WAVES OF DISTRESS
SIMULA
“Amara, ano ba! Kanina ka pa tinatawag ni Mommy para hugasan ang mga pinggan sa kusina!’ sigaw ng aking pinsan na si Emily nang makapasok siya sa aking maliit na kwarto.
Napatigil ako sa aking ginagawa sa aking laptop ngayon. Gumagawa kasi ako ngayon ng aking resume dahil maghahanap ulit ako ng trabaho. Dito ako nakatira ngayon sa bahay ng kapatid ni Mama, si Auntie Eliza. Wala na akong mga magulang dahil matagal ng patay si Mama at… at nakakulong na si Papa sa kulungan at hindi na siya makakalaya pa.
Palagi nalang mainit ang ulo ng pamilya ni Auntie Eliza sa akin pati na rin siya sa akin. Simula noong dito ako tumira sa kanila ay kinawawa na nila ako at palagi nalang pinapagalitan at inuutusan. Walang magagawa si Auntie kundi kupkupin ako dahil malaki ang utang na loob niya sa mama ko noon. Kung hindi dahil kay Mama ay hindi siya makakapagtapos sa kanyang pag-aaral at makakamit ang lahat nang narating niya ngayon sa buhay. Nagsakripisyo noon si Mama para mapaganda lang ang buhay ng kanyang nag-iisang kapatid na si Auntie Eliza. Nangako rin si Auntie kay Mama noon na hindi niya papabayaan ang anak ni Mama kung may problema ito at ako iyon.
Galit sa akin si Tita dahil nalaman niyang nakulong si Papa at pumatay ng isang tao. Kinakahiya niya ako dahil anak ako ng isang mamamatay tao. Hindi ko rin naman ginusto na maging ganun si Papa at nasasaktan din ako dahil mahal na mahal ko ang ama ko. Pero wala na akong magagawa pa, nangyari na iyon at hindi na pwedeng balikan para ayusin ang nakaraan.
“Maghuhugas na,” sabi ko sa aking pinsan at lumabas na sa aking kwarto at pumunta sa may kusina.
Hindi ko mapigilang manghina nang makita ko ang maraming hugasin ngayon sa aking harapan. Alam kong sinadya nila ito kasi nagawa na nila ito sa akin noon. Bumuntong hininga nalang ako at naglakad papalapit sa mga hugasin at nagsimula na itong linisan. Inabot ako nang dalawang oras sa paghuhugas at nang matapos ako ay muli na naman akong tinawag ni Emily at binigay niya sa akin ang kanyang dalawang module at gusto niyang sagutan ko iyon lahat. Si Emily ang nag-iisang anak ni Auntie Eliza at sa kanyang asawa na si Uncle Bob. Apat na taon ang agwat naming dalawa ni Emily at mas bata siya sa akin. Spoiled brat si Emily kaya hindi siya natatakot na sigawan at utusan lang ako ngayon na parang hindi ako nakakatanda sa aming dalawa.
“Emily, gagawa pa ako ng resume ko dahil mag a-apply ako bukas,” mahinahon kong sabi.
Humalukipkip siya at tinaasan ako ng kanyang kilay.
“Then? Ano namang pakialam ko jan sa resume at pag a-apply mo?! Sagutan mo ang modules ko! Bukas na ang deadline niyan kaya dapat mo agad matapos ngayon!” sigaw niya at naglakad papunta sa kanyang kwarto at pumasok dito at hindi na ulit ako sinulyapan.
Napabuntong hininga naman ako at napatingin sa mga modules na binigay ni Emily sa akin. Hindi ko mapigilang mapahawak sa aking noo nang makita kong mga math subjects pala itong ibinigay niya at ang daming mga solving problems ngayon. Hindi ko mapigilang manghina dahil mahina ako sa math at hindi ko alam kung paano sagutan itong mga modules ni Emily. Kung hindi ko naman sinunod ang kanyang utos ay sigurado akong isusumbong niya ako kay Auntie Eliza at ayaw kong mangyari iyon.
Wala pa akong sariling pera. Bago palang ako rito sa Davao at wala pa akong alam kung paano mamuhay mag isa rito. Hangga’t wala akong trabaho na stable ay titiisin ko muna ang kamalditahan ni Emily at sa mga insultong binibigay sa akin ni Auntie Eliza araw-araw.
Napagpasyahan kong pumasok na ulit sa aking maliit na kwarto at sinubukan na sagutan ang mga modules ni Emily kahit hindi ako sigurado kung masasagot ko ba ang lahat ng ito. Naglagay muna ako ng isang papel at ballpen sa lamesa at pagkatapos nun ay binuksan ko na ang modules ni Emily. Napahilot ako sa aking noo habang binabasa ang mga tanong dito sa module at hindi ko talaga mapigilang maguluhan. Binuksan ko ang aking laptop at naghanap ng mga videos sa YouTube kung paano sagutan ang mga katanungan dito sa modules ngayon.
Makalipas ang isang oras ay nasagutan ko na ang kalahating parte ng module ni Emily at hindi ko mapigilang matuwa dahil hindi ko akalain na masasagutan ko ang mga katanungang iyon. Nang mapunta ako sa isa pang module ay hindi ko mapigilang matuwa nang makita kong napag-aralan ko na pala ito noong nasa kolehiyo pa ako. Agad akong napatayo ngayon at kinuha ang aking lumang bag kung nasaan nakatago ang mga notebooks ko noong nasa high school at college pa ako. Mahilig kasi ako na mag keep ng mga gamit dahil baka kakailangin ko ito in the future at nagamit na nga!
Habang nag bubuklat ako sa aking mga notebook ngayon ay may nakita kaagad akong nakaipit na isang papel sa notebook na hawak ko, binuksan ko ito at tinignan kung ano ang nasa loob. Nang mabuksan ko na ang sulat ay hindi ko mapigilang makaramdam ngayon ng lungkot at sakit nang makita ko ang sulat ni Tobias sa akin noon. Ang kaisa-isang love letter na binigay niya sa akin noong nasa kolehiyo kaming dalawa.
Mabilis kong pinunasan ang aking luha nang maramdaman ko ito sa aking pisngi. Napakagat ako sa aking labi at dali-daling tiniklop ang sulat at muling inipit sa aking notebook.
Hindi ko na siya dapat isipin dahil wala na kaming dalawa, matagal na kaming wala. Kung magkakabalikan man kaming dalawa ay magkakasakitan lang din kami kaya mas mabuti pang magpakalayo-layo nalang ako para na rin sa kapakanan niya at sa pamilya niya.
Hindi kami pwede sa isa’t isa ni Tobias. Mahal ko siya, pero hindi kami pwede sa isa’t isa. Galit sa akin si Sabrina, ang kapatid ni Tobias at ang kaibigan ko. Nasaktan ko siya. Nasaktan ko ang buong pamilya nila dahil anak ako ng tatay ko. Hindi ko rin mapapatawad ang sarili ko dahil wala akong nagawa sa nangyari sa nakaraan para mapigilan ito.
Ang tatay ko ang pumatay sa mga magulang ng lalaking pinakamamahal ko at sa nag-iisa kong kaibigan… kaya hindi na ako aasa na tatanggapin ulit nila ako.