakangiti ay lalo siyang na-gwapuhan. Pakiramdam niya’y mapupunit ang kaniyang dibdib at tatalon palabas sa kaniyang katawan ang kaniyang puso.            She had never felt this emotion before. This was new to her. Nagkaroon na rin naman siya ng crush sa ilan sa mga ka-klase niya noon pero hindi ganito ka-sidhi ang naramdaman niya na tila sasabog ang kaniyang dibdib sa lakas ng t***k ng kaniyang puso.            Iba ang dating sa kaniya ni Player Number 7.            Iba ang nararamdaman niya…            Iba ang epekto nito sa kaniya…            “Naku, pasensya ka na Miss, nagkamali ako.”            Sandali niyang inalis ang tingin sa gitna ng court at nilingon ang nagsalita sa kaniyang likuran. Doon ay nakita niya ang babaeng organizer na humila sa kaniya kanina. Nasa mga labi nito ang ngiting-paumanhin.            “Napagkamalan kitang kabilang sa mga staff dahil sa suot mo.”            Napangiti siya at akmang sasabihin ditong okay lang at nais niyang sumali sa listahan ng mga staff upang sa susunod na may laro ang Miamiranda team ay naroon siyang muli upang umasiste. Subalit bago pa man siya makasagot ay lumampas na ang tingin niya sa likuran ng babae at nakita si Divina hindi kalayuan sa bench area. Kumakaway ito at kinukuha ang pansin niya.            “Sinabi sa akin ng kaibigan mo na hindi ka pala namin kasama. Pasensya ka na.”            Hindi na niya nagawang makapagsalita pa nang kunin sa kaniya ng babae ang backpack na hawak niya, pati ang jacket ni Player Number 7 at ang susi ng locker.            “Ako na ang bahala rito; salamat sa tulong.” Nang tumalikod ito at bumalik sa bench upang ibigay sa ibang mga kasama ang mga gamit na kinuha niya sa locker ay lalo siyang nawalan ng sasabihin.            Ayaw niyang umalis doon. H’wag muna. Gusto niyang doon muna siya para malaman niya kung sino si Player Number 7, at upang makita pa niya ito nang malapitan. Gusto niyang makipagkilala kahit hindi niya tipikal na gawain ang ganoon.            “Ken-Ken, hoy!”            Napakurap siya at muling inituon ang tingin sa direksyon ni Divina nang marinig ang pagtawag nito. Nakita niya ang muling pagkaway nito sa kaniya.            “Hali ka na, uwi na tayo!”            Napabuntong hininga siya at muling nilingon ang court kung saan patuloy na nagdiriwang ang Miamiranda team sa pagkapanalo. Hindi na niya makita pa si Player Number 7 dahil lalong dumami ang taong nakapalibot dito at sa mga kasama upang bumati. Lalong naging crowded ang court, lalong nagkagulo at nag-ingay ang mga audiences sa labis na tuwa. Tila ba ang lahat ng naroon ay naka-suporta lang sa Miamiranda team dahil halos lahat ay nagdiriwang sa pagkapanalo ng mga ito.            “Huy!”            Napa-igtad siya nang maramdaman ang paghawak ni Divina sa braso niya. Binalingan niyang kaibigan.            “Uwi na tayo. Tumawag si Tatay at nagagalit dahil hindi kami nagpaalam ni Cherry na puputan sa plaza. Wala palang bantay ang pwesto sa tindahan kaya ie-extra muna kami. Hali ka na.”            Gusto sana niyang sabihin kay Divina na mauna na ang mga ito at maghahanap na lang siya ng traysikel na maghahatid sa kaniya pauwi mamaya, pero naalala niyang wala siyang dalang pamasahe at naroon siya dahil sa libre ng kaibigan.            Napabuntong hininga na lang siya, at nang akayin na siya ni Divina paalis ay hindi na siya tumutol pa.             * * * “Hindi na tayo nakapag-usap simula nang umuwi tayo mula sa plaza nang araw na iyon,” ani Divina na dumukwang at inilapit ang mukha sa kaniya. Doon nagising ang diwa niya at napa-atras nang bahagya. “Sabihin mo nga. Ano ang nangyari sa’yo nang lumapit ka sa bench ng Miamiranda basketball team?”            Umusog siya nang kaunti at binalingan ang lunch box. Binuksan niya iyon at kunwari ay handa nang mananghalian upang iwasan ang mga katanungan ni Divina. Hindi pa siya handang magsabi sa mga ito. Sumalubong sa kanila ang mabangong amoy ng dalawang hiwang adobong baboy na nakalibing sa kanin niya. Inilabas niya ang kutsara’t tinidor mula sa isang bulsa ng bag niya.            “Wala namang nangyari...” aniya saka tinusok ng tinidor ang ulam. “Kain na tayo.”            “Come on…” umiikot ang mga matang sabi ni Divina. “Bigla kang nag-iba simula nang araw na iyon. Tatlong araw kitang in-obserbahan at ngayon ay gusto ko nang malaman ang dahilan kaya ka nagkakaganiyan. May nang-api ba sa’yo roon? May nam-bully? Iyong organizer ba na humila sa’yo ang dahilan kaya ka tulala? Ano ang sinabi niya, ha?”            Hindi niya napigilang mapabungisngis sa sunud-sunod na sinabi ng kaibigan. Knowing Divina, mukhang wala talaga itong balak na tantanan siya.            Kaya ibinaba niya ang mga kubyertos saka ibinalik ang takip ng lunch box niya bago dumukwang sa mesa at sinenyasan ang dalawa na lumapit dahil may nais siyang ibulong sa mga ito.            Sumunod naman sina Cherry at Divina.            “Madalas kayong manood ng mga basketball games, hindi ba?”            Sabay na tumango ang magkapatid.            “Ibig sabihin ay marami kayong kilalang mga players na mula sa bayan natin?”            Nagkatinginan ang mga ito bago ibinalik ang pansin sa kaniya.            “Bakit?” ani Cherry. “Kailan ka pa nagkaroon ng interes sa mga basketball players?”            “Isa ba ito sa mga dahilan kung bakit ka nagkakaganiyan?” tanong naman ni Divina. “May nakilala ka bang player noong araw na iyon? Ni-bully ka ba niya? Anong sinabi niya sa’yo?”            Lalo siyang umusog na tila ba malaking sekreto ang sasabihin niya. “Hindi ako na-bully. Pero tama ka, Div; may nakilala ako nang araw na iyon. Ang kaso ay hindi ko nakuha ang pangalan niya.”            Bumangon ang interes ng dalawa, lalo at parehong alam ng mga ito na iyon ang unang beses na umasta siya nang ganoon.            “Ano ang jersey number niya?” tanong ni Divina.            “Player Number 7 ng Miamiranda University.”            Nagsalubong ang mga kilay ni Divina at binalingan ang ate. “Kilala mo ba, Cherry? Hindi ko gaanong kilala ang mga players ng MU.”            “Iyong nag-MVP!” ani Cherry, ang mga mata’y nanlaki. “Ngayong taon ay lumipat siya sa Miamiranda University mula sa pag-aaral sa St. Nicholas Maritime Univeristy. Nag-MVP din siya nang dalawang taon sa school na iyon bago siya na-kombinsi ng MU na lumipat sa kanila. Jusko, ang narinig ko pa nga ay malaki ang potensyal niyang gumaling pa lalo, at baka kalaunan ay kunin para maglaro sa National team.”            Nanlaki rin ang mga mata niya. Tumugma ang sinabi ni Cherry sa mga narinig niya mula sa dalawang lalaking manonood noong araw na iyon. “Alam mo ba ang pangalan niya?”            Napanguso si Cherry. “Naku, ako pa ba? Siyempre hindi! Alam mo namang makakalimutin ako at bumabase lang din sa player number. Sa dami nila, hindi ko matandaan ang lahat ng pangalan. Isa pa’y ngayon ko lang siya nakitang naglaro. Pero in fairness, day. Ang ganda ng laro niya noong araw na ‘yon. Ang daming fans!”            Napanguso siya saka bumalik sa pagkakasandal sa upuan. “Akala ko pa man din ay alam ninyo ang pangalan niya. Wala rin pala akong mapapala sa pag-share sa inyo. Tsk.”            “Ay grabe,” ani Divina. “Kung ma-dismaya naman ‘to ay para bang si Sharon Cuneta noong iwan ni Gabby Concepcion.”            Lalong nanulis ang nguso niya.            “Hayaan mo at itatanong ko kay Migz,” sabi naman ni Cherry na ang tinutukoy ay ang bago nitong boyfriend na katulad nito’y nasa huling taon na ng high school pero sa pribadong eskwelahan nag-aaral.            Si Divina ay banayad siyang siniko at nginisihan. “Kuuu. Ikaw ha? Marunong ka nang maghabol sa lalaki. Naku-curious na rin tuloy ako sa kaniya.”            Ngumiti siya at nangalumbaba sa ibabaw ng mesa. Ang kaniyang isip ay muling nagbalik noong araw na nagtagpo ang kanilang mga mata ni Player Number Seven.            “Ngayon lang naman ‘to,” aniya. Ang ngiti sa mga labi’y hindi na napalis. “Subok-subok lang. Laro-laro lang…”            Or so she thought…            Dahil wala siyang kaide-ideya na ang pag-gawa niya ng paraang makilala si Player Number 7 ang magbabago ng kapalaran nilang dalawa.   * *              “Miamiranda University player number 7?” ulit ni Migz, ang syota ni Cherry, nang tanungin niya ito nang magkita sila nang hapong iyon. Sadya siyang sumabay kay Cherry sa pag-uwi upang makausap nang personal si Migz at makapag-imbestiga siya tungkol sa player na iyon.            “Alam mo ba ang pangalan niya?” muli niyang tanong.            “Bakit? Gusto mo ba?” nakangising tanong pa ni Migz na ikina-ikot ng mga mata niya.            “Magtatanong ba ako kung hindi? Ano sa tingin mo ang dahilan kaya naghintay ako para itanong sa’yo? Wala lang, trip-trip lang?”            Hindi iyon ang unang beses na nakita niya si Migz; minsan na sila nitong ipinakilala ni Cherry sa isa’t isa kaya hindi na sila nagkakahiyaan.            Bahaw na natawa si Migz. “Ang init ng ulo mo lagi. Papaano ka magugustuhan ni Steel kung ganiyan ka?”            Kinunutan siya ng noo sa huling sinabi ni Migz.            “Steel?”            Tumango ito. “Ang tinutukoy mong si Player Number 7 ng Miamiranda University, ang MVP ng taong ito, ay si Steel Reynandez. Nakatira siya sa Enox Ave—ang nag-iisang private subdivision sa bayan natin, at anak ng may-ari ng Lacosta Merchandising. Kung hindi mo siya kilala, siguradong kilala ng mga magulang mo o ng mga mas nakatatanda ang pamilya nila.”            Lacosta Merchandising? ulit niya sa isip. Iyon ang pinakamalaking grocery center sa bayan nila.            Steel Reynandez?            Muli siyang nag-isip.            Bakit parang pamilyar sa kaniya ang apelyidong iyon? Minsan na ba niyang narinig iyon? O may naging ka-klase sila noon na iyon ang apelyido?            “Pamilyar nga ang apelyido niya,” sabat naman ni Cherry makaraan ang ilang sandali. “Hindi ko alam kung saan ko narinig; magtatanong ako mamaya kina Mama.”            “Kung may friendster ka ay siguradong mahahanap mo siya,” sabi pa ni Migz. “Iyon ay kung may account din siya roon. Kung wala ay manood ka na lang ulit ng practice game niya at makipagkilala. Likas sa mga basketball players ang magkaroon ng mga fans—at sa katayuan ni Steel, siguradong hindi iilan ang mga nakikipagkilala sa kaniya at nagpapahayag ng damdamin. Sa covered court tuwing Biyernes ng hapon ang practice game nila, lagi siyang naroon.”            “Ayaw ko nga, ‘no,” sabi pa niya sabay irap kunwari. “Baka isipin niya na patay na patay ako sa kaniya. Crush ko lang siya pero hindi ako desperada, ah.”            “Kuuu,” tuya ni Cherry. “Kunwari ka pa, eh ngayon ka lang nag-imbestiga tungkol sa lalaki. Ngayon ka lang nagkakaganiyan, eh. Sa mga dati mong crush ay hindi ka naman ganiyan.”            Hindi na siya sumagot pa nang dumating si Divina. Nahuli ito dahil cleaners pa ng grupo nito.            “Tara?”            “Tara,” sagot ni Cherry sa kapatid. “Manlilibre si Migz sa Burger Junction, doon tayong apat dumiretso.”            Nagtaas siya ng isang kamay. “Pass ako. Gagabihin ng uwi si Nanay dahil birthday ng asawa ng amo niya. Ako ang naka-tokang maghanda ng hapunan sa bahay mamaya.”            “O siya, sige. Bukas na lang tayo magkita,” sabi pa ni Cherry. “Matulog ka nang maaga at h’wag masyadong iniisip si Steel, ha?”            Napanguso siya, kunwari ay ayaw niyang tinutukso pero ang totoo’y kinikilig ang buto-buto niya.            Gustong-gusto niyang tinutukso siya ng mga ito kay Player Number 7. Gustong-gusto ng buong sistema niya. Hindi siya tipikal na ganoon sa tuwing may crush, at naninibago siya sa kaniyang sarili.            “Steel? Steel who?” ani Divina na sandaling nahinto sa akmang paghakbang. Pinaglipat-lipat nito ang tingin sa kanilang tatlo.            “Si Player Number 7; iyong bagong crush nitong si Ken-Ken,” paliwanag ni Cherry sa kapatid.            Inilipat ni Divina ang tingin sa kaniya. “Anong klaseng pangalan ‘yon? Steel as in bakal?” Bumungisngis ito. “Iba rin ang trip ng mga magulang niya, ano?”            Si Migz ay natawa sa sinabi ni Divina. “Tatlo silang magkakapatid na lalaki; si Steel ang bunso at nag-aaral sa Miamiranda University sa kursong marine engineering. Ang panganay ay si Steve, nagtapos bilang doktor. Ang pangalawa ay si Stanley, architech. Ang tatay nila ay si Mr. Arturo Reynandez, the mayor’s secretary. Ang nanay naman nila ay anak ng may-ari ng Lacosta Merchandise.”            “Aba, yayamanin, Ken-Ken!” ani Divina sabay siko sa kaniya. “Ang weird ng course niya kung ang pagbabasehan ay ang mga pinili at tinapos na kurso ng mga kapatid niya pero pwede na. Malaki raw ang allotment ng mga misis ng seaman, kaya pagbutihin mo, ha?”            Napabungisngis siya sa sinabi ni Divina. Si Cherry naman ay napailing na lang sa pagkamangha habang si Migz ay bahaw na natawa.            Hindi pa naman umaabot sa ganoon ang pantasya niya; hindi niya pinangarap na makatuluyan si Steel Reynandez at maging misis nito.            Gusto lang niyang makilala pa ito nang lubos.            Gusto niyang pagbigyan ang sariling habul-habulin ito lalo at ito ang unang beses na nakaramdam siya nang ganoon para sa isang lalaki.            Gusto niyang may kaunting spice ang buhay niya bago siya sumalang sa 4th year kung saan kailangan na niyang magseryoso sa pag-aaral para sa minimithing college scholarship.            Gusto lang niyang ma-inspire…            Hindi pa dumarating ang pantasya niya hanggang sa mga sinabi ni Divina.            Pero… sino ang nakaaalam?            Baka may ibang plano si Bro para sa kanilang dalawa ni Steel Reynandez… * * *    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD