Accidental.
"Hindi kita pinag-aral para magpabuntis nang maaga! Wala kang utak!"
"I'm s-sorry po, Pa... Hindi ko s-sinasadya..."
"Hindi sinasadya? Hindi mo ba sinasadya ang pagbukaka sa ilalim ng nobyo mo?! Huwag mong gawing rason 'yan, Kira! Paano na ngayon ang mga kapatid mo? Kung alam ko lang na maglalandi ka lang pala, sana hindi ko na sinayang ang pera ko sa 'yo! Wala kang utang na loob!"
"Papa..."
"Isang kahihiyan ang ginawa mo. Simula sa araw na ito, ayaw ko nang makita ang pagmumukha mo sa pamamahay na ito."
"Papa! Mama!"
"Pinasok mo ang mundong 'yan, ibig sabihin kaya mo. At kaya mong panindigan ang sarili mo."
Impit akong napaiyak nang tinalikuran ako ni Papa. I can't blame him. Binigo ko siya. Sinira ko ang kanyang tiwala. Nang dahil sa isang pagkakamali gumuho ang lahat ng pag-asang ilang taon niyang pinaghirapan. Ang tanga ko...
"M-mama..." Sinubukan kong hawakan si Mama ngunit umiwas siya ng tingin. Sinalakay ng pamilyar na sakit ang aking dibdib.
"Ma, s-sorry..."
"Umalis ka na."
"Ma, pati ba naman ikaw galit sa 'kin?"
Hinigpitan ko ang paghawak ng kanyang kamay ngunit pilit niya akong winawakli. Ayokong bumitaw sa katiting na pag-asang maipaliwanag ang kalagayan ko, ang nararamdaman ko.
"Hindi ako galit..."
"Ma, hindi ko po sinasadya."
"Pero nangyari na. Hindi mo na maibabalik ang tiwala ng Papa mo. Umalis ka na." Matigas niyang sabi habang umiiyak. Hindi ako sanay na nakikitang ganito si Mama. She used to be a bubbly person.
"Ma, hindi ko kaya--"
"Kaya mo. Nakaya mo kaming suwayin. Ngayon matuto kang pasanin ang sarili mong bayong. Balang araw ay magiging ina ka na, sana maintindihan mo kung bakit namin ito ginagawa sa 'yo. Habang nakikita kita ay nasasaktan ako... nasasaktan ako dahil nasasaktan ang Papa mo."
Natulala ako pagkatapos tumalikod ni Mama. She's right. Siguro nga kailangan kong panindigan ang aking pagkakamali. Kailangan kong tumayo sa sarili kong mga paa. Napahawak ako sa aking tiyan. Dapat ko bang kamuhian ang anghel na ito?
Pero wala siyang kasalanan. Wala siyang kamuwang-muwang. I'm stupid to curse this innocent unborn child. Muling pumatak ang masaganang luha sa aking mga mata.
Bear with it, Kira.
DAHAN-DAHAN akong humakbang patungo sa pinto. Nababalot ng nakabibinging katahimikan ang buong bahay. Mami-miss ko si Papa, si Mama, at ang mga kapatid ko. Mami-miss ko ang bawat sulok ng simpleng tahanan na saksi sa lahat ng masasayang sandali na pinagsaluhan namin.
Mabigat ngunit kailangan kong magpatuloy. Kailangan kong itama ang mga pagkakamali ko. Ngunit nangangako akong babalik ako.
I will make Papa proud of me again.
"Ate..."
Ngumiti ako ng mapait kay Niknik. Siguradong hahanap-hanapin ko ang magkabilang biloy sa kanyang pisngi.
"Mag-aaral kang mabuti, ha? Huwag kang gagaya kay ate..." bilin ko sa kanya at niyakap siya.
"Ate, huwag ka pong umalis..." Pinigil ko ang hikbing gustong kumawala sa lalamunan ko.
"Habang wala ako, ikaw muna ang magiging ate nina Sherwin at Jeremy. Magpakabait ka at huwag na huwag mong susuwayin si Papa."
"Ate, hahanapin ka ng kambal. Dito ka lang po. Tutulungan kitang mag-sorry kay Papa."
Mababanaag ang lungkot sa kanyang mga mata, ngunit wala akong magagawa. Alam kong mahihirapan lang sila hangga't naririto ako. Ayaw ko nang dagdagan pa ang paghihirap ni Papa.
"P-pasensya ka na, Nik. Pero ito na ang huling araw na makikita mo si ate. Sabihin mo sa bunsong kambal na nasa malayo ako. Huwag kang mag-alala, babalik ako. Maghahanap ako ng trabaho at itutuloy ko ang mga pangarap natin. Itatayo natin ng malaking bahay sina Mama at Papa. Iyong bahay na walang butas ang bubong. Para hindi tutulo sa tuwing umuulan. D-di ba iyon naman ang napag-usapan natin dati? Mangako kang huwag kang gagaya kay ate..."
"A-ate.."
"Promise me, Nik."
"Pangako, ate. Ako ang bahala sa kanila. Basta babalik ka po, ate ha?"
Tumango ako at niyakap siya nang mahigpit. Nagpapasalamat ako't matalino ang kapatid ko. Sana lang ay huwag siyang maging biktima ng pagkakataon katulad ko.
"Ingat, ate..."
Ang bawat paghakbang ng aking mga paa palayo sa aming bahay ay parang punyal na paulit-ulit na tumatarak sa aking dibdib. Wala na, ninakaw na ng tadhana ang pag-asang bumuo sa munting pangarap ng aming pamilya.
Pero mas masakit na kasabay ng pagkawala ng pag-asang iyon ay ang paglayo ng loob ni Papa at ni Mama. I've broke their dreams... and their trust.
Natagpuan ko na lang ang aking sarili sa harap ng bahay na gawa sa kawayan ang pader. Unti-unting nagiging makulimlim ang kalangitan, senyales na magtatakip-silim na ilang minuto na lang.
"Ano'ng--- Kira?" Gulat na mukha ng bestfriend ko ang unang bumungad sa 'kin pagkabukas pa lang ng pinto.
"P-puwede ba akong tumuloy?" mahina kong tugon at yumuko. May kabigatan din ang dala kong bag.
"Ano'ng nangyari sa 'yo? Bakit ang dami mong dala? Naglayas ka ba sa inyo?"
Umiling ako at marahan siyang itinulak papasok sa loob.
"Papasukin mo muna ako, puwede?"
"O-okay..."
Alanganin siyang tumango at niluwagan ang pagkakabukas ng pinto. Hindi na bago sa 'kin ang kanyang naging reaksyon. Knowing Armhaine, she's crazy beyond compare.
Prente akong umupo sa maliit na sofa. Ngayon ko lang naramdaman ang pagod. Kelangan ko ng matutuluyan ngayon, at si Armhaine lang ang matatakbuhan ko. She knows me very well, kaya hindi nakaligtas sa 'kin ang mapanuri niyang tingin. Marahil ay kung anu-ano na ngayon ang pumapasok sa kanyang isip.
"Hindi na kita iistorbohin. Ngayon, magpaliwanag ka na. Bakit mo dala-dala 'yang buong laman ng aparador mo. Naglayas ka nga?"
Huminga ako nang malalim. Sinong mag-aakalang mapapalayas ang pinakamabait na anak ni Ephraim Dela Mesa? Parang hindi ako makapaniwalang sa isang iglap ay magbabalot ako ng mga saplot palayo sa tahanang iyon.
Hindi ko na alam ang patutunguhan ko. Makakaya ko bang ipagpatuloy ang buhay kahit masama ang loob nina Papa at Mama? Makakaya ko kayang gumising sa tuwing umaga na hindi ko masisilayan ang mga kapatid ko?
Si Dark Red. Galit pa kaya siya sa 'kin? I have to talk to him. Bukas na bukas din ay sasabihin ko sa kanya ang nangyari sa bahay. Tama siya. Kahit hindi namin sinadya ang nangyari ay kailangan naming panindigan ito.
"Kira Astrid Dela Mesa!"
Muntik na akong mapatalon sa aking kinauupuan nang biglang magsalita si Armhaine. Tiningnan niya ako nang matalim.
"Napipi ka na. Wala ka bang planong ipaliwanag kung bakit ka biglang naglayas sa mansyon niyo?" hysterical niyang tanong.
"Hindi ako naglayas," kaswal kong sagot.
"Ano?--"
"Pinalayas ako.... ni Papa." Parang may bumikig sa aking lalamunan nang maalala ang galit na mukha ni Papa. Sana pagbalik ko ay napatawad na niya ako. Pero kailan pa kaya darating ang araw na 'yon?
"What?! Pinalayas ka ni Tito Ephraim?" di-makapaniwalang wika niya.
"Imposible..." aniya pa.
"Nangyari na nga. Paano maging imposible 'yon?"
"Bakit naman? Imposibleng palalayasin ni tito ang pinakamaganda niyang anak. Ipaliwanag mo nga sa 'kin ang lahat. Naguguluhan ako sa 'yo."
Bumuga ako ng hangin at nagsimulang magkuwento sa kanya. Afterall those misfortunes, I'm thankful that I still have my bestfriend. Kahit halos umabot na sa kabilang baranggay ang boses niya ay masasandalan ko siya sa mga pagkakataong kailangan ko ng maiiyakan. At kahit tinalikuran man ako ng pagkakataon ay hinding-hindi ako bibitaw sa mga pangarap ko. Itutuwid ko ang nabaluktot kong mga desisyon.
Pero hindi ibig sabihin ay aasa ako kay Dark Red. He can be a father to my child while I chase for my dreams alone. Hindi porke't mayaman siya ay aasa na lamang ako sa kanya. He's still young at pareho kaming nagsisimula pa lang na tumupad ng mga pangarap. He has his own life... as a bachelor. Marami pa siyang maaaring gawin sa kanyang pamilya. At marami pa siyang dapat i-enjoy sa buhay-binata niya.
"What? Buntis ka?!"
Nanlaki ang mga mata ni Armhaine pagkatapos kong maisalaysay sa kanya ang lahat. Para siyang nakakita ng ahas na anumang oras ay tutuklawin na siya. Who wouldn't? Noong nakaraang linggo lang ay sabay pa kaming naghanap ng trabaho at naghihintay ng tawag mula sa employer hanggang ngayon.
"Oo."
"Jusko kang babae ka! Bakit ngayon mo lang sinabi? At bakit mo tinanggihan ang alok ng mayaman mong dyowa, aber?!"
"Hindi pa kami handa... hindi pa siya handa. Nasabi niya lang 'yon dahil naguluhan siya."
"Buang ka. Hindi ka naman niya siguro bibinyagan ng semilya niya kung hindi siya sigurado sa 'yo, 'di ba? Mahal ka no'n, baliw ka lang kaya napapraning ka na," sermon niya at tiningnan ako nang masama.
"Pero pareho pa kaming mga bata. I don't think we are capable of raising a family. Nagsisimula pa lang ako pero nabali na agad ang hagdan paakyat." Tumawa ako nang mapakla. Bakit kasi ang hilig magpahirap ng kahirapan?
"Wow! Ang lalim no'n, Madam! Ano'ng plano mo ngayon? Alangan namang magtrabaho ka habang buntis. Hindi p-puwede 'yon!" bulalas niya at pinaningkitan ako ng kanyang mga mata.
"Hindi ko alam, Mhaine. Pero bukas na bukas din ay kakausapin ko siya at hihingi ako ng sorry. Hindi ko naman sinasadyang sabihin iyon sa kanya. Naunahan lang ako ng takot. Papayag na ako sa gusto niyang tumira kami sa iisang bubong habang nagdadalang-tao ako. Pagkapanganak ko ay maghahanap ako ng trabaho."
Isang iling ang itinugon niya sa 'kin. Sapat na iyong may napagsabihan ako. Batid kong hindi madali pero para kay baby ay kakayanin ko.
I should embrace the realm of motherhood from this day forward. I condemn my thoughts of getting rid of this angel before. Napakawalang kuwenta kong ina para isipin iyon.
Patawarin mo sana ako, anak. Sana maramdaman mong mahal kita kahit hindi pa kita nahahawakan.
He or she maybe an accidental baby, but I will never treat him or her like one. Simula sa araw na ito ay ituturing ko siyang pinakamagandang aksidente na nangyari sa buhay ko.
---
MAAGA akong nagising at naligo. Kailangan kong maabutan si Red sa kanyang condo. Kagabi ko pa siya tinatawagan ngunit walang sagot mula sa kanya. Marahil ay nagtatampo pa siya hanggang ngayon. And I really have to talk to him right away.
"Sasamahan na kita, buntit. Baka kung mapa'no ka pa..."
Nalipat ang atensyon ko kay Armhaine na nakatayo sa hamba ng pinto ng kuwarto. Mag-isa lang siya sa bahay nila ngayon dahil parehong nagtatrabaho sa mayamang pamilya ang kanyang mga magulang.
"Hindi na. Kaya ko na. Isang sakay lang naman mula rito," sagot ko at tinapos ang pagkakatali ng aking buhok.
"Wala naman na akong gagawin today. So, puwedeng-puwede kitang samahan. Huwag ka nang tumanggi, para sa magiging inaanak ko ang gagawin ko, hindi para sa 'yo," masungit niyang tugon.
Wala akong nagawa kundi ang tumango sa kanyang kagustuhan. Nevertheless, maganda rin naman na may kasama ako. I don't know but I feel uneasy.
Bakit kasi hindi sinasagot ni Red ang tawag ko? Knowing him, kahit galit siya sa 'kin ay siya na mismo ang gumagawa ng paraan para magkabati kami.
"O siya, magbihis ka na at hihintayin kita."
"Good. Teka lang, hintayin mo 'ko. Baka kapag hindi ako kasama ay atrasan ka ng Mijares. Hindi ako papayag na hindi kayo maikasal 'no!"
"God, Armhaine! Stop that wedding thingy. Hindi mangyayari 'yon." Inismiran ko siya. Hindi pa ako handang magpatali habang buhay.
"Huwag ka nang kumontra! Ako ang kakausap sa lalaking iyon para pakasalan ka. Kung hindi ay puputulan ko siya ng kaligayahan, makikita niya."
"Huwag ka na lang kaya sumama, baka magkagulo pa 'no."
"Sasama ako. Diyan ka lang. Huwag kang aalis," banta niya bago tuluyang pumasok sa pinto ng kanyang kuwarto.
Nang mailapat niya ito nang mariin ay dahan-dahan naman akong tumayo patungo sa pinto ng bahay.
I'm sorry, Armhaine. Ayaw kitang idamay sa gulong napasukan ko.
Ngumiti ako nang mapait sa aking isipan. Hindi naman na sigurong masama na mabuntis ang bente dos anyos, 'di ba? Yes, I'm physically fit to be a mother, but why do I feel like I've lost something? Handa na ba talaga ako? Mapapalaki ko kaya nang maayos ang anak ko?
Questions flooded my thoughts. Ganito pala ang pakiramdam na magkaroon ng responsibilidad sa hindi inaasahang pagkakataon. Natatakot akong anumang oras ay maaaring isumpa ako ng tadhana.
Lahat ng iyon ay parang tinaga ni kamalasan sa bato. Hindi ko sinasadya. Hindi ko alam na madulas ang sahig. Hindi ko alam na sa kagustuhan kong makausap ang ama ng anak ko'y mawawala ko siya.
"Oh my God! Kira!"
Isang napakalakas na tili ang huli kong narinig bago nagdilim ang aking paningin.
©GREATFAIRY