Waves of Distress
EPISODE 1
AMARA GEORGINA QUEZON
AMARA GEORGINA’S POINT OF VIEW.
“Maraming salamat sa pagbili, Manang Lagring! Balik kayo sa susunod,” masaya kong sabi at binigay kay Manang Lagring ang supot ng kanyang biniling tinapay sa amin.
“Maraming salamat, Amara! Babalik talaga ako rito dahil masarap ang mga tinapay niyo,” nakangiting sabi nito at nagpaalam na sa akin.
Nang makaalis na si Manang Lagring ay muli akong napaupo sa aking upuan at nagbasa sa aking paboritong libro. Kakauwi ko lang galing eskwelahan at dumiretso kaagad ako rito sa aming munting bakeshop malapit sa bahay dahil alam kong kanina pa napagod si Papa sa pagbantay at gusto rin siya makapagpahinga.
“Amara, kumain ka muna rito,” rinig kong sabi ni Papa.
Napatigil ako sa aking pagbabasa at napatingin sa aking likuran, agad akong napatayo nang makita ko si Papa.
“Pa! diba sabi ko naman sa iyo na magpahinga ka muna diyan sa loob ng bahay,” sabi ko sa kanya habang nakakunot ang aking noo.
Napakamot naman sa kanyang batok si Papa at mapaklang napatawa.
“Alam ko rin kasi na napagod ka sa paaralan, Anak. Gusto ko sana na kumain ka muna roon sa loob tapos bumalik ka nalang dito sa bakeshop pagkatapos mong kumain,” sabi ni Papa habang nakangiti.
Napabuntong hininga ako at lumapit kay Papa. Niyakap ko siya nang mahigpit ngayon at napatingala sa kanya at nginitian siya.
“Ang swerte ko talaga dahil ikaw ang papa ko, Papa!” sabi ko sa kanya at napahagikhik.
Napatawa na rin si Papa at bahagyang ginulo ang aking buhok.
“Swerte rin naman ako kasi may anak akong mabait, maganda, at malambing!” sabi ni Papa at niyakap ko na may panggigigil. Napatawa na lang ako sa kanyang ginawa.
Kami na lang dalawa ni Papa ang magkasama ngayon sa buhay. Matagal nang patay ang aking Mama at si Papa na lang ang nagtaguyod sa akin at ginampanan ang pagiging Ama at Ina.
Malayo kami ngayon sa aming mga kamag-anak dahil nasa probinsya silang lahat. Nandito kami ngayon nakatira sa Manila at dito na rin ako pinalaki ni Papa at pinaaral. Sabi ni Papa ay noong ikinasal silang dalawa ni Mama ay napagpasyahan nilang pumunta sa syudad at doon manirahan kaya dito na rin ako pinanganak.
Kahit kami nalang dalawa ni Papa ay masayang-masaya pa rin ako dahil sobra-sobra ang pag-aalaga sa akin ni Papa at binibigay niya lahat ng mga pangangailangan ko. May maliit kaming negosyo rito sa harapan ng aming bahay at isa itong bakeshop, isa kasing baker si Papa at ito rin ang tinayo niyang negosyo noong pumunta sila dito ni Mama sa Manila upang dito na tumira. Maraming bumibili sa aming mga tindang mga tinapay dahil magaling talaga si Papa at masarap ang mga bini-bake niyang mga tinapay at pati na rin mga cakes.
“Kumusta ang pag-aaral mo, Anak? wala bang umaaway sa iyo sa paaralan mo?” tanong sa akin ni Papa.
Nandito na kami ngayon sa hapag kainan at naghahapunan. Sirado na rin ang aming bakeshop sa harapan dahil ubos na ang aming mga paninda at gabi na rin.
Napatigil ako sa aking pag kain at napatingin kay Papa. Ngumiti ako sa kanya at sinagot ang kanyang katanungan.
“Pa, kada araw niyo nalang iyan tinatanong sa akin,” malambing kong sabi at hinawakan ang kanyang kamay. “Huwag kayong mag-alala sa akin, super okay po ako sa school ko,” aking sagot sa kanyang katanungan.
Ngumiti si Papa at napatango. Muli na naming pinagpatuloy ang aming pag kain.
Marami akong pangarap sa aking buhay. Ang unang pangarap ko ay mabigyan nang magandang bahay si Papa at mabilhan siya ng isang sariling motor. Wala kasi siyang sariling motor at nanghihiram lang siya sa aming kapitbahay na si Mang Nestor. Gusto ko rin palakihin ang bakery shop ni Papa at bumili ng mga bagong equipment at supplies. Gusto kong maging accountant pag nakapagtapos na ako ng aking pag-aaral. Iyon talaga ang dream job ko at gagawin ko ang lahat para matupad ang aking pangarap sa buhay.
“Wow! Congratulations sa ating first honor, Amara Georgina Quezon!” sabi ng aming classroom adviser na si Ma’am April.
Nagpalakpakan naman ang aking mga kaklase. Napatayo ako at pumunta sa harapan upang kunin ang aking certificate.
“Congratulations, Amara. Ipagpatuloy mo ang pagiging masipag at matalino mong estudyante,” sabi ng aming guro pagkatapos kong makuha ang aking certificate.
Wala akong close friend sa aming paaralan pero kakilala ko ang lahat at wala akong kalaban. Hindi lang talaga ako mahilig na makipaghalubilo sa ibang mga estudyante dahil alam kong kapag napasama ako sa isang barkadahan ay baka maimpluwensyahan nila ako ng mga masasamang gawain na sisira sa aking pangarap.
Grade 12 na ako ngayon at graduating na rin ako sa senior high school. Ang kinuha ko na strand ngayon ay related din sa aking kukunin sa kolehiyo, ang ABM or Accounting, Business and Management. Honor student din ako ngayon sa aming paaralan at alam kong with highest honor ang makukuha ko kasi masyado akong focus sa aking pag-aaral at grade conscious din akong estudyante.
Marami nang nagpaparamdam sa aking mga manliligaw galing sa iba’t ibang mga estudyante sa aming paaralan, pero ni isa sa kanila ay wala akong kinausap o tinignan man lang. Ang pagkakaroon ng isang relasyon ay wala pa sa aking isipan ngayon. Hindi ako naiingit sa mga kaklase ko na in love na in love sa kanilang mga ka relasyon. Ang nasa isipan ko lang ngayon ay makapagtapos, makanap ng mga scholarships at matulungan ang aking Papa.
“Papa! May awards po ako sa school!” masaya kong sabi nang makauwi ako sa aming bahay.
Agad na napalapit sa akin si Papa habang nakapameywang at nakangisi ngayon.
“Talaga? Patingin nga!”
Napangisi ako at kinuha ang aking mga certificates sa aking bag at binigay kay Papa. Kinuha niya ito sa aking kamay at binasa. Nakita ko ang tuwa ngayon sa mukha ni Papa habang binabasa ang nakalagay sa aking mga certificates.
“Amara Georgina…”
Lumapit ako kay Papa at niyakap siya nang mahigpit.
“Gagawin ko ang lahat para lang masuklian ang mga sakripisyong ginawa mo para maalagaan at mapaaral mo lang ako, Papa. Mahal na mahal po kita at hindi po kita iiwan,” malambing kong sabi kay Papa.
Naramdaman ko ang paghalik ni Papa sa aking buhok at paghaplos sa aking buhok.
“Mahal din kita, Anak. Gagawin ko rin ang lahat para matupad lang ang mga pangarap mo.”
Napatango ako sa kanyang sinabi at napangiti.
TO BE CONTINUED...