Tumingin ako sa lalaking nasa aking harapan. Nakikita ko ang galit sa mukha nito at para bang may ginawa ako na hindi nito nagustuhan. Tuluyang naumid ang aking dila. Wala akong maisip na sasabihin dito. Labis akong matatakot dahil pakiwari ko’y kaya niya akong patayin.
“Bilisan mong kumilos at hihintayin kita sa labas!” Nagmamadali itong tumalikod. Hanggang sa tuluyan itong nawala sa paningin ko.
Kahit nanghihina ay pinilit kong kumilos. Nang makapaglagay ng damit ay agad akong humakbang papalabas ng silid ko. Kinuha ko ang aking bag na dala-dala. Nang buksan ko ang pinto ng kwarto ay tumambad sa aking harapan ang apo ni lola Mona.
‘”Follow me!” masungit na sabi nito. Marahan akong tumango sa lalaki. Napansin kong sa kusina kami dumaan. Hanggang sa makarating sa kotse nito. Walang salita na pumasok ako sa loob ng sasakyan. Bigla akong nalungkot dahil hindi man lang ako nakapagpaalam sa matanda bago umalis. Mahina na lamang akong napahinga.
Hindi naglaon ay nakarating kami sa plaza. Tumingin ito sa akin nang huminto ang kotse niya. Hanggang sa may inabot itong pera sa akin na halagang dalawang libong piso.
“Lumabas ka na ng kotse ko. Sana ay huwag ka nang magpakita sa aking lola Mona. Hindi kita gusto para ampunin ng lola ko. ‘Yung ganiyan mukha ay hindi mapagkakatiwalaan. Ito ang tandaan mo. Oras na magpakita ka pa sa aking lola ako mismo ang papatayin sa ‘yo, naintindihan mo ba, huh?!” sigaw nito sa akin. Nagulat pa nga ako nang maglabas ito ng baril at itinutok sa noo ko.
Pakiramdam ko’y putlang-putla ang aking mukha dahil sa takot. Dali-dali ko tuloy binuksan ang pinto ng kotse at halos madapa ako nang lumabas ng sasakyan. Ang lakas-lakas ng kabog ng aking dibdib. Walang lingon-lingon na pumunta ako sa likod ng malaking puno rito sa plaza.
Bigla akong napasalampak sa lupa. Napatingin din ako sa kamay ko na ngayon ay nanginginig dahil sa takot. Grabe, kung anong bait ni lola Mona ay siyang sama naman ng ugali ng apo nito. Napailing na lamang ako nang sunod-sunod. Wala sa sariling napasandal ako sa malaking puno. Napatingin din ako sa kalangitan.
Kung puro paghihirap na lang ang mararanasan ko mas mabuti pang tumalon na lang ako sa tulay. Gusto ko nang sumama kay Itay. Upang hindi ko na maramdaman ang sakit at pangungulila sa aking pamilya. Ngunit napahinto ang aking pagmumuni-muni nang makita ko ang grupo ng babaeng nanakit sa akin kanina. Mabilis kong itinago ang aking bag dito sa likod ng halaman.
Kilala ko ang likaw ng mga bituka ng mga ito. Nangunguha ng mga gamit na hindi naman sa kanila. Nang matiyak kong hindi na nila makikitaa ng aking bag ay muli akong tumingin sa kanila at nakita kong lumingon sila sa akin. Kitang-kita ko naman ang bigla nilang pagngisi.
Sa mga tabas ng mukha nila ay alam ka agad na may gagawin sa akin na hindi maganda. Ngunit kailangan kong maging matapang. Hindi ako magpapasindak sa kanila.
“Ano’ng ginagawa mo rito? Hindi ka ba tinanggap ng taong nakasakay sa kotse. Sabagay sa ganiyang mukha ay wala talagang tatanggap sa 'yo!” Nagulat ako nang bigla akong sipain sa mukha ng isang matabang babae. Talagang tumalsik ako pasadsad sa lupa.
Narinig ko naman ang malakas ng tawana nila. Ngunit pinilit kong tumayo. Ngunot may namataan akong maliit na kahoy. Pasimple ko itong kinuha at nang makita kong balak ulit akong sipain ng matabang babae ay buong lakas ko itong hinampas sa paa nito dahilan kaya napasigawa ito sa sobrang sakit.
Subalit dali-dali namang lumapit sa aking ang ibang mga kasamahan nito. Kaya ang ginawa ko para hindi sila makalapit sa akin ay winasiwas ko ang kahoy na aking hawak-hawak. Naramdaman kong natatamaan ko sila. Kaya lang may sumipa sa aking likuran kaya tuloy-tuloy akong bumagsak na nakadapa sa lupa.
Muli akong napadaing dahil sinipa ulit ako sa tagiliran.
“Hoy! Ano ‘yan?!” Malakas na sigaw ng isang lalaki. Nakita kong tumakbo ang mga batang kalye na nanakit sa akin. Tumingin naman ako sa lalaking sumigaw at nakita ko ang isang pulis.
“Umuwi ka na sa inyo, bata!” anas ng pulis sa akin, agad din akong inalalayan nito para makatayo. Hanggang sa umalis na rin sa aking harapan. Kahit masakit ang aking katawan ay pinilit kong humakbang papunta sa pinagtataguan ko ng aking bag. Nang makuha ko ito ay dali-dali na akong umalis dito. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Gulong-gulo ang aking utak.
Nang alam kong malayo na ako sa plaza ay bumagal na ang paglalakad ko. Ngunit bigla akong napatingin sa kalangitan nang makita ko ang sunod-sunod na pagpatak ng malakas na ulan. Dali-dali naman akong tumakbo papunta sa waiting shed. Pero nabasa pa rin ako lalo at may kalayuan ang waiting shed.
Lamig na lamig tuloy ko nang makaupo rito sa waiting shed. Pinagtitinginan na rin ako ng mga tao. Kaya ang ginawa ko ay nagpakayuko-yuko na lamang. Halos may talong oras dina bago humupa ang ulan. Kanya-kanya na ring umalis ang tao rito sa waiting shed kaya tanging ako na lang ang naiwan dito.
Ilang oras na lang malapit nang sumapit ang gabi. Nag-iisip ako kung saan ako matutulog. Kung hindi sana nasunog ang bahay namin. Siguro kahit papaano ay may matutulugan pa ako. Agad ko ring pinahid ang luha sa aking mga mata dahil hindi ko mapigilan ang hindi maiyak.
Ngunit napatingin ako sa isang babae na ngayon ay naglalakad papunta sa kotseng kulay itim. Sa kilos nito ay kilalang-kilala ko siya. Kahit nakabihis ito ng mamahaling kasuotan.
Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Mabilis akong tumakbo para lang maabotan ang aking Ina.
“Inay! Inay!” Agad akong humarang sa dinaraanan nito. Bigla akong napangiti dahil si Inay nga ang aking nakikita. Ang ganda-ganda nito. Bagay na bagay rito ang mga alahas na suot niya. Lalong pumuti rin ang balat nito. Ang laki ng pinagbago ng itsura ng aking Ina.
“Inay!” At mabilis ko itong niyakap. Ngunit nagulat ako ng buong lakas niya akong itinulak dahil kaya napaupo ako sa lupa na may tubig. Nakita kong lumingon-lingon pa ito sa paligid at para bang may hinahanap. Hanggang sa humarap itong muli sa akin.
“Umalis ka sa aking harapan Maxelyn. Nagbagong buhay na ako at kinalimutan kong may mga anak ako dahil kayo ang malas sa buhay ko. Simula ngayon ay wala na akong anak. Masaya na ang buhay ko sa bagong asawa ko. Kaya puwede ba! Huwag mong sirain ang mga pangarap ko!” mariing sabi sa akin ng Inay ko.
“Inay, ano’ng nangyayari sa ‘yo? Anak mo ako. Teka nasaan ang mga kapatid ko?”
“Hindi ko alam. Kung gusto mo silang hanapin bahala ka sa buhay mo. Iniwan ko sila sa isang bus. Kung dadalhin ko sila sa aking pupuntahan, hindi sila matatanggap ng aking asawa. Kaya puwede ba! Umalis ka na, Maxelyn. Bahala ka na sa buhay mo! Malaki ka na---!”
Ngunit sabay kaming napapalingon ni Inay sa lalaking nagsalita na ngayon ay papalapit sa amin.
“Sweetheart, sino ba ‘yang kausap mo?”
“Isang pulubi lang sweetheart. Naawa kasi ako dahil nadulas siya. Saka, bibigyan ko rin ng limos. Kilala mo naman ako, ‘di ba? Masyadong maawain sa mga bata.” Dali-dali itong kumuha ng pera sa bag na dala-dala. Agad nitong kinuha ang aking kamay. Nang mailagay ang bente pisos ay umalis na rin ito sa aking harapan upang salubungin ang lalaking pinalit kay Itay. Tuloy-tuloy namang umagos ang luha ko sa aking mga mata. Sobrang sakit ng ginawa ng sarili kong Ina.