“Kumusta ang bisita mo?” tanong ni Lucas kay Lalkha. Nakasandal ito sa hamba ng pinto at nakasunod ang mga mata sa kanya.
Nakatatandang kapatid niya ang lalaki pero hindi sila magkadugo at walang legal na mga dokumento. Hindi rin naman sila mapagkamalang magkapatid. Kung siya ay may karaniwang mukha lang, ang kuya niya naman ay parang anak ni Bathala na ipinadala sa lupa upang pamunuan ang sansinukob.
Kinupkop lang si Lucas ng mga magulang niya noong nabubuhay pa ang mga ito. Nasa iisang bubong na sila magmula noong elementarya siya at bumukod lang ito nang makapag-asawa. Hindi nga lang ito nabiyayaan ng anak gawa ng may diperensya sa matris ang napangasawa nito.
Kuntento naman na ang mag-asawa hanggang sa dapuan ng malubhang sakit si Alora, ang asawa nito, at tuluyang sumakabilang buhay nang nakaraang taon.
Huminto siya sa pagbuhos ng inuming tubig sa malaking banga at humarap kay Lucas. “Ayun, awa ng Diyos, humihinga pa naman.”
“Nakapag-usap na ba kayo nang maayos?”
“Hindi pa nga, eh. Nagsusuplado pa rin,” ingos niya.
“Ibalik mo nga sa tabing-dagat.”
“Lucas naman. Alam mo nang may pinagdadaanan iyong tao.” Tinapunan niya ng tingin ang lalaking laman ng kanilang diskusyon ilang metro ang layo mula sa kanila. Nakatayo ito sa buhanginan hawak-hawak ang saklay na gawa sa kahoy, wala itong sapin sa paa, at nakaharap sa dagat at sa maliwanag na sikat ng araw. Nililipad ng hangin ang hibla ng buhok nito at ang tela ng puting pantalong suot nito.
Noong unang araw palang ng pagkupkop niya rito ay napansin na niyang pamilyar sa kanya ang mukha ng estranghero. Ngayon ay naalala na niya kung saan niya ito unang nakita—sa isang daanan malapit sa pampublikong parke. She remembered that day. That was the darkest day of her life. Iyon ang araw na pumanaw ang may sakit nilang ama. Matagal na silang ulila sa ina ni Lucas kaya ang ama na lang ang tanging meron sila.
Umalis siya ng isla na hindi tiyak ang paroroonan. Wala siyang makitang matinong direksyon noong araw na iyon. Hinagpis at pagod ang laman ng puso niya. Sinundan siya ni Lucas pero nailigaw niya ito. Sigurado siyang wala sa plano niya ang magpakamatay ngunit hindi niya maipaliwanag kung bakit napunta siya sa gitna ng kalsada. Marahil ay dala ng katotohanang hindi siya makapag-isip nang tama. Mabuti na lang at may taong nagligtas sa kanya—the devil in his best physical disguise.
Masungit ito at antipatiko pero malaki pa rin ang utang na loob niya rito. Ngayon ay ibabalik niya ang tulong na ibinigay nito noon sa kanya. Kapag gumaling lang ang mga sugat nito ay tutungo sila sa police station pagkatapos ay dadalhin niya ito sa kung saan niya ito unang nakita at baka may maalala ito.
“Sigurado ka bang ayos ka lang dito kasama ang estrangherong iyan?” diskumpyadong tanong ni Lucas. Pinagtalunan pa nila ang desisyon niyang alagaan ang lalaki bago niya ito naiuwi sa bahay niya.
Tumango siya. Wala siyang planong sabihin kay Lucas na minsan nang nagkrus ang landas nila ng lalaki. Madalas kasi ay weird at hindi naaayon ang reaksyon ng kuya niya.
“Kaya kong protektahan ang sarili ko.” Inabot niya ang balde ng tubig. Inagaw sa kanya iyon ng kapatid at ito na ang nagboluntaryong magbuhos ng tubig sa banga.
“Salamat, Lucas”
“Dumito kaya muna ako sa bahay mo?” hindi makampante nitong tanong.
“Lucas,” saway niya rito.
“O, sige, basta kapag umakto nang kakaiba at kahina-hinala ang lalaking iyan, sumigaw ka lang. Malapit lang ang bahay ko.”
“Opo.” Niyakap niya ang kapatid. Nang magpaalam si Lucas ay saka niya lang napansing titig na titig sa direksyon niya ang estranghero. Nakasimangot ito. Kinawayan niya ito kahit na alam niyang tatalikuran lang siya ng lalaki at hindi nga siya nagkamali.
_____
“KAIN NA, KUYA LUCIAN.”
Nanigas ang likod ng lalaking nakaupo sa malaking bato, sa ilalim ng niyog, na nasa labas ng bahay niyang gawa sa kahoy at nipa. Hindi siya umalis sa pintuan at tinanaw lang ang binata. Malakas ang pisikal nitong katawan. Kung hindi lang dahil sa maliit na pilay nito sa paa ay makakaya nitong tibagin ang mga estatwa ng gargoyle, na pinagawa ng pamilya Kurbadero, na kasintangkad ng karaniwang lalaki sa isla nilang ang taas ay hindi lumampas ng 5 feet 7 inches. Ang Kuya Lucas niya lang ang lumampas sa itinalang karaniwang taas. Ngayon ay may isa na namang dumagdag, si Athelstan.
Hindi rin pipitsugin ang utak ng lalaki. Laking pasasalamat na lang niya at hindi kasamang nabura sa memorya nito ang kakayahang gawin ang mga normal na aktibidades ng tao. Kung siya ang huhusga, nagmula sa intelihenteng angkan ang estranghero. Pudpod ang English niya. Pupusta siyang ang trabahong iniwan nito ay language interpreter kung hindi foreign language prof sa isang Universidad.
Patuloy niyang iniungot ang mga mata sa likod ng lalaki. Malapad ang likod nito at makinis ang balat. Kaninang hapon ay medyo namula pa ito dahil sa mainit na klima. Mukhang hindi sanay sa hirap ang bisita niya.
Siguro ay anak-mayaman ito, sa loob-loob niya.
Pero noong nabunggo niya ito ay hindi naman magarang-magara ang kasuotan nito: simpleng navy blue shirt, casual shorts at leather sandals.
“Ano’ng sabi mo?” salubong ang kilay nitong tanong.
“Sabi ko po, kumain na tayo, Kuya Lucian. Pumasok ka na rin at kanina ka pa riyan sa labas. Baka manaba na ang mga lamok kakapiyesta sa mga binti’t braso mo.”
“Tinawag mo akong Lucian? That’s not my name.”
“Wala ka namang maalala, ah. Paano mo nasabing hindi mo iyon pangalan.”
Sumimangot ito. “I just know. Hindi ko gustong tinatawag mo ako sa gawa-gawang pangalan,” pasuplado nitong sita sa kanya.
Naitirik niya ang mga mata. Kung kinukurot kaya niya ang puno ng tainga nito? “Eh, kasi naman po, wala ho kayong pangalan. Alangan namang sutsutan na lang kita? O, siya, kung ayaw mo sa Lucian, tatawagin na lang kitang Kuya Horatio o Pilato o Anacleto Policarpio?”
Lumalim ang gatla sa noo nito. “Seriously?”
“Sige na, Kuya Horatio, dumulog na tayo sa hapag at kanina pa naghihintay ang pagkain.”
“God, please, nangingilabot ako.”
Tumaas ang kilay niya. “Kuya Pilato na lang?”
He gave her a sharp, annoyed look.
Ikiniling niya ang ulo. “Anacleto Policarpio? Iyon na lang. Free na ang kakabit na apelido. Sunggaban mo na.”
“Lucian would be okay, thank you.”
Gumuhit ang ngiti ng tagumpay sa kanyang labi. “Iyon naman pala, eh. Madali ka naman palang kausap. Tara na sa loob, Kuya Lucian.”
“Miss, huwag mo nga akong kinu-kuya. Hindi naman kita kapatid,” dagdag nito.
“Hindi rin kita gustong maging kapatid. Tsaka huwag mo nga akong mini-‘miss.’ May pangalan ako. Lalkha Krisano, legal at nakarehistro ang pangalan. Sertipikado ng NSO.”
“So?”
She grumbled words in her throat. “Tara na nga lang sa loob.”
“Busog pa ako.”
“Paano ka mabubusog, hindi ka naman kumain kanina?”
“Basta busog ako.”
“Bahala ka nga.”
_____
NAGHUHUGAS NA SI LALKHA ng mga pinggan nang pumasok sa kusina si Lucian.
“Gutom ka na?” tanong niya rito.
Ang nag-ingay nitong sikmura ang tumugon sa katanungan niya. Bahagyang umangat ang isang sulok ng labi niya. “Aayaw-ayaw pa, eh. Iyan, hihintayin pang sumakit ang tiyan. Maupo ka na nga at may itinabi akong pagkain para sa iyo.”
Tumalima ito. Huling-huli niya ang disgusto sa mga mata nito nang makita ang ulam—kamatis at pritong tuyo. Hinawakan nito sa buntot ang tuyo at dinala sa ilong. Pinigilan niyang mapahagalpak ng tawa nang malukot ang ilong nito.
“What is this?”
“Pritong tuyo.”
“It looks… weird and dry,” komento nito.
“Kasi nga prito, ’di ba? Subuan pa kita?”
He frowned. Nagsimula itong kumain. Napaka-awkward nitong tignan. He looked like a giant predator devouring the little fish.
She pulled out a chair and sat across him. Nagkasya lang siyang panoorin ito sa hindi maayos nitong pagsubo ng kanin sa bibig. Pinakain na nito pati mukha at mesa.
“Stop staring,” saway nito sa kanya. Nakabusangot.
Itinaas niya ang kamay upang pahirin ang butil ng kanin sa gilid ng labi nito pero mabilis nitong tinabig ang kamay niya. His Obsidian eyes glared at her.
“Alam mo, kakaiba ka. Galit ka pa sa taong nag-o-offer ng tulong sa iyo.”
The look he shot her was sharp enough to slice her in half. “Hindi ako galit sa ’yo. Galit ako sa sitwasyon. Galit ako dahil wala ni isang memoryang gala tungkol sa sarili ko ang naiwan sa loob ng utak ko. If you were in my shoes, you would feel the same way.”
Tumango siya. “Siguro. Puwede. Pero alam mo, imbes na ituring mo akong kaaway, bakit hindi mo na lang ako ituring na kaibigan? Mas gagaan ang buhay mo.”
Tinignan lang siya ni Lucian.
“Suplado,” palatak niya.
Tumayo ito at inabot ang saklay saka iika-ikang dinala sa lababo ang pinggan. Napailing na lang siya habang sinusundan ito ng tingin.
_____
PINAGPAPAWISAN NANG MALAPOT si Lucian habang puno ng ingat nitong inaangat ang paa upang ihakbang. Binitiwan nito ang saklay nang maihakbang ang kanang paa. Sinubukan nitong ihakbang naman ang kaliwang paa subalit gumuhit ang sakit sa guwapo nitong mukha at tuluyan itong nawalan ng balanse. Sumubsob ito sa buhanginan.
“Lucian!” Inalalayan niyang tumayo ang binata subalit iwinasiwas lang nito ang kamay niya at itinulak siya palayo. Napaupo tuloy siya sa buhanginan.
“Stay away from me! Kaya ko ang sarili ko! Hindi ako inutil!” sikmat nito sa kanya, nanlilisik ang mga mata.
Tuluyan nang napigtas ang lubid ng kanyang pasensya. “Hindi mo kailangan ang tulong ko? Di sige, hindi na kung hindi! Bumalik ka sa tabing-dagat kung saan kita natagpuan na halos walang buhay! Bakit ba kita kinupkop-kupkop, eh, ang sama-sama naman ng ugali mo! Doon ka bumalik sa dagat kung saan ka nanggaling, baka kasi pinsan ka pala ni Aquaman.” Pulang-pula ang mukha niya matapos ilabas ang lahat ng kinikimkim na inis at galit.
Natameme si Lucian.
Tumayo siya at pinagpag ang shorts. Tuluy-tuloy siya sa loob ng bahay at hindi nag-aksayang lingunin ang binata.
“Lalkha…”
Hindi niya namalayang sumunod pala sa likod niya ang binata.
She grimaced. “Ano’ng kailangan mo? Magpapaalam ka na ba? Gusto mong ihatid pa kita sa labas?” sarkastiko niyang tanong.
Humugot ng malalim na paghinga si Lucian. Napayuko ito. “Sorry…”
Hindi niya inaasahang hihingi ito ng tawad. Gayunman ay nagmatigas pa rin siya. “Sorry—hin mong mukha mo.”
He heaved a sigh. “Please, Lalkha. I’m sorry. I really am. Listen, hindi ko gustong nasisinghalan ka. Hindi ko gustong nagsusuplado ako pero… pero nahihirapan ako sa sitwasyon ko. Patawarin mo ako kung hindi ko makontrol ang emosyon ko at ikaw parati ang sumasalo sa mga negatibo kong aktuwasyon.”
“Tse.”
Hinawakan siya ni Lucian sa braso at maingat na pinaharap dito. She didn’t want to look at him so he cupped her face to keep her in place.
“Patawad…” usal nito. Hindi naging madali ang pagsasabi nito niyon. But when the words went out, tiny sparks crept through her body.
Lansyak! Bakit ganoon ang epekto nito sa kanya? At talagang guwapung-guwapo siya sa mukha ng herodes. Bakit napakaperpekto ng hugis ng mukha nito? Sa naisip ay nag-init ang magkabila niyang pisngi.
“You’re blushing,” puna nito.
Namilog ang mga mata niya. Pinalo niya ang mga kamay ni Lucian na nakasapo sa mukha niya saka siya tumalikod upang ikubli ang pagguhit ng kinikilig na ngiti sa labi niya. “Sige na, pinapatawad na kita. Basta kapag nagsuplado ka pa uli, ibabalik na kita sa pinagmulan mong anyong tubig, maliwanag?”
Kumalat ang buong-buong pagtawa ni Lucian. Sumikip ang dibdib niya dahil doon. Napakasarap palang pakinggan ang tunog ng pagtawa nito. Sumasabay sa ritmo ng pagtawa nito ang t***k ng puso niya.
“Huwag ka ngang tatawa-tawa riyan, sige na, puwede mo na akong iwanang mag-isa. Okay naman na tayo.”
“Thanks, Lalkha.”
Pagkaalis ni Lucian ay saka niya lang pinakawalan ang tinitimping tili. Kinikilig siya sa lalaking pinsan ni Aquaman.