CHAPTER 10

1846 Words
Muling lumabas ng kwarto si Rommel para kunin ang mga damit ng kanyang Ate Blessa. Matalim niyang tinitigan ang kapatid na si Abby nanh makita itong papasok sana sa kwarto niya. "Ano? Aawayin mo na naman si Ate Blessa?" "Gusto ko lang-" "Mamaya mo na s'ya kausapin kapag pareho ng malamig ang mga ulo n'yo," ani Rommel pa at iniwan si Abby na tulala sa isang tabi. Matapos isara ang pintuan ay kumuha ito ng bagong damit para kay Blessa. "Maligo ka na lang ulit. Ayon ang banyo." Matapos ituro ang maliit na pintuan sa kwartong iyon ay muli itong bumalik sa pagbabasa ng kung ano sa kanyang notebook. Iginala ni Blessa ang kanyang mga mata sa maliit na kwartong iyon, maraming papel sa dingding, mga guhit at may mga numbers na hindi naman niya maintindihan. Sa gilid ay lamesa at marami ring mga tambak na papel. Nahagip rin ng mata niya ang isang picture frame isang babae na may buhat na baby. "Anak ko 'yan. Ayaw sa 'kin ng pamilya ni Jean, at dahil mga bata pa kami inilayo sila sa 'kin. Lalo na nang malaman nilang naging sugarol si mama at may asawang batugan. Si Abby na naanakan at sumama sa Anthony na adik rin. Tingin nila hindi na ako matino at hindi gagawa ng mabuti." Bakas ang pagka dismaya sa tinig nito. Ibinalik ni Blessa sa ibabaw ng lamesa ang picture frame at lumapit kay Rommel. "Ano bang nangyari nang nawala ako?" naguguluhang tanong ni Blessa sa kapatid. "Maayos ang pag aaral namin ni Abby noon. Simula ng magtrabaho at magpadala ka ng pera sa amin, naging maluwag at maginhawa ang buhay namin. Nakapagtayo pa nga si mama ng maliit na tindahan." "Pero, bakit ganito?" "Nabarkada si Abby, at dahil mapera na kami marami ang naging kaibigan niya. Gabi-gabi ang gimik, laging umaga kung umuwi. Hanggang nabuntis s'ya no'ng grade ten. Kahit ako, nabarkada din. Grade nine ng makabuntis," nakayuko at nahihiyang kwento ni Rommel. Hiyang-hiya siya sa kanyang Ate Blessa. Hiyang-hiya siya ng bumalik sa isip ang muntikan ng pagka pariwara ng buhay niya. "Nakilala naman ni mama si Fredo sa pinuntahang birthday ng kumare n'ya. Niligawan si mama tapos naging boyfriend n'ya. Hanggang sa dito na tumira si Fredo at magsama sila." "Sabi mo may isa pang anak si Abby? Nasaan? Bakit si Anthony ang...?" Hindi niya maituloy ang kanyang sasabihin. Sa lahat naman kasi. Bakit si Anthony pa? "Kinuha ni Lenard ang anak nila. Lulong na noon si Abby sa drugs. At nahuli ni Lenard si Abby at Anthony sa kwarto habang ang anak nila ay iyak nang iyak sa kuna. Dati akala ko, nakukuha ni Abby ang drugs sa mga kaibigan n'ya. 'Yon pala, si Fredo ang nagsu-supply sa kanya. Pati si mama, nahuli ko ring gumagamit. Magka-session pa silang apat sa dating bahay natin." Natakpan na lang ni Blessa ang bibig ng kumawala ang kanyang hikbi. Hindi lubusang makapaniwala sa mga kwento ng kapatid. "Diyos ko!" humihikbing bulalas ni Blessa habang tutop pa rin ang bibig. "Paano kayo napunta dito?" "Sa kaibigan ni mama ang lupang 'to. Kinuha ni mama at Fredo dahil sa malaking pagkakautang sa shabu. At dahil kalat na ang mga ginagawa nila sa dating tinitirahan natin at pinag uusapan na sila sa buong barangay lumipat kami dito." "Nagpapadala ako ng pera 'di ba?" Nasapo ni Blessa ang sentido. "Saan napupunta 'yon?" Sa mga nalaman mula kay Rommel pakiramdam ni Blessa ay sasabog ang ulo niya. Wala na nga siyang napala kay Pamela. Tapos ngayon naman ito? Wala ring napuntahan ang sakripisyo niya ng ilang taon. "Kapag nagpapadala ka laging may party sa bahay. Mga barkada nina Abby at Anthony. May sarili ring hakot sina mama at Fredo. Gustung-gusto ko ng sabihin sa 'yo noon lahat, pero ayaw kong mag alala ka." Lalong napaiyak si Blessa. Ang pananabik na muling makita ang kanyang pamilya at ang mga plano niya para sa mga ito ay bigla na lang nalusaw lahat dahil sa kanyang mga nalaman. "Hindi ko matanggap! Parang... parang ang hirap paniwalaan lahat!" umiiyak na ani Blessa pa. "Lahat ng pagsasakripisyo ko parang nabalewala lahat dahil imbes na gumanda ang buhay n'yo-" "Hindi mo kasalanan, ate," awat ni Rommel sa kanya. "Kami ang nagkamali." "Ang sakit isipin. Ang sakit sakit!" humahagulgol na sabi pa niya habang hawak nang mahigpit ang dibdib. "Sorry, Ate Blessa. Sorry sa lahat lahat," umiiyak na ani Rommel pa. "Nang ilayo nila sa akin si Jean at ang anak ko, doon lang ako nagising. Parang 'yon ang naging wake up call ko na ayusin na ang buhay ko." Napatingin si Blessa sa kanilang bunso. Damang dama ni Blessa ang sakit na dinadala nito. "Nagsikap ako na ayusin ang buhay ko para ipakita sa pamilya ng mag ina ko na hindi ako katulad ng pamilya ko. Para na rin kahit paano ay makabawi sa hirap at sakripisyo mo sa pagtatrabaho sa malayo. Sorry kasi hindi ko alam na ganyan ang nangyari sa 'yo." Ngayon ay nasa second year college na si Rommel sa kursong Engineering. Pangarap rin iyon ng kanyang Ate Blessa noon. At dahil nga hindi nakapag patuloy sa pag aaral ay siya na ang nagtuloy ng pangarap na iyon. "Ako na ang humihingi ng tawad para kay mama at Abby, Ate Blessa," hilam sa luhang ani Rommel habang nakaluhod sa harap niya. "Kaya ko ba?" umiiyak na tanong ni Blessa dito. "Kaya ko ba silang patawarin? Sobrang sakit! Lahat tiniis ko! Niyakap ko 'yong mundong isinusuka ng sikmura ko para lang bigyan kayo ng magandang buhay. Para lang hindi na tayo maghirap. Pero bakit ganito?" "I'm sorry, ate. Sorry..." Mahigpit na yakap lang ang isinukli niya kay Rommel. Mas nagsisi pa si Blessa sa kanyang ginawa. Kung alam lang niyang ganito ang mangyayari sa pamilya niya hindi na sana niya niyakap ang maruming mundong iyon. Kabaliktaran lahat ng mga nangyari sa buhay at pamilya niya. Nasilaw ang pamilya niya sa karangyaan ng buhay na kanyang ibinigay sa mga ito. Nagpatangay ang mga ito sa mapanuksong laro ng tadhana. Maya maya pa ay nakarinig sila ng mga kalabog ng kaldero sa labas. "Dito ka na lang," awat ni Rommel kay Blessa. Hawak nito ang isang kamay niya ng tumayo siya. "Si Fredo 'yan. Lasing na naman." "Titingnan ko lang." "Ate," tawag ni Rommel pero tumuloy lang si Blessa palabas. "Tigilan mo nga 'yang pagwawala mo! Nabubulahaw mo ang anak ko!" galit na saway ni Abby sa lalaking malaki ang katawan at nagkalat sa balat ang tattoo. "Punyeta! Wala kang pakialam kung magwala ako dito! Bahay ko 'to!" singhal nito kay Abby. "Nasaan na ang pagkain ko Grace! Put*ng ina namang buhay 'to, oh!" "Ate, tara na muna sa loob," ani Rommel na nasa kanyang likuran. Nakita ni Blessa na lumabas sa kusina ang mama niya dala ang plato ng kanin at ulam. Nagmamadali rin itong naglapag ng baso at pitsel ng tubig sa lamesa. "Pwe! Ano bang ulam 'to! Ang tanga mo naman talaga kahit kailan! Ang kabobohan mo lumalala na! Ayaw ko ng nabibiling ulam d'yan sa tabi-tabi! Grace naman! Magluto ka!" Halos madurog ang puso ni Blessa sa kanyang nakita at narinig. Buong buhay niya, no'ng nabubuhay ang papa nila ni hindi man lang niya narinig na tawaging tanga o bobo ang mama nila. "Hindi ko naman kasi alam na uuwi ka-" "Kasalanan ko pa ngayon?! Kasalanan ko pa?! Ha! Punyeta ka!" "Sinasabi ko-" "Ma!" sigaw ni Blessa ng tangkang sampalin ni Fredo ang ina. Ilang dipa ang layo nila sa isa't isa pero gano'n kabilis niyang napuntahan at naharangan ang ina. "B-Blessa," nanginginig ang boses na tawag ni Grace dito. "Wow! May chika babes pala tayong bisita," sabi ni Fredo na pinasadahan ng tingin ang katawan niya. "Kasing sarap ka rin ba ni Grace? O, baka naman ni Abby?" Malakas at magkasunod na sampal ang ibinigay ni Blessa sa lalaki. Muntik na nga itong masubsob sa lakas noon. "Aba't! Gaga ka, ah!" gigil na sabi nito. "Subukan mo!" Pinandilatan niya ito ng mga mata. "Ano? Sasampalin mo rin ako? Subukan mo! Tingnan natin kung saan ka pulutin!" galit na banta ni Blessa dito. "Sino ka bang punyeta ka?!" galit na tanong ni Fredo habang pinupunasan ang gilid ng labing pumutok dahil sa lakas ng pagkakasampal ni Blessa sa kanya. "Fredo, matulog ka na." Pumagitna na si Grace sa dalawa. "Bakit, ma? Ayaw mo ba akong ipakilala sa bago mong asawa?" Baling ni Blessa dito. "Ikaw si Blessa?" gulat na ani Fredo. "Oo!" matapang at walang kakurap kurap na tugon ni Blessa. "At ngayong nakauwi na 'ko. Wala ka ng mahihita sa mama ko!" "Bakit? Ikaw lang ba ang nag aakyat ng pera dito?" maangas na sagot ng lalaki. Natawa si Blessa sa narinig. "Nag aakyat ka pala ng pera dito? Bakit ganito ang buhay ng pamilya ko kung nag aakyat ka ng pera? Nasaan ang pinaghirapan ko ng ilang taon?" Natigilan at hindi nakaimik si Fredo. "Kung nag aakyat ka ng pera sa bahay na 'to! Kung bahay nga'ng matatawag! Bakit parang masahol pa ang buhay n'yo sa daga?!" "Tama na, Blessa! Umalis ka na!" Pagtataboy ni Grace sa kanya. "Pipiliin mo talaga 'yang batugan mong asawa kaysa sa akin? Sa amin, ma?" hindi makapaniwalang tanong ni Blessa. "Anak mo 'ko, ma!" "Mahal ako ni Fredo-" "Mahal? May mahal ba na kaya kang saktan ng pisikal?" nandidilat na tanong Blessa sa ina. "Hindi na kita kilala, ma!" Nabasag ang boses ni Blessa. "Narinig ko lahat ng mga masasakit na salitang lumabas sa bibig ng lalaking 'yan! Sasaktan ka pa! Hindi mo ba naisip man lang, ha! Noong buhay si papa ni pitik! Hindi n'ya nagawa sa 'yo!" Natahimik bigla si Grace. Unti-unting lumuwag ang pagkakahawak ng mga kamay nito sa braso ni Blessa. "Matagal ng patay ang papa mo! Hindi na s'ya babalik!" may diing ani Grace. "Kahit na! Sa ginagawa mo, tingin mo masaya si papa sa ginagawa mo? Nagbago na kayo! Lalo ka na! Hindi na ikaw ang mama ko... Hindi na kita kilala..." umiiyak na sabi ni Blessa at marahas na pinahid ang mga luhang naglandas sa kanyang pisngi. "Mahal mo s'ya. Sige! Pero ito na ang huling araw na makikita mo ako. Sobrang sakit, ma! Sobrang sakit ng ginawa n'yo ni Abby sa akin!" "Wala namang nagsabi sa 'yong buhayin mo kami, ah! Ginusto mong bigyan kami ng pera! Ginusto mo ang buhay-" "Abby!" sigaw ni Rommel sa kapatid. "Bakit? Tama naman ako 'di ba?" ganting sigaw nito kay Rommel. "Ginusto?" Natawa ng mapait si Blessa habang hilam sa luha. "Walang babaeng gugustuhing babuyin ng kung sinu-sinong lalaki, Abby. Pinili siguro, oo! Dahil pinili ko kayong bigyan ng buhay na maganda. Pero hindi n'yo man lang binigyang halaga. At ngayon, hindi na! Pagod na 'ko, Abby. Sobrang pagod na 'ko. Akala ko, kayo ang magiging pahingahan ko. Nagkamali pala 'ko!" "Ate..." usal ni Rommel. Tumalikod si Blessa at tuloy-tuloy na lumabas sa bahay na iyon kahit na tinawag pa siya ni Rommel. Pakiramdam ni Blessa pinagsakluban siya ng langit at lupa. Isang araw pa lang siyang malaya pero sunud-sunod na ang ragasa ng problema.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD