CHAPTER 5

1019 Words
CHAPTER 5 DAVID's POV: "Kinikilala ang mga gamit na siyang natagpuan sa gitna ng dagat na pagmamay-ari mismo ni Mrs. Gwyneth Lacosta Serrano... Ito ay kinumpirma ng kanyang asawa na si Engineer David Serrano... Base sa imbestigasyon ng pulis na siyang nakuhanan sa CCTv, dinukot ang babae bandang alas nuwebe ng gabi.. Hindi pa makompirma kung sino ang nasa likod nang pandurukot sa babae." Iyan ang balitang napanood ko sa telebisyon. Usap-usapan ngayon ang nangyari sa asawa ko. Halos buong gabi ang pag-aalala ko sa kanya dahil nabalitaan ko sa driver na hindi niya nasundo si Gwyneth. Nang ipaalam niya ito ay bigla akong kinutuban kaya agad akong pumunta ng kompanya at nakiusap na i-review ang cctv footage. Nakita ko mismo ang pag-kidnap sa asawa ko at hindi ko rin matukoy kung sino ang mga taong 'yon. Wala naman akong alam na merong kagalit si Gwyneth. Mabuting tao ang asawa ko. Mapagmahal at maki-kapwa tao. Kaya hindi ko alam ang dahilan kung bakit ito nangyari sa kanya. Sa isang iglap, ganitong balita ang sasalubong sa akin. Natagpuan ang mga gamit ng asawa ko sa mismong dagat kung saan ay halos lagpas tao na ang sukat ng tubig do'n. Nakakagalit. Nakakapanlumo. At nakakasakit. Iyan ang mga emosyong umaapaw sa akin matapos kong marinig ang balita. Ayoko mang isipin na wala na ang asawa ko, pero base sa mga nakalap ng pulis, duguan nilang natagpuan ang barko kung saan dinala ng mga kidnappers ang asawa ko. Ayon din sa kanila, mukhang nanlaban daw ang babae kaya gano'n ang sinapit nito. Hindi pa natatagpuan ang katawan ng asawa ko. Pero maraming nagsasabi na baka itinapon na sa gitna ng dagat si Gwyneth. Labis tuloy ang aking pagdadalamhati ngayon. I can't even imagine na ganitong bangungot ang sasapitin ng aking asawa. Tripleng sakit ang nararamdaman ko. Gwyneth is my first love, and my greatest love. Kaya hindi madali para sa akin na tanggapin ang pangyayari. "Daddy, wala na po ba si mommy?" tanong sa akin ni Darryl na siyang anak namin ni Gwyneth. Maging siya ay napanood at nabalitaan niya ang tungkol sa kanyang mommy. Kaya tuloy-tuloy ang pagbuhos nang mga luha nito mula sa kanyang mata. Hindi ko naman masagot ang tanong ng aking anak. Wala pa rin kasing kasiguraduhan kung patay o buhay pa ang aking asawa. Hangga't hindi pa natatagpuan ang katawan ni Gwyneth, iisipin at aasahan kong buhay pa siya. "Sagutin mo po ang tanong ko daddy... Patay na po ba si mommy? Nasa'n na po si mommy? — Daddy, sagutin mo naman po ako oh," pakikiusap ng bata na may halong pagsusumamo. Dahan-dahan naman akong lumuhod sa harapan nito at marahan kong hinaplos ang kanyang pisngi. "Wala pa akong natatanggap na balita tungkol sa mommy Gwyneth mo, anak... Pero sinisikap ng mga pulis na hanapin ang mommy mo... Kaya ipag-pray na lang natin na sana — sana mahanap na si mommy Gwyneth," wika ko rito at ito na lamang ang tanging salita na binitawan ko para hindi gaanong masaktan ang damdamin ng anak ko. Gusto kong maluha. Gusto ko ring maiyak. Pero tinatagan ko ang aking loob dahil alam ni Gwyneth na matatag akong tao. Hindi ako pwedeng manghina sa harapan ng anak namin dahil ayaw niyang ipakita ko kay Darryl na nalulungkot ako. Lagi kasing pinapangaral ni Gwyneth na ipakita namin lagi sa bata na malakas kaming dalawa — para lumaki rin ito na kagaya namin. Kaso nga lang, dahil sa nangyari kay Gwyneth, sa akin ang lahat nang sisi. Sa akin ibinuntong ni papa ang galit niya. Si papa na siyang ama ng babaeng mahal ko. Alam kong hindi siya pabor na pakasalan ko si Gwyneth, dahil noon pa man ay tutol na siya sa pag-iibigan namin ng kanyang anak. Pero wala na siyang nagawa nang mabuntis ko na ang babae. "Pumasok ka na muna sa kwarto mo, apo. May kailangan lang kaming pag-usapan ng papa mo," utos nito sa aking anak nang dumating ito sa bahay namin. Agad namang tumango ang bata at tumungo na nga sa silid. Kaya kaming dalawa na lamang ang naiwan sa sala. Nang makita niyang nakapasok na si Darryl sa kwarto ay agad niya akong kinwelyuhan. Galit ang mga mata nito at halos pumutok na ang ugat niya sa noo. "Kasalanan mo ang lahat nang ito David. Naging pabaya kang asawa sa anak ko. Kung meron man akong dapat sisihin ngayon, walang iba kundi ikaw! — Hindi mo man lang ginampanan ang pagiging asawa mo kay Gwyneth! Wala kang kwentang manugang!" Madiin at malakas na sambit nito sa pagmumukha ko. "Hindi ko ginusto ang nangyari, papa. Hindi ko naman hiniling na gano'n ang sasapitin ng asawa ko... At katulad niyo, nagluluksa rin ako.. Pero huwag kayong mag-alala papa, hahanapin ko si Gwyneth. Hahanapin ko ang asawa ko," pagpapangakong saad ko sa kanya para humupa ang emosyon nito. "Paano mo hahanapin ang anak ko ha?! — Hindi ko nga alam kung buhay pang darating si Gwyneth!" giit nitong turan. "Naniniwala akong buhay pa ang asawa ko, papa... Kaya hahanapin ko siya," sambit ko muli. Unti-unti niya namang inalis ang pagkakahawak nito sa akin. Pero yung galit niya ay kitang-kita ko pa rin sa reaksyon ng mukha nito. "Siguraduhin mo lang, David. Dahil kapag tuluyang nawala ang anak ko, hinding-hindi kita mapapatawad," pagbibitaw niya ng salita na may kasamang pagbabanta. Inintindi ko na lamang ang ama ni Gwyneth. Dahil nauunawaan ko rin ang nararamdaman nito. Alam ko kasi kung gaano niya kamahal ang nag-iisang anak niya at kung gaano ito kahalaga sa kanya. Nang umalis si papa sa harapan ko ay tsaka ko lang ibinuhos ang aking emosyon. Nagawa kong basagin ang vase na siyang nasa mesa at napahilamos ako ng aking mukha gamit ang dalawa kong kamay. Putangina! Hindi ko rin mapapatawad ang sarili ko kapag nabalitaan kong wala nang buhay ang aking asawa. Mahal na mahal ko si Gwyneth. At sa lahat ng babaeng nagkandarapa sa akin, ni minsan — hindi ko naisipan na ipagpalit ang babaeng iniibig ko. God knows how much I love my wife. Kaya yung sakit na nararamdaman nila, ay walang-wala sa sakit na nararamdaman ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD