CHAPTER 17

1693 Words
Mula nang makauwi si Blessa ng bahay ay tanging ang mga sinabi lang ni Lucas ang laman ng kanyang isipan. Paano nga kaya kung tama ito? Ano ba ang dapat niyang maramdaman? Maraming tanong ang gumugulo sa isipan ni Blessa. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang gawin at unahin. Mabilis niyang dinampot ang cellphone ng tumunog iyon dahil baka magising si Bella. Alas sais pa lang kasi ng umaga at maaga siyang nagising. O, mas tamang sabihing hindi talaga siya nakatulog buong gabi. "Bakit?" Bungad agad niya kay Rommel ng sagutin ang tawag nito. "Ngayon ang punta natin sa Antipolo. Pinapakuha na ng may ari ng lupa 'yong mga gamit natin doon." Dahil illegal ang pagkuha sa lupang pinagtayuan ng bahay ng kanyang pamilya noon at nakakulong na rin si Fredo na naghahari-harian sa lugar na iyon ay binawi na ng may-ari ang lupa. Sinabi na sa kanya ni Rommel iyon noong huli silang magkita. "Sige, daanan mo na lang ako dito," anitong nahilot pa ang sentido dahil sa bahagyang pagsakit ng ulo. Tulog pa naman si Bella kaya agad na siyang nag-shower para lumuwag ang kanyang pakiramdam. Mabuti na lang rin at sabado ngayon, walang pasok sa eskwela. Last week ay sunud-sunod rin ang gig nila kaya maluwag ang schedule niya ngayon araw. Guminhawa ang pakiramdam ni Blessa matapos maligo. Mas gumanda pa ang pakiramdam niya ng makatanggap ng message mula kay Lucas. Kamakailan lang nga ay nag-friend request ito sa social media accounts niya. Madalas n'ya ring kumustahin si Bella dahil cute na cute ito sa kanyang pamangkin. "Pasok lang ako sa kwarto ko, ate. May mga naiwan pa kasi akong gamit dito." Bumabalik ang sakit sa puso ni Blessa habang pinapasadahan ng tingin ang buong bahay. Kung hindi kaya siya napunta sa casa? Ano kayang buhay meron sila ngayon? Siguro masipag pa rin maglabada ang mama niya. Siguro buhay pa si Abby at certifide nurse na. Unti-unti siyang naglakad patungo sa kwarto ng ina. Sobrang kalat ng buong kwarto. Binuksan niya ang bintana para sumingaw ang amoy kulob. Inilagay ni Blessa sa garbbage bag ang mga damit na nakakalat sa sahig. Pinagkukuha na rin niya ang basyo ng mga alak at nagkalat na balat ng mga chichirya at kendi. Balak niyang ipamigay na ang kama tutal ay pwede pa naman iyong magamit. Matapos ilagay sa garbbage bag ang lahat ng kalat ay tinungo naman niya ang tukador ng ina. Isa-isa niya tinupi ang mga pwede pang gamiting damit at maayos na inilagay sa dala nilang mga kahon. Nasa maliit na cabinet naman ang ilang importanteng papeles nila. Naroon pa nga ang mga birthcertificate nilang magkakapatid. Inilagay niya iyon sa isang malinis na plastic at ipinasok na rin sa loob ng kahon. Nang samsamin niya ang ilang papel na naroon ay nagkahulog ang laman ng lumang photo album. Agad niyang pinagkukuha ang mga litrato na sana ay hindi na niya ginawa. Nag unahan sa pagtulo ang mga luha niya nang makita ang picture na kapareho ng nakita niyang picture ng bata sa photo album ni Vicky. May kuha pa iyon na buhat ni Vherna Bautista. Pagkatapos ay buhat naman ng kanyang ama ang batang iyon. May ilang picture pang puro kasama nito ang mama at papa niya. Siya iyon! Siya ang batang iyon! Kaya pala pamilyar sa kanya ang picture noong una pa lang. Siya ang batang 'yon! "Ate, tapos ka na ba? Kinuha ko 'yong mga gamit ni Abby na mapapakinabangan pa. 'Yong mga ibang gamit iwanan na lang- Ate Blessa? Bakit?" nag aalalang tanong ni Rommel ng tuluyang makalapit sa kanya. "Ano 'yan?" Dahil nanghihina na ang kanyang mga kamay ay ganoon lang kadaling nakuha ni Rommel ang hawak niyang litrato. Hindi siya makapagsalita dahil nagbabara ang lalamunan niya. Baka kapag nagsalita siya ay tuluyan ng mabasag ang kanyang boses. "Picture mo 'to 'di ba?" sabi ni Rommel at sinamsam na ang mga litratong nahulog sa sahig. "Ang tagal-tagal na ng mga ito. Nakaka-miss tuloy si papa." Nakatitig lang si Blessa sa kapatid habang iniisa-isa nitong tingnan ang mga larawan. Sobrang sakit ng nararamdaman niya ngayon. Ang pamilyang kasama niya at minahal ng maraming taon ay hindi naman pala talaga niya pamilya. At ang liit-liit ng mundo, dahil sa lahat ng mabibiktima ni Vicky siya pa! Kung ano ang buhay ng totoo niyang ina noon ay siya ring nangyari sa kanya ngayon. "Ate, ano'ng problema?" Pinahid niya ang sarili at huminga ng malalim. Ilang ulit niyang ginawa iyon bago balingan ang kapatid. "Pumunta tayo kay mama. Tapos ka na ba?" "Oo, nakuha ko na lqhqt ng gamit ko. 'Yong mga gamit ni Abby na pwede pang gamitin ipamigay na lang natin dahil wala namang gagamit no'n," wika pa ni Rommel. "Kinuha ko lang ang mga pwede pang gamiting damit ni mama. Saka 'yong mga importanteng gamit. Ipamigay na lang natin ang mga hindi na natin madadala." Matapos makausap ang may-ari ng lupa at makahingi ng pasensya sa ginawa ng kanilang ina ay inihabilin na ni Blessa ang ibang gamit na ipamigay na o kaya ay kunin na lang rin nito. At bago nga umuwi ay dumaan muna sila sa city jail ng Antipolo kung saan inilipat na ang kanyang ina. "Ano na naman ang kailangan n'yo? Himala at nadalaw kayo rito?" ani Grace nang maupo sa katapat na upuan. "Dinalhan ka namin ng pagkain. May ilang gamit mo rin d'yan. Kumusta ka na?" si Rommel. "Ayos naman. Tanggap ko nang hindi na 'ko makakalabas. Wala na rin namang magandang buhay para sa akin sa labas." "Kung magbabago ka, maraming magagandang bagay ang naghihintay sa 'yo sa labas, ma," giit ni Rommel. "May pagkakataon ka pang magbago, ma. Maraming rason. Hindi mo ba gustong makasama kami?" may hinanakit na tanong ni Rommel sa ina. Napabuntong hininga si Grace. Tumayo na ito at kinuha ang dala-dala nina Rommel. "Umalis na kayo. Salamat dito." "Bakit ako ibinigay ni Vherna Bautista sa inyo?" Nahinto si Grace sa tuluyang pag alis. Maging si Rommel ay nagtatakang napalingon sa kapatid. "Hindi n'yo ako anak. Kaya ba ganyan mo na lang ako tratuhin-" "Ano bang sinasabi mo?" putol ni Grace kay Blessa. "Hindi ikaw ang nanay ko. Kaya ba parang balewala lang ako sa 'yo? Kaya ba ganoon mo ako kadaling isantabi dahil hindi mo naman talaga ako minahal bilang anak-" "Minahal kita, Blessa! Higit pa sa tunay na anak! Kung nagkamali man ako sa 'yo ngayon! 'Wag na 'wag mong kukuwenstyunin ang pagiging ina ko sa 'yo! Dahil itinuring kitang akin!" Garalgal ang boses na putol ni Grace dito. "Umalis na kayo! 'Wag na kayong bumalik dito." "Bakit hindi mo sinabi?" umiiyak na ring tanong ni Blessa, titig na titig sa mga mata ng ina. "Ate," awat ni Rommel kay Blessa at hinawakan pa ito sa braso. "Hindi na importante kung sino ang ina mo! Anak ka ni Dolfo at mahal na mahal ko ang papa mo noon! Kaya kahit masakit! Tinanggap kita! Tulad ng kung paano n'ya kami tinanggap ni Abby noon!" Bumalik si Grace sa kinauupuan niya at nanginiginig ang mga kamay na muling inilapag ang hawak na plastic sa lamesa. "Ano'ng klaseng tao ang nanay ko?" nanghihinang tanong ni Blessa. "Kababata ni Dolfo si Vherna. First love s'ya ng papa n'yo. Pareho kami ng mundo ni Vherna. Ang kaibahan nga lang malaya ako, si Vherna hindi. Naging body guard ang papa n'yo noon ng isang politiko. Madalas sila sa bar noon dahil pagmamay ari iyon ng boss n'ya. Doon ko s'ya nakilala, mabilis nahulog ang loob ko sa kanya. Kasalukuyan na noon na nagkikita na rin sila ni Vherna dahil sikat na sikat ang Casa Aliwan noon at doon madalas ang boss ng papa n'yo dahil kaibigan rin ng boss n'ya ang may-ari noon. Nabuntis si Vherna at ang papa mo ang ama. Ikaw ang bunga no'n, Blessa," nakayukong kwento ni Grace. "Bakit hindi mo sinabi sa akin?" "Kailangan pa ba?" luhaang tanong ng kanyang ina. "Oo, iba ang nagluwal sa 'yo. Pero nakikita kong mahal ka ng papa mo. Hindi man niya anak si Abby, pantay ang pagmamahal n'ya sa inyo. Kaya nangako ako sa sarili ko, na kung paano mahalin ni Dolfo ang anak ko gano'n ko rin mamahalin ang anak n'ya. Mabait na tao ang mama mo. Kapakanan mo ang inisip n'ya noon kaya ka n'ya ibinigay sa amin. Hindi ko nga lang alam kung ano ang dahilan ng pagkamatay n'ya. Simula ng ibigay ka n'ya kay Dolfo hindi ko na ulit s'ya nakita pa." Napahagulgol na lang si Blessa. Wala ng masabi pa sa mga narinig mula sa kinilalang ina. Parang bulang napawi lahat ng hinanakit niya dito. Sa pagmamahal na ibinigay nito sa kanya mula noon, bawing-bawi ang pagmamahal ng isang tunay na ina roon. "Aminado naman ako! Nagkamali ako! Nalulong ako sa bisyo, napariwara hindi lang ang buhay ko kundi pati na rin ang buhay ni Abby. Napabayaan ko kayo, pero minahal ko kayong lahat. Lalo ka na, Blessa." "Sorry... Sorry po, ma. Sorry- sorry sa mga nasabi ko," umiiyak na ani Blessa. Mahigpit na hinawakan ni Grace ang kamay ni Blessa. Agad tumayo si Grace para yakapin ang anak. "Ako ang dapat magsabi n'yan sa 'yo. Sa inyo ni Rommel dahil napabayaan ko rin ang kapatid mo. Tama lang na sinumbatan mo 'ko. Nabulag ako masyado sa kakarampot na karangyaang pinaranas mo sa amin. Masyado akong nabulag sa bisyo. Parusa na sa akin ng Diyos na kinuha n'ya si Abby." "Nandito pa kami, ma. Nagkulang ka man ng minsan, hindi sapat 'yon para talikuran ka namin. Mula bata ako, nakita ko na ang sakripisyo mo para sa amin, mula ng mawala si papa," pahayag ni Rommel. "Mahal kita, ma." Dahil sa kawalan ng salita ay isang mahigpit na yakap na lang ang itinugon ni Blessa sa ina na mas tinugon nito ng mas mahigpit na yakap pa. Kung may pagkakaiba man sila ni Vherna, iyon ay ang lumaki siyang minahal ng kinilalang ina. Inalagaan at itinuring na tunay na anak. Naligaw man ito ng landas alam ni Blessa na may pagkakataon pa itong magbago. At sinisiguro ni Blessa na mananatili siya sa tabi ng kanyang ina ano mang oras na maisip nitong magbago.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD