Primrose Pov
NANDITO lang ako sa kwarto ko at hindi ako lumalabas. Kanina pa din panay ang katok ni uncle Death sa pinto ng kwarto ko ngunit hindi ko siya pinagbubuksan. Bahala siya sa buhay niya.
Nakakainis kasi siya. Ang higpit-higpit. Ayaw pa pumayag sa field trip eh dito lang naman sana yun sa parte ng Manila. Hindi naman sana lalagpas sa Philippine area of responsibility.
Kaya heto ako ngayon.. hindi lumalabas ng kwarto. Makikipag matigasan ako sakanya para pumayag siya sa gusto ko.
“Primrose, open this damn door or else wawasakin ko ‘to.” Galit niyang sigaw niya sa labas.
Napabuga ako ng hangin at dali-dali akong bumangon sa kama. Pagbubuksan ko nalang siya kaysa naman lumipad ang pinto ng kwarto ko.
Pinagbuksan ko ng pintuan ang uncle kong timang na natigil pa sa pagkatok at naiwan ang naka kuyom niyang palad sa ere. “Bakit ayaw mong kumain? Kanina pa kita tinatawag.” Galit niyang sabi.
“Bakit? Sinabi ko po ba na tawagin mo po ako? Hindi naman ahh..” depensa ko din kaya pinukol niya ako ng masamang tingin.
“Kakain tayo ng sabay sa ayaw at sa gusto mo, Primrose. Wag mong hintayin buhatin kita.” Banta niya sa ‘kin. Hindi na ako nagmatigas pa at nauna akong maglakad sakanya papuntang hagdan. Baka buhatin niya ako at ibalibag.
Nakakainis talaga siya! Lahat ng gusto niya nasusunod. Ako naman ay hindi makapalag lalo na’t nakikitira lang naman ako sa bahay niya. Kung pwede lang palayasin si uncle.. este ako pala dapat ang lumayas dahil bahay niya ‘to.
Nang makababa na ako sa hagdan ay agad kong tinungo ang kusina. Nakita ko agad ang mga niluto ni uncle Death na halatang masasarap. Kumulo tuloy ang tiyan ko ng makita ko yun.
Agad kong hinila ang upuan at hindi pinansin ang matalim na tingin ni uncle Death. Yung mata niya parang matanglawin.
Umupo na din siya sa katapat kong upuan saka niya nilagyan ng pagkain ang plato ko. Nakasunod lang ang tingin ko hanggang sa matapos niyang lagyan yun.
“Eat,” sabi niya kaya tumango ako at nagsimulang kumain. Ang sarap ng ulam dahil beefsteak. Masarap din naman kasi magluto si uncle Death. Hindi ko nga akalain na marunong siya. Wala kasi sa itsura niya. Akala ko joke-joke lang ang luto-luto niya n’ong una pero nang matikman ko ay talagang masasabi ko na masarap.
Tahimik kaming kumakain ni uncle Death hanggang sa naisipan ko ulit ang field trip. Hindi talaga ako maka move on dahil hindi niya ako pinayagan.
“Uncle.. payagan mo na ako, please.. promise, uuwi po ako agad pagkatapos ng field trip. Kung gusto mo po ivideo call po kita para makita mo ko.” Sabi ko pa habang sinusubukan mag puppy eyes at baka umepek.
Napabuga naman siya ng hangin habang nakatitig sa ‘kin. “Fine,” tipid niyang sagot kaya nanlaki ang mata ko.
“For real? Papayagan mo po talaga ako, uncle?” Gulat na gulat kong tanong kaya tumango siya.
“Kumain ka ng mabuti.” Sagot niya kaya napatayo ako sa sobrang tuwa ko at lumapit ako kay uncle at niyakap siya. Naramdaman ko naman na natulos siya
sa ginawa ko. Agad naman akong humiwalay sakanya at bumalik sa upuan.
Umupo ako habang nakangiti parin dahil sa wakas pinayagan niya ako. Excited na tuloy akong pumunta sa field trip namin. Inisiip ko na tuloy kung anong dadalhin kong merienda.
Sa sobrang excited ko ay hindi ko na magawang sumubo ng pagkain. Pero pinilit ako ni uncle Death na kumain kaya kumain nalang ako.
“Uncle Death.. permahan mo po yung parents permit ko po ha!” Sabi ko pa. Hindi naman siya sumagot at tahimik na kumakain.
Nang matapos kaming kumain ay presenta ako na maghugas ng pinggan. Ngunit ayaw naman pumayag ni uncle Death dahil siya na daw ang bahala.
Pinaakyat niya ako sa kwarto para magpahinga nalang daw ako kaysa sa maghugas. Sinunod ko naman yun at baka magbago pa ang isip niya kapag nagpumilit ako na maghugas ng pinggan.
Hindi ko alam kung bakit nag bago ang isip niya at pinayagan niya ako. Pero mabuti na din yun dahil muntikan na akong umiyak kanina. Akala ko kasi talaga hindi na magbabago ang isip niya. May nalalaman pa kasi siya na pag-usapan daw namin ang field trip namin dalawa.
Dumating ang araw mg field trip namin kaya maaga akong nagising para maligo. Excited talaga ako kaya 5AM palang gising na ako. Kailangan 6:30AM na nando’n na kami sa school.
Nang matapos akong maligo ay agad akong lumabas ng banyo na nakatapis ng t’walya. Isinara ko naman ang pinto ng kwarto. Bubuksan ko lang naman kapag wala akong ginagawa sa kwarto. Utos talaga yun ni uncle, pero kapag nagbibihis ako ay sinasara ko.
Mabilis ang kilos ko at agad naman akong natapos. Nang makontento na ako sa ayos ko ay dali-dali akong lumabas ng kwarto. Ihahatid naman ako ni uncle Death kaya hindi ako natatakot na malate.
Pagkababa ko sa hagdan ay nakita ko si uncle na nasa sala at parang hinihintay ako. Naka suot siya ng itim na hoodie jacket.
“Kumain ka muna bago ka umalis.” Sabi niya sa ‘kin.
“Wag na po, uncle. Nag kape naman na ako kanina. At isa pa po may baon naman po akong dala.” Saad ko saka ngumiti sakanya.
Tumayo naman siya sa kinauupuan niya kaya sumunod ako kay uncle ng makita ko siyang lumabas na ng bahay.
Nang makalabas kami ay lumapit kami sa isa niyang kotse. Pinagbuksan pa niya ako ng pintuan ng passenger seat kaya dali-dali akong pumasok. Isinara naman ni yun ni uncle saka siya umikot papunta sa driver seat.
Pumasok siya sa loob ng kotse at agad na binuhay ang makina at pinausad.
Tahimik lang ako habang nakatingin sa labas ng bintana. Tahimik din naman si uncle kaya hindi na ako nagsalita pa at baka mabadtrip sa ‘kin.
Lumipas ang 30 minutes ay nakarating kami sa harap ng school. Inihinto ni uncle ang sasakyan kaya tinanggal ko na din ang nakakabit na seatbelt sa katawan ko. “Lalabas na po ako, uncle. Tatawag po ako sa’yo kapag nando’n na pi kami sa pupuntahan namin.” Sabi ko pa kaya tumango siya at wala man lang sinabi na mag-ingat. Ano pa nga pa aasahan ko sa uncle ko.
Hindi naman na siya nagsalita kaya binuksan ko na ang pintuan ng passenger seat at agad akong lumabas. Isinara ko lang ang pinto saka ako nag ba-bye kay uncle at tuluyan akong naglakad papasok ng gate.
Pagkapasok ko pa lang ay nakita ko na agad ang mga classmate ko. Limang section kasi ang kasama sa field trip kaya marami talaga kami. Nakahandan na din ang tatlong bus na sasakyan naming mga estudyante.
“Erika..” tawag ko sa classmate ko. Lumingon naman siya at agad na kumaway sa ‘kin. Lumapit ako sa classmate ko at agad kaming nag beso-beso.
“Mabuti nalang at pinayagan ka ng uncle mo, Prim. Tabi tayo ng upuan ha!” Sabi pa ng classmate ko.
“Oo nga eh. Muntik na akong hindi payagan. Pero sinapian yata ng angel ang uncle ko kaya pinayagan niya ako.” Sagot ko kaya ngumiti sa ‘kin si Erika.
Nagpasama na muna ako sakanya na mag banyo dahil pinaghahanda na kami. Mabilis ang ginawa ko at baka maiwanan kami ng bus.
Nang matapos kami ni Erika ay nakita namin na nakalinya na ang mga estudyante at yung iba ay nasa loob na ng bus. Pumila na din kami ni Erika para makapasok na kami sa loob.
Ngunit biglang lumapit ang isa sa mga teacher na kasama namin sa field trip.
Tumingin siya sa ‘kin kaya nagtaka ako at baka may kasalanan na pala ako.
“Ms. Velasco, sa bus 3 ka sumakay. Sa likod ka ng driver umupo.” Sabi ni ma’am kaya nagulat naman ako. Maging ang mga nakapilang estudyante ay napalingon samin. Syempre, pumila sila ng maayos tapos ako papasok na agad at sa likod pa ng driver ang pwesto ko.
“Ahm.. sure po ba, ma’am?” Tanong ko pa dahil naguguluhan ako.
“Yes. Pwede mo isama ang classmate mo para tabi nalang kayo.” Sabi ni teacher saka tumalikod samin ni Erika.
Kahit naguguluhan ay sumunod ako sa utos ni teacher. Kasama ko si Erika at agad na pumunta sa bus 3.
Ako ang unang umakyat at halos nagulat ako ng makita ko kung sino ang driver ng bus. “U-Uncle Death..” nauutal ko pang tawag sakanya habang nanlaki ang mata ko. “A-Anong ginagawa mo po dito?” Naguguluhan kong tanong. Pati si Erika ay nagulat din na si uncle yung driver.
“Umupo ka na, Primrose.” Sabi ni uncle kaya napanguso ako.
Ano na naman kaya ang trip niya sa buhay. Kaya ba siya pumayag na sumama ako sa field trip dahil siya pala ang driver ng bus. Pero sa pagkakaalam ko hindi naman bus driver si uncle eh. Naguguluhan na talaga ako sa trip niya sa buhay.