CHAPTER 20

1434 Words
"Papa!" Lahat ay napalingon sa bukana ng gate ng mag unahan sa pagtakbo sina Ivan at Bella patungo kay Lucas. Napatingin si Blessa kay Kira nang kalabitin siya ng kaibigan. "Papa, huh? Instant daddy na agad hindi mo pa nga sinasagot," nakangising sabi pa nito. "Ate! May result na raw!" Excited na lumabas si Rommel dala ang laptop niya at ipinatong sa lamesa. Ngayon kasi lalabas ang resulta ng exam para sa mga engineering students at excited ang lahat para kay Rommel na ilang gabi ring hindi nakatulog dahil sa pinaghalong kaba at excitement. "Ako na d'yan sa bitbit mo, iho." Kinuha ni Nanay Lotty ang plastic na bitbit nito at ipinasok sa loob. Naupo si Lucas sa katabing upuan ni Blessa at agad nagpakandong si Bella dito. Tumabi naman si Ivan kay Blessa na inakbayan naman ng dalaga. Panay na ang pindot ni Rommel sa kanyang laptop. Excited rin si Blessa para sa kapatid. Nagbunga na rin ang ilang taong pagtatyaga nito sa pag aaral. May kapatid na siyang engineer. "De Asis Rommel-Yes!" sigaw ni Rommel na napasuntok pa sa hangin. "Nakapasa ako! Pasado ako, Ate Blessa!" Napasigaw rin ang dalawang bata at si Kira dahil sa tuwa. Nagkatinginan naman sina Blessa at Lucas. Hinawakan ng binata ang kamay ni Blessa at pinisil iyon ng bahagya. Agad tumayo si Blessa at niyakap ng mahigpit ang kapatid na ngayon ay naiiyak na. "I'm so proud of you! Congratulations!" tuwang-tuwang sabi pa nito habang yakap yakap si Rommel. "Hindi ko magagawa lahat ng ito kung wala ang tulong mo, ate. Thank you ng marami," naiiyak pang sabi ni Rommel. "Basta pursegido ka sa mga gusto mong gawin susuportahan kita lagi. Sobrang proud ako sa 'yo kasi kahit mahirap kinaya mo pa rin. Nandito lang ang ate, ha," naiiyak ring ani Blessa na bahagya pang ginulo ang buhok ng bunsong kapatid. "Matutuwa panigurado si mama sa ibabalita natin kapag dumalaw tayo sa kanya." "At dahil masaya ang lahat! Mag ice cream muna tayo!" sabi ni 'Nay Lotty nang lumabas dala ang tub ng ice cream. Si Lucas ang nag asikaso sa pagbibigay ng ice cream sa dalawang bata. Inalalayan pa nito ang bulinggit na si Bella para makaupo ng maayos. "Tatay na tatay ang datingan, 'te! Kailan mo ba balak sagutin 'yan?" bulong ni Kira kay Blessa na kinikilig pa. "Papa material lang ang peg!" "Hindi ko alam," tugon ni Blessa. "Hindi pa ako handa, Kira," pag amin pa nito. "Gaga! Isang taon na mahigit nanliligaw 'yan sa 'yo 'no! Aba'y gumalaw-galaw ka naman, day! Bahala ka, ikaw rin," ani Kira na may pagbabanta sa tinig. "Saka, kailan ka magiging handa? Kapag naunahan ka na ng iba d'yan! Ganoon?" Sa mahigit isang taong panliligaw ni Lucas kay Blessa ay ni minsan hindi ito nagbanggit ng kahit ano tungkol sa estado ng panliligaw niya sa dalaga. Ayaw daw kasi nitong ma-pressure ang dalaga. Mas maganda nga raw na magkaibigan muna sila. Si Lucas rin ang nag-suggest na isantabi muna ang isiping nanliligaw siya sa dalaga para walang ilanggan sa pagitan nila. At inaamin ni Blessa na nag-work nga ang ganoong set up. Malaya siyang magpakatotoo sa harap ni Lucas. At masaya rin siya na inirerespeto at iniintindi ni Lucas ang kung ano man ang mararamdaman niya. Dahil nakita ni Blessa na iniwan ng dalawang bata si Lucas ay agad siyang nagpaalam kay Kira para lapitan ito. "Kumusta ang trabaho? Baka nakakaabala na ang mga bata sa 'yo, ha." Inilapag ni Lucas ang baso ng juice at ngumiti kay Blessa. "I loved kids. Siguro kung hindi lang namatay ang kapatid ko may mga pamangkin na rin ako ngayon tulad mo." "Hay naku! 'Yang dalawang 'yan, lagi kang ibinibida kay mama kapag dumadalaw kami. Tuwang-tuwa naman si mama kasi napaka bibo ng dalawa," kwento ni Blessa pa. "Mama! Papa!" sigaw ni Bella habang kumakaway pa sakay ng swing na itinutulak naman ni Ivan. Masarap sa pakiramdam ni Blessa na tawagin siyang mama ng kanyang mga pamangkin. Anak na ang turing niya sa dalawang bata at napamahal na ang mga ito ng husto sa kanya. At kung nasaan man si Abby ngayon, alam niyang masayang masaya rin ito dahil lumalaking mabubuting bata at responsable ang mga anak niya. Maya-maya pa ay may nag-door bell sa labas ng gate. Mabilis namang lumabas si Rommel ng bahay at tinungo ang gate para pagbuksan ang kung sino doon. Nagkatinginan pa sina Blessa at Lucas ng pumasok kasama ni Rommel ang isang magandang babae. "Good afternoon po," magalang na bati ng babae sa kanila. Maganda ang babae. Bagay ang bilugan nitong mata sa makapal nitong kilay. Matangos ang ilong at hugis puso ang labi na bahagyang mapula. Hindi alam ni Blessa kung liptint ba iyon o natural na. Kahit simpleng blouse at jeans lang ang suot nito ay maganda pa rin tingnan. "Ate, Kuya, si Sheena nga pala." Pakilala ni Rommel. "Heart, Ate Blessa ko nga pala. Saka si Kuya Lucas." "Heart? Akala ko ba Sheena pangalan n'ya?" naguluhang tanong ni Blessa sa kapatid. Napakamot sa ulo si Rommel at napatingin muna kay Sheena bago balingan ulit ang Ate Blessa niya. "Girlfriend ko." Napatangu-tango na lamang si Blessa sa isinagot ng kapatid. "Kumain ka na ba?" nakangiting tanong niya kay Sheena. "Ah... Opo," nahihiyang tugon nito na kumapit pa sa braso ni Rommel. "Dalhin mo na s'ya sa loob at pag meryendahin mo na," utos nito kay Rommel. Tanaw pa ni Blessa ang dalawa habang papasok at magkahawak kamay pa. Mamaya na lang niya kakausapin si Rommel tungkol dito. Ang akala talaga niya ay nagkabalikan na sila ni Jean. Ilang beses na rin kasing dumadalaw si Rommel sa bahay ni Jean para makita ang anak nila. Ipinakilala rin noon ng kapatid sa kanya ang babae. Pero bakit iba ang kasama nito ngayon? Ano ang nangyari? "Ano'ng iniisip mo?" maya maya ay tanong ni Lucas. "Sumakit bigla ang ulo ko sa kapatid ko." Natawa si Blessa, ngunit nababahala talaga siya. "Kausapin mo na lang mamaya," suhestyon pa nito. "Maiba nga pala ako. May lakad ba kayo ng mga bata ngayong weekend?" "Wala naman. Bakit?" "Gusto ko sana kayong dalhin sa resort ni Jaycee. Bagong bukas lang din kasi. Niyaya n'ya ako last week, isama ko raw kayo." Napangiti si Blessa at agad tinanaw ang dalawang bata. "Oo ba! Matutuwa ang dalawang 'yan! First time nilang pumunta sa resort, eh!" masayang sang-ayon ni Blessa dito. At gaya nga ng inaasahan ni Blessa ay nagtatalon sa tuwa ang dalawa ng sabihin niya sa mga ito na pupunta sila sa resort. "Mama, excited na po ako!" Tuwang-tuwang yumakap pa sa leeg ni Blessa si Bella. "Ako rin! At bukas, bibili tayo ng swim wear n'yo, ha. Kaya matulog na kayo ng kuya mo." "Opo, ma. Good night, Bella." Lumapit si Ivan sa kapatid at hinalikan ito sa noo. "Good night, ma." Humalik rin ito sa pisngi ni Blessa. "Nag-message ang papa mo kanina. Bukas ka na lang daw n'ya tatawagan kasi mag-o-over time daw s'ya ngayon." "Sige po," sagot nito kasabay ng pagtango. "Miss ko na nga po si papa, eh." "Konting tiis pa at makakasama mo na ulit ang papa mo," ani Blessa na ginulo pa ang buhok nito. "Hala na, para makapagpahinga ka na rin." Nang makalabas si Ivan ay inayos naman ni Blessa ang kama ni Bella at pinahiga na ang pamangkin. Kinuha niya ang fairytale book na paborito nito at binasa iyon ng marahan. "Mama, si Papa Lucas rin po ba ang prince charming mo gaya sa fairytale?" Hindi alam ni Blessa kung ano ang isasagot niya kay Bella. Hindi niya masabing oo, dahil hindi pa naman sila. Hindi rin niya masabing hindi, dahil tiyak ikukuwento ni Bella sa binata ang kanyang magiging sagot. "Gusto mo ba si Papa Lucas para maging prince charming ni mama?" tanong ni Blessa sa inosenteng si Bella. "Opo!" agad na sagot nito. "I want a baby brother and sister, mama. Pwede naman 'yon 'di ba po? Tulad ng classmate kong si Nina may kapatid na s'ya." Natawa na lang si Blessa sa kadaldalan ng pamangkin niya. Hindi pa nga niya sinasagot si Lucas kapatid na agad ang hinihingi nito. Ipinagpatuloy na lang ni Blessa ang pagbabasa at hinaplus-haplos ang buhok ni Bella hanggang makatulog. Habang tinititigan niya si Bella ay inalala niya ang sinabi nito kanina. Kung Prince charming lang, pasadung-pasado na si Lucas para roon. Siguro nga panahon na para sagutin na niya ito. Gusto niya si Lucas at mas lumalim pa iyon ngayon. At may nabuo na siyang plano kung kailan niya sasagutin ang binata. At siguradong hindi lang si Lucas ang matutuwa sa gagawin niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD