CHAPTER ONE - The First Meeting

2497 Words
       “Wow, sinong politiko na naman ang namigay ng T-shirt sa barangay ninyo at may bago ka na namang damit?”          Tinapunan ng masamang tingin ni Ken-Ken si Divina matapos marinig ang sinabi nito. “Nakakatawa ‘yang joke mo?”         Ngumisi si Divina saka banayad na siniko sa braso si Ken-Ken. “Kuuu. Parang binibiro lang, eh. Hayaan mo na at bagay naman sa’yo ang penk.”         Umirap si Ken-Ken at hindi na pinalawid pa ang diskusyon.          Naiinis na rin siya sa damit niya, sa totoo lang. At tama si Divina, nakasuot na naman siya ng bagong t-shirt na ipinamigay sa barangay nila noong isang araw mula sa tumatakbong mayor sa bayan nila. Kulay pink ang t-shirt at makapal ang tela kaya nagustuhan niya. Ang nakakainis lang ay may mukha ng politiko sa likod ang damit na iyon at may pangalan nito sa harapan. At dahil wala siyang maisuot sa araw na iyon ay napilitan siyang gamitin ang t-shirt.          Sa katunayan ay wala nang bago roon. Madalas silang tumanggap na magkakapatid ng libreng mga t-shirts mula sa mga pulitiko dahil nakakapag-aral sila dahil sa scholarship ng mga ito. Kasama sa scholarship ang weekly allowance nila, libreng gamit sa school, at mga damit na may tatak o logo ng bawat politikong nagpapaaral sa kanila. Linggo-linggo ay nakatatanggap sila ng bagong gamit; mapa-sapatos man o damit.          Sa sapatos ay wala siyang problema. Alam niyang mumurahin lang ang mga iyon at maluwag pa sa size nila, pero at least lagi silang may bago.          Sa t-shirt lang siya may issue.         Bakit kasi kailangang naka-paskil ang mukha ng mga politikong iyon sa damit na ipinamimigay sa kanila? Kulang na lang ay home address at telephone number at magmumukha nang ID ang t-shirt na suot nila mula sa mga ito!          At ang nakakainis pa ay marami siyang katulad na damit noong araw na iyon.          Nagkakayayaan sila ng matalik na kaibigang si Divina na mag-ikut-ikot sa plaza dahil maraming mga stalls na nakapaligid doon sa linggong iyon. Maraming stalls na nagbebenta ng kung anu-anong mga abubot tulad ng pulseras, wallet, keychain, poster ng mga artista at anime characters, at mga mumurahing street foods. Mayroong mga iyon sa plaza sa buong linggo bilang paghahanda sa nalalapit na fiesta ng bayan nila. At sa araw na iyon ay may nagaganap ding basketball game sa covered court na katabi lang ng plaza. Ang mga manonood ay malakas na nag-iingay; tanda na maganda ang laban.          Madalas na magkaroon ng basketball game doon lalo tuwing nagaganap ang annual fiesta o summer vacation.           Hindi niya alam kung anong eskwelahan ang naglalaban-laban sa mga sandaling iyon—wala rin siyang pakealam na alamin dahil malibang hindi siya mahilig manood ng mga basketball games ay naiinis siya dahil hindi niya inasahang isa pala sa mga sponsors ng laro sa araw na iyon ang politikong namigay ng libreng t-shirt sa barangay nila kahapon. Ibig sabihin, ang mga staff na umaasiste sa mga players ay nakasuot ng kaparehong t-shirt na suot niya.          At ayaw niyang lumapit sa court dahil baka pagkamalan siyang isa sa mga staff doon.          Buti na lang at nakita niya kaagad ang mga nakapilang staff na suot ang kaparehong T-shirt na suot niya bago pa man siya tuluyang mahila ni Divina papasok sa covered court. Mahilig itong manood ng ganoon at lagi nitong kasama ang nakatatanda nitong kapatid na si Cherry na kaibigan din niya.             Ayon kay Divina ay naroon daw sa court si Cherry at nanonood ng game kasama ang syota nito. Ini-suhestiyon nitong hanapin nila si Cherry at makinood na rin. Pero nang makita niya ang suot ng mga volunteers sa gilid ng court ay nagdahilan siya kay Divina na nagugutom na at gustong maghanap ng pagkain.         “Hayun, may fishball!” turo ni Divina nang makita ang stall na nagbebenta ng mga fishball at palamig. Nauna pa itong humakbang at sandali siyang iniwan.          Kaagad siyang sumunod. At habang naghihintay sila na maluto ang inisasalang na fishball ng mamang tindero ay muli siyang sinulyapan ng kaibigan.          “Nga pala, naghahanap ng panibagong tindera si Tatay sa pwesto namin sa palengke. Umalis na si Ate Miling dahil manganganak na naman sa ika-sampu niyang anak. Bakante ba ang mama mo?”         Sina Divina ay may dalawang pwesto sa tindahan na nagbebenta ng mga gulay at ang isa nama’y karnehan. May kaya ang mga ito sa buhay, hindi tulad nilang mag-anak na umaasa sa tulong mula sa mga pulitiko.          Kung bakit kasi kay aga silang iniwan ng kanilang ama para magpahinga sa langit… Tuloy, ang inay na lang nila ang natira para itaguyod sila sa paglalabada.         “Apat na beses sa isang linggo na pumupunta si Nanay sa bahay ng bagong amo niya,” sagot niya. “Kailangan ninyong maghanap ng maaaring magbantay sa pwesto pitong araw sa isang linggo, at hindi si Nanay ‘yon.”         “Ilang buwan na ba siya sa bagong amo niya?”         “Anim na buwan na. Mababait daw ang pamilyang ‘yon at maayos magpa-sahod. Maliban pa roon ay araw-araw na may dalang masarap na ulam si Nanay dahil sadya raw ipinadadala ng mga amo niya.”         “Eh ‘di maganda pala kung ganoon,” sagot ni Divina na nag-umpisa nang tumuhog ng lutong fishball mula sa mainit na kawali. “Kahit nag-iisa lang si Tita sa pagtataguyod sa inyong apat na magkakapatid ay hindi siya gaanong nahihirapan dahil may suporta kayong natatanggap mula sa gobyerno at may maayos siyang pinapasukang trabaho ngayon.”         “Gusto kong bigyan ng maayos na buhay si Nanay balang araw,” aniya na ginaya rin si Divina at tumuhog ng fishball gamit ang stick na kinuha niya sa lagayan. “Kaya ako nag-susumikap sa pag-aaral ngayon dahil gusto kong makakuha ng scholarship sa kolehiyo sa siyudad at makapag-aral nang libre roon. Gusto kong makapagtapos sa pag-aaral nang hindi kami lubog sa utang. Kung makakukuha ako ng scholarship sa isa sa mga colleges na gusto kong pasukan, malaking tulong na iyon para sa amin.”         “Hindi ka mahihirapan, apaka-talino mo, eh.”         “Masipag lang mag-aral…” Dinala niya sa bibig ang isang fishball at ninguya iyon sa kabila ng nakapapasong init. “Kung ikaw ay nagsisipag ding mag-aral, ‘di sana’y hindi ka bumagksak sa Trigo.”         Napa-ismid si Divina. Um-order muna ito ng dalawang gulaman para sa kanila bago siya sinagot. “Kung may utak ako ng gaya sa’yo at kung sinasaniban ako niyang sipag mo, siguradong hindi ako babagsak sa Trigonomerty. Ang kaso, wala. Mahina talaga ako sa academics."         “Kung hindi ka ba naman kasi sana tamad mag-aral…” buska niya sa kaibigan na umikot lang ang mga mata at itinuloy ang pagkain.          Matagal na silang magkaibigan ni Divina kaya komportable silang magsalita nang ganoon sa isa't isa. Magkatabi lang ang baryo na tinitirhan nila, at dahil magka-klase sila simula pa noong grade two ay naging madalas ang pagsabay nila sa pag-uwi hanggang sa naging matalik silang magkaibigan. May nakatatanda itong kapatid na isang taon lang ang agwat sa kanilang dalawa, at nasa graduating class na ngayon. Naging kaibigan niya rin iyon dahil madalas na sumama kay Divina sa tuwing dadalawin siya sa bahay nila.          “Ewan ko ba at hindi para sa akin ang pag-aaral,” patuloy na reklamo ni Divina. “Sa katunayan ay ayaw ko nang mag-college.”         Kibit-balikat lang ang ini-sagot niya. Alam niya kung bakit walang interes si Divina sa pagpasok sa kolehiyo. Ang gusto nito’y humingi ng puhunan sa tatay nito upang kumuha ng sariling pwesto sa palengke at kumita ng sariling pera. Madalas ikwento ni Divina na ganoon ang gusto nitong gawin, kaya hindi na siya magtatanong pa sa dahilan nito kung bakit hindi na nais magpatuloy pa sa pag-aaral.         Kung sana’y ganoon lang din ka-simple ang pangarap niya para sa kaniyang sarili… hindi sana siya nape-pressure sa pag-aaral ngayon.         Oh well… Masaya naman siya kahit mahirap ang mga lessons. Masaya siya sa tuwing siya ang haharanging top 1 sa klase nila. Masaya siyang pinapupunta ang nanay niya sa eskwelahan upang ipakita na nakasulat sa blackboard ang pangalan niya bilang ang pinakamatalino sa klase nila. Masaya siyang nagiging kilala siya sa eskwelahan nila dahil sa taglay niyang talino at determinasyon.             Nakaka-pressure nga lang dahil mataas ang expectation ng mga tao sa kaniya. Sa puntong hindi siya maaaring magkamali. O bumagsak. O gumawa ng isang bagay na sa tingin ng mga ito'y makasisira sa pag-aaral niya.             Oh well. Mataas din ang expectation niya sa sarili. Marami siyang kailangang patunayan, marami siyang pangakong kailangang tuparin para sa pamilya nila.          Nahinto siya sa pag-iisip nang may marinig silang malakas na sigawan mula sa covered court. Mas malakas na hiyaw kaysa sa mga nauna kanina. At mukhang gumaganda ang laban… kung ang pagbabasehan ay ang pag-chi-cheer ng mga tao roon.         “Sino kaya ang nanalo?” ani Divina bago muling sumubo.          “Sino ba ang naglalaro?”         “Ang Miamiranda University at ang dayong team mula sa unibersidad sa Bacolod.”         Ang Miamiranda University na sinasabi ni Divina ay isa sa mga pribadong college institution sa siyudad; maraming mga taga-bayan nila ang nag-aaral doon dahil halos kalahati ng populasyon sa bayan nila ay pawang mga mayayaman. Ang siyudad ay kalahating oras lang na byahe sa jeep ang layo mula sa kanila, kaya araw-araw ding nasisiuwian ang mga estudyante na doon nag-aaral. Sa hula niya ay iyon ang team na ini-isponsoran ng politikong namigay ng T-shirt sa kanila kahapon.         “Tara, manood tayo.”         Bago pa niya naisubo ang huling fishball na nasa stick niya ay hinila na siya ni Divina. Bago sila tuluyang umalis sa harap ng stall ay naglapag ito ng bente pesos na halaga ng mga order nila. Nagpatianod siya sa kaibigan. Tutal ay tapos na ang game, wala naman na sigurong makakakita sa suot niya at wala naman na siguradong magkakamaling isipin na isa siya sa mga volunteer staff?         Pagdating sa entrance ng covered court ay halos hindi rin sila makadaan dahil sa mga nagsisiksikang mga manonood. Hinayaan niya si Divina na hilahin siya papasok habang siya nama’y patuloy na sumisipsip ng palamig mula sa straw niya. Habang nakikipagsiksikan sila ay bahagya na niyang naririnig ang masayang usapan ng mga manonood.          “Ang galing talaga ni Steel sa three points, ‘no?” anang isang mama, kausap ang kasama nito. “Kung wala siya sa team ng Miamiranda, walang pag-asang mananalo sila.”         “Tama ka, ‘tol,” sagot naman ng katabi nito na halos magkanda-haba-haba ang leeg sa pagsilip sa court. “MVP na naman sa taong ito ‘yang si Steel. Aba, ang laking potensyal ang ipinakikita. Point guard ang posisyon niya pero pang-team captain na rin ang performance.”         “Tsk, kakaiba talaga ‘yang batang ‘yan. Isang malaking karangalan na taga-rito siya sa atin.”         Hindi niya alam kung sino ang tinutukoy ng mga ito, at hindi niya alam kung bakit bumangon ang kuryusidad sa kaniyang dibdib. Wala siyang interes sa basketball, at lalong wala siyang interes sa mga lalaki. Pero bakit tila may bumulong na demonyo sa likod ng kaniyang isip at nagsabing alamin niya kung sino ang taong tinutukoy ng dalawang mama?         Kung taga-rito lang sa bayan nila ang Steel na iyon ay siguradong makikilala niya.         “Miss, malapit nang matapos ang game. Assemble na kayo sa bench ng Miamiranda team.”         Napahinto siya sa paghakbang nang may babaeng humawak sa braso niya, at dahil masikip at nagsisiksikan ang mga manonood ay napabitiw sa pagkakahawak sa kaniya si Divina nang tumigil siya sa paghakbang. Narinig pa niya ang pagtawag nito, subalit hindi na siya nakalingon pa nang hilahin din siya ng babaeng nagsalita patungo sa tabi ng court.          Gusto niyang sabihin dito na hindi siya kabilang sa mga staff, subalit bago pa man siya makapagsalita ay tuluyan na siyang nawalan ng sasabihin nang marating nila ang court kung saan sa kasalukuyan ay naka-time out ang kabilang grupo at nagtitipun-tipon ang mga players sa magkabilang gilid ng court. Nalula siya sa dami ng tao—napuno ang buong covered court!          Hindi iyon ang unang beses na nakapunta siya roon; madalas silang manood ng mga school programs na doon ginaganap, pero iba ang view kung nasa audience bleachers siya at hindi sa court.         “Hali ka na, ano ba?” anang babaeng humila sa kaniya. Ibinalik niya ang tingin dito at nasulyapan ang name tag na naka-pin sa may laylayan ng t-shirt na suot nito.          Ang babae ay ang organizer.         Mabilis niyang inubos ang palamig sa plastic na hawak-hawak pa rin niya. Nang maubos ay inisuksok niya sa bulsa ng suot niyang lumang pantalon ang plastic bago patay-malisyang sumunod sa babae habang hawak-hawak nito ang isa pa niyang kamay. Tuluyan na siyang hindi nakapagsalita nang marating nila ang bench ng Miamiranda University. Tapos nang mag-usap-usap ang mga ito at naghahanda na sa pagtatapos ng timeout. Binitiwan siya ng babae nang marating ang bench, sandali itong tinawag ng coach at kinausap, habang siya naman ay parang loka na ini-ikot ang tingin sa paligid.         Maingay ang mga audience, palakasan ng cheer. May kani-kanilang sinusuportahang koponan, at ang ilan sa mga iyon ay mga babaeng tumitili. Biglang pumasok sa isip niya ang isang anime na paboritong panoorin sa hapon ng kapatid niyang lalaki. Naalala niya ang mga babaeng nagtititili sa bleachers, iyong mga fans ng isang character doon na Rukawa ang pangalan. Kung tumili ang mga babaeng nasa audience ngayon ay kapareho ng sa anime.         “Hey, you.”         Napalingon siya nang marinig ang pagtawag na iyon. Hindi siya sigurado kung siya ang tinatawag subalit nasa likuran lang niya halos ang nagsalita kaya nilingon niya upang alamin.            Sa kaniyang pagharap ay nanlaki ang kaniyang mga mata nang may makitang keychain na lumipad sa ere at patungo sa direksyon niya. Maagap niyang ini-atras ang ulo bago pa man iyon tumama sa kaniyang noo. Ang kaniyang kamay ay awtomatikong umangat upang saluhin ang susi.            Nang nasa kamay na niya ang keychain ay muling nagsalita ang lalaking nag-itsa niyon.            “Kunin mo ang bag ko sa locker at i-abot sa akin pagkatapos ng game. Make sure to bring my jacket as well.”       Binalingan niya ang lalaking nag-utos at umitsa ng susi sa kaniya. Akma niya itong pagsasabihan nang bigla naman itong tumalikod. Bumaba ang tingin niya sa numerong naka-imprenta sa likod ng suot nitong jersey.          He was player number seven. Hindi niya kaagad nabasa ang apelyidong nakasulat sa likod nito nang muli itong humarap sa kaniya at paatras na naglakad pabalik sa court.          Ibinalik niya ang tingin sa mukha nito at doon ay nagsalubong ang kanilang mga mata.          “Number 247 ang locker ko. Make it fast—I’m about to win this game.”         Hindi na siya nakasagot pa nang muling tumalikod ang lalaki at puwesto sa gitna ng court saka sinalo ang bolang i ng kasama.         Hindi na niya nagawa pang sumagot.          Hindi na dahil biglang kumabog nang malakas ang kaniyang dibdib.         Biglang nataranta ang kaniyang puso.         Sino ang… lalaking iyon?         At bakit tumitibok nang malakas ang puso niya? * * *
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD