CHAPTER 4
GWYNETH's POV:
TINITIGAN ko nang mabuti ang aking mukha. Ang aking mukha na sunog ang kabilang pisngi. Kung aking ilalarawan ang sarili ko ngayon, para na akong halimaw dahil sa masalimoot na pangyayari sa buhay ko. And I don't know the reason why I it's happened to me. Hindi ko maalala at wala akong maalala.
Kahit anong pilit ko na alugin ang aking utak, hindi sumasagi sa isipan ko ang nangyari sa akin.
Basta na lang akong naiiyak dahil sa hapdi ng mga sugat ko. Hindi ko rin maiwasan na matakot. Matakot dahil hindi ko alam kung ligtas ba ako rito sa lugar. Sa sinapit kong ito, halatang may masamang motibo ang mga taong gumawa sa akin nito.
Gusto ko sanang alamin, pero paano? Paano ko magagawang alamin ang lahat kung ni isang katiting na ala-ala tungkol sa pagkatao ko ay hindi ko matandaan.
"Ineng, hindi naman sa nagdududa kami sa'yo ha? Kami ay nagmamagandang loob lamang ng aking anak... Pero kasi, simple lang ang pamumuhay namin dito sa isla. Ayaw namin ng kaguluhan. Hindi naman sa hinuhusgahan ka namin, Ineng... Sadyang umiiwas lang kami sa gulo," wika ni Ale na siyang ina ng lalaking sumagip sa akin.
Anthony ang pangalan ng lalaki. Nagpakilala na siya sa akin kanina. Halos lahat na rin ay nabanggit niya tungkol sa pagliligtas niya. Ang sabi nito ay natagpuan niya lang ako sa mismong likuran ng kanyang bangka kaninang madaling araw.
Medyo nakampante naman ako dahil ramdam ko na may mabuti nga siyang kalooban at hindi rin halata sa itsura nito na masama siyang tao. He's tall, dark and handsome. Malaki ang katawan na talagang batak na batak siya sa trabaho niya bilang mangingisda.
Kaso natigilan naman ako nang marinig ko ang salitang binitawan ng kanyang ina. Dumating na kasi ito na may dalang kape at gatas. Agad naman akong tinimplahan ni Anthony ng maiinom para raw makabawi ang katawan ko. Literal na gutom na rin ako kaya hindi na ako nahiyang tanggihan ang pagkain na inihain nila.
"Ano po ba ang ibig niyong sabihin?" pagtatanong ko sa matanda dahil tila may ibig siyang iparating sa salitang sinabi niya.
"Sinasabi ko lang na baka nagkaroon ka ng atraso sa mga gumawa n'yan sa'yo.. At baka balikan ka nila rito — tapos madamay pa ang anak ko. Ayaw ko man sanang sabihin sa'yo ito, pero mas makakabuti siguro na kapag gumaling ka na, at naging malakas na ang katawan mo — baka pwedeng huwag ka na ritong manatili sa lugar namin. Hindi naman sa ayaw ko sa'yo, iniingatan ko lang ang buhay naming mag-ina," litanya ni Ale sa akin.
Awtomatikong napahinto tuloy ako sa pag-iinom ko ng kape. Bigla akong nalungkot sa narinig ko. Pakiramdam ko ay pinagtatabuyan niya ako — pero nauunawaan ko ang nararamdaman niya. Siguro nga'y mahirap para sa kanya na paniwalaan ako gayong wala akong maibahagi sa kanilang kwento tungkol sa pagkatao ko.
"N-naiintindihan ko po. Maging ako man po ay natatakot para sa sarili kong kaligtasan. Pero katulad nang sinabi mo, naiintindihan ko na ayaw niyo ring malagay kayo sa alanganing sitwasyon... Kaya hayaan niyo po, kapag lumakas na ako, lilisanin ko na po ang lugar na ito. Bigyan niyo lamang ako ng dalawang linggo para manatili rito," pagsasambit ko.
Kaso si Anthony, mabilis siyang sumingit sa usapan namin ng nanay niya. Hindi siya pabor sa kahilingan ng kanyang ina.
"Hindi mama... Hindi natin pwedeng hayaan na umalis dito ang babae... Bakit hindi na lang natin siya kupkupin at ituring na rin na kapamilya?" turan nito kung kaya't awtomatikong napaiwang ang aking labi.
Ngayon pa lang kami nagkakilala ng lalaking ito, pero kung ipagtanggol niya ako — walang halong panghuhusga.
"Anak, naririnig mo ba 'yang sinasabi mo? — Tinulungan na natin siya. At hanggang doon na lang ang tulong na ibibigay natin sa kanya... Ayokong mapahamak ka Anthony, kaya sundin mo na lamang ang desisyon ko... Pero — kung maaalala niya na ang kanyang pagkatao, at mapatunayan niya sa atin na wala siyang atraso o kasong tinatakasan, baka magbago pa ang isip ko," muling saad ni Ale.
Para hindi na magkasagutan ang mag-ina ay ako na mismo ang humawak sa palad ni Anthony upang pakalmahin siya.
"Tama ang iyong inay, Anthony... Labis lamang siyang nag-aalala sa kaligtasan mo... Maging ako nga ay hindi ko rin malaman kung anong ginawa ko — baka nga may nagawa akong mali kaya may gustong pumatay sa akin... Makinig ka na lamang sa nanay mo.. Huwag mo na akong alalahanin. Sapat na sa akin ang pagsagip na ginawa mo," wika ko sa binata.
Hindi na nga ito nagsalita pa, bagkus ay pinagpatuloy na naming tatlo ang pagkain ng almusal.
Nang mabusog na ako ay pinilit kong tumayo. Nanghihina man ang aking tuhod ay hindi ako rito nagpatalo. Sinubukan ko pa ring maglakad para naman ma-ehersisyo ko ang aking tuhod at paa.
Hindi ko naman maiwasan na mapatanaw sa maliit na bintana ng bahay nila Anthony. Sa bintanang ito ay nakita ko ang karagatan at ang sinag ng araw.
Kahit isang bangungot ang sinapit ko, nagpapasalamat pa rin ako sa Diyos dahil binigyan niya ako ng pangalawang buhay. This is my second life, kaya hindi ko sasayangin ito. Tiyak kong may dahilan kung bakit ako nakaligtas sa mga kamay ng taong gustong patahimikin ako. At iyon ang dapat kong alamin.
Kapag bumalik na sa ala-ala ko ang lahat, magiging madalai para sa akin na malaman ang totoong pangyari. Kung sino ba ako at kung bakit nila ito nagawa sa akin.
"Pasensya ka na pala kay inay... Kung ano man ang sinabi niya, huwag mo sanang mamasamain 'yon... Pero para sa akin naman, alam kong mabuti kang tao. Nakikita at nababasa ko sa mga mata mo, na hindi ka masama," wika ni Anthony nang bigla siyang sumulpot sa tabi ko.
Dala na nito ang sagwan na gagamitin niya para sa kanyang pangingisda. Pero hindi pa ito umaalis at ninais niya pa talagang linawin ang tungkol sa nangyaring pag-uusap para hindi ako magtampo.
"Hindi mo naman kailangan na humingi ng pasensya... Kung tutuusin, ako ang dapat na humingi no'n dahil nagkaroon pa kayo ng problema sa pagdating ko," tugon ko naman sa kanya.
"Hindi ka problema sa amin... Kaya huwag mo sanang iisipin 'yan, Miss..." sambit nito na akin namang ikinangiti.
"Miss? — Hayy, ang hirap pala kapag wala kang maalala noh? Pati pangalan ko ay apektado... Hindi ko tuloy alam kung anong ipapangalan ko para naman maging komportable ang pagtawag mo sa akin," naiiling na sambit ko.
"Oo nga eh... Wala akong maisip na itatawag sa'yo. Pero kung ikaw ang tatanungin, anong pangalan ba ang gusto mong itawag ko sa'yo?" pagtatanong niya.
Panandalian naman akong napaisip. Awkward nga kung pana'y Miss ang kanyang itatawag sa akin. Kaya mas maganda siguro kung meron nga akong pansamantalang pangalan para ito ang itawag niya sa akin.
"Siguro maganda ang pangalan na Janeth... Tama, Janeth na lang," agad na turan ko.
Ewan ko ba... Para kasing may katunog ang Janeth na pangalan sa nakaraan ko. Hindi ko lang talaga matandaan kung ano ito.
"Janeth.... Magandang pangalan. Kasing ganda mo ng mga mata mo," saad naman ni Anthony.
"Porket nasunog ang mukha ko, mata ko lang ang sinasabihan mong maganda... Bakit mukha na ba akong halimaw, Mr. Anthony?" usal ko rito at nagawa ko pang makipagbiruan sa kanya.
"Hindi ka naman halimaw, Mis. Janeth... Ang totoo n'yan, napakaganda mo pa rin," pangbobolang saad ng binata.
Nakakatuwa lang at nakakagaan ng loob dahil may isang tao akong nakilala na may busilak na puso.
I think, I'm still lucky despite of the challenges that I've been through.