Hindi ako makapaniwala.
Inutusan ko lang naman magbuhat ang leading man ng aking amo at ang katulad ng sinabi ni Sir Janus, inutusan ko ang isa sa mga pogi at sikat na aktor ng showbiz Industry.
Hiling ko na sana ako'y lamunin ng lupa.
Wala akong kahihiyan.
Napagkamalan ko siyang isang staff kahit sa taglay nitong kagwapuhan at kakisigan.
Napakakapal ng pagmumukha ko.
May pakiramdam na ako pero pinairal ko pa rin ang katangahan ko.
"Huwag mo masiyado tinatakpan ang mukha mo Gigi. You're beautiful" sambit sa akin ni Ma'am Cheena nang mapansin na lagi kong tinatakpan ng makapal at kulot kong buhok ang aking mukha.
Mukhang napapansin niya na ang pagiging weird ko noong mga nakaraang araw.
Dalawang linggo ko na kasi iniiwasan si Sir Sam.
Sana naman hindi niya isipin na baliw na ako. Sadyang wala lang akong mukhang maiharap.
"Shy type kasi ako Ma'am Cheena hehe"
"Oh? Don't be. Isa pa, ang ganda ng hair mo. Curly siya. Siguro kailangan lang alagaan kasi ang dry. Sometimes we'll go to salon. Ililibre kita ng pampa-treatment"
Natural ngang kulot ang aking buhok. 'Yong kulot na mala-noodles. Ganoon. Buhaghag nga ito at tulad ng sabi niya ay parang tuyong tuyo.
"Kayo po bahala" ngumiwi ako.
Masiyadong kikay ang aking amo. Ang dami kong nakukuhang tips sa kaniya tungkol sa pag-aayos. Lagi niya akong inaadvice na mag-ayos pero tinatamad ako at hindi sanay.
"Okay. Sabi mo 'yan ah?" Ngumiti siya. Tumango na lang ako.
Hindi ko naman siya matatanggihan. Dagdag din naman sa kaalaman at para hindi naman ako magmukhang dumi sa tabi niya.
Kararating lang namin sa bagong location ng taping. Outdoor siya kaya naman may makikita kang kumpol ng mga tao na nanonood.
"Practice ng lines. Sam eto ang markings mo. Cheena, dito ka naman pwe-pwesto..." ani ng direktor na sadyang napakaistrikto pero nakakatulong naman sapagkat nagiging maganda ang kinakalabasan.
Minsan pa nga ay nakatutok ako sa mga camera para tingnan ang itsura sa tv.
"Ang gwapo..." mahina kong sambit nang tumapat kay Sir Sam ang camera dito sa pinapanood ko na screen.
"Ang gwapo ng amo ko noh?" Sambit ni Jona, ang PA ni Sam.
Napatigad ako sa gulat sa biglang pagsulpot ni Jona.
Siya ang pinaka-close ko ngayon sa set.
"Bakit mo ako ginugulat?" Parang lumabas ang kaluluwa ko sa katawan ng ilang segundo sa gulat.
Lumayo kami ng kaunti sa screen dahil medyo nakakagulo ata kame.
"Tutulo na kasi 'yong laway mo sa amo ko" maharot siyang tumawa.
Napapunas ako sa gilid ng aking labi. In-assume ko na meron ngang tulo doon. Nang makitang wala ay uminit ang aking pisngi.
"Hindi naman eh"
"Sus. Crush mo ba?"
Humanap kami ng pwesto kung saan makikita naming umaarte ang dalawa naming amo.
Napatingin ako sa kaniyang amo. Sa simpleng pagtayo at paghawak sa bewang ay maaari mo ng kuhanan ng litrato. Napalunok ako. Ilang beses na ba akong lumulunok? Hindi ko alam. Basta kapag tumatama ang tingin ko sa kaniya ay nanunuyo't ang lalamunan ko.
Hindi na ako magtataka kung bakit sikat siya. Kumbaga bonus na lang ang kagwapuhan niya. Talagang magaling din siya umarte. Nadadala niya ang amo ko. Kahit si Ma'am Cheena ay nas-star struck din sa talento nito. Ang dami nga niyang natutunan ih.
"Sinong hindi?" Sagot ko kay Jona. Maaaring may naging kasalanan at katangahan akong nagawa sa amo niya pero...aminado ako na crush ko siya. Hindi naman ako manhid para hindi magka-crush noh. Uso sa amin 'yan sa probinsya. Dami ko kaya crush doon pero lihim lang. "Gwapo siya at napakalinis. Hindi ba't 'yon naman ang gusto ng mga babae? Kaso 'yong tulad niya hindi natin pwedeng pangarapin. Hanggang paghanga lang"
Minsan nga ay napapatulala ako sa kagwapuhan ni Sir Sam. Siguro dahil nakakaignorante ang kaniyang itsura. Minsan ka lang makakakita ng ganiyan samen.
Paano nakakaya ni Jona na makasama at makatabi ang isang tulad ni Sam Cuevas?
"Siyempre. Ang layo natin diyan noh! Huwag na nating pangarapin pero pwede naman natin r**e-in sa isip"
"r**e?" Uminit ang pisngi ko.
"Oo naman. Pinagpapantasiyahan!" Maharot siyang tumawa.
"Ang harot mo naman" ngumuso ako. Wala pa naman ako sa ganoong level.
"Siyempre! Parang ikaw hindi ah"
"Slight" ngumisi ako.
______
"Cut! Very nice work!!"
Pumalakpak ako ng mahina sa magandang feedback ng direktor. Lalo na kay Cheena.
Marami sa amin sa set ang namamangha sa kaniya. Mukhang nagugustuhan ng lahat ang aking amo. Hindi ko maiwasang maipagmalaki siya.
Kumuha ako ng isang malamig na tubig mula sa cooler. Inabot ko iyon kay Ma'am Cheena.
"Thank you" mabait niyang sambit.
"Ang galing niyo po" papuri ko pa.
"It's because of Sam" tinuro niya ang binata na papunta sa kinaroroonan namin.
Para siyang rumarampa sa runway sa paraan niya ng paglalakad.
Tumama ang mata niya sa akin. Sumikdo ng mabilis ang aking puso. Mabilis kong tinakpan ang aking mukha ng aking buhok.
"Magbabanyo lang po ako Ma'am!" Paalam ko bago ako dali-daling nilampasan siya.
Naramdaman ko pa ang habol nitong tingin dahilan para magpanic ako.
Hindi na ako no'n makakalimutan.
Patay na talaga!!
Pumasok ako sa banyo at naghilamos. Tumingin ako sa salamin bago ko sinapo ang aking noo.
Anong katangahan kasi 'yon Gigi?
Ang masaklap pa, sinabihan ko siyang unprofessional at late!
Araw-araw na lang akong humihiling na lamunin ako ng lupa. Kung hindi lang ako PA ni Ma'am Cheena, lilisanin ko talaga ang lugar na ito.
"Paano kasi bumira ng sorry? Lalapit pa lang ako mahihimatay na ako eh..." monologue ko pa.
Pagkatapos kong ayusin ang sarili at umihi na din ay lumabas na ako ng CR—
"Hi Gigi?"
"Ay poging palaka!"
Mahina siyang humalakhak. Magiliw akong tiningnan ng isang poging artista sa kaliwang bahagi. "So I'm a frog now huh?"
Nilapat ko ang palad sa aking dibdib at gulat.
Pagkabukas ko ng pinto ay sumalubong sa harapan ko ang isang lalaking napagwapo at napakalinis na lalaking kilala ko.
Nasa harapan ko si Sam Cuevas. Nakapamulsa ito habang magiliw ang paraan ng pagtingin sa akin. Nakangisi siya kaya litaw ang dimples niya sa pisngi na nagpatingkad ng kaniyang itsura.
"Sir Sam!"
Para akong natauhan mula sa pagkakagulat.
"Ah yes. It's me. Kilala mo na pala ako. Remember me?" itinaas niya ang kamay at kumaway sa akin.
Ay...sadyang lamunin mo na ako semento.
Paano na 'to?
Kumurap ako ng ilang beses bago ko naisipang lumuhod. Ito na ang katapusan ng pag-iwas ko.
Nanlaki ang mata niya "Hey—"
"I'm sorry. Hindi ko po alam! Promise mamamatay man ako!"
"You don't have to—"
"Hindi ko sinasadyang utusan ka sir. Hindi ko po talaga alam. Opo, noong nakita, nagwapuhan kaagad ako"
"Gwapo?" May halong pagtawa ang kaniyang pagkasambit.
Tumingala ako. Pinagdaop ko ang mga palad. "Opo. Ang gwapo niyo tapos ang linis. Ang....bango pa" pakiramdam ko ay uminit ang aking pisngi lalo na sa paraan ng pagtingin niya sa akin. Parang may nakakatawa sa sinasabi ko.
Nagsasabi lang ako ng totoo.
"Sabi ko na nga ba! hindi ka ano...doon pero kasi sabi ni Ate Rowena ay may lalaki daw na tutulong sa akin kaya kahit may doubt sa puso ko, ni-go ko pa din. Kasi ano.....basta! Sorry po talaga. Hindi ko alam na isa pala kayong artista. Tsaka 'yong sabi kong unprofessional kayo..."
Nagtagal ang titig niya sa akin.
"Hindi ikaw 'yong tinutukoy ko! Ahmm ano 'yon....sa ano..."
Nagkandabuhol-buhol na sa utak ko 'yong gusto ko sabihin.
"Ano kasi alam niyo naman.." tumawa ako ng kabado. "Okay lang naman ma-late basta may dahilan noh? Hehe..."
Tumahimik ang paligid. Tinaas niya ang isang kilay niya. Nag-init ang sulok ng aking mata. Patay. Huli na ako. Ano pa bang ginagawa ko?
"Basta sorry sir! Huwag niyo isipin na masama, palautos at makapal ang mukha ko"
"Sorry po! Sorry!"
Yumuko ako at tinutok ang mata sa sahig. Pinagninilayan ko ang mga pinaggagawa ko.
Anong gusto kong palabasin pa? Huling huli na ako sa akto.
"Tumayo ka"
Umiling ako. "Sorry po talaga"
"Kung gusto mo talaga patawarin kita, tumayo ka"
Mabilis ako kausap. Mabilis akong tumayo kaharap siya. Mga dalawang hakbang ang layo namin sa isa't isa ngunit ang panlalaking amoy niya ay nanuot sa aking ilong.
Nang tumayo ako sa malapit sa kaniya, doon ko lang napagtanto kung gaano ako kaliit. Sa 4'11 ko ba namang height? Dibdib niya lang ang kaharap ko.
"Nakatayo na ako s-sir..." sambit ko habang pinapakalma ang sarili.
Nanatili ang mga mata ko sa kaniyang mga paa, nahihiya sa ginawa ko.
"Nakatayo na ba? Akala ko nakaupo pa"
Napaangat ako ng tingin at umawang ang bibig ko.
Anong sinabi niya?
Tumawa siya. "Cute" bulong niya.
"Po?"
"Wala. Sabi ko..." bahagyang umusli ang ngiti sa labi niya. "...pinapatawad na kita"
"T-talaga po? Pinapatawad niyo na ako?"
Ngumiti siya at tumango.
Ayan na naman ang dimple niya.
"It's really fine."
Halos manlambot ako at nakahinga ng maluwag. Ayaw ko lang bumuga ng hangin sa harap niya kasi baka mabahuan siya sa hininga ko.
Napapalakpak ako sa tuwa. "Salamat ng marami sir! Para akong nabunutan ng tinik"
"Is that why you're avoiding me?"
Tumango ako at nahihiyang napakamot ng aking sentido. "Napapansin niyo pala"
"Ofcourse. I'm watching you"
Para akong nabingi sa sinabi niya. Pinapanood niya ako? Bakit? Hala! Mukha pa naman akong timang.
"Hindi ko kasi alam kung paano hihingi ng tawad. Sobrang hiyang-hiya ako eh pero buti na lang!"
"No worries. Ako ang dapat magpasalamat..."
"Bakit naman?" Kumunot ang noo ko. Isang Sam? Nagpapasalamat sa akin? Ano bang ginawa ko?
Ang kaniyang may pagkachinitong mata ay ngumiti. "Wala kasi ako sa mood noong araw na iyon. You just....made my day lighter. Thank you Gigi..."
"Ah...." unti-unting humaba ang aking nguso. For some reason....hindi ako natuwa sa sinabi niya. "Ginawa niyo pala akong katatawanan..."
"W-what?" Umawang ang bibig niya.
"Gets ko na po Sir Sam. Ginawa niyo akong katatawanan para ma-lighten up 'yong mood niyo"
Tama. Pwede naman niyang sabihin sa akin na isa siyang artista, bakit siya nag go with the flow?
Tama. Natuwa siya sa katangahan ko.
"I didn't mean that way—"
"Okay na po Sir Sam." Pagputol ko uli sa kaniya.
Tumikom at umawang ang bibig niya. Parang gusto niya magpaliwanag pero hindi ko na siya binigyan pa ng pagkakataon. Hindi ko na rin naman kailangan ng paliwanag.
"Maraming salamat at nalaman ko na wala naman pala sa'yo 'yon tsaka maginhawa ang pakiramdam ko kasi atleast napagaan ko ang masama niyong mood. Maraming salamat ulit Sir Sam."
Tumalikod na ako at nanatili pa ring mahaba ang pagkakanguso ko.
Oo nga. Gwapo siya ngunit....mapang-trip pala na tao.