CHAPTER THREE - So Close, Yet So Far

3525 Words
           “Mano po, ‘Nay.” Inabot ni Ken-Ken ang kamay ng inang si Weng nang pumasok ang huli sa pinto ng bahay nila. Pasado alas dies na ng gabi at noon pa lang ito nakauwi. Sa isang kamay nito’y bitbit ang malaking paperbag. “Ano ‘yan, Nay?”                        Ini-abot sa kaniya ng ina ang dala nito matapos niyang magmano. “Iuwi ko raw sa inyo sabi ni Maam Milla.”              “Ang amo ninyo?”              Tumango ito at itinuloy na ang pagpasok. “Mga paborito ninyong lahat iyan kaya tawagin mo na ang mga kapatid mo at kumain na kayo.”              “Katatapos lang naming maghapunan, ‘Nay, eh. Ilalagay ko na lang po muna siguro sa ref at bukas na namin kainin.”              Dire-diretso ang inay niya sa kusina habang siya naman ay nakasunod lang sa likod nito. Ang dalawa sa mga kapatid niya ay nasa kabilang bahay at nanonood ng telebisyon; sira ang TV nila kaya nakikinood na muna sila sa kapitbahay. Habang ang isa pa niyang kapatid, ang bunso, ay nasa silid at naghahanda na sa pagtulog.              Ang kaniyang ina ay kumuha ng baso na nakataob sa ibabaw ng mesa saka nagsalin ng tubig mula sa pitsel na naroon din. Uminom ito, at habang inuubos ang laman ng baso ay nakatitig ito sa kaniya. Siya naman ay tinungo ang maliit nilang ref at ipinasok doon isa-isa ang mga pagkaing nakasilid sa garapon na dala ng kanilang ina.              Habang abala siya sa ginagawa ay muling nagsalita ang nanay niya.                        “Anak, pwede ba akong humingi ng tulong sa iyo bukas?”              Bahagya niya itong nilingon. “Tulong saan, Ma?” Biyernes naman bukas, at tuwing ganoong araw ay maaga ang uwian nila. Alas dos pa lang ng hapon ay tapos na ang klase.              “Ihahatid bukas nina Maam Milla ang labahan ko rito; may ipina-pa-renovate sa bahay ang mga amo ko at walang espasyo para sampayan kaya nagsabi akong dalhin na lang ang mga labahan dito sa atin. Masyadong marami iyon dahil lalabhan ko rin pati ang mga kurtina at table cloth na ginamit kanina sa birthday ni Madam, kaya bukas ng hapon, pwede ba akong magpatulong sa pagtutupi at pamamalantsa?”              “Sige, ‘Nay. Maaga akong uuwi bukas; iwan niyo na po sa akin ang pagtutupi at pamamalantsa.” Itinuloy niya ang ginagawa. Dahil wala namang gaanong laman ang ref nila maliban sa tatlong plastic bottles ng softdrinks na nilagyan nila ng tubig at mangkok na may lamang natirang ulam, ay madali niyang nai-organisa ang apat na containers ng magkakaibang mga ulam.              Lihim siyang napangiti; may apat na putahe siyang pagpipilian bukas para ibaon sa school; makakapagpahinga na rin siya sa wakas sa pag-ulam ng hotdog, itlog, at adobong baboy.              Matapos niyang mai-ayos ang mga containers ay ini-fold niya ang paperbag na pinagsidlan sa mga iyon saka ini-siksik sa bulsa ng cover ng ref. Nang humarap siya sa ina ay nahinto siya nang makita ang seryoso nitong anyo habang nakatitig sa kaniya.              Nagsalubong ang mga kilay niya. “Bakit, ‘Nay?”              Matagal bago ito muling nagsalita. “Third year ka na, anak. Sa susunod na taon ay magtatapos ka na sa high school. Nakapag-isip-isip ka na ba kung anong kurso ang kukunin mo sa kolehiyo?”              Tumango siya. Mukhang alam na niya kung saan papunta ang topikong iyon.              Sandaling natahimik ang kaniyang ina, ang mga mata nito’y naging mailap.              Ilang sandali pa ay…              “Gusto mo bang maging titser?”              Sabi na nga ba… bulong niya sa isip.              Ang pampublikong kolehiyo sa bayan nila ay nag-o-offer ng libreng mga vocational courses, pati na rin education and IT courses. At dahil iskolar siya ng isang politiko ay wala siyang po-problemahin sa allowance at mga gamit niya sa iskul.              Libreng gamit, allowance, at college tuition kung doon lang siya sa bayan nila mag-a-aral para sa kolehiyo. May dalawang kurso siyang pwedeng pagpilian.              Magandang oportunidad iyon upang makapag-aral siya nang walang gastos.              Ang kaso… ayaw niyang maging guro. Hindi rin para sa kaniya ang IT.              Ang nais niya ay maging isang graphic artisit. Gusto niyang mag-disenyo ng magazine, gumawa ng layout, paglaruan ang mga design, mag-combine ng mga kulay, magresearch, ayusin ang mga digital photos, gumawa ng poster at logo, makipag-brainstorming sa magagaling na mga graphic artists... Naiisip pa lang niyang magtrabaho sa ganoong field ay nae-excite na siya.              Noong nakaraang taon pa niya pinangarap iyon nang minsan niyang nakita ang layout ng school newspaper nila. Marami siyang naging opinyon tungkol doon, at sinabi niya sa sarili na kung siya ang nagdisenyo o nag-layout niyon ay siguradong mas magmumukhang malinis at propesyonal ang itsura, saka mababasa nang mabuti ang mga nakasulat na mga impormasyon. Narinig iyon ng titser nila kaya sinabihan siyang ‘she has an eye of an artist’. Doon nabilog ang ulo niya at doon niya pinangarap na magtrabaho bilang isang graphic designer. Sinabi rin ng titser nila na malaki ang sahuran sa ganoong trabaho.              Hindi pa niya nasasabi sa ina ang nais niyang iyon, pero desidido na siya.              Kaya siya nag-aaral nang mabuti; kaya niya napanatili ang matataas na mga grado at magandang record sa iskul. Nais niyang pagdating ng araw na kukuha siya ng mga exams for scholarship sa mga unibersidad na nag-o-offer ng kursong malapit sa arts ay makapasa siya. Sisiguraduhin niyang walang babayaran ang ina niya sa kaniyang pag-aaral sa kolehiyo kahit na sa pribadong school pa siya mag-aral. Willing din siyang mag-part time job para kung sakaling may mga babayarin ay hindi na siya manghingi pa sa ina.              Napagplanuhan na niya ang lahat.              Hindi siya mag-gu-guro. Mag-aaral siya sa pribadong unibersidad sa syudad, at kukuha ng kursong fine arts o multimedia arts. Alinman sa dalawa.              “Ayaw kong maging teacher, ‘Nay,” sagot niya sa ina makaraan ang ilang sandaling deliberasyon niya sa sarili. “Hindi rin para sa akin ang information technology. Ayaw ko rin ng mga vocation courses na ino-offer dito sa bayan natin.”              Muli itong natahimik; tila pinag-iisipan kung ano ang sasabihin bilang tugon sa sinabi niya. Nasa anyo nito ang bahala na pilit ikinukubli.                        Nagpatuloy siya. “H’wag kayong mag-alala, ‘Nay. Kung sakaling makapasa ako ng full scholarship sa unibersidad na papasukan ko ay wala rin po kayong babayaran. Magpa-part time job din po ako para hindi na po ako manghingi sa inyo, at patuloy pa rin naman po ang suportang matatanggap ko mula sa LGU hanggang kolehiyo, ‘di po ba? Hindi po tayo magkakaroon ng problema kahit sa private college ako pumasok. Sisiguraduhin ko po iyon.”              Nanatiling tahimik ang kaniyang ina.              Hanggang sa… napangiti ito. Nawala sa anyo ang kanina’y pag-aalala.              “Nananalig ako sa galing at talino mo, anak. Ang laki ng pasasalamat ko at lumaki kang responsible at matulungin.”              Ngumiti rin siya, lihim na nagpasalamat dahil hindi na nagpumilit ang ina na mag-aral siya sa public school sa bayan nila.              “O siya, sige na’t magpapahinga na ako. Marami pa akong labahan bukas.”              Sinundan niya ng tingin ang ina hanggang sa makalabas ito sa kusina at makapasok sa silid na sine-share nito sa dalawang bunso niyang kapatid. Sa isa pang silid katabi niyon ay ang silid niya at ng kapatid niyang babae na nasa grade six na ngayon.              Nagpakawala siya ng mahabang buntong hininga nang sumara ang pinto ng silid na pinasukan ng ina.              Sisiguraduhin niyang sa pagtatapos niya ng pag-aaral ay tutulong siya sa pamilya nila. Sisiguraduhin niyang magiging maayos ang buhay nila at mapagpapahinga na niya ang nanay nila sa paglalabada.              Kaya kailangan niyang mag-focus sa pag-aaral.              Kailangan niyang lumayo sa mga bagay na makasisira sa focus niya.              Tulad ng lalaki.              Hindi siya pwedeng mag-boyfriend.                   * * *                “Hindi ka talaga pwedeng mag-boyfriend, lalo kung ganiyang may fixed na plano ka na para sa kinabukasan ninyo ng buong pamilya mo. Pero pwede kang mag-crush at walang masama roon,” sulsol ni Divina sa kaniya matapos niyang ikwento ang naging usapan nila ng ina noong nakaraang gabi.              Biyernes ng hapon at pauwi na sila. Kasabay niya sina Divina at Cherry katulad ng madalas na mangyari. At dahil hindi naman kalayuan ang mga bahay nila mula sa pinapasukan nilang public high school ay naglakad lang silang tatlo.              “Tama,” sabat naman ni Cherry sa sinabi ng kapatid. Pinagigitnaan siya ng mga ito. “Wala akong nakikitang masama kung magka-crush ka. Maganda nga iyong ganoon, may inspiration ka. Hindi ka tatamaring pumasok sa school dahil excited kang makita ang crush mo.”              “Pero paano kung ‘yong crush ko ay hindi naman sa school natin nag-aaral?” aniya.              Bumungisngis si Divina. “Si Bakal ba?”              Bakal… Steel.              Lukaret talaga si Divina.              “Pwede pa rin naman iyon,” sabi naman ni Cherry. “Ang punto ay nai-inspire ka na gumising sa araw-araw at gawin ang mga bagay na araw-araw mong ginagawa. Masarap kayang ma-in love…”              “Crush ang usapan, hindi love,” sabat ni Divina sa sinabi ng ate with matching rolling eyes pa. “Iba ang crush sa love.”              “O sige nga, define crush,” hamon ni Cherry.              “Crush is…” Sandaling nag-pause si Divina upang mag-isip. “Crush is… an unexplainable feeling. While love is… like a rosary that is full of mystery.”              Sabay silang napabungisngis ni Cherry sa naging eksplanasyon ni Divina.              “Remind mo akong isulat ‘yang sinabi mo sa autobiography ko,” aniya sa kaibigan na napangisi lang.              Ilang sandali pa’y natahimik siya.              Tama si Cherry; okay lang naman sigurong magka-crush siya? Hindi naman siguro distraction ang magkaroon ng crush sa isang lalaki habang nag-aaral? Instead, magiging inspirasyon pa nga niya iyon. Maaari siyang magka-crush kay Leonardo Di Caprio at magbaliw-baliwan dito, at paniguradong hindi siya madi-distract sa pag-aaral nang dahil lang doon.              Yep.              Okay.              Itutuloy niya ang ‘crush’ niya kay Player Number 7; Steel Reynandez.              “Speaking about crush…” pukaw ni Divina. “Bakit hindi tayo manood ng practice game ni Steel Reynandez doon sa covered court sa bayan? Nabanggit kahapon ni Migz na tuwing Byernes ay may practice game doon ang lahat ng mga basketball players ng bayan natin kahit hindi sila magka-team o hindi magkapareho ng school na nire-representa. Ano, taralets?”              “Kailangan kong umuwi nang maaga para tulungan si Nanay sa labada niya. Marami-rami raw iyon eh.”              Napalingon sa kaniya si Cherry. “Pupunta ka sa bahay ng mga amo niya?”              Umiling siya. “Dadalhin sa bahay ‘yong labada niya dahil wala raw siyang masasampayan doon sa bahay ng mga amo niya.”              “Hmm… I see. Hindi mo pa ba nakikilala ‘yong pamilyang pinagsisilbihin ni Tita Weng?”              Muli siyang umiling. “Hindi pa. Pero ang sabi ni Nanay ay kilala raw ang pamilya ng mga ‘yon dito sa atin. Tsaka isa pa, hindi nagku-kwento masyado si Nanay tungkol sa trabaho niya roon kaya hindi rin ako nagtatanong.”              Natatanaw na niya ang bahay nina Cherry at Divina. Mula roon hanggang sa bahay naman nila ay limang minutong lakad pa.              “Sama ako sa inyo,” ani Divina nang marating na nila ang tapat ng gate ng mga ito. “Iwan ko lang sa bahay ‘tong bag ko at magpalit lang ako ng damit, tapos ay sasama ako sa inyo.”                        “Anong gagawin mo roon? Magtutupi at mamamalantsa ako, hindi rin kita maasikaso. Isa pa’y wala akong pang-meryenda sa’yo.”              “Na para namang pupunta lang ako roon para magmeryenda. Wala rin akong gagawin sa bahay kaya tutulungan na lang kita sa gagawin mo. Pagkatapos ay punta tayo sa bayan mamaya para bumili ng fishball.”              “Daanan ninyo ako mamaya sa bahay kung mag-pi-fishball kayo,” ani Cherry. “May project akong tatapusin kaya hindi ako makasasama sa bahay ninyo, Ken. Bukas at sa Linggo kasi ay magkikita kami ni Migz, kaya ngayon pa lang ay dapat matapos ko na ‘yon.”              “Naku, unahin mo ‘yang project mo at h’wag mo akong intindihin, Cherry.”              Matapos i-drop ni Divina ang bag sa bahay ng mga ito at matapoos magbihis ay dumiretso na sila sa bahay nila. Pagdating doon ay inabutan niyang namamalansta ang nanay niya ng mga bed covers. Mabilis niyang ibinaba ang bag sa kawayang sofa at lumapit sa ina.              “Ma, ako na niyan.”              “Tapusin ko lang itong isa, anak. Magpahinga ka muna.” Inilipat ni Weng ang tingin kay Divina. Napangiti ito. “Buti at nadalaw ka, Div. Kumusta ang mama mo? Noong nakaraang nagkita kami sa palengke ay nagrereklamong madalas mahilo.”              “Baka buntis, Tita,” loko ni Divina na ikinatawa ni Weng. Alam ni Divina na imposible nang magbuntis ang ina nito dahil sa edad.              “Loko ka talagang bata ka. Baka kaya nahihilo ang mama mo ay dahil sa kakulitan mo.” Binalingan ni Weng ang anak. “Pakikuha na lang ng mga sinampay sa likod, anak. Tuyo na ang mga iyon. Tatapusin ko lang itong pamamalantsa ng bed sheet na ‘to at magpapahinga na ako. Mga damit lang naman ang natirang nakasampay sa likod, anak. Hindi gaanong marami.”              Tumango si Ken-Ken at sinenyasan ang kaibigan na sumunod.              Sa kusina ay may pinto palabas sa likuran ng bahay nila kung saan naroon ang mga sampayan. Napangiwi siya nang makitang marami ang mga sinampay taliwas sa sinabi ng nanay niya.              “Isang dosenang tao yata ang pinagsisilbihan ng nanay mo, Ken-Ken. Apaka-raming damit niyan, ah? Ganito ba ka-rami lagi ang damit na nilalabhan ni Tita Weng?”              “Marahil,” aniya; nalungkot nang maisip na hindi rin talaga biro ang trabaho ng ina nila para mabuhay lang silang apat na magkakapatid. “Ngayon ko lang din nalaman na ganito karami ang mga labahan ni Nanay.” Nilingon niya si Divina na isa-isang sinuri ang mga naka-hanger na damit pambabae sa isang sampayan. “Ikaw na diyan at doon naman ako sa kabila.”              Iniwan na niya si Div at nagtuluy-tuloy sa likurang bahagi ng bakuran kung saan nakasampay naman sa nylon cord ang mga damit panglalaki. Karamihan sa mga iyon ay t-shirts at cargo pants. Isa-isa niya iyong kinuha mula sa sampayan, at nang mabigatan na siya sa mga bitbit ay humakbang pabalik sa kusina upang ipasok ang unang batch.              Sa kaniyang paglingon ay nahinto siya nang may makita.                        Sa kabilang sampayan, doon sa pumapagitan sa kanila ni Divina, ay may naka-hanger na puting uniporme.              Alam niya ang unipormeng iyon.              Iyon ang unipormeng suot ng mga estudyanteng nag-aaral ng kursong marine engineering. Maraming mga lalaking estudyante sa bayan nila ang nag-aaral ng kursong iyon sa dalawang malalaking unibersidad sa siyudad.              At ang tatak ng uniporme ay mula sa unibersidad ng Miamiranda.              Wala sa loob na lumapit siya sa nakahanger na unipormeng iyon at bahagyang inusog ang mga katabi ng sinampay upang mabasa niya ang letrang naka-embroid sa ibabaw ng bulsa sa bandang dibdib ng uniporme.              REYNANDEZ SL              Reynandez?              Hindi niya alam kung bakit biglang kumabog ang dibdib niya.              Reynandez…              SL? First and middle initials?              Steel Lacosta Reynandez!              Ayaw niyang mag-assume, pero malakas ang kutob niya.              Nahinto siya sa pag-iisip nang biglang humawi ang mga damit na naka-hanger sa harapan niya at bumungad ang mukha ni Divina. Ang mga mata nito’y nanlalaki sa gulat na tila ba may nakitang multo.              Sandaling nawala ang isip niya sa nabasa. “Ano’ng nangyari sa’yo?”              Imbes na sagutin siya ay ini-taas ni Divina ang hawak sa isang kamay.              At katulad ni Divina ay nanlaki rin ang kaniyang mga mata.              Muntik na niyang mabitiwan ang mga labahang yakap-yakap niya nang makita kung ano ang damit na hawak nito. Inagaw niya iyon at inilapit sa mga mata upang masigurong hindi siya pinaglalaruan ng kaniyang isipan.              Bahagyang nanginig ang kaniyang mga kamay, ang kaniyang dibdib ay lumakas ang pagkakakabog.              Hindi siya makapaniwala…              Ang jersey na hawak ni Divina ay may tatak/logo ng Miamiranda University.              At ang pangalang nakasulat sa likuran ay Reynandez - 7.              At ang jersey na iyon ang eksaktong jersey na suot ni Player Number 7 noong unang araw na nakita niya ito sa court.              Parang may kung anong sumabog sa kaniyang utak na halos hindi na niya nagawang igalaw pa ang buong katawan.              Ilang beses siyang kumurap upang siguraduhing hindi siya namamalikmata.              “Kennary,” ani Divina na tulad niya ay halos hindi rin makapaniwala. “All this time, halos abot-kamay mo lang siya.”              Sandali niyang inalis ang tingin sa hawak na jersey saka binalingan ang kaibigan na hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi na maalis-alis ang panggilalas sa anyo.              “All this time ay may connection kayong dalawa.”              Napalunok siya. At sa nanginging na boses ay… “M-Maka-all this time ka, parang sampung taon ko nang crush si Steel Reynansdez, ah.”              Hindi siya makapaniwalang nagawa pa niyang mamilosopa. Pero wala siyang ibang maisip na sabihin kung hindi iyon lang. Tulad ni Divina ay labis-labis pa rin ang panggilalas niya.              Tama si Divina.              All this time… Steel Reynandez was part of her mother’s life.              Ang pamilya palang pinagsisilbihan ng ina niya… ay ang pamilya Reynandez.              Ilang beses na ba sa loob ng anim na buwan na nahawakan ng nanay niya ang hinubad na damit ni Steel? Ilang beses nang naamoy ng nanay niya ang pawis ni Steel mula sa damit nito? At ang underwear nito…              Jusko.              “Kinikilabutan ako r’yan sa ekspresyon ng mukha mo, Ken-Ken,” ani Divina na bahagya nang nakabawi mula sa pagkagulat. “Anong kalokohan ang tumatakbo r’yan sa utak mo, ha?”              Kalokohan? ulit niya sa isip. Wala akong kalokohang naiisip. Pero… Pero mukhang sinilaban ng apoy ang puso ko. Para akong nabuhayan ng loob; sumiklab ang pag-asa.              At ang daming ideya ang pumapasok sa isip niya.              Lalo siyang na-inspire.              “Kay dali mo palang ma-a-access si Steel Reynandez kung gugustuhin mo,” ani Divina makaraan ang ilang sandali. “Sumama ka lang kay Tita Weng papunta sa bahay nila sa Enox Street ay makikita mo na siya. Anong malay mo, baka magkalapit pa kayong dalawa?”              Lumapad ang ngiti niya.              Pwede.              Pwedeng mangyari ang ganoon.              At habang kung ano-anong mga scenarios ang tumatakbo sa kaniyang isip ay humagikhik si Divina.              “Ang kaso ay baka mata-pobre iyong crush mo at ayaw makipagkaibigan sa mga tulad natin.”              Napasimangot siya sa biglang kabig nito. “Ano ba ang tulad natin? Malibang magkaiba ng trabaho ang mga magulang namin ay pareho lang naman ng digestive system ang mayroon tayong lahat, ah? Ano ba sa tingin mo ang kanila? De makina?”              Umikot ang mga mata ni Divina. “Alam mo kung ano ang ibig kong sabihin.”              “Tse! Masyado pang maaga para mag-assume ka na may attitude si Steel.” Ngumisi siya at muling niyuko ang jersey. “Gusto kong umasa na mabait siya at willing siyang makipag-kaibigan sa akin.”              “Sa anak ng labandera nila?”              Matalim na tingin ang ipinukol niya kay Divina.              “Oy, wala akong ibig sabihin doon. I was stating facts; hindi ko minamata ang trabaho ni Tita Weng, ha? Ang point ko ay ang layo ng difference ng pamumuhay ninyong dalawa, at itong gagawin mong pagtupi at pagplantsa ng mga damit niya ay isa lang sa patunay kung gaano ka-layo ang agwat ng social status ninyong dalawa. Ang point ko rito ay ganito. Anak si Steel ng isa sa mayayamang tao dito sa bayan natin. Well… government employee ang tatay niya, pero ang dinig ko’y galing sa marangyang pamilya ang nanay niya—ang mga Lacosta. Siguradong lumaki siyang pinaliligiran ng mayayamang mga kaibigan. Sa tingin mo ba ay kakaibiganin niya ang katulad natin? Naku, day. Kung nanonood ka ng mga Mexina novela tuwing gabi, maiintindihan mo ang ibig kong sabihin. Ang mayaman ay sa mayaman lang. Ang tulad natin ay hindi nila tatapunan ng tingin.”              Lalong nanulis ang nguso niya.              Nainis siya kay Divina dahil sinisira nito ang pantasya niya.              Ano ba ang alam nito? Hindi naman lahat ng mayayaman ay pare-pareho ng ugali. Ano’ng malay nila kung iba si Steel sa mga tipikal na mayayamang kilala ni Divina?              Ibinalik niya ang tingin sa hawak na jersey ni Steel Reynandez.              Five days ago, Steel was wearing the very same jersey. Now, she was holding it.              Steel Reynandez was so close.              And yet, he’s so far.              Paano kung minalas-malas at totoo ang sinasabi ni Divina tungkol sa mayayamang mga tao? Papaano niya tatawirin ang pagitan ng pamumuhay nilang dalawa ni Steel Reynandez?              Teka… Sandali siyang natigilan. Crush lang naman, bakit may pagitan ng pamumuhay na akong kailangang tawirin?              “Anak?”              Mabilis niyang ibinaba ang jersey na hawak saka binalingan ang ina na biglang sumulpot sa pagitan ng mga sinampay.              “Nay, akala ko magpapahinga na po kayo?”              “Baka makalimutan ko. Gisingin mo ako kapag natapos mo na ang pagtutupi at pamamalantsa, ha? Ihahatid ko pa ang mga ‘yan sa bahay ng mga Reynandez. Samahan mo ako mamaya para may kasabay akong umuwi.” Iyon lang at muling naglaho sa likod ng mga sinampay ang nanay niya.                        Tulala siyang napatitig kay Divina na nanlaki ang mga mata.              Ilang sandali pa’y… napabulalas ito.              “Jusko, day! Magpaganda ka mamaya!” * * *  

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD