CHAPTER 11

2002 Words
Bigong bumalik ng Maynila si Blessa. Hindi niya alam kung saan at paano ulit mag uumpisa. Parang bigla siyang nawalan ng gana sa buhay. Hindi niya matanggap na nawalan ng saysay ang mga ginawa niya para sa kanyang pamilya. Pero sa kabilang banda masaya pa rin naman siya. Dahil may isang nagbunga ng maganda. Si Rommel, hindi nito sinayang ang pagkakataon. Mas nakabuti sa kapatid ang pagmamahal nito para kay Jean at sa anak nila. Alam ni Blessa na malayo ang mararating ni Rommel sa buhay. At kapag nangyari iyon, isa siya sa magiging masaya. Siguro naman by that time, tanggap na siya ng pamilya ng babaeng mahal niya. Habang narito sa Maynila ay sa apartment muna ni Vicky siya tumuloy. Wala rin naman siyang pupuntahang iba. Dalawang palapag ang apartment na iyon. Tatlong kwarto sa itaas at tatlo rin sa ibaba kabilang ang tinutuluyan niya. Isa pa iyon sa iniisip ni Blessa, kailangang ipaalam niya sa pamilya ni Vicky ang nangyari dito. Para na rin mailipat ito ng mas magandang libingan. "Sandali lang!" sigaw ni Blessa mula sa kusina ng may kumatok sa pintuan. Agad niyang binuksan ang pinto at bumungad sa kanya ang isang may edad ng babae. "Ano po iyon?" "Nand'yan na ba si Miss Vicky?" nakangiting tanong ng may edad na ring babae. "Ibibigay ko lang sana itong nakolekta kong renta dito sa apartment n'ya." Napatingin si Blessa sa nakalahad na sobre. "Si Vi- Tita po pala ang may ari nitong apartment?" "Oo, last week kasi bago s'ya umalis sabi niya ako daw muna ang maningil sa mga upa. Nasaan nga pala s'ya?" anito pang bahagyang sumilip sa loob. "Hindi pa po s'ya makakauwi ngayon, eh. Marami po kasi s'yang inaasikaso. Ako na lang po ang magbibigay sa kanya." "Kaanu-ano ka ba n'ya?" "Anak po ako ng kaibigan ni Tita Vicky. May pinuntahan po kasi sila, baka matatagalan pa po ang uwi," pagsisinungaling pa ni Blessa. Ayaw niyang sabihin sa babae ang totoong nangyari kay Vicky. Hangga't maaari ay ayaw niyang magtiwala sa kahit na sino ngayon. "Naku! Napakabait niyang tita mo. Sayang at walang anak," kwento ng babae. "Ulila na rin sa pamilya. Mabuti at naisipang magpatayo ng sariling ikabubuhay para sa sarili." "Wala s'yang pamilya?" natitigilang ani Blessa. "Iyon ang pagkakaalam ko. S'ya, total at narito ka na rin lang. Ikaw na ang bahala sa perang ito, ha," ani pa ng matandang babae na kinuha ang kamay ni Blessa at saka inilagay sa kanyang palad ang sobre. Nakaalis na ang babae pero nakatanga pa rin si Blessa sa bukas na pintuan. Walang anak.... Walang pamilya.... Kanino niya ibibigay ang apartment na ito kung ganoon? Iwinaglit muna ni Blessa sa isipan ang pamilya at problema at nag-fucos muna siya sa paghahanap ng trabaho. Ngayong malaya na siya ay kailangan niyang buhayin ang kanyang sarili. Wala na rin naman siyang pamilyang aasahan pa kaya sisikapin niyang mamuhay mag isa. Mamuhay sa malinis at marangal na paraan. Maging ang planong paghahanap sa ibang kamag anak ni Vicky ay isinantabi na muna niya. itutuloy na lang niya ulit ang paghahanap kapag maayos na ang lahat. "Kulang kami sa tao ngayon dahil december na. Pwede ka ng magsimula bukas. Okay ba 'yon sa 'yo?" Napangiti nang malapad si Blessa dahil sa narinig. "Okay na okay po! Thank you!" "May uniporme tayo dito, ha. Pwede kang dito kumuha by salary deduction. Pwede ring sa labas ka bumili kung mapera ka," natawa pang sabi ng nag-interview sa kanya. "Pero syempre, kahit salary deduction ang uniporme mas mura dito kaysa sa labas." Indorso pa nito. "Ayos lang po 'yon, Ma'am-" "Juvy na lang. Inform ko na lang ang boss natin para malaman n'yang may bago ng sales lady." Pagod man sa maghapong paghahanap ng trabaho ay nakangiti pa ring umuwi si Blessa. May trabaho na siya! Highschool graduate lang ang tinapos niya at gustuhin man niyang maghanap ng mas malaking kita ay bagsak naman siya dahil wala siyang maipakitang diploma. Ayos na ring pangsimula iyon atleast may trabaho na siya para makaraos sa pang araw araw. Trabaho na maliit man ang kita ay malinis at marangal na naman. "Uy! Blessa, sama ka sa amin ngayong gabi. Gimik naman tayo," aya ng kasamahang si Dina. "Oo nga, Blessa. Last time sabi mo sasama ka, eh," ani Aya pa. Ilang buwan na rin si Blessa sa pinapasukang mall. At walang araw na hindi siya kinukulit ng mga kasama para sumama sa gimik nila. Wala rin naman sigurong masama kung sumama siya. Ngayong gabi lang naman. "Sige," tugon niya sa mga ito. "Ayon, oh!" sigaw ni Aya. "Ihahatid ka naman namin, kaya 'wag kang mag alala," ani Dina na malaki rin ang ngiti. Sa isang bar nagtungo and tatlo at ipinakilala si Blessa sa mga kaibigan nilang naroon. Maingay na tugtugin, usok ng sigarilyo, amoy ng iba't ibang klase ng alak, mga tqong nagkalat kung saan saan. Parang nanariwa tuloy sa kanya ang Casa Aliwan. "Rest room lang ako," paalam ni Blessa kina Dina. "Sige, bilisan mo, ha. Punta lang kami sa dance floor!" si Aya. Mabilis na pumasok sa c.r si Blessa at naghilamos. Huminga siya ng malalim at kinalma ang kanyang sarili. Hindi siya komportable sa lugar na ito. Para siyang naso-suffocate. Lumabas si Blessa ng c.r at magpapaalam na siya kina Dina para umuwi. Hindi siya makakatagal sa lugar na ito. Nakita niya sa dance floor si Aya na nagsasayaw kasama ang isang lalaki. Si Dina ay hindi niya makita kaya umalis na lang siyang hindi nagpapaalam sa mga ito. Iti-text na lang niya mamaya ang dalawa kapag nakauwi na siya. Simula ng gabing iyon ay hindi na sumama pang muli si Blessa kina Aya at Dina. Sa tuwing mag aaya ang mga ito ay kung anu-ano na lang ang kanyang idinadahilan. Inabala na lang niya ang sarili sa ibang bagay na makakatulong sa muling pag aaral niya. Gustung-gusto talaga kasi niyang mag-aral. Dahil may ipon na at sapat na rin ang pera sa ilang buwang pagtatrabaho ay nag-aral muli si Blessa sa isang Alternative Learning School para tapusin ang Senior High School. Sales lady sa gabi at nag-aaral naman sa araw. Nagpalipat si Blessa ng shift para hindi siya mahirapang pagsabayin ang trabaho at eskwela. May naging kaklase rin siyang part time model at isinama siya nito minsan sa isang gig. Wala namang problema kay Blessa ang puyatan, sanay na siya roon. Sa Alternative Learning School ay magkasama na sila hanggang ngayong tumuntong sila ng kolehiyo. At malaki ang pasasalamat ni Blessa kay Kira dahil sa trabahong ibinigay nito sa kanya. "Okay, class dismiss!" pahayag ng kanilang professor. "Blessa, sasabay ka ba sa 'kin?" tanong ni Kira ng lumapit ito sa kanya. May gig kasi ulit sila ngayon at isinama ulit siya ni Kira kasi malaki daw ang bayad. "Kung okay lang sa 'yo, pwede naman," nakangiting tugon ni Blessa. "Loka! Ikaw pa ba naman!" natatawang ani Kira at umirap pa sa hangin. "Tara na at nand'yan na ang sundo natin," ani pa nito sabay hila sa kanya palabas ng classroom. Maganda at mabait, 'yan si Kira. Pala-kaibigan rin ito kaya nagkasundo agad sila ni Blessa. Sa pagmo-model rin ay nakapag pundar na ito ng sariling kotse. Naalala tuloy niya si Sarah. Wala na siyang balita sa kaibigan. "Alam mo ba? Simula nang unang sabak mo sa gig madami na ang nagtatanong sa 'yo. At sabi ng manager ko gusto ka raw niyang kausapin," kwento ni Kira habang nasa kotse sila. "Kukunin ka yatang regular model, bakla!" excited pang balita nito. "Talaga?" hindi makapaniwalang ani Blessa. "Totoo talaga?!" "Oo! Pwede ka ng tumigil mag sales lady kapag naging regular ka na sa modeling," ani Kira pa. Totoo nga ang sinabi ni Kira kay Blessa. Pagkatapos nga ng gig nila sa isang sikat na brand ng kotse ay kinausap siya ng manager ni Kira. Walang pagsidlan ang tuwa ni Blessa. Tulad ni Kira ay regular na siyang model sa agency at malaki ang kita. Dahil sa manager ni Kira na ngayon ay manager na rin niya, unti-unting nakilala si Blessa. Minsang mag model sa isang liquor brand ay sunud-sunod na ang offer sa kanya. Hanggang sa kunin sila ni Kira para sa isang endorsement ng isang lingerie. Masaya si Blessa sa mga kaganapan sa kanyang buhay. Nagpaalam na rin siya sa trabaho at nag-focus na lang sa pag-aaral at sa bagong trabaho. Gabi na ng makauwi siya sa bahay ng araw na iyon. Marami kasing projects at assignment kaya ginugol ni Blessa ang oras sa library. Mabuti na lang rin at wala siyang gig kaya natapos niya ang mga dapat gawin sa eskwela. Kakababa pa lang niya ng tricycle ng matanawan ang isang babae sa harapan ng pintuan ng apartment na inuukupa niya. "Mama," sambit ni Blessa ng mapag sino ito. "Blessa! Blessa!" Nabigla pa siya sa biglang pagsugod ng yakap ng ina sa kanya. "Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong niya sa ina matapos kumalas sa pagkakayakap si Grace sa kanya. "Anak, patawarin mo na ako. Nahihirapan na ako!" sabi nito sabay humagulgol ng iyak. "Nahihirapan?" Natawa ng mapait si Blessa. "Sa pagkakabalita ko. Mukhang hindi naman." Sabay pasada ng tingin sa ina. Ngayong nakikita niya ang ina parang dinudurog muli ang puso ni Blessa. Malayung-malayo na ang babaeng kaharap niya ngayon sa babaeng minahal ng papa niya noon. "Bakit kasi ayaw n'yo pang huminto sa pagdo-droga, ma? Maawa naman kayo sa mga sarili n'yo!" "Gusto ko ng huminto, anak. Kaya nga ako pumunta dito sa 'yo, eh." Binuksan ni Blessa ang apartment para mailagay ang mga gamit niya at ng makapasok na rin sila dahil madilim na sa labas. "Sa iyo ba ang bahay na 'to? Ang ganda, ha! Tapos nag-aaral ka na rin pala." "Oo, gusto kong mag-aral na hindi ko nagawa noon. Ano po bang kailangan n'yo at sinadya mo pa ako dito sa Maynila?" tanong niya habang ipinapahinga ang sarili sa upuan. "Gusto ko sanang humingi ng puhunan sa 'yo, anak. Magbabagong buhay na kami ng kapatid mo," nakangiting saad ni Grace. "Puhunan? Bagong buhay?" hindi makapaniwalang ani Blessa. "Tingnan mo sa salamin ang hitsura mo, ma! Kailan ka huling nag droga? Kahapon? Kanina? Wala akong maibibigay sa iyo ngayon. Nagamit ko na sa pag-aaral ko." Gustuhin man niyang paniwalaan ang ina ay hindi magawa ni Blessa. Alam niyang patuloy pa rin sa pagdo droga ang mga ito. "Napaka walang kwenta mo namang anak! Porke't model ka na ngayon akala mo kung sino ka na!" nandidilat na sigaw niya kay Blessa. "Nakatikim ka lang ng konting ginhawa akala mo hindi na tatapak 'yang paa mo sa lupa! Konting puhunan lang-" "Ako pa ngayon ang walang kwenta?!" sigaw ni Blessa sa ina. Nagulat si Grace kaya napaatras ito. "Kayo ang walang kwenta! At 'yang mga lumalabas sa bibig mo ngayon, sana sa sarili mo sinabi at hindi sa akin! Wala na ba kayong pera kaya binubulabog n'yo na naman ako?" "Nanay mo ako at may trabaho ka na ulit! Obligasyon mong tulungan ako dahil kung 'di dahil sa akin wala ka sa mundong ito!" ganting sigaw ni Grace sa kanya. Napatawa nang malakas si Blessa sa sinabi ng ina. Hindi siya makapaniwalang nagagawa ito ng ina sa kanya ngayon. "Oo! May trabaho na ako ulit! At sa pagkakataong 'to, sarili ko naman ang uunahin ko. Salamat sa pagluwal mo sa akin. At oo! Obligasyon kong tulungan ka! Tinulungan ko naman kayo 'di ba? Pero sinayang n'yo ang pinagpaguran ko ng maraming taon! Nanay nga kita! Pero hindi mo ako pinapahalagahan bilang anak mo! Kayo ang naglagay ng sarili n'yo sa ganyang buhay.'Wag mo akong sumbatan, ma! Dahil sa ating dalawa, ako ang may karapang manumbat dito!" "Pagsisisihan mo lahat ng ito! Simula ngayon! Hindi na kita anak! Wala akong anak na madamot! Madamot ka!" Mabilis na umalis si Grace. Sinundan ito ni Blessa ngunit tuluy tuloy lang ang lakad nito palayo. Nanlulumong naupo si Blessa sa upuan nang pumasok sa loob. Hindi na talaga niya kilala ang kanyang ina. "Papa..." humihikbing sambit ni Blessa. "Ano po ba ang dapat kong gawin?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD