Episode 6

1165 Words
SI MARJORIE ay isang doktor. Isa itong babae at sa hindi malamang kadahilanan ay paminsan-minsan bumibisita ito kay Anna. Hindi lingid sa kaalaman ni Anna na kabilang si Marjorie sa mga sinadikatong dumukot at may bihag sakaniya. Doktor ito na nagsisilbi ng direkta sa pinaka pinuno ng mga sindikato. Hindi niya magawang magalit rito dahil tanging ito lang ang mabait at kumakausap sakaniya. “Anong ginagawa mo rito?” Mahinang tanong niya rito na tumayo sa harapan niya. “Malalim na ang gabi pero gising ka pa. Matagal rin kitang hindi napuntahan rito,” Hindi siya nakaimik at napababa lang ng tingin. “Wala ka namang dahilan para puntahan ako. Bihag niyo ako, masamang tao kayo— “Pero hindi ikaw ang pinunta ko rito ngayong gabi. Sabi ni Gary ay may nakuha raw silang bata at dito siya ipinakulong. Ipinapagamot sa’kin ang tama niya ng b***l bago hingan ng ransom ang mga magulang niya. Ang sabi ay paniguradong anak mayaman ito, nasaan na ‘yung bata?” Natigilan siya at mabilis na napadako ang tingin niya kung saan ay tingin niyang nandoon si Nixon, nanliit ang mga mata niya at pilit itong inaninag at bahagya siyang nagulat nang makitang nakahandusay ito sa sahig na tila walang malay. Totoo ba siyang nawalan ng malay o nagpapanggap lang? Napalunok si Anna at muling tumingin kay Marjorie na biglang naglabas at nagsindi ng flashlight bago inilibot ang tingin sa paligid hanggang sa dumako ang sinag ng hawak nitong liwanag sa gawi ni Nixon. Hindi siya umimik nang talikuran siya ni Marjorie at lapitan nito si Nixon na hindi gumagalaw habang nakahandusay lang sa malamig na sahig. Nakatingin lang siya rito nang umupo si Marjorie sa gilid nito. Napahinga siya ng malalim, “Bakit mo ‘to ginagawa? Masamang tao ka hindi ba? Bakit ganito ka makitungo sa’kin? Bakit niyo ginagawa ang mga bagay na ito? Mamamatay tao kayo.” Nanatili lang siya sa kinatatayuan habang nakatingin sa gawi nitong inumpisahang gamutin ang nakataling sugat ni Nixon gamit ang mga dalang gamit. “Anna...” Biglang sambit ni Marjorie sa pangalan niya. Hindi siya umimik. “Alam mo ba kung bakit hanggang ngayon ay buhay ka pa rin? Kung bakit hindi katulad ng ibang mga bata na binebenta at pinapatay, ay nanatili ka rito sa abandonadong gusaling ito ng buhay?” Napalunok siya sa sinabi nito nang magsimulang sumikdo ang dibdib niya, “B-Bakit?” Halos pabulong na saad niya. “Dahil sa’kin,” Hindi niya alam kung matutuwa siya, magagalit, o malulungkot pero mabigat na mabigat ang nararamdaman niya sa dibdib. Matagal nang katanungan sa isip niya at hindi niya inaaasahang ngayong gabi niya makukuha ang kasagutan. “B-Bakit?” Iyon nalamang ang tanging naisantinig niya nang marinig niya ang pagbuntong-hininga nito. Ito ang dahilan kung bakit buhay pa siya hanggang ngayon? Kung bakit nanatili siyang mag-isa at naghihirap sa silid na ito? Kung bakit hinayaan siyang mabuhay ng mga dumukot sakaniya? “Aalis ako papuntang Germany at hindi na ako babalik. Sasabihin ko ang bagay na ito at nasa sa’yo kung papaniwalaan mo o kakalimutan mo,” Nakatingin lang siya kay Marjorie na nakatalikod habang abala sa paggamot sa sugat ni Nixon. “Anna Drusilla ang pangalan mo, kakambal ko ang Nanay mo. Oo, mag-tiyahin tayo,” Napaawang ang labi niya sa narinig. “A-Anong— “Tinatanong mo kung bakit hinayaan kong mangyari ito sa’yo? Hindi Anna, hindi ko ginusto ito. Hindi ko kasalanan na ikaw ang nadukot ng sindikatong kinabibilangan ko. Bago ka pa isinilang, sira na ang buhay ko at kontrolado na ito ni Oscar. Plano ko nang umalis noon at magpakalayolayo, takasan ang sindikatong ito pero bigla kang sumulpot,” Tumigil ito sa pagsasalita. Kaya ba magaan ang loob niya rito? Kaya pala mabait ito sakaniya. Hindi niya lubos maisip. May kamag-anak pa pala siya. “Sinubukan kitang palayain, sinubukan kitang tulungan. Sinubukan kong pakiusapan si Oscar na pakawalan ka na, ngunit nalaman niyang binabalik kong umalis at tumakas mula sakaniya kaya’t ikaw— imbes na pakawalan ka niya at ako, pareho niya tayong ibinihag, kaya’t nanatili kang buhay rito ay dahil ikaw ang ginagamit ni Oscar bilang pagbabanta saakin na kapag umalis ako sakaniya ay papatayin ka niya. Nanatili ako bilang kapatid na panatilihan kang buhay, pinapahirapan at at piangtatrabaho pero walang nagtangka ng masama sa’yo, hindi ba? Walang nanakit sa’yo, walang gumahasa sa’yo, nanatili kang ligtas.” Pawang piniga ang puso niya sa narinig at hindi niya namalayan ang panunubig ng mata niya habang nakikinig sa sinasabi ni Marjorie. “P-Puwede mo akong iwan pero bakit hindi mo magawa— “Buong buhay ko— namuhay ako ng sumusuway sa magulang ko, napariwara ako, hindi ko inisip ang pamilya ko, tanging sarili ko lang ang inisip ko. Noong dumating na ako sa punto na kaya ko nang bumawi, na kaya ko nang humingi ng tawad sakanila... wala na... wala na silang lahat. Noong bumalik ako sa bahay namin, patay na ang mga magulang ko, at ang kapatid ko— ang kakambal ko, ang Nanay mo— hindi ka ba nagtataka paano kayo nakakaraos ng Lola mo ng hindi siya nagtatrabaho? Nakakapag-aral ka rin. Dahil ‘yon sa’kin,” Tuluyan nang tumulo ang luha niya. “M-Marjorie...” “Bakit ba kasi sa lahat ng bata, ikaw pa ang nadukot? Siguro karma ko na ‘to dahil sa mga ginawa ko, sa mga krimeng nagawa ko. Normal lang na magalit ka sa’kin,” “B-Bakit mo sinasabi ngayon ‘to?” Hindi sumagto si Marjorie at nagtagal iyon ng ilang minuto bago ito tumayo. Tapos na ito sa panggagamot kay Nixon nang humarap na ito sa gawi niya. “Susubukan kitang itakas bukas ng gabi rito bago ako umalis papuntang Germany. Matanda ka na, bente-anyos ka na, makakaya mo nang buhayin ang sarili mo.” Hindi niya mahanap ang mga salitang gusto niyang sabihin. Patuloy lang siyang umiyak. “A-Aalis ka na?” Pumiyok ang boses niya. “Oo. Hindi ko hihingin ang tawad mo dahil wala ring kapatawaran ang mga nagawa kong krimen sa buong buhay ko. Masamang tao ako, nagpagamit ako sa mga mamamatay tao, naging instrumento ako sa mga krimen nila— “Dahil sa’kin...” Mahinang salansan niya nang mabilis na mapailing-iling si Marjorie. “Hindi... dahil sa’yo kaya nagkaroon ako ng pagkakataon para makabawi sa pamilya ko. Hindi ko nga lang masabi kung nakabawi ba talaga ako pero nagawa kong panatilihin kang buhay sa loob ng sampung taon... Anna...” Humakbang ito papalapit sakaniya hanggang sa hinawakan nito ang kamay niya, “Huwag kang mawalan ng pag-asa sa buhay.” Napahagulgol siya ng iyak. Hindi niya mawari ang nararamdaman dahil halo-halo na iyon. May bagong emosyon ring namamayani sa dibdib niya. Tanging pag-iyak lang ang nagawa niya nang bigla siyang yakapin ni Marjorie. Mabilis lang iyon nang humiwalay rin ito at haplusin ang buhok niya. “Baka hindi na tayo magkita pa pero hinihiling ko na sana... sana manatili kang buhay rito sa mundong ito.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD