ONE WEEK - CHAPTER 6

1177 Words
CHAPTER 6 GWYNETH's POV: (JANETH) I am now Janeth... Iyan muna ang pansamantalang pangalan ang gagamitin ko habang hindi ko pa matandaan ang tunay kong pangalan. Halos ilang araw na rin pala ako rito sa bahay ni Anthony. Kung bibilangin ko ay mag-iisang linggo na ang pananatili ko sa lugar nila. Pero wala pa ring pagbabago sa sarili ko. Hindi pa humihilom ang sugat ko kaya nahihiya akong lumabas ng bahay nila at hindi ko magawang humarap sa mga tao. Pakiramdam ko kasi ay nasa peligro pa ang buhay ko kaya minabuti kong ikulong na muna ang aking sarili sa loob ng maliit nilang tahanan. Bukod dyan ay si Anthony na rin ang nagsabi sa akin na mag-iingat muna ako at huwag magpadalos-dalos sa mga desisyon. Si Anthony, napakabuti at maayos ang pakikitungo niya sa akin. Ni minsan hindi ko naramdaman na pabigat ako sa kaniya. Siya kasi ang naghahanap-buhay at bumibili ng mga pang-araw-araw na pangangailangan dito sa bahay. Napaka-sipag na lalaki ni Anthony. Maswerte ang babaeng mapapangasawa niya. "Naghanda na pala ako nang almusal. Alam kong maaga kang magpapalaot kaya naisipan kong paghandaan ka para may makain ka bago ka sumulong ng dagat," saad ko sa binata nang magising ito. Talagang inagahan ko ang aking gising para naman makabawi ako sa mag-ina. Masyado nang malaki ang utang na loob ko sa kanilang dawala. Nasisiyahan naman ako dahil nung unang araw ko rito sa kanilang bahay ay halos itakwil na ako ni Aleng Nita — dahil nangangamba siya sa magiging sitwasyon nila ni Anthony kung sakaling hanapin ako ng mga taong gustong pumatay sa akin. Pero sino bang mag-aakala na magbabago nga ang desisyon nito. Hindi lang yung desisyon niya ang nagbago, dahil pati ang pananaw nito ay tuluyan na ring naituwid. Hindi niya na ako hinusgahan at wala na rin sa isipan nito kung sino at ano ako. Kaya malaya na akong nakakagalaw dahil alam kong pareho na akong tanggap nang mag-inang tumulong sa akin para mabuhay muli. "Janeth, hindi mo naman kailangan gawin ito... Hindi ba't sinabi ko sa'yo na magpalakas ka muna," wika ni Anthony sa akin. Napanguso naman ako dahil tila hindi niya na-appreciate ang paglulutong ginawa ko. "Pero mas nanghihina ako kapag wala akong ginagawa... Nababagot na nga ako Anthony. Pakiramdam ko ay lalong humihina ang katawan ko dahil isang linggo na akong tumatago sa bahay na ito," sambit ko rito upang ibahagi sa kanya na merong lungkot sa aking dibdib. "Gano'n talaga Janeth, masanay ka na. Malupit ang panahon ngayon sa katulad mo. Hindi pa tayo nakakasiguro kung ligtas ka na sa labas. Kaya kailangan mo munang tiisin 'yang pagkabagot mo — dahil para rin naman sa kaligtasan mo ang sinasabi ko sa'yo," litanya nito upang ipaalala sa akin ang kagimbal-gimbal na sinapit ko. "Alam ko naman 'yon Anthony. Kaso hindi ko lang maiwasan na malungkot... Kasi sa totoo lang, gusto ko ring makita ang lugar niyo... Base sa natatanaw ko mula sa labas, parang maganda at malinis ang lugar na kinalakihan mo," usal ko sa binata habang nilalagyan ko ng pagkain ang kanyang plato. Narinig ko naman ang marahan nitong pagsinghap kasabay nang pagtatanong niya. "Talaga bang gusto mong lumabas, Janeth? — Kasi kung talagang gusto mong makita ang tanawin sa labas ay isasama kitang mamalengke mamaya," ani nito na akin namang ikinatigil. Para akong nabuhayan dahil sa suhestyon nitong isama ako sa palengke. Eto naman kasi ang matagal kong hinihintay na sabihin niya. Wala naman akong kakayahan na humingi ng pabor sa lalaki dahil nahihiya na ako. Pero dahil sa kanya na nanggaling ang suhestyon na 'yon ay awtomatikong nasiyahan ang kalooban ko. "Talaga Anthony? Isasama mo ako? — Pero baka matakot sa akin ang mga tao sa palengke kapag nakita nilang ganito ang itsura ko," turan ko na ngayon ay pinoproblema ko ang sugat sa aking mukha. "Maliit na problema lang 'yan Janeth. Hindi naman mahirap itago ang sugat dyan sa pisngi mo. Kaya nga nauso ang mask para magamit mo," wika niya na binigyan pa ako ng solusyon sa pinoproblema ko. "Oo nga noh. Ang galing-galing mo talaga Anthony... Hindi ko man lang 'yan naisip," hagikhik na tugon ko na lamang sa binata. Minabuti na muna naming kumain ng almusal habang nagkikwentuhan. Nangako sa akin si Anthony na pakatapos niyang mangisda ay pupunta kami ng palengke. Kaya sa palagay ko, mga hapon pa kami makakapunta ng sentro dahil hihintayin ko pa siya. Pero ayos lang, sapagkat alam ko naman na kailangan niya munang kumayod para magkaroon siya ng pera. Kaya ninais kong maglinis na lamang ng bahay at tulungan si Aleng Nita para hindi ito hingalin. Oo nga pala, nalaman ko na ang kondisyon ng kalusugan ng nanay ni Anthony. May sakit pala sa puso ang matanda kaya hindi na hinahayaan ng binata na mapagod sa paghahanap-buhay ang kanyang ina. Dati raw kasing nagtitinda si Aleng Nita sa palengke ng mga isdang nahuhuli ni Anthony. Pero nang malaman niya ang sakit ng kanyang ina ay minabuti nitong pahintuin na lamang ang matanda sa pagtatrabaho. Kaya heto ako ngayon, para hindi ako maging pabigat ay ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya para makatulong sa gawaing bahay. Hindi na gano'n kahapdi ang mga sugat ko. Kahit papaano ay unti-unti nang humihilom ang mga pasa sa aking katawan. Tanging yung sugat sa mukha ko na lang ang medyo masakit. Pero hindi ko na lamang ito masyadong pinapansin at iniisip. Dahil sa tuwing iniisip ko ang sugat sa aking pisngi, ay hindi ako maka-focus sa aking ginagawa. "Mamaya po pala Aleng Nita, isasama ako ni Anthony sa palengke," wika ko sa matanda habang nagwawalis ako. "Lalabas ka, Janeth? Teka — ano bang naisip ni Anthony at gusto niya pang isama ka sa palengke?" ani nito na ngayon ay tila hindi siya kumbinsido sa pag-aya sa akin ni Anthony. "Aleng Nita, hindi naman po ako papabayaan ng anak niyo. Tsaka, magsusuot naman ako ng face mask para walang may makakita sa akin... Pagbigyan niyo na lamang po ako Aleng Nita dahil gusto ko rin makabisado ang lugar niyo," pahayag ko at nilapitan ko ang matanda para hilutin ito sa kanyang balikat. Ganyan ang paglalambing na ginagawa mo kay Aleng Nita kaya kahit papaano ay nagiging malapit na kami sa isat-isa. "Oh siya sige... Pero huwag na huwag kayong magtatagal sa labas ha.. Pakatapos niyong mamalengke ng anak ko ay umuwi kaagad kayo," pagbibilin nitong saad. "Opo Aleng Nita... Wala naman kaming ibahan pupuntahan ni Anthony eh... Unless, kung gusto niya akong i-date," pagbibiro ko sa nanay ng binata. "Anong i-date? — Ikaw Janeth ha, baka umiibig ka na sa anak ko," pahayag nito dahilan para matawa tuloy ako sa salitang lumabas sa kanyang bibig. "Aleng Nita naman, kung mag-isip naman kayo sa akin, masyadong marumi ha? — Hindi ko naman po iniibig si Anthony... Siya'y isang matalik na kaibigan ko.. Kaya wala kayong dapat na isipin sa akin — dahil hindi kaya ng konsensya ko ang umibig hangga't hindi pa bumabalik ang ala-ala ko," pagwiwika ko muli upang iklaro sa kanya na walang espesyal na kahulugan ang birong binitawan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD