"...HABANG-BUHAY KONG ISISISI sa iyo ang pagkawala ni Sally. Maayos sana kung kayong mag-a-ama ang nawala, pero nadamay si Sally. Nadamay ang kapatid ko!"
"Paano niyo po nagawang isisi sa akin ang pagkawala ni nanay, Tiya Salome? Gusto ko lang pong sabihin na hindi lang po kayo ang nawalan, pati rin ako, nawalan. Nawala po ang pamilya ko, Tiya Salome."
Sunod-sunod ang pag-agos ng luha sa mga mata ni Melannie habang nakatingin sa tiyahin niyang kanina pa siyang sinisisi sa harap ng napakaraming tao. Pinahiya na siya nito. Inalipusta at minaliit na akala mo'y hindi sila magka-anak.
"Wala akong pakialam sa tatay at kapatid mo, Melannie. Si Sally ang pinag-uusapan natin dito. Wala kang kuwentang anak. Pabaya kang anak kaya nararapat lang na magdusa ka!" bulyaw nito bago ito tuluyang lumisan.
Humahagulgol na sinundan ni Melannie ng tingin ang tiyahin niya. Sirang-sira na siya sa mga ito. Simula nang mawala ang pamilya niya—siya na ang sinisi nila.
Mas dumoble pa ang sakit na nararamdaman ni Melannie dahil doon. Tatlong buhay ang nawala sa kaniya at halos madurog noon ang puso niya. Pakiramdam niya ay wala nang saysay kung mabubuhay pa siya sapagkat mag-isa na lang siya sa buhay at wala nang karamay. Inisip ni Melannie na sana'y nakasama na lang siya sa sunog para habang-buhay niyang kasama ang pamilya niya. Pero huli na siya. Wala na ang mga ito nang makarating siya.
Kakatapos lang ng libing ng pamilya niya. Sa katunayan, sabay-sabay nang inilibing ang mga namatay sa sunog. Tinulungan din sila ng mayor ng lugar nila. Ito na ang sumagot nang lupang paglilibingan ng mga mahal nila. May mga tao ring nagbigay ng donasyon, mga damit, at pagkain na malaking tulong para sa kanilang mga napinsala.
Pero ngayon ay problemado si Melannie sapagkat may naiwang utang ang nanay niya sa isang mayamang pamilya na dati nitong pinagsilbihan bilang kasambahay. Halos kalahating-milyon ang utang nito dahil sa bunso niyang kapatid. Nagkaroon ito ng Leukemia—isang cancer sa dugo. Walang gamot sa ganoong sakit kaya masakit para sa kanila na matamaan ng ganoong klaseng sakit ang bunso nila. Pero sa tulong naman chemotherapy, nababawasan nito ang pagkalat ng cancer sa katawan dahil pinapatay nito ang cancer cells o para tumigil iyon sa kanilang paglaki.
"Halika na, Mela," untag ni Joana na nagpatigil sa malalim na pag-iisip ni Melannie.
Tinanguan niya ang kaibigan kaya nagpatiuna na sila pabalik sa covered court kung saan sila pansamantalang naninirahan. May pabahay na ibibigay ang nakakataas para sa kanilang mga napinsala ng sunog pero bibilangin pa raw ang araw. May mga bagay at dokumento pa raw na kailangang ayusin bago sila makalipat.
Pagkabalik nila sa covered court, agad nagtungo si Melannie sa kaniyang tent. Pumasok si Melannie sa loob at umupo. Mag-isa lang siya roon. Ni hindi man lang siya nagawang kumustahin ng mga kamag-anak niya na hindi naman naapektuhan ng sunog.
Bakit may ganoong tao? Wala naman siyang ginawa sa mga ito para tratuhin na parang basura lang sa kalsada na puwedeng sipa-sipain kapag buryo.
Wala na siyang pamilya ngayon at alam niyang sarili na lang din niya ang makakatulong sa kaniya. Pero pagod na siya. Nawawalan na siya ng pag-asang mabuhay. Hindi man ngayon, pero alam ni Melannie na darating ang panahon na makakasama niya rin ang mga ito.
Umiyak na naman si Melannie. Dahan-dahan siyang humiga sa kinauupuan at walang segundo na hindi niya iniisip ang masasayang sandali kasama ang pamilya niya.
Dahil halos isang linggo na rin siyang hindi nakakatulog nang maayos, nakatulog siya sa puwesto niyang iyon at nang magising siya, hapon na. Biglang naalala ni Melannie na may trabaho nga pala siya sa milktea shop. Sayang din iyon. Kailangan niyang mag-ipon para may maipambayad siya sa pinagka-utangan ng nanay niya noon.
Naligo si Melannie at nagbihis ng damit na donasyon lang din sa kanila. Nang matapos, dumaan si Melannie kay Joana pero sabi ng mama nito, nakaalis na si Joana. Marahil ay pumasok na rin ito.
Sunod-sunod siyang umiling at nagpatiuna na. Sumakay siya patungo sa bayan at makalipas ang ilang minuto, nakarating na rin siya. Pagpasok pa lang niya, bumungad na si Joana sa kaniya kasama si Deena, na palagi nilang kasama. Pero napakunot-noo si Melannie nang makita ang isang hindi pamilyar na babae na katulong ng dalawa.
"Bago?" aniya kay Joana nang bumaling ito sa kaniya.
"Mela…" Lumapit si Joana sa kaniya.
"Bago ba siya, Joana? N-Ngayon ko lang siya nakita rit—"
"Pasensya ka na, Mela. Pumunta rito kanina iyong manager at… a—"
"At ano?"
"Pinalitan ka na niya. Ilang araw ka na raw kasing hindi pumapasok, e. Pinaliwanag ko naman na namatayan ka kaya baka maging valid ang pag-absent mo. Pero hindi niya ako pinansin."
"Ano?" Tumulo ang ilang butil ng luha sa mga mata niya. "Hindi ito puwede, Joana. K-Kailangan ko itong trabahong ito."
"Naintindihan naman kita, Mela. Pero wala akong magagawa para maibalik ka. Nagmakaawa na ako kay Ma'am MJ, pero hindi niya ako pinakinggan."
Mariing ipinikit ni Melannie ang mga mata bago marahas na nagpakawala ng hangin sa bibig.
"Ayos lang, Joana. Pagbutihin mo ang pagtatrabaho mo, ha? Sana matupad mo ang mga pangarap mo sa buhay." At mahigpit na niyakap ni Melannie ang kaibigan.
"Anong ibig-sabihin nito, Mela? Nagpapaalam ka ba? Mela, kung ano man iyang iniisip mo, huwag mong ituloy. Nandito lang ak—"
"Magpapakalayo-layo muna ako, Joana. Paalam…"
Matapos noon, lumisan na si Melannie. Kumaripas siya ng takbo kung saan man siya dalhin ng mga paa niya habang sunod-sunod ang pagtulo ng luha sa mga mata niya.
Nawala na lahat kay Melannie—ang kaniyang pamilya, trabaho, reputasyon, at pag-asang mabuhay.
Siguro nga ipinanganak siyang malas. Bata pa lang siya, malas na ang tawag sa kaniya ng kamag-anak niya sa side ng kaniyang nanay. Simula nang magka-isip siya, hindi na naka-close ni Melannie ang pamilya ng nanay niya dahil sa galit nito sa kanila sapagkat pinakasalan ng nanay niya ang tatay niya.
Ano pa ang rason para mabuhay pa siya? Nawala na lahat sa kaniya. Paano pa niya ipagpapatuloy ang buhay niya?
Halo-halong emosyon ang nararamdaman niya. Lungkot, pighati, galit, at inis. Sukdulan ang galit niya sa nasa itaas. Hindi na siya naniniwala rito.
Mayamaya pa ay nakaramdam na ng pagod si Melannie kaya tumigil muna siya at sandaling umupo sa sidewalk. Patuloy pa rin sa paglagaslas ang luha mula sa mga mata niya.
Ibinaba niya ang tingin sa kaniyang pulso at nakita niya roon ang kulay pulang marka na siya rin ang may dahilan. Kung hindi lang siya pinigilan ni Joana, kapiling na niya ang pamilya niya. Pagod na siyang mabuhay. Hindi niya alam kung paano sisimulan ang buhay gayong wala na ang tanging yaman niya.
Mga kalahating oras na nagpahinga si Melannie bago siya nagpatuloy sa paglayo. Wala siyang ideya kung saan siya pupunta, basta't sinusundan lang niya ang mga paa niya.
Mabilis ang naging takbo ng oras, namalayan na lang niya na madilim na ang kapaligiran. Hinang-hina na rin siya dahil wala pa siyang kain kaninang umaga at maski tubig, wala rin siya. Nahihilo na siya pero nagpatuloy lang siya sa paghakbang.
Mayamaya pa ay napagdesisyunan na niyang lumiban patungo sa kabilang kalsada. Ngunit habang papaliban, hindi niya namalayan na may paparating na sasakyan. Nang makita iyon ni Melannie—dala ng takot—umupo siya sa kalsada.
Ilang minuto siyang nasa ganoon posisyon. Nang makaramdam niya ang sarili na humihinga pa, nag-angat siya ng tingin at may tumamang ilaw sa kaniyang mukha. Doon lang napagtanto ni Melannie na nakatigil na ang sasakyan sa harap niya.
Bumukas ang pinto noon at naaninag niyang lumabas doon ang isang tao—isang lalaki. Naglakad ito palapit sa kaniya pero bigla siyang nakaramdam ng hilo.
Huli na upang makilala niya ang lalaki dahil unti-unti nang nandilim ang kapaligiran niya. Bago pa man mawalan ng ulirat si Melannie, naramdaman niyang bumagsak siya sa matigas na katawan.