PAG-SAGIP — CHAPTER 3

1319 Words
CHAPTER 3 ANTHONY's POV: MAAGA akong nagising para pumunta ng laot. Alas tres pa lang nang madaling araw ay naisipan kong pumunta sa tabi ng dagat para tingnan ang aking bangka. Madalas kasing napagtitripan ng mga lasinggero ang bangka ko kaya minsan ay naisip kong silipin ito at bantayan para masiguro ko na hindi na mauulit ang paninira nila sa aking bangka. Pangingisda ang hanap-buhay na siyang bumubuhay sa amin ni inay. Kaya mahalaga sa akin ang bangka dahil dito mismo ako kumikita ng pera. May sakit pa naman si inay sa puso kaya kailangan kong magdoble kayod para makaipon ako ng pangpa-opera sa kanya sa Manila. Alam kong hindi biro ang halagang magagastos namin sa operasyo kaya kinakailangan ko talaga ito na pag-ipunan. Sa aking pagdating sa laot ay agad kong tinungo ang aking bangka. Kaso nga lang, sa halip na yung bangka ang matutukan ko nang flaslight ay hindi ko inaasahan na makakakita ako ng isang babae na duguan ang ulo at walang malay. Nasa bandang likuran ito ng aking bangka at ang katabi nito ay ang malaking bato. Nagdadalawang isip naman akong lapitan ang babae dahil naisip ko na baka masangkot pa ako sa problema. Ayoko namang isipin ng mga tao na ako ang gumawa nito sa babae. Pero dahil sa konsensya at awa ko sa kanya ay pinili ko pa ring lapitan ito at i-check kung buhay pa ang tao. Nang itapat ko ang aking daliri sa ilong niya ay naramdaman ko naman na humihinga pa ito. Kaya isa lang ang ibig sabihin nito, buhay pa ang babae. Nakakaawa ang kanyang sinapit. Tiyak kong malaking trauma ito para sa kanya. Hindi ko man alam ang dahilan kung bakit siya nahantong sa ganito — pero nasisiguro ko na meron yatang tao na gustong patayin siya. Dahil madilim pa ang paligid, ay minabuti kong kargahin ang dalaga at idala ito sa bahay. Kahit naman na mahirap akong lalaki, busilak ang aking puso. Handa akong tumulong sa mga taong nangangailangan. "Anthony, anak... A-anong ginawa mo? — Bakit ka may dalang babae? At sino 'yan? Bakit ganyan ang postura niya? — M-may pinatay ka, anak?" Hindi makapaniwalang bigkas ni inay na tila ako pa yata itong pinag-isipan niya ng masama. Nagising na rin si mama dahil sa ingay na dulot ko nang ilapag ko ang babae sa mahabang upuan na gawa sa kahoy. "Ma, huminahon kayo... Hindi ko naman magagawang pumatay ng tao. Malinis ang konsensya ko mama, alam mo 'yan," pahayag ko sa aking ina. "Kung gano'n, bakit mo dala-dala ang bangkay ng babaeng 'yan? — Hindi naman tayo aswang para kumain ng patay," litanya ulit ni inay. "Ma, hindi ito bangkay. At lalong hindi pa ho siya patay... Nakita ko lang siya sa mismong likuran ng bangka ko — walang malay at duguan... Hindi naman kinaya ng konsensya ko na hayaan na lang siya do'n kaya dinala ko muna rito para gamutin," pagpapaliwanag ko upang ikwento sa kanya ang buong pangyayari. "Anak, alam kong mabuti kang tao... Pero Diyos ko naman anak... Mangingisda ka lang at hindi ka doctor... Tingnan mo ang kalagayan niya, nakakaawa. Sa hospital siya nababagay, hindi rito," muling wika ni mama. "Wala tayong pera mama... At tsaka, mas makakabuti sa kanya na dito ko muna siya dalhin sa bahay... Baka mamaya, balikan siya ng mga taong gustong pumatay sa kanya kapag nalaman nilang buhay ang babae," pag-uusal ko. Sa puntong ito ay muling napunta ang tingin ko sa babaeng sunog ang kahating mukha at duguan ang ulo. Kaya sa halip na makipag-sagutan ako kay inay. Pinili kong gamutin ang babae. Mga gamot na kahit papaano ay makakatulong sa kanyang sitwasyon. Gamit ang mga halamang gamot ay ito muna ang pansamantalang nilagay ko sa mga sugat ng babae. Si inay na rin ang siyang inutusan ko na palitan ang damit ng dalaga dahil basang-basa ito. Sa tingin ko, nalunod ang babae at tinanghay lamang siya ng alon papunta sa laot. Kaya doon ko siya natagpuan sa mismong likuran ng aking bangka. "Ano kaya ang pakay ng mga taong gumawa nito sa kanya? — Masyadong brutal ang sinapit ng babae," rinig kong saad ni mama nang matapos niyang bihisan ang babae. "Kaya nga mama... Parang malaki yata ang galit nila sa taong 'yan," tugon ko naman. "Pero anak, natatakot ako. Baka isa siyang sindikato at madamay pa tayo dahil sa pagtulong mo," ani ni mama na hindi maiwasan na isipin ang aming kaligtasan. Lagi pa namang nasasangkot ang lugar namin dahil maraming adik dito na gumagamit nang pinagbabawal na gamot. Hindi mahuli-huli dahil matitinik sila kung tumago. Kaya hindi ko rin masisisi si mama kung bakit ganito ang takbo ng kanyang utak. "Mama, sindikato man siya o hindi — hindi makatarungan ang ginawa sa kanya... Tao pa rin siya. Kaya nararapat lang na tulungan ko siya," pahayag ko para alisin sa aking ina ang kanyang takot. Hindi naglaon ay unti-unti namang natanggap ni mama ang ginawa ko. Wala naman kasi akong nakikitang mali sa pagtulong ko. Ginawa ko lang kung ano yung tama. Kapag nagkamalay na ang babae, ako na mismo ang magtatanong sa kanya tungkol sa kanyang buhay at kung bakit umabot siya sa ganitong sitwasyon. Pero sa ngayon, hahayaan ko munang magpahinga ang babae. Kaya habang hindi pa siya nagigising, ninais ko na lamang na mag-init ng tubig para makapagtimpla ako ng kape at naghanda na rin ako ng almusal. Para kapag nagkamalay na siya, meron ng pagkaing nakahanda sa mesa. Pasilip-silip tuloy ako sa kanya habang nagluluto. Pritong isda at sinangang ang aking inihanda sa hapag-kainan. Meron din akong nilutong pritong kamote at pritong saging para lumakas agad ang katawan ng dalaga. Mga ilang minuto nang aking pagluluto ay narinig ko naman ang ingay mula sa loob kung saan nagpapahinga ang babaeng sinagip ko. Nang tingnan ko muli ito ay do'n ko nasilayan na gising na nga ang babae. Kaya agad kong binitiwan ang hawak kong sandok at nilapitan ito para alalayan na makaupo. Si inay ay nasa labas para pumunta ng tindahan. Siya na raw ang bibili ng kape at gatas. Kaya tanging kami na lamang ng babae ang nandito sa bahay. "Huwag ka munang pumwersa. Baka dumugo ang mga sugat mo," mahinang turan ko sa dalaga. Pero tiningnan niya lang ako at pinagmamasdan nito ang aking mukha. Maya-maya ay nag-iba ang reaksyon nito na animo'y binalot siya ng takot. "H-huwag... Huwag mo akong sasaktan," ani nito na tila nagkaroon na nga ito ng trauma dahil sa kanyang sinapit. "Huwag kang mag-alala Miss, hindi ako masamang tao... Wala akong gagawin na masama sa'yo... Ako pa nga itong tumulong sa'yo at nang-gamot," pahayag ko muli. Bahagya naman siyang napahilot sa kanyang sintido at dahan-dahan niya ring hinawakan ang kanyang mukha. Para siyang naiiyak nang maramdaman nito na may malaking sugat siyang natamo sa mukha. Hindi ito basta sugat, dahil literal na nasunog ang kanyang pisngi. "A-anong nangyari sa akin? B-bakit ako nagkaganito?" mangiyak-ngiyak na turan niya. Nagtataka tuloy ako sa kanyang tanong. Hindi ko mawari na ako pa itong tatanungin niya kung bakit siya nagka-ganyan, gayong ako dapat ang magtanong nito sa dalaga. "Teka, huwag mong sabihin na hindi mo maalala ang nangyari sa'yo? — Kasi kung ako ang tatanungin mo, wala akong alam Miss... Nakita lang kita kaninang madaling araw na walang malay... Dinala lang kita rito sa bahay para gamutin," usal ko upang iklaro ito sa babae. "T-tama ka... W-wala akong maalala. H-hindi ko maalala kung ano ang nangyari sa akin.. And I can't also remember my name.." nauutal na tugon nito. Sa paraan ng pananalita niya, mukhang nagsasabi siya ng totoo dahil bakas sa reaksyon at ekspreyon ng mukha nito ang lungkot at pagkadismaya. Naisip ko tuloy, baka nagkaroon ng amnesia ang babae. Hindi naman imposible na maging ganyan ang lagay niya, lalo pa't may malaking sugat na natamo siya sa kanyang ulo. At sigurado akong ilang beses na pinukpok ang ulo niya kung kaya't duguan ko itong natagpuan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD